Ang Pagkabuhay-Muli—Totoo Ba Ito Para sa Iyo?
Ang Pagkabuhay-Muli—Totoo Ba Ito Para sa Iyo?
“Magkakaroon ng pagkabuhay-muli.”—GAWA 24:15.
1. Bakit mahirap takasan ang kamatayan?
“SA DAIGDIG na ito, dalawang bagay lamang ang hindi matatakasan, ang kamatayan at ang buwis.” Marami ang humanga sa matalinong komentong iyan na isinulat ng Amerikanong estadistang si Benjamin Franklin noong 1789. Gayunman, maraming di-tapat na tao ang nakakatakas sa pagbabayad ng buwis. Ang kamatayan naman sa kabilang panig ay mas mahirap takasan. Kahit anong pagsisikap ang gawin natin, hindi natin ito maiiwasan. Hindi natin kayang takasan ang kamatayan. Walang-tigil na nilalamon ng Sheol—ang karaniwang libingan ng sangkatauhan—ang ating mga mahal sa buhay. (Kawikaan 27:20) Ngunit isang bagay ang nakaaaliw pag-isipan.
2, 3. (a) Taliwas sa inaakala ng marami, paano matatakasan ng ilan ang kamatayan? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
2 Ang pagkabuhay-muli, o pagbangon mula sa mga patay, ay isang tiyak na pag-asa mula sa Salita ni Jehova. Hindi ito ilusyon lamang, at walang anuman o sinuman sa uniberso ang makahahadlang kay Jehova sa pagtupad sa pag-asang ito. Ngunit ang hindi alam ng marami, matatakasan ng ilan ang kamatayan. Paano? Dahil isang di-mabilang na “malaking pulutong” ang makaliligtas sa “malaking kapighatian” na malapit nang dumating. (Apocalipsis 7:9, 10, 14) Pagkatapos ay may pag-asa silang mabuhay magpakailanman. Kaya matatakasan nila ang kamatayan. Bukod diyan, “ang kamatayan ay papawiin.”—1 Corinto 15:26.
3 Dapat tayong maging kumbinsido na totoo ang pagkabuhay-muli, gaya ni apostol Pablo na nagsabi: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Talakayin natin ang tatlong tanong hinggil sa pagkabuhay-muli. Una, bakit tiyak ang pag-asang ito? Ikalawa, paano ka ba mismo maaaliw ng pag-asang pagkabuhay-muli? Ikatlo, paano makaiimpluwensiya ang pag-asang ito sa iyong paraan ng pamumuhay ngayon?
Ang Pagkabuhay-Muli—Tiyak Ito!
4. Bakit napakahalaga sa layunin ni Jehova ang pagkabuhay-muli?
4 Maraming dahilan kung bakit tiyak na magaganap ang pagkabuhay-muli. Una sa lahat, napakahalaga nito sa layunin ni Jehova. Tandaan, ibinuyo ni Satanas ang sangkatauhan sa pagkakasala, at sa di-maiiwasang resulta nito, ang kamatayan. Kaya naman, ganito ang sinabi ni Jesus hinggil kay Satanas: “Ang isang iyon ay mamamatay-tao nang siya ay magsimula.” (Juan 8:44) Ngunit nangako si Jehova na ang kaniyang “babae,” o tulad-asawang organisasyon sa langit, ay magluluwal ng isang “binhi” na siyang susugat sa ulo ng “orihinal na serpiyente” na iyon, at lubusang dudurog kay Satanas. (Genesis 3:1-6, 15; Apocalipsis 12:9, 10; 20:10) Nang unti-unting isinisiwalat ni Jehova ang kaniyang layunin hinggil sa Mesiyanikong Binhi na iyan, naging maliwanag na hindi lamang ang pagpuksa kay Satanas ang gagawin ng Binhi. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Sa layuning ito inihayag ang Anak ng Diyos, samakatuwid nga, upang sirain ang mga gawa ng Diyablo.” (1 Juan 3:8) Ang kamatayang dulot ng kasalanang minana natin kay Adan ang pangunahin sa mga gawa ni Satanas na nilayon ni Jehova na alisin, o sirain, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Kaya may kaugnayan dito, napakahalaga ng haing pantubos ni Jesus at ng pagkabuhay-muli.—Gawa 2:22-24; Roma 6:23.
