Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Kamangha-mangha ang Pagkakagawa” sa Atin

“Kamangha-mangha ang Pagkakagawa” sa Atin

“Kamangha-mangha ang Pagkakagawa” sa Atin

“Sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin.”​—AWIT 139:14.

1. Bakit maraming palaisip na tao ang nagsasabing Diyos ang lumalang ng kamangha-manghang mga bagay sa lupa?

ANG daigdig ay punung-puno ng kamangha-manghang mga nilalang. Paano umiral ang mga ito? Naniniwala ang ilan na walang kinalaman dito ang isang matalinong Maylalang. Sinasabi naman ng ilan na hindi natin lubusang mauunawaan ang kalikasan kung hindi tayo maniniwala sa isang Maylalang. Naniniwala sila na yamang masalimuot, sari-sari, at kahanga-hanga ang mga nilalang sa lupa, hindi ito maaaring basta na lamang lumitaw. Para sa marami, pati na ang ilang siyentipiko, ipinakikita ng ebidensiya na may isang matalino, makapangyarihan, at mabait na Maylikha ng uniberso. *

2. Ano ang nagpakilos kay David na purihin si Jehova?

2 Isa si Haring David ng sinaunang Israel na kumbinsidong nararapat purihin ang isang Maylikha dahil sa Kaniyang kamangha-manghang mga nilalang. Bagaman nabuhay si David bago pa naging masulong ang siyensiya, alam na niyang nilalang ng Diyos ang lahat ng kahanga-hangang bagay na nasa paligid niya. Sa pagkakagawa pa lamang sa kaniyang katawan ay hangang-hanga na si David sa kakayahan ng Diyos sa paglalang. “Pupurihin kita sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin,” ang isinulat niya. “Ang iyong mga gawa ay kamangha-mangha, gaya ng lubos na nababatid ng aking kaluluwa.”​—Awit 139:14.

3, 4. Bakit mahalagang pag-isipan nating mabuti ang mga gawa ni Jehova?

3 Nagkaroon si David ng ganito katibay na paniniwala dahil sa kaniyang taimtim na pagbubulay-bulay. Sa ngayon, ang mga kurso sa paaralan at ang media ay punung-puno ng mga teoriya tungkol sa pinagmulan ng tao na sumisira ng pananampalataya. Para magkaroon tayo ng pananampalatayang gaya ng kay David, dapat din nating pag-isipang mabuti ang mga gawa ni Jehova. Mapanganib kung basta paniniwalaan natin ang paniniwala ng iba, lalo na kung tungkol sa pangunahing mga isyu gaya ng pag-iral ng Maylalang at ng papel na ginagampanan niya.

4 Karagdagan pa, ang pagbubulay-bulay sa mga gawa ni Jehova ay magpapatibay sa ating pagpapahalaga sa kaniya at sa ating pagtitiwala sa kaniyang mga pangako sa hinaharap. Dahil dito, mapakikilos tayo na higit pang makilala si Jehova at maglingkod sa kaniya. Kung gayon, isaalang-alang natin kung paano pinatunayan ng makabagong siyensiya ang sinabi ni David na “kamangha-mangha ang pagkakagawa” sa atin.

Ang Ating Kamangha-manghang Paglaki sa Sinapupunan

5, 6. (a) Paano tayo nagsimulang umiral? (b) Anong papel ang ginagampanan ng ating mga bato?

5 “Ikaw mismo ang gumawa ng aking mga bato; iningatan mo akong natatabingan sa tiyan ng aking ina.” (Awit 139:13) Lahat tayo ay nagsimulang umiral sa sinapupunan ng ating ina bilang iisang selula na mas maliit pa sa tuldok na nasa dulo ng pangungusap na ito. Ang napakaliit na selulang iyon ay masyadong masalimuot​—isang maliit na pabrika! Mabilis itong dumami. Sa dulo ng iyong ikalawang buwan sa sinapupunan, nabuo na ang iyong pangunahing mga sangkap. Kasama na rito ang iyong mga bato. Nang isilang ka, handa nang salain ng iyong mga bato ang iyong dugo​—inaalis ang lason at sobrang tubig pero iniiwan ang kapaki-pakinabang na mga substansiya. Kapag malusog ang iyong dalawang bato, sinasala nito ang tubig sa iyong dugo​—mga limang litro sa isang adulto—​sa bawat 45 minuto!

