Miserableng Magkapatid na “Nagtayo ng Sambahayan ni Israel”
Miserableng Magkapatid na “Nagtayo ng Sambahayan ni Israel”
MAGBUBUKANG-LIWAYWAY na, at alam ni Lea na malapit nang matuklasan ang katotohanan. Malalaman na ni Jacob na ang babaing katabi niya sa higaan ay hindi pala si Raquel kundi si Lea na ate nito. Si Lea ay inutusan ng kaniyang tatay na tabihan si Jacob sa higaang inihanda para sana kina Jacob at Raquel. Malamang na ginawa ito ni Lea na natatalukbungan ang mukha upang hindi siya makilala.
Isip-isipin na lamang ang nadama ni Jacob nang mag-umaga na at nalaman niyang siya ay dinaya! Palibhasa’y galít na galít, kinompronta niya ang tatay ni Lea, si Laban. Samantala, maaaring napag-isip-isip ni Lea ang kaniyang papel sa pagpapanggap na ito at kung ano ang magiging epekto nito sa hinaharap. Ang buhay nina Lea at Raquel ay isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Bibliya. Ipinakikita rin nito ang karunungan sa pagkakaroon ng isa lamang asawa at pananatiling tapat dito.
Estranghero sa May Balon
Pitong taon bago nito, tumakbo si Raquel sa tatay niya para sabihin na nakausap niya ang isang estranghero sa may balon na nagpakilalang kamag-anak daw nila. Siya pala ang pinsan niyang si Jacob, ang anak ng kapatid na babae ng tatay niya at isang mananamba ni Jehova. Makaraan ang isang buwan, inalok ni Jacob si Laban na paglilingkuran niya siya sa loob ng pitong taon kapalit ng pagpapakasal kay Raquel. Dahil nakita niya kung gaano kasipag ang kaniyang pamangkin at palibhasa’y kaugalian sa kanilang lugar na puwedeng ikasal ang magkamag-anak, pumayag si Laban.—Genesis 29:1-19.
Ang pag-ibig ni Jacob kay Raquel ay hindi pagkahumaling lamang. Ang kanilang pitong taóng tipanan ay “naging tulad . . . ng ilang araw lamang dahil sa pag-ibig niya rito.” (Genesis 29:20) Minahal ni Jacob si Raquel hanggang sa mamatay ito. Ipinahihiwatig nito na maraming kaibig-ibig na katangian si Raquel.
Pinangarap din kaya ni Lea na makapag-asawa ng isang tapat na mananamba ni Jehova? Walang sinasabi ang Bibliya. Mas maraming mababasang detalye tungkol sa mga gusto ni Laban may kinalaman sa pag-aasawa ni Lea. Sa araw na ibibigay na si Raquel kay Jacob, nagdaos si Laban ng isang piging ng kasalan. Pero nang gumabi na, ayon sa ulat ng Bibliya, dinala niya si Lea kay Jacob “upang masipingan niya ito.”—Genesis 29:23.
Nakipagsabuwatan ba si Lea sa panlilinlang kay Jacob? O naobliga lamang siya na sundin ang tatay niya? At nasaan si Raquel? Alam ba niya ang nangyayari? Kung oo, ano kaya ang nadama niya? Sobrang higpit ba ng tatay niya anupat hindi niya ito masuway? Hindi sinasagot ng Bibliya ang mga tanong na ito. Anuman ang nadama nina Raquel at Lea tungkol sa pakanang ito, labis na nakapagpagalit ito kay Jacob. Nagreklamo si Jacob kay Laban, hindi sa dalawang anak nito, at sinabi niya: “Hindi ba pinaglingkuran kita para kay Raquel? Kaya bakit mo ako dinaya?” Ano ang isinagot ni Laban? “Hindi kaugaliang . . . ibigay ang nakababatang babae bago Genesis 29:25-27) Kaya nalinlang si Jacob para magkaroon ng higit sa isang asawa na naging sanhi ng matinding inggitan ng magkapatid.
ang panganay. Ipagdiwang mo nang lubos ang sanlinggo ng babaing ito. Pagkatapos ay ibibigay rin sa iyo ang isa pang babaing ito para sa paglilingkod na maipaglilingkod mo sa akin nang pitong taon pa.” (Hindi Masayang Pamilya
Minahal ni Jacob si Raquel. Nang makita ng Diyos na si Lea ay “kinapopootan,” binuksan niya ang bahay-bata nito, samantalang nanatiling baog si Raquel. Pero higit pa sa anak ang gusto ni Lea; gusto niyang mahalin siya ni Jacob. Dahil nakikita niyang si Raquel ang minamahal nito, naging miserable siya. Gayunman, umasa pa rin si Lea na iibigin siya ni Jacob lalo na nang ipinanganak niya ang panganay nito, si Ruben, na nangangahulugang “Narito, Isang Anak na Lalaki!” Sinabi ni Lea kung bakit iyon ang ipinangalan niya sa kaniyang anak: “Ito ay sa dahilang tiningnan ni Jehova ang aking kaabahan, anupat ngayon ay iibigin na ako ng aking asawa.” Pero hindi siya minahal ni Jacob; kahit nagkaanak pa siya ng isa pang lalaki. Tinawag ito ni Lea na Simeon, na nangangahulugang “Nakikinig.” Sinabi niya: “Ito ay sa dahilang nakinig si Jehova, sapagkat ako ay kinapopootan kaya ibinigay rin niya sa akin ang isang ito.”—Genesis 29:30-33.
