Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Turuan ang Inyong mga Anak na Ibigin si Jehova

Turuan ang Inyong mga Anak na Ibigin si Jehova

Turuan ang Inyong mga Anak na Ibigin si Jehova

“Tulad ng mga palaso sa kamay ng makapangyarihang lalaki, gayon ang mga anak ng kabataan.”​—AWIT 127:4.

1, 2. Bakit maihahalintulad ang mga anak sa “mga palaso sa kamay ng makapangyarihang lalaki”?

NAGHAHANDA na ang mámamanà para patamaan ang kaniyang target. Maingat niyang inilagay ang palaso sa bagting ng busog, at buong-lakas niya itong hinila. Kahit mahirap, matiyaga niyang itinutok sa target ang kaniyang palaso. Saka niya ito pinahilagpos! Tamaan kaya ng palaso ang target? Depende ito sa iba’t ibang salik gaya ng husay ng mámamanà, direksiyon ng hangin, at kondisyon ng palaso.

2 Ang mga anak ay inihalintulad ni Haring Solomon sa “mga palaso sa kamay ng makapangyarihang lalaki.” (Awit 127:4) Tingnan natin kung paano maaaring ikapit ang ilustrasyong ito. Saglit lamang ang paghila ng mámamanà sa bagting na may palaso. Para tamaan ang target, dapat niya itong pahilagpusin agad. Sa katulad na paraan, maikli lamang ang panahon ng mga magulang para malinang sa kanilang mga anak ang taimtim na pag-ibig kay Jehova. Pagkalipas lamang ng ilang taon, ang mga anak ay maglalakihan na at magsasarili. (Mateo 19:5) Tatamaan kaya nila ang target​—samakatuwid nga, patuloy kayang iibigin at paglilingkuran ng mga bata ang Diyos kapag nagsasarili na sila? Depende ito sa maraming salik. Ang tatlo sa mga ito ay ang husay ng magulang, ang kinalakhan ng bata, at kung paano tutugon ang ‘palaso,’ o bata, sa pagsasanay sa kaniya. Isa-isahin natin ang bawat salik na ito. Talakayin muna natin ang ilan sa mga katangian ng isang mahusay na magulang.

Ang Mahuhusay na Magulang ay Nagpapakita ng Magandang Halimbawa

3. Bakit dapat lakipan ng gawa ang mga salita ng magulang?

3 Ginawa ni Jesus kung ano ang kaniyang ipinangangaral bilang halimbawa sa mga magulang. (Juan 13:15) Samantala, hinatulan niya ang mga Pariseo na puro salita, kulang naman sa gawa. (Mateo 23:3) Para mapasigla ang kanilang mga anak na ibigin si Jehova, dapat na magkasuwato ang sinasabi at ginagawa ng mga magulang. Kung paanong walang-saysay ang isang busog na walang bagting, gayundin naman ang mga salitang walang gawa.​—1 Juan 3:18.

4. Anu-ano ang dapat itanong ng mga magulang sa kanilang sarili, at bakit?

4 Bakit napakahalaga ng halimbawa ng mga magulang? Kung paanong natututo ang mga adulto na ibigin ang Diyos mula sa halimbawa ni Jesus, natututo rin ang mga anak na ibigin si Jehova mula sa magandang halimbawa ng kanilang mga magulang. Ang mga kasama ng isang bata ay puwedeng magpatibay sa kaniya o ‘sumira ng kaniyang kapaki-pakinabang na mga ugali.’ (1 Corinto 15:33) Sa kalakhang bahagi ng buhay ng isang bata, lalo na sa panahong nagkakaisip na siya, ang pinakamalapit at pinakamaimpluwensiyang kasama niya ay ang kaniyang mga magulang. Kaya dapat tanungin ng mga magulang ang kanilang sarili: ‘Anong uri ako ng kasama? Napakikilos ba ang aking mga anak na magkaroon ng kapaki-pakinabang na mga ugali dahil sa aking halimbawa? Anong halimbawa ang ipinakikita ko pagdating sa napakahalagang mga bagay gaya ng panalangin at pag-aaral ng Bibliya?’