6 Tumutulong din ang iyong mga bato sa pagkontrol sa dami ng mineral at antas ng asido sa iyong dugo gayundin ang presyon nito. Maraming iba pang napakahalagang tungkulin ang mga ito. Halimbawa, ginagawa nitong isang mahalagang substansiya para sa tamang paglaki ng buto ang bitamina D at naglalabas ito ng hormon na erythropoietin, na nagpapasigla sa iyong mga buto na gumawa ng mga pulang selula ng dugo. Hindi nga kataka-taka na ang mga bato ay tinawag na “mga dalubhasang kimiko ng katawan”! *

7, 8. (a) Ipaliwanag ang paglaki ng isang di-pa-naisisilang na sanggol. (b) Sa anong paraan “hinabi sa pinakamabababang bahagi ng lupa” ang isang sanggol na lumalaki sa sinapupunan?

7 “Ang aking mga buto ay hindi nakubli sa iyo nang ako ay ginawa sa lihim, nang ako ay hinabi sa pinakamabababang bahagi ng lupa.” (Awit 139:15) Ang orihinal na selula ay nahati, at ang bagong mga selula ay patuloy na nahahati. Di-nagtagal, nagsimula nang magbago ang mga selula at naging mga selula ng nerbiyo, ng kalamnan, ng balat, at iba pa. Ang mga selulang magkakauri ay nagsama-sama upang bumuo ng mga himaymay at pagkatapos ay mga sangkap ng katawan. Halimbawa, sa ikatlong linggo mula ng ipaglihi ka, nagsimula nang mabuo ang iyong mga buto. Pitong linggo ka pa lamang sa sinapupunan at 2.5 sentimetro ang haba, kumpleto na ang lahat ng 206 na buto sa iyong katawan bagaman malambot pa ang mga ito.

8 Ang kagila-gilalas na prosesong ito ay naganap sa sinapupunan ng iyong nanay, anupat hindi nakikita ng mata na para bang nakabaon sa kalaliman ng lupa. Oo, marami pang hindi alam ang tao tungkol sa kung paano tayo nabubuo. Halimbawa, ano ang nagpakilos sa partikular na mga gene sa iyong mga selula para magbago at magsama-sama upang maging mga sangkap ng katawan? Marahil ay matutuklasan din ito ng siyensiya, pero gaya ng sinabi ni David, noon pa ma’y alam na alam na ito ng ating Maylikha​—si Jehova.

9, 10. Paanong “nakatala” sa “aklat” ng Diyos ang pagkakabuo ng mga bahagi ng binhi sa sinapupunan?

9 “Nakita ng iyong mga mata maging ang aking pagkabinhi, at sa iyong aklat ay nakatala ang lahat ng bahagi nito, tungkol sa mga araw nang bigyang-anyo ang mga iyon at wala pa ni isa man sa kanila.” (Awit 139:16) Nasa iyong kauna-unahang selula ang kumpletong plano para sa iyong buong katawan. Ang planong ito ang sinusunod sa iyong paglaki sa loob ng siyam na buwan sa sinapupunan bago ka isilang at hanggang sa susunod na mahigit 20 taon ng iyong buhay. Sa panahong ito, maraming pagbabago ang nangyari na sa iyong katawan, na pawang ayon sa impormasyong nakaprograma sa orihinal na selula.

10 Walang kaalam-alam si David hinggil sa mga selula at mga gene, ni wala nga siyang mikroskopyo. Pero tama ang kaniyang pagkaunawa na ang pagkakabuo ng kaniyang katawan ay katibayan na nakaplano na ito. Maaaring may alam si David hinggil sa kung paano nabubuo ang binhi sa sinapupunan, kaya maikakatuwiran niya na ang bawat yugto ay tiyak na nagaganap ayon sa isang patiunang disenyo at talaorasan. Sa paraang patula, sinabi niya na ang disenyong ito ay “nakatala” sa “aklat” ng Diyos.