Lumilitaw na idinalangin ni Lea ang kaniyang kalagayan yamang sinabi niya na pinakinggan siya ng Diyos. Malamang na nananampalataya siya sa Diyos. Pero patuloy pa ring naghihirap ang damdamin ni Lea kahit na naipanganak na niya ang kaniyang ikatlong anak na lalaki, si Levi. Ganito ang sinabi ni Lea tungkol sa pangalan nito, na nangangahulugang “Pagkapit,” o “Lumakip”: “Sa pagkakataong ito ay lalakip na ngayon sa akin ang aking asawa, sapagkat nagkaanak ako sa kaniya ng tatlong lalaki.” Gayunman, maliwanag na hindi pa rin siya napamahal kay Jacob. Marahil, natanggap din ito ni Lea dahil ang kahulugan ng pangalan ng kaniyang ikaapat na anak ay walang kinalaman sa kaniyang pag-asam na mamahalin pa siya ni Jacob. Sa halip, nagpahayag siya ng pasasalamat sa Diyos nang pangalanan niya ito ng Juda na nangangahulugang “Pinuri,” o “Pinatungkulan ng Papuri.” Sinabi na lamang ni Lea: “Sa pagkakataong ito ay pupurihin ko si Jehova.”—Genesis 29:34, 35.
Kung miserable si Lea, gayundin naman si Raquel. Nagsumamo si Raquel kay Jacob: “Bigyan mo ako ng mga anak o kung hindi ay magiging patay na babae ako.” (Genesis 30:1) Mahal siya ni Jacob, pero gusto niyang magkaanak. May mga anak naman si Lea, pero gusto niyang mahalin siya ni Jacob. Palibhasa’y nagkakainggitan, pareho silang hindi masaya. Kapuwa nila mahal si Jacob at gusto nilang magkaanak sa kaniya. Napakalungkot ng kalagayan ng pamilyang ito!
Magkakaanak Pa Kaya si Raquel?
Noon, ang pagkabaog ay itinuturing na isang sumpa. Ipinangako ng Diyos kay Abraham, Isaac, at Jacob na sa kanilang pamilya magmumula ang “binhi” at sa pamamagitan nito ay pagpapalain ng lahat ng pamilya ang kanilang sarili. (Genesis 26:4; 28:14) Ngunit wala pa ring anak si Raquel. Ikinatuwiran ni Jacob na tanging ang Diyos lamang ang makapagbibigay kay Raquel ng anak na lalaki, nang sa gayo’y magkaroon ito ng papel sa pagpapalang iyon. Pero hindi makapaghintay si Raquel. “Narito ang aking aliping babae na si Bilha,” ang sabi niya. “Sipingan mo siya, upang makapagsilang siya sa ibabaw ng aking mga tuhod at upang ako, ako naman, ay magkaroon ng mga anak mula sa kaniya.”—Genesis 30:2, 3.
Maaaring mahirap para sa atin na unawain ang ginawa ni Raquel. Gayunman, ayon sa natuklasang mga sinaunang kontrata sa pag-aasawa sa Gitnang Silangan, kaugalian nila noon na kapag baog ang asawang babae, nagbibigay ito ng aliping babae sa kaniyang asawa para magkaroon ng tagapagmana. * (Genesis 16:1-3) Sa gayon, sa ilang kaso, ituturing na mga anak ng asawang babae ang mga anak ng aliping babae.
Nang magsilang si Bilha ng isang lalaki, tuwang-tuwa si Raquel. Sinabi niya: “Ang Diyos ay gumanap bilang aking hukom at nakinig din sa aking tinig, anupat binigyan niya ako ng anak.” Dan ang ipinangalan niya rito, na ang ibig sabihin ay “Hukom.” Ipinanalangin din niya ang kaniyang mahirap na kalagayan. Nang ipanganak ni Bilha ang kaniyang ikalawang anak, si Neptali, na nangangahulugang “Mga Pakikipagbuno Ko,” sinabi ni Raquel: “Sa pamamagitan ng puspusang mga pakikipagbuno ay nakipagbuno ako sa aking kapatid. Ako rin naman ay nagwagi!” Inilalarawan ng mga pangalang ito ang iringan sa pagitan ni Lea at ni Raquel.—Genesis 30:5-8.
Siguro ay inakala ni Raquel na kumikilos siya kasuwato ng kaniyang mga panalangin nang ibigay niya si Bilha kay Jacob, pero hindi sa ganitong paraan siya bibigyan ng Diyos ng mga
anak. May matututuhan tayo mula rito. Hindi tayo dapat mainip kapag nagsusumamo tayo kay Jehova. Sinasagot niya ang ating mga panalangin sa paraan at panahon na hindi natin inaasahan.Dahil ayaw malamangan, ibinigay rin ni Lea kay Jacob ang kaniyang aliping babae na si Zilpa. Si Gad ang kaniyang unang anak at ang sumunod naman ay si Aser.—Genesis 30:9-13.