Ang Mahuhusay na Magulang ay Nananalanging Kasama ng Kanilang mga Anak

5. Ano ang matututuhan ng mga bata sa mga panalangin ng isang magulang?

5 Maraming matututuhan ang inyong mga anak tungkol kay Jehova kung makikinig sila sa inyong mga panalangin. Kung maririnig nilang nagpapasalamat kayo sa Diyos bago kumain at nananalangin bago mag-aral ng Bibliya, ano ang kanilang iisipin? Malamang na matututuhan nilang si Jehova ang nagbibigay ng ating pisikal na mga pangangailangan​—kung kaya dapat siyang pasalamatan—​at nagtuturo sa atin ng mga katotohanan sa Bibliya. Napakahalaga ng mga leksiyong ito.​—Santiago 1:17.

6. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na madamang interesado si Jehova sa bawat isa sa kanila?

6 Gayunman, kung mananalangin kayong kasama ng inyong pamilya sa ibang mga panahon bukod sa pagkain at pampamilyang pag-aaral ng Bibliya at babanggitin ninyo ang partikular na mga bagay na nakaaapekto sa inyo at sa inyong mga anak, mas marami kayong mapapakinabang. Matutulungan ninyo ang inyong mga anak na madamang si Jehova ay bahagi ng inyong pamilya at may malaking malasakit sa bawat isa sa inyo. (Efeso 6:18; 1 Pedro 5:6, 7) Sinabi ng isang ama: “Mula nang isilang ang aming anak, kasama na namin siyang nananalangin. Habang lumalaki siya, isinasama namin sa panalangin ang tungkol sa tamang pakikisama at iba pang mga bagay tungkol sa kaniya. Araw-araw kaming nananalanging magkakasama hanggang sa makapag-asawa na siya at magsarili.” Araw-araw din ba kayong nananalangin kasama ang inyong mga anak? Natutulungan ba ninyo silang ituring si Jehova bilang isang Kaibigan, na hindi lamang naglalaan ng kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan kundi nagmamalasakit din sa kanilang emosyonal na pangangailangan?​—Filipos 4:6, 7.

7. Para maging espesipiko ang mga panalangin ng mga magulang, ano ang dapat nilang malaman?

7 Mangyari pa, para maging espesipiko ang inyong mga panalangin, dapat na alam ninyo ang nangyayari sa inyong anak. Pansinin ang sinabi ng isang ama na may dalawang anak: “Tuwing matatapos ang sanlinggo, dalawang bagay ang itinatanong ko sa aking sarili: ‘Ano kaya ang nasa isip ng aking mga anak nitong nakaraang sanlinggo? At ano kayang magagandang bagay ang nangyari sa kanila?’” Mga magulang, itinatanong din ba ninyo ito sa inyong sarili at pagkatapos ay isinasama ang ilan sa mga sagot kapag nananalangin kayo kasama ang inyong mga anak? Kung oo, tinuturuan ninyo silang hindi lamang manalangin kay Jehova​—ang Dumirinig ng panalangin—​kundi ibigin din siya.​—Awit 65:2.

Ang Mahuhusay na Magulang ay Nagpapasigla ng Magagandang Kaugalian sa Pag-aaral

8. Bakit dapat tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na ugaliin ang pag-aaral ng Salita ng Diyos?

8 Paano maaapektuhan ng saloobin ng magulang sa pag-aaral ng Bibliya ang kaugnayan ng isang anak sa Diyos? Para lalong gumanda at magtagal ang anumang ugnayan, ang dalawang indibiduwal ay dapat na hindi lamang nag-uusap kundi nakikinig din naman sa isa’t isa. Masasabing nakikinig tayo kay Jehova kapag nag-aaral tayo ng Bibliya sa tulong ng mga publikasyong inilalaan ng ‘tapat na alipin.’ (Mateo 24:45-47; Kawikaan 4:1, 2) Kaya para matulungan ang kanilang mga anak na magkaroon ng namamalagi at maibiging kaugnayan kay Jehova, dapat silang pasiglahin ng mga magulang na ugaliin ang pag-aaral ng Salita ng Diyos.