11. Sa ano nakadepende ang ating pisikal na hitsura?

11 Sa ngayon, alam na ng marami na ang mga katangiang minana mo sa iyong mga magulang at ninuno​—gaya ng iyong taas, mukha, kulay ng mata at buhok, at libu-libo pang mga katangian—​ay nakadepende sa iyong mga gene. Ang bawat selula ng iyong katawan ay may sampu-sampung libong gene, at ang bawat gene ay bahagi ng isang mahabang kadena na gawa sa DNA (deoxyribonucleic acid). Ang impormasyon hinggil sa magiging hitsura ng iyong katawan ay “nakasulat” sa kayarian ng iyong DNA. Ipinapasa ng DNA ang impormasyong ito sa tuwing nahahati ang iyong mga selula​—para gumawa ng bagong mga selula o palitan ang dating mga selula—​sa gayo’y nananatili kang buhay at hindi gaanong nababago ang iyong hitsura. Isa ngang natatanging halimbawa ng kapangyarihan at karunungan ng ating makalangit na Maylikha!

Ang Ating Pambihirang Isip

12. Sa anong natatanging paraan naiiba ang tao sa hayop?

12 “Kaya sa akin ay pagkahala-halaga ng iyong mga kaisipan! O Diyos, pagkarami-rami ng hustong kabuuan ng mga iyon! Kung susubukan kong bilangin, ang mga iyon ay mas marami pa kaysa sa mga butil ng buhangin.” (Awit 139:17, 18a) Kamangha-mangha rin ang pagkakagawa sa mga hayop, at ang ilan sa mga ito ay may mga pandamdam at kakayahang nakahihigit sa tao. Pero pinagkalooban ng Diyos ang mga tao ng kakayahang mag-isip na di-hamak na nakahihigit sa mga hayop. “Bagaman tayong mga tao ay may maraming pagkakatulad sa ibang kaurian, tayo lamang sa lahat ng anyo ng buhay sa lupa ang may kakayahang gumamit ng wika at mag-isip,” ang sabi ng isang aklat-aralin sa siyensiya. “Tayo rin lamang ang lubhang interesado sa ating sarili: Paano dinisenyo ang ating katawan? Paano tayo nabuo?” Ang mga tanong na ito ay pinag-isipan din ni David.

13. (a) Paano nakapagbulay-bulay si David sa mga kaisipan ng Diyos? (b) Paano natin matutularan ang halimbawa ni David?

13 Higit sa lahat, di-tulad ng mga hayop, tayo lamang ang may kakayahang magbubulay-bulay sa kaisipan ng Diyos. * Ang espesyal na kaloob na ito ay isang katibayan na nilalang tayo “ayon sa larawan ng Diyos.” (Genesis 1:27) Ginamit na mabuti ni David ang kaloob na ito. Binulay-bulay niya ang katibayan ng pag-iral ng Diyos at ang mabubuti Niyang katangian na makikita sa mga nilalang sa lupa. Nabasa rin ni David ang unang mga aklat ng Banal na Kasulatan, na naglalaman ng mga pagsisiwalat ng Diyos hinggil sa Kaniyang sarili at sa Kaniyang mga gawa. Ang mga kinasihang akdang ito ay tumulong kay David na maunawaan ang mga kaisipan, personalidad, at layunin ng Diyos. Dahil sa pagbubulay-bulay ni David sa Kasulatan, sa mga nilalang, at sa pakikitungo ng Diyos sa kaniya, napakilos siya na purihin ang kaniyang Maylikha.

Kung Ano ang Kalakip sa Pananampalataya

14. Bakit hindi natin kailangan pang malaman ang lahat ng bagay tungkol sa Diyos para magkaroon ng pananampalataya sa kaniya?

14 Habang binubulay-bulay ni David ang sangnilalang at ang Kasulatan, lalo niyang napatutunayan sa kaniyang sarili na hindi niya talaga kayang arukin ang kaalaman at kakayahan ng Diyos. (Awit 139:6) Totoo rin ito sa atin. Hindi natin kailanman mauunawaan ang lahat ng bagay hinggil sa mga nilalang ng Diyos. (Eclesiastes 3:11; 8:17) Subalit ‘naghayag’ ang Diyos ng sapat na kaalaman sa pamamagitan ng Kasulatan at ng kalikasan upang matulungan ang mga naghahanap ng katotohanan, sa anumang panahon, na magkaroon ng pananampalataya salig sa katibayan.​—Roma 1:19, 20; Hebreo 11:1, 3.