Ang isang pangyayari na nagpapakitang may alitan sa pagitan nina Raquel at Lea ay may kinalaman sa ilang mandragoras na nakuha ng anak ni Lea na si Ruben. Inaakala noon na ang prutas na ito ay nakakatulong para magbuntis ang isa. Nang humingi si Raquel ng ilang mandragoras, pagalit na sumagot si Lea: “Maliit na bagay ba ito, na kinuha mo ang aking asawa, at kukunin mo rin ngayon ang mga mandragoras ng aking anak?” Iniisip ng ilan na ipinahihiwatig ng sinabi ni Lea na si Jacob ay mas madalas na kapiling ni Raquel. Marahil ay nakita ni Raquel na may katuwiran si Lea para maghinanakit dahil sinabi niya: “Sa dahilang iyan ay sisipingan ka niya ngayong gabi bilang kapalit ng mga mandragoras ng iyong anak.” Kaya nang makauwi si Jacob nang gabing iyon, sinabi sa kaniya ni Lea: “Sa akin ka sisiping, sapagkat inupahan kita nang tuwiran sa pamamagitan ng mga mandragoras ng aking anak.”—Genesis 30:15, 16.
Nagkaroon pa si Lea ng ikalima at ikaanim na anak, si Isacar at si Zebulon. Pagkaraan nito ay sinabi niya: “Sa wakas ay pagtitiisan ako ng aking asawa, sapagkat nanganak ako sa kaniya ng anim na lalaki.” *—Genesis 30:17-20.
Hindi nakatulong kay Raquel ang mga mandragoras. Sa wakas, makaraan ang anim na taon ng kanilang pagsasama, “naalaala” ni Jehova si Raquel at sinagot ang kaniyang panalangin. Nagdalang-tao ito at isinilang si Jose. Saka pa lamang nasabi ni Raquel: “Inalis ng Diyos ang aking kadustaan!”—Genesis 30:22-24.
Kamatayan at Pamana
Habang isinisilang niya ang kaniyang ikalawang anak na lalaki, si Benjamin, namatay si Raquel. Talagang mahal na mahal ni Jacob si Raquel pati na ang dalawang anak niya rito. Makaraan ang maraming taon, nang siya ay mamamatay na, hindi niya mapigilang alalahanin ang di-inaasahang pagkamatay ng kaniyang pinakamamahal na si Raquel. (Genesis 30:1; 35:16-19; 48:7) Tungkol naman sa pagkamatay ni Lea, ang tanging sinasabi sa atin ng Bibliya ay ang paglilibing ni Jacob sa kaniya sa yungib na kung saan doon din nais ni Jacob na mailibing.—Genesis 49:29-32.
Sa kaniyang katandaan, inamin ni Jacob na ang kaniyang buhay—pati na ang buhay ng kaniyang pamilya—ay nakapipighati. (Genesis 47:9) Walang alinlangan na nakapipighati rin ang buhay nina Lea at Raquel. Ipinakikita ng kanilang buhay ang masaklap na resulta ng pagkakaroon ng higit sa isang asawa at kung bakit iniutos ni Jehova na isa lamang ang dapat maging asawa. (Mateo 19:4-8; 1 Timoteo 3:2, 12) Nagkakaroon ng inggitan at pagseselos kapag ang isang kabiyak ay nagpakita ng romantiko o seksuwal na interes sa hindi niya asawa. Ito ang isang dahilan kung bakit ipinagbabawal ng Diyos ang pakikiapid at pangangalunya.—1 Corinto 6:18; Hebreo 13:4.
Sa paanuman, tinutupad pa rin ng Diyos ang kaniyang layunin sa pamamagitan ng mga di-sakdal ngunit mga tapat na lalaki at babae. Gaya natin, parehong may mga kahinaan sina Lea at Raquel. Gayunman, sa pamamagitan nila, tinupad ni Jehova ang kaniyang pangako kay Abraham. Kaya angkop na sabihing sina Raquel at Lea ang “nagtayo ng sambahayan ni Israel.”—Ruth 4:11.
[Mga talababa]
^ par. 15 Ganito ang mababasa sa isang kontrata sa pag-aasawa na nakuha mula sa Nuzi, Iraq: “Si Kelim-ninu ay ikinasal kay Shennima. . . . Kung hindi [magkakaanak] si Kelim-ninu, kukuha si Kelim-ninu ng isang babae [isang aliping babae] mula sa lupain ng Lullu bilang asawa para kay Shennima.”
^ par. 20 Sa mga anak na babae ni Jacob, si Dina lamang, na anak niya kay Lea, ang pinangalanan sa Bibliya.—Genesis 30:21; 46:7.
[Larawan sa pahina 9]
Palibhasa’y nagkakainggitan, hindi naging masaya sina Lea at Raquel
[Larawan sa pahina 10]
Nagmula sa 12 anak na lalaki ni Jacob ang bansang Israel