9. Paano matutulungan ang mga anak na magkaroon ng magandang kaugalian sa pag-aaral?

9 Paano matutulungan ang mga anak na magkaroon ng magandang kaugalian sa pag-aaral? Muli, wala nang hihigit pa sa halimbawa ng magulang. Lagi bang nakikita ng inyong mga anak na gustung-gusto ninyong basahin o pag-aralan ang Bibliya? Totoo, malamang na abalang-abala kayo sa pag-aasikaso sa inyong mga anak, at baka isipin ninyong wala na kayong panahong magbasa at mag-aral. Pero tanungin ang inyong sarili, ‘Lagi ba akong nakikita ng aking mga anak na nanonood ng telebisyon?’ Kung oo, magagamit mo kaya ang ilan sa panahong iyon para magpakita ng magandang halimbawa sa kanila pagdating sa personal na pag-aaral?

10, 11. Bakit dapat magkaroon ang pamilya ng regular na pag-uusap tungkol sa Bibliya?

10 Ang isa pang praktikal na paraan para matulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na makinig kay Jehova ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng regular na pag-uusap ng pamilya tungkol sa Bibliya. (Isaias 30:21) Pero baka itanong ng ilan, ‘Bakit pa kakailanganin ng mga bata ang pampamilyang pag-aaral gayong regular naman silang isinasama ng kanilang mga magulang sa mga pulong?’ Maraming magagandang dahilan. Ipinagkatiwala ni Jehova sa mga magulang ang pangunahing pananagutan na turuan ang kanilang mga anak. (Kawikaan 1:8; Efeso 6:4) Dahil sa pampamilyang pag-aaral ng Bibliya, natututuhan ng mga anak na ang pagsamba ay hindi lamang pormal na ritwal na ginagawa sa publiko, kundi bahagi rin ito ng pribadong buhay ng pamilya.​—Deuteronomio 6:6-9.

11 Bukod dito, kapag mahusay ang pangangasiwa sa pag-aaral ng pamilya, nalalaman ng mga magulang ang saloobin ng kanilang mga anak tungkol sa espirituwal at moral na mga bagay. Halimbawa, kapag bata pa ang mga anak, magagamit ng mga magulang ang mga publikasyong gaya ng Matuto Mula sa Dakilang Guro. * Sa halos lahat ng parapo sa pantulong na ito sa pag-aaral ng Bibliya, tinatanong ang mga bata kung ano ang kanilang masasabi sa mga paksang pinag-uusapan. Sa pangangatuwiran tungkol sa mga tekstong binanggit sa aklat, matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magkaroon ng kakayahan sa pang-unawa na “makilala kapuwa ang tama at ang mali.”​—Hebreo 5:14.

12. Paano maibabagay ng mga magulang ang pampamilyang pag-aaral sa pangangailangan ng bata, at ano ang nakita mong mabisang paraan?