5. Paano maluluwalhati ang pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli?
5 Determinado si Jehova na luwalhatiin ang kaniyang banal na pangalan. Siniraang-puri ni Satanas ang pangalan ng Diyos at naghasik ng mga kasinungalingan. Nagsinungaling siya nang sabihin niyang ‘tiyak na hindi mamamatay’ sina Adan at Eva kapag kumain sila ng bunga ng punungkahoy na ipinagbabawal ng Diyos. (Genesis 2:16, 17; 3:4) Magmula noon, naghasik na si Satanas ng nakakatulad na mga kasinungalingan, gaya ng huwad na turo na may kaluluwang nananatiling buháy pagkamatay ng katawan. Gayunman, sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, ibubunyag ni Jehova ang lahat ng kasinungalingang iyan. Lubusan niyang patutunayan na siya lamang ang Tagapag-ingat at Tagapagsauli ng buhay.
6, 7. Ano ang nadarama ni Jehova hinggil sa pagbuhay-muli sa mga tao, at paano natin nalaman ang kaniyang nadarama?
6 Minimithi ni Jehova na isagawa ang pagkabuhay-muli. Maliwanag na sinasabi ng Bibliya kung ano ang nadarama ni Jehova hinggil sa bagay na ito. Halimbawa, isaalang-alang ang kinasihang mga salitang ito ng tapat na lalaking si Job: “Kung ang isang matipunong lalaki ay mamatay mabubuhay pa ba siyang muli? Sa lahat ng mga araw ng aking sapilitang pagpapagal ay maghihintay ako, hanggang sa dumating ang aking kaginhawahan. Ikaw ay tatawag, at ako ay sasagot sa iyo. Ang gawa ng iyong mga kamay ay mimithiin mo.” (Job 14:14, 15) Ano ang kahulugan ng mga pananalitang iyan?
7 Alam ni Job na pagkamatay niya, kailangan niyang maghintay ng ilang panahon habang natutulog siya sa kamatayan. Itinuring niya ang panahong iyon bilang “sapilitang pagpapagal,” isang takdang panahon ng paghihintay hanggang sa makalaya siya. Para sa kaniya, tiyak ang pagpapalayang ito. Batid ni Job na darating din sa kaniya ang kaginhawahan. Bakit? Dahil alam niya ang nadarama ni Jehova. ‘Minimithi’ ni Jehova na muling makita ang kaniyang tapat na lingkod. Oo, nananabik ang Diyos na buhaying muli ang lahat ng matuwid na indibiduwal. Bibigyan din ni Jehova ng pagkakataon ang iba na mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa. (Lucas 23:43; Juan 5:28, 29) Yamang kalooban ng Diyos na tuparin ang layuning iyan, sino ang makahahadlang sa kaniya?
8. Paano ‘naglaan ng garantiya’ si Jehova hinggil sa ating pag-asa sa hinaharap?
8 Garantisado ang ating pag-asa sa hinaharap dahil sa pagkabuhay-muli ni Jesus. Nang magtalumpati si Pablo sa Atenas, sinabi niya: “Nagtakda [ang Diyos] ng isang araw kung kailan nilalayon niyang hatulan ang tinatahanang lupa ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaki na kaniyang inatasan, at naglaan siya ng garantiya sa lahat ng mga tao anupat binuhay niya siyang muli mula sa mga patay.” (Gawa 17:31) Nilibak si Pablo ng ilan sa mga tagapakinig nang marinig nila ang pagkabuhay-muli. Gayunman, nanampalataya ang ilan. Marahil ang nakapukaw ng kanilang pansin ay ang pagiging garantisado ng pagkabuhay-muli. Ang pagbuhay-muli ni Jehova kay Jesus ang pinakadakila sa lahat ng himala. Binuhay niyang muli ang kaniyang Anak bilang makapangyarihang espiritu. (1 Pedro 3:18) Mas dakila na ngayon ang binuhay-muling si Jesus kaysa noong bago siya naging tao. Si Jesus, na imortal at ikalawa kay Jehova sa kapangyarihan, ay nasa kalagayan na ngayon upang tumanggap ng kamangha-manghang mga atas mula sa kaniyang Ama. Si Jesus ang gagamitin ni Jehova para buhaying muli ang iba pa—tungo sa buhay sa langit o sa lupa. Sinabi mismo ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay.” (Juan 5:25; 11:25) Sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa kaniyang Anak, ginarantiyahan ni Jehova ang gayong pag-asa para sa lahat ng tapat.
