Kapakumbabaan—Isang Hamon
Kapakumbabaan—Isang Hamon
PARA sa marami, waring hindi na uso ang maging mapagpakumbaba. Ang mga taong maimpluwensiya at waring ganap na matagumpay ay yaong mga taong nagpipilit na makahigit sa lahat ng bagay kahit makatapak ng iba, mga hambog, mga taong gusto’y palaging sila ang nasusunod. Karaniwan nang kinaiinggitan sa lipunan ang mayayaman at tanyag, hindi ang mga mapagpakumbaba at maaamo. Karaniwan nang ipinagmamalaki ng mga taong matagumpay na sila’y nagtagumpay sa sarili nilang pagsisikap. Sa halip na magpakumbaba, ipinagmamalaki nilang wala silang pinagkakautangan ng loob.
Binanggit ng isang mananaliksik na taga-Canada ang tungkol sa “paglitaw ng saloobing ‘kung hindi dahil sa akin’” sa kanilang bansa. Ipinalalagay naman ng iba na tayo ay nabubuhay sa isang lipunang mas inuuna ang pagpapalugod sa sarili kaysa sa pananagutan at napapansin nila na nagiging masyado nang makasarili ang mga tao sa ngayon. Sa ganitong uri ng daigdig, hindi na itinuturing na isang magandang katangian ang pagiging mapagpakumbaba.
Mangyari pa, marami ang sasang-ayon na mabuti ring makita sa ibang tao ang kapakumbabaan dahil madaling pakisamahan ang mga mapagpakumbaba. Pero sa daigdig na ito na punung-puno ng kompetisyon, ang ilan ay nag-aalala na baka isipin ng iba na mahina sila kung sila mismo’y magpapakumbaba.
Inihula ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, na sa ating panahon, ang mga tao ay magiging “mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo.” (2 Timoteo 3:1, 2) Tiyak na sasang-ayon kang natutupad na ang hulang ito. May nakikita ka bang kabutihan sa pagiging mapagpakumbaba? O iniisip mo ba na ang mapagpakumbabang tao ay itinuturing na mahina at sunud-sunuran?
Ang totoo, nagbibigay ang Bibliya ng magagandang dahilan kung bakit dapat pahalagahan at linangin ang kapakumbabaan. Naglalaan din ang Bibliya ng timbang at positibong pangmalas sa katangiang ito at nagpapakita na ang tunay na kapakumbabaan ay tanda ng kalakasan, at hindi ng kahinaan. Ipaliliwanag ng susunod na artikulo kung bakit.
[Larawan sa pahina 3]
Ano ang dapat nating madama tungkol sa ating mga nagawa?