15. Ipaliwanag kung paano nauugnay ang ating pananampalataya sa ating kaugnayan sa Diyos.

15 Ang pagkakaroon ng pananampalataya ay higit pa sa basta pagkilala lamang na ang buhay at ang uniberso ay ginawa ng isang matalinong Maylalang. Kalakip dito ang pagtitiwala sa Diyos na Jehova bilang persona​—isang persona na nagnanais na makilala natin siya at mapanatili ang isang mabuting kaugnayan sa kaniya. (Santiago 4:8) Maaaring pumasok sa isip natin ang pagtitiwala ng isang anak sa kaniyang mapagmahal na ama. Kung may magsabi na hindi ka tutulungan ng iyong ama sa panahon ng krisis, baka hindi mo siya makumbinsi na maaasahan ang iyong ama. Gayunman, kung maraming beses mo nang napatunayan ang kabaitan ng iyong ama, makaaasa kang hindi ka niya bibiguin. Sa katulad na paraan, ang pagkuha ng kaalaman tungkol kay Jehova sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kasulatan, pagbubulay-bulay sa paglalang, at sa pagkadama ng tulong niya bilang sagot sa ating mga panalangin ang magpapakilos sa atin na magtiwala sa kaniya. Mapakikilos din tayo nito na matuto pang higit tungkol sa kaniya at pumuri sa kaniya magpakailanman udyok ng walang pag-iimbot na pag-ibig at debosyon. Iyan ang pinakamarangal na tunguhing maaaring abutin ng sinuman.​—Efeso 5:1, 2.

Hanapin ang Patnubay ng Ating Maylikha!

16. Ano ang matututuhan natin sa malapít na kaugnayan ni David kay Jehova?

16 “Siyasatin mo ako, O Diyos, at kilalanin mo ang aking puso. Suriin mo ako, at alamin mo ang aking mga nakababalisang kaisipan, at tingnan mo kung sa akin ay may anumang nakasasakit na lakad, at patnubayan mo ako sa daan ng panahong walang takda.” (Awit 139:23, 24) Alam ni David na kilalang-kilala siya ni Jehova​—ang lahat ng kaniyang iniisip, sinasabi, o ginagawa ay nakikita ng kaniyang Maylikha. (Awit 139:1-12; Hebreo 4:13) Dahil alam ni David na kilalang-kilala siya ng Diyos, panatag siya, gaya ng isang munting bata sa bisig ng kaniyang mapagmahal na magulang. Pinahalagahan ni David ang malapít na kaugnayang ito kay Jehova at nagsikap na panatilihin ito sa pamamagitan pagbubulay-bulay sa Kaniyang mga gawa at pananalangin sa Kaniya. Sa katunayan, marami sa mga awit ni David​—pati na ang Awit 139—​ay pangunahin nang mga panalanging sinasaliwan ng musika. Matutulungan din tayo ng pagbubulay-bulay at pananalangin upang maging malapít kay Jehova.

17. (a) Bakit nais ni David na suriin ni Jehova ang kaniyang puso? (b) Paano nakaaapekto sa ating buhay ang paggamit natin ng ating kalayaang magpasiya?

17 Yamang ginawa ayon sa larawan ng Diyos, tayo ay pinagkalooban ng kalayaang magpasiya. Maaaring ipasiya nating gumawa ng mabuti o ng masama. Subalit may kaakibat na pananagutan ang kalayaang iyan. Hindi nais ni David na mapabilang sa masasama. (Awit 139:19-22) Ayaw niyang makagawa ng mga pagkakasalang magdudulot ng kirot. Kaya sa pagbubulay-bulay niya sa di-maarok na kaalaman ni Jehova, mapagpakumbabang hiniling ni David sa Diyos na suriin ang kaniyang buong pagkatao at gabayan siya sa daan ng buhay. Kapit sa lahat ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos sa moral; kaya dapat din tayong gumawa ng tamang pagpapasiya. Lahat tayo ay hinihimok ni Jehova na sumunod sa kaniya. Sa paggawa ng gayon, makakamit natin ang kaniyang lingap at ang maraming pagpapala. (Juan 12:50; 1 Timoteo 4:8) Ang paglakad na kasama ni Jehova araw-araw ay tutulong sa atin na magkaroon ng kapayapaan ng isip, maging sa harap ng malulubhang problema.​—Filipos 4:6, 7.