12 Habang lumalaki ang inyong mga anak, ibagay ang pag-aaral ayon sa kanilang mga pangangailangan. Tingnan kung paano tinulungan ng mag-asawa ang kanilang mga tin-edyer na anak na mangatuwiran tungkol sa hinihiling nilang pagpunta sa isang sayawan sa paaralan. Sinabi ng ama: “Sinabi namin sa aming mga anak na sa isang bahagi ng susunod naming pag-aaral ng pamilya, kunwari kaming mag-asawa ang mga anak, at sila naman ang aming mga magulang. Alinman sa kanila ay puwedeng maging Ama o Ina, pero dapat muna silang magsaliksik tungkol sa paksa at magpapayo sila tungkol sa mga sayawan sa paaralan.” Ang resulta? “Nagulat kami sa aming mga anak (sa kanilang papel bilang mga magulang) nang buong-husay nilang maipaliwanag sa amin (bilang mga anak) mula sa Bibliya kung bakit hindi tamang pumunta sa sayawan,” ang patuloy ng ama. “Ang isa pang ikinahanga namin ay ang ibinigay nilang mga mungkahi kapalit ng pagpunta sa sayawan. Nalaman namin kung ano ang iniisip nila at ang gusto nila, at napakahalaga nito.” Oo, kailangan ang pagtitiyaga at imahinasyon para mapanatiling regular at napapanahon ang pampamilyang pag-aaral, pero sulit naman ito.​—Kawikaan 23:15.

Gawing Mapayapa ang Pagsasamahan

13, 14. (a) Paano magagawa ng mga magulang na maging mapayapa ang pagsasamahan ng pamilya? (b) Ano ang magandang ibinubunga ng pag-amin ng magulang na siya’y nagkamali?

13 Mas malamang na tamaan ng palaso ang target kung itututok at pahihilagpusin ito ng mámamanà kapag maganda ang panahon. Sa katulad na paraan, mas malamang na matuto ang mga bata na ibigin si Jehova kung sisikapin ng mga magulang na maging maganda ang pagsasamahan ng pamilya. “Ang bunga ng katuwiran ay may binhing inihasik sa ilalim ng mapayapang mga kalagayan para roon sa mga nakikipagpayapaan,” ang isinulat ni Santiago. (Santiago 3:18) Paano magagawa ng mga magulang na maging mapayapa ang pagsasamahan ng pamilya? Dapat na magmahalang mabuti ang mag-asawa. Kung may pag-ibig at paggalang sa isa’t isa ang mag-asawa, hindi sila mahihirapang turuan ang kanilang mga anak na ibigin at igalang ang iba, pati na si Jehova. (Galacia 6:7; Efeso 5:33) Ang pag-ibig at paggalang ay nagdudulot ng kapayapaan. At kung payapa sa isa’t isa ang mag-asawa, mas madali nilang mahaharap ang di-pagkakaunawaang maaaring bumangon sa loob ng pamilya.

14 Mangyari pa, kung paanong walang sakdal na pag-aasawa, wala ring sakdal na pamilya sa lupa sa ngayon. Kung minsan, hindi naipakikita ng mga magulang ang mga bunga ng espiritu kapag nakikitungo sa kanilang mga anak. (Galacia 5:22, 23) Kapag nagkagayon, ano ang dapat gawin ng mga magulang? Kung aaminin nilang nagkamali sila, mababawasan kaya ang paggalang sa kanila ng kanilang anak? Tingnan natin ang halimbawa ni apostol Pablo. Para siyang ama sa marami. (1 Corinto 4:15) Pero tahasan niyang inaming nagkakamali siya. (Roma 7:21-25) Magkagayunman, dahil mapagpakumbaba siya at tapat, lalong nadagdagan ang ating paggalang sa kaniya sa halip na mabawasan ito. Sa kabila ng mga pagkukulang ni Pablo, isinulat pa rin niya sa kongregasyon sa Corinto: “Maging mga tagatulad kayo sa akin, gaya ko naman kay Kristo.” (1 Corinto 11:1) Kung aaminin mo rin ang iyong mga pagkakamali, malamang na palampasin na lamang ito ng iyong mga anak.

15, 16. Bakit dapat tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na ibigin ang kanilang Kristiyanong mga kapatid, at paano ito magagawa?