9. Paano pinatutunayan ng ulat ng Bibliya na totoo ang pagkabuhay-muli?
9 May mga nakasaksi sa mga pagkabuhay-muli at nakaulat ang mga ito sa Salita ng Diyos. Detalyadong inilarawan ng Bibliya ang walong taong ibinangon mula sa mga patay upang muling Juan 11:17-44, 53; 12:9-11) Oo, makapagtitiwala tayo na tiyak na magaganap ang pagkabuhay-muli. Ipinaalam sa atin ng Diyos ang nakalipas na mga ulat ng mga pagkabuhay-muli upang aliwin tayo at patibayin ang ating pananampalataya.
mabuhay dito sa lupa. Ang mga himalang ito ay hindi ginawa nang palihim, kundi nang hayagan, kadalasan na sa harap ng mga saksi. Binuhay-muli ni Jesus si Lazaro, na apat na araw nang patay, sa harap ng isang pulutong ng mga nagdadalamhati—tiyak na kasama rito ang pamilya, mga kaibigan, at mga kapitbahay ng taong ito. Napakatibay ng ebidensiyang ito na si Jesus ang isinugo ng Diyos anupat hindi maikaila ng mga lider ng relihiyon na kaaway ni Jesus na nangyari ito. Sa halip, nagpakana silang patayin hindi lamang si Jesus kundi pati na rin si Lazaro! (Magkaroon ng Kaaliwan sa Pag-asang Pagkabuhay-Muli
10. Ano ang makatutulong sa atin na magkaroon ng kaaliwan mula sa mga ulat ng Bibliya hinggil sa pagkabuhay-muli?
10 Kung napapaharap ka sa kamatayan, saan ka makasusumpong ng kaaliwan? Ang isang tiyak na pinagmumulan ng kaaliwan ay ang mga ulat ng Bibliya hinggil sa pagkabuhay-muli. Magiging lalong totoo sa iyo ang pag-asang pagkabuhay-muli kung babasahin at bubulay-bulayin mo ang mga ulat tungkol dito, at gugunigunihin mo ang mga pangyayari. (Roma 15:4) Hindi lamang basta kuwento ang mga ito. Talagang nangyari ang mga ito sa tunay na buhay. Talakayin natin sandali ang isang halimbawa—ang unang pagkabuhay-muli na iniulat ng Bibliya.
11, 12. (a) Anong trahedya ang sumapit sa balo sa Zarepat, at ano ang reaksiyon niya noong una? (b) Ilarawan kung ano ang ginawa ni propeta Elias para sa balo sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay sa kaniya ni Jehova.
11 Gunigunihin ang eksena. Ilang linggo nang panauhin ng balo sa Zarepat si propeta Elias, at pinatuloy nito ang propeta sa isang silid sa bubungan. Malungkot na panahon iyon. Malubhang naapektuhan ng tagtuyot at taggutom ang rehiyon. Marami ang namamatay. Upang gantimpalaan ang katapatan ng maralitang balo na ito, ginamit ni Jehova si Elias para gumawa ng isang himala na tumagal nang mahabang panahon. Halos wala nang kakainin ang balo at ang kaniyang batang anak na lalaki. Huling pagkain na lamang nila ang natitira nang bigyan ng Diyos si Elias ng kapangyarihang gumawa ng himala upang hindi maubos ang suplay na harina at langis ng balo. Ngunit ngayon ay may trahedyang sumapit sa balo. Biglang nagkasakit ang kaniyang anak, at di-nagtagal ay namatay ito. Halos madurog ang puso ng balo! Nawalan na nga siya ng asawang masasandalan at aalalay sa kaniya,
namatayan pa siya ngayon ng kaisa-isang anak. Sa kaniyang pamimighati, sinisi pa nga ng balo si Elias at ang Diyos nito, si Jehova! Ano ang gagawin ng propeta?12 Hindi sinaway ni Elias ang balo sa kabila ng maling paratang nito. Sa halip ay sinabi niya: “Ibigay mo sa akin ang iyong anak.” Dinala ni Elias ang bangkay ng bata sa silid-bubungan at pagkatapos ay paulit-ulit siyang nanalangin sa Diyos na isauli ang buhay ng bata. At kumilos nga si Jehova! Bakas na bakas ang kaligayahan sa mukha ni Elias nang huminga ang bata. At nang dumilat ang bata, kitang-kita ang sigla sa mga mata nito. Ibinaba ni Elias ang bata sa kaniyang ina at sinabi: “Tingnan mo, ang iyong anak ay buháy.” Kulang ang mga salita para ilarawan ang tuwa ng balo. Sinabi niya: “Ngayon ay alam ko nang talaga na ikaw ay isang lalaki ng Diyos at na ang salita ni Jehova sa iyong bibig ay totoo.” (1 Hari 17:8-24) Lalong tumibay ngayon ang kaniyang pananampalataya kay Jehova at sa kinatawan ng Diyos.
13. Bakit nakaaaliw sa atin sa ngayon ang ulat hinggil sa pagbuhay-muli ni Elias sa anak na lalaki ng isang balo?
13 Tiyak na malaking kaaliwan sa iyo na bulay-bulayin ang salaysay na ito. Kitang-kita nga na kayang daigin ni Jehova ang ating kaaway na kamatayan! Gunigunihin ang panahon kapag ang kaligayahang nadama ng balo ay nadama rin ng libu-libong tao sa lupa kapag naganap ang pangkalahatang pagkabuhay-muli ng mga patay! Magsasaya ang langit habang ipinatutupad ni Jehova sa kaniyang Anak ang pangglobong pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29) Namatayan ka na ba ng mahal sa buhay? Nakatutuwang malaman na kaya at talagang bubuhayin ni Jehova ang mga patay!
Ang Iyong Pag-asa at ang Iyong Paraan ng Pamumuhay Ngayon
14. Paano makaiimpluwensiya sa iyong buhay ang pag-asang pagkabuhay-muli?
14 Paano makaiimpluwensiya sa iyong paraan ng pamumuhay ngayon ang pag-asang pagkabuhay-muli? Kapag napapaharap ka sa mga pagsubok, problema, pag-uusig, o panganib, mapalalakas ka ng pag-asang ito. Gusto ni Satanas na katakutan mo ang kamatayan hanggang sa punto na ipagpalit mo ang iyong katapatan para sa hungkag na pangako ng kaligtasan. Tandaan na sinabi ni Satanas kay Jehova: “Ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa.” (Job 2:4) Sa pagsasabi niyan, sinisiraang-puri tayong lahat ni Satanas, kasama ka na. Totoo bang titigil ka na sa paglilingkod sa Diyos kapag nanganib ang iyong buhay? Kung bubulay-bulayin mo ang pag-asang pagkabuhay-muli, mapatitibay mo ang iyong determinasyon na patuloy na gawin ang kalooban ng iyong Ama sa langit.
15. Paano makapagbibigay sa atin ng kaaliwan ang mga salita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 10:28 kapag napapaharap tayo sa panganib?
15 Sinabi ni Jesus: “Huwag kayong matakot doon sa mga pumapatay ng katawan ngunit hindi makapapatay ng kaluluwa; kundi sa halip ay matakot Mateo 10:28) Hindi natin dapat katakutan si Satanas o ang kaniyang mga alipores. Totoo, maaaring may kapangyarihan ang ilan sa kanila na manakit, at pumatay pa nga. Gayunman, maging ang pinakamasahol na magagawa nila ay pansamantala lamang. Anumang pinsala na sinapit ng kaniyang tapat na mga lingkod ay kaya at talagang papawiin ni Jehova—maging ang buhayin silang muli. Si Jehova lamang ang karapat-dapat nating katakutan, pag-ukulan ng matinding pagpipitagan at paggalang. Siya lamang ang may kapangyarihang kapuwa kumitil ng buhay at mag-alis ng anumang pag-asang mabuhay sa hinaharap, samakatuwid nga, puksain kapuwa ang katawan at kaluluwa sa Gehenna. Nakatutuwa naman, hindi ganiyan ang gusto ni Jehova na mangyari sa iyo. (2 Pedro 3:9) Dahil sa pag-asang pagkabuhay-muli, tayong mga lingkod ng Diyos ay laging makatitiyak na ligtas tayo. Buhay na walang hanggan ang naghihintay sa atin hangga’t nananatili tayong tapat, at walang magagawa riyan si Satanas at ang kaniyang mga kampon.—Awit 118:6; Hebreo 13:6.
kayo sa kaniya na makapupuksa kapuwa sa kaluluwa at katawan sa Gehenna.” (16. Paano nakaaapekto sa pagtatakda natin ng mga priyoridad sa buhay ang ating pangmalas sa pagkabuhay-muli?
16 Kung totoo sa atin ang pag-asang pagkabuhay-muli, huhubugin nito ang ating pangmalas sa buhay. Batid natin na ‘mabuhay man tayo o mamatay, tayo ay kay Jehova.’ (Roma 14:7, 8) Kaya kapag nagtatakda tayo ng mga priyoridad sa buhay, ikinakapit natin ang payo ni Pablo: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Maraming tao ang nagkukumahog upang mapalugdan ang bawat pagnanasa, maabot ang bawat ambisyon, at masunod ang bawat kapritso nila sa buhay. Dahil maigsi ang buhay sa tingin nila, halos hindi sila magkandaugaga sa paghahanap ng kalayawan at kaluguran, at kung may relihiyon man sila, tiyak na hindi ito kasuwato ng “sakdal na kalooban ng Diyos.”
17, 18. (a) Paano sinasabi ng Salita ni Jehova na maigsi ang buhay ng tao, pero ano ang nais ng Diyos para sa atin? (b) Bakit tayo nauudyukang purihin si Jehova araw-araw?
17 Totoong maigsi ang buhay. “Madali itong lumilipas, at [tayo] ay lumilipad na,” marahil sa loob lamang ng mga 70 o 80 taon. (Awit 90:10) Panandalian lamang ang buhay ng tao gaya ng luntiang damo, tulad ng aninong lumilipas, at gaya ng singaw. (Awit 103:15; 144:3, 4) Ngunit hindi nilayon ng Diyos na ipanganak tayo, lumaki, magkaroon ng kaalaman at karanasan sa loob ng ilang taon, at sa natitira pang mga taon ay unti-unti nang humina, magkasakit, at mamatay. Nilalang ni Jehova ang mga tao na may pagnanasang mabuhay magpakailanman. “Ang panahong walang takda ay inilagay niya sa kanilang puso,” ang sabi sa atin ng Bibliya. (Eclesiastes 3:11) Pero bibigyan ba niya tayo ng gayong pagnanais kung imposible naman pala itong makamit? Malupit ba ang Diyos? Hindi nga, sapagkat “ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Gagamitin niya ang pagkabuhay-muli upang maging posible ang buhay na walang hanggan para sa mga taong namatay na.
18 Panatag tayo sa ating kinabukasan dahil sa pag-asang pagkabuhay-muli. Hindi tayo kailangang magkumahog ngayon para maabot ang sukdulang potensiyal natin. Hindi natin kailangang gamitin “nang lubusan” ang daigdig na ito na malapit nang magwakas. (1 Corinto 7:29-31; 1 Juan 2:17) Di-tulad ng mga walang tunay na pag-asa, mayroon tayong kamangha-manghang pribilehiyo na malaman na kung mananatili tayong tapat sa Diyos na Jehova, magkakaroon tayo ng pagkakataong purihin siya at mabuhay nang walang hanggan. Kung gayon, gawin natin ang ating buong makakaya upang purihin sa araw-araw si Jehova, na tumitiyak sa atin na matutupad ang pag-asang pagkabuhay-muli!
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang dapat nating madama hinggil sa pagkabuhay-muli?
• Bakit tayo makatitiyak na matutupad ang pag-asang pagkabuhay-muli?
• Paano makaaaliw sa iyo ang pag-asang pagkabuhay-muli?
• Paano makaiimpluwensiya sa iyong paraan ng pamumuhay ang pag-asang pagkabuhay-muli?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 28]
Alam ni Job na minimithi ni Jehova na buhaying muli ang matuwid
[Larawan sa pahina 29]
“Tingnan mo, ang iyong anak ay buháy”