Sundin ang Ating Kamangha-manghang Maylikha!

18. Ano ang sinabi ni David sa kaniyang pagbubulay-bulay sa sangnilalang?

18 Bilang kabataan, madalas na nasa labas si David at nagpapastol ng mga kawan. Habang nakatungo at nanginginain ang mga tupa, nakatingala naman si David sa langit. Sa gabing madilim, iniisip ni David ang karingalan ng uniberso at ang layunin nito. “Ang langit ay naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay isinasaysay ng kalawakan,” ang isinulat ni David. “Sa araw-araw ay bumubukal ang pananalita, at sa gabi-gabi ay natatanghal ang kaalaman.” (Awit 19:1, 2) Naunawaan ni David na kailangan niyang hanapin at sundin ang Isa na gumawa ng lahat ng bagay sa lubhang kamangha-manghang paraan. Gayundin ang dapat nating gawin.

19. Anu-anong aral ang matututuhan ng mga bata at matanda mula sa ‘kamangha-manghang pagkakagawa’ sa kanila?

19 Nakita sa buhay ni David ang ipinayo ng kaniyang anak na si Solomon sa mga kabataan nang maglaon: “Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan . . . Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.” (Eclesiastes 12:1, 13) Bagaman kabataan pa lamang, batid na ni David na “kamangha-mangha ang pagkakagawa” sa kaniya. Ang pamumuhay alinsunod sa kaunawaang ito ay nagdulot sa kaniya ng maraming pakinabang sa buong buhay niya. Kung tayo, bata at matanda, ay pumupuri at naglilingkod sa ating Dakilang Maylalang, magiging maligaya ang ating buhay sa ngayon at sa hinaharap. Para sa mga nananatiling malapít kay Jehova at namumuhay ayon sa kaniyang matuwid na mga pamantayan, ganito ang pangako ng Bibliya: “Uunlad pa rin sila sa panahon ng kanilang pagiging may-uban, mananatili silang mataba at sariwa, upang isaysay na si Jehova ay matuwid.” (Awit 92:14, 15) At makakamit natin ang pag-asang masiyahan sa kamangha-manghang mga gawa ng ating Maylikha magpakailanman.

[Mga talababa]

^ par. 1 Tingnan ang Hunyo 22, 2004, isyu ng Gumising! na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 6 Tingnan din “Ang Iyong mga Bato​—Isang Pansala Para Mabuhay,” sa isyu ng Gumising!, Agosto 8, 1997.

^ par. 13 Ang mga salita ni David sa Awit 139:18b ay waring nangangahulugan na kung maghapon niyang bibilangin ang mga kaisipan ni Jehova hanggang sa makatulog siya sa gabi, paggising niya sa umaga ay marami pa rin siyang bibilangin.

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Paano ipinakikita ng paglaki ng binhi sa sinapupunan na “kamangha-mangha ang pagkakagawa” sa atin?

• Bakit natin dapat bulay-bulayin ang mga kaisipan ni Jehova?

• Paano nauugnay ang ating pananampalataya sa ating kaugnayan kay Jehova?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 23]

May sinusunod na patiunang disenyo ang paglaki ng sanggol sa sinapupunan

DNA

[Credit Line]

Di-pa-naisisilang na sanggol: Lennart Nilsson

[Larawan sa pahina 24]

Gaya ng mga batang nagtitiwala sa kanilang mapagmahal na ama, nagtitiwala tayo kay Jehova

[Larawan sa pahina 25]

Ang pagbubulay-bulay sa mga gawa ni Jehova ang nagpakilos kay David na purihin Siya