Isang Isyung Nagsasangkot sa Iyo
Isang Isyung Nagsasangkot sa Iyo
MAY kaibigan ka ba o kapamilya na malapít na malapít sa iyo? Paano kung may magparatang sa iyo na pinananatili mo lamang ang ugnayang iyan dahil sa nakukuha mong pakinabang? Hindi ba’t masasaktan ka, marahil ay magagalit pa nga? Iyan mismo ang paratang ni Satanas na Diyablo sa lahat ng taong malapít sa Diyos na Jehova.
Isipin kung ano ang naganap nang makumbinsi ni Satanas ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, na suwayin ang kautusan ng Diyos at sumama sa kaniyang paghihimagsik laban sa Diyos. Ipinahihiwatig ba ng nangyari na mananatili lamang na masunurin ang mga tao kay Jehova hangga’t may nakukuha silang pakinabang dito? (Genesis 3:1-6) Mga 2,500 taon pagkatapos ng paghihimagsik ni Adan, ibinangon ni Satanas ang mismong isyung ito—sa pagkakataong ito, sa kaso ng lalaking nagngangalang Job. Yamang malinaw na ibinangon sa paratang ng Diyablo kung ano ang isyung nasasangkot, suriin nating mabuti ang ulat na ito ng Bibliya.
“Hindi Ko Aalisin sa Akin ang Aking Katapatan”
Si Job ay “isang lalaking walang kapintasan at matuwid, na natatakot sa Diyos at lumilihis sa kasamaan.” Subalit kinuwestiyon ni Satanas ang pagiging matuwid ni Job. “Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang dahilan?” ang tanong niya kay Jehova. Pagkatapos, siniraan ng Diyablo ang Diyos at si Job. Ipinaratang ng Diyablo na nabili ni Jehova ang katapatan ni Job sa pamamagitan ng pagsasanggalang at pagpapala rito. “Upang mapaiba naman,” ang hamon ni Satanas, “iunat mo ang iyong kamay, pakisuyo, at galawin mo ang lahat ng kaniyang pag-aari at tingnan mo kung hindi ka niya susumpain nang mukhaan.”—Job 1:8-11.
Upang masagot ang mga paratang na ito, pinahintulutan ni Jehova si Satanas na subukin si Job. Sa pagsisikap na italikod siya mula sa paglilingkod sa Diyos, nagpasapit ang Diyablo ng sunud-sunod na kalamidad sa tapat na lalaking iyon. Ninakaw o nilipol ang lahat ng hayupan ni Job, pinaslang ang mga tagapaglingkod niya, at pinatay ang kaniyang mga anak. (Job 1:12-19) Pero nagtagumpay ba si Satanas? Hinding-hindi! Bagaman walang kaalam-alam na ang Diyablo ang sanhi ng nararanasan niyang mga pagsubok, sinabi ni Job: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis. Patuloy na pagpalain ang pangalan ni Jehova.”—Job 1:21.
Pagkatapos nito, humarap si Satanas kay Jehova, na nagsabi sa kaniya: “[Si Job] ay nanghahawakan pa ring mahigpit sa kaniyang katapatan, bagaman inuudyukan mo ako laban sa kaniya na lamunin siya nang walang dahilan.” (Job 2:1-3) Ang napakahalagang isyu ay hinggil sa katapatan ni Job—isang katangian na humihiling ng di-natitinag na katapatan sa Diyos at mahigpit na panghahawakan sa katuwiran. Hanggang sa sandaling iyon, nagtagumpay si Job sa isyu ng katapatan. Pero hindi pa rin sumuko ang Diyablo.
Sumunod, gumawa si Satanas ng pag-aangking nagsasangkot sa lahat ng tao. “Balat kung balat,” ang sabi niya kay Jehova, “at ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang Job 2:4, 5) Sa paggamit ng pangkalahatang termino na “isang tao” sa halip na ang pangalang Job, kinukuwestiyon ng Diyablo ang katapatan ng bawat tao. Sa diwa ay iginigiit niya: ‘Gagawin ng isang tao ang lahat mailigtas lamang ang kaniyang buhay. Bigyan mo lamang ako ng pagkakataon, at kaya kong italikod ang sinuman mula sa Diyos.’ Wala ba talagang taong mananatiling tapat sa Diyos sa ilalim ng lahat ng kalagayan at sa lahat ng pagkakataon?
kaluluwa. Upang mapaiba naman, iunat mo ang iyong kamay, pakisuyo, at galawin mo siya hanggang sa kaniyang buto at sa kaniyang laman at tingnan mo kung hindi ka niya susumpain nang mukhaan.” (Pinahintulutan ni Jehova ang Diyablo na pasapitan si Job ng malubhang karamdaman. Napakatindi ng pagdurusa ni Job anupat nanalangin siya na sana’y mamatay na siya. (Job 2:7; 14:13) Subalit sinabi ni Job: “Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!” (Job 27:5) Sinabi ito ni Job dahil mahal niya ang Diyos, at walang makapagpapabago niyan. Pinatunayan ni Job na isa siyang lalaking tapat sa Diyos. “Kung tungkol kay Jehova,” ang sabi ng Bibliya, “pinagpala niya ang huling wakas ni Job nang higit pa kaysa sa kaniyang pasimula.” (Job 42:10-17) May iba pa bang naging katulad ni Job? Ano ang ipinakikita sa paglipas ng panahon?
Kung Paano Sinagot ang Hamon
Sa kabanata 11 ng aklat ng Bibliya na Mga Hebreo, binanggit ni apostol Pablo ang mga pangalan ng maraming tapat na lalaki at babaing nabuhay bago ang panahong Kristiyano, kasama na rito sina Noe, Abraham, Sara, at Moises. Pagkatapos ay sinabi ng apostol: “Kukulangin ako ng panahon kung ilalahad ko pa ang tungkol [sa iba pa].” (Hebreo 11:32) Napakarami ng tapat na mga lingkod na ito ng Diyos kung kaya’t tinukoy sila ni Pablo bilang ‘isang malaking ulap ng mga saksi,’ anupat inihambing sila sa isang malaking ulap na makikita sa kalangitan. (Hebreo 12:1) Oo, sa paglipas ng mga siglo, di-mabilang na pulutong ng mga tao ang gumamit ng kanilang kalayaang magpasiya at pinili nilang maging tapat sa Diyos na Jehova.—Josue 24:15.
Ang pinakasukdulang sagot sa pag-aangkin ni Satanas na kaya niyang italikod ang mga tao mula kay Jehova ay nagmula sa mismong Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. Maging ang napakasakit na kamatayang dinanas niya sa pahirapang tulos ay hindi nakasira sa kaniyang katapatan sa Diyos. Sa huling hininga ni Jesus, sumigaw siya: “Ama, sa iyong mga kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu.”—Lucas 23:46.
Malinaw na ipinakikita sa paglipas ng panahon na hindi naitalikod ng Diyablo ang lahat ng tao mula sa paglilingkod sa tunay na Diyos. Di-mabilang na mga tao ang nakakilala kay Jehova at ‘inibig nila siya nang kanilang buong puso at nang kanilang buong kaluluwa at nang kanilang buong pag-iisip.’ (Mateo 22:37) Pinatunayan