15 Ano pa ang magagawa ng mga magulang upang matulungan ang kanilang mga anak na lumaking umiibig kay Jehova? Sumulat si apostol Juan: “Kung sasabihin ng sinuman: ‘Iniibig ko ang Diyos,’ at gayunma’y napopoot sa kaniyang kapatid, siya ay sinungaling. Sapagkat siya na hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na nakita niya, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakita.” (1 Juan 4:20, 21) Samakatuwid, kapag sinasanay ninyo ang inyong mga anak na ibigin ang kanilang mga kapatid na Kristiyano, natuturuan ninyo silang ibigin ang Diyos. Dapat tanungin ng mga magulang ang kanilang sarili, ‘Palagi bang maganda ang mga sinasabi ko tungkol sa kongregasyon o puro pamumuna?’ Paano mo ito malalaman? Pakinggan mong mabuti ang sinasabi ng iyong mga anak tungkol sa mga pulong at sa mga kapatid sa kongregasyon. Malamang na gaya rin ng sinasabi mo ang sinasabi nila.

16 Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na ibigin ang mga kapatid sa kongregasyon? Sinabi ni Peter, may dalawang tin-edyer na anak na lalaki: “Mula nang maliliit pa ang aming mga anak, palagi kaming nag-aanyaya ng mga may-gulang na kapatid sa aming bahay. Masayang-masaya kami habang nagkakainan at nagkukuwentuhan. Ang aming mga anak ay lumaking palaging kahalubilo ng mga taong umiibig kay Jehova, kaya nakita nilang masaya ang buhay ng mga naglilingkod sa Diyos.” Ganito naman ang sabi ni Dennis na may limang anak na babae, “Palagi naming pinasisigla ang aming mga anak na makipagkaibigan sa may-edad nang mga payunir sa aming kongregasyon, at hangga’t maaari ay nag-aanyaya kami ng mga naglalakbay na tagapangasiwa kasama ang kanilang asawa.” Nanaisin mo bang tulungan ang iyong mga anak na ituring nilang kapamilya ang inyong kongregasyon?​—Marcos 10:29, 30.

Ang Pananagutan ng Anak

17. Anong desisyon ang dapat gawin ng mga anak pagdating ng araw?

17 Balikan natin ang ilustrasyon tungkol sa mámamanà. Kahit mahusay siya, baka hindi pa rin niya matamaan ang target kung baluktot o pilipit ang kaniyang palaso. Mangyari pa, pipiliting ituwid ng mga magulang ang baluktot na palaso, wika nga, sa pamamagitan ng pagsisikap na ituwid ang maling kaisipan ng bata. Pero darating ang araw na ang mga anak na ang magdedesisyon kung hahayaan nilang baluktutin sila ng sanlibutang ito o hahayaan nilang si Jehova ang ‘magtuwid ng kanilang mga landas.’​—Kawikaan 3:5, 6; Roma 12:2.

18. Ano ang epekto sa iba ng desisyon ng isang bata?

18 Bagaman mga magulang ang may mabigat na pananagutang magpalaki sa kanilang mga anak sa “disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova,” nakasalalay mismo sa desisyon ng bata ang magiging kinabukasan niya. (Efeso 6:4) Kung gayon, mga bata, tanungin ang inyong sarili, ‘Tatanggapin ko ba ang maibiging pagsasanay ng aking mga magulang?’ Kung oo, pinili mo ang pinakamagandang paraan ng buhay. Mapasasaya mo nang husto ang iyong mga magulang. Higit sa lahat, mapasasaya mo ang puso ni Jehova.​—Kawikaan 27:11.

[Talababa]

^ par. 11 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

Naaalaala Mo Ba?

• Paano makapagpapakita ng magandang halimbawa ang mga magulang pagdating sa panalangin at pag-aaral ng Bibliya?

• Paano magagawa ng mga magulang na maging mapayapa ang pagsasamahan ng pamilya?

• Anong desisyon ang napapaharap sa mga anak, at ano ang epekto nito sa iba?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 28]

Nagpapakita ka ba ng magandang halimbawa sa iyong anak pagdating sa personal na pag-aaral?

[Larawan sa pahina 29]

Nagdudulot ng kaligayahan ang mapayapang pagsasamahan ng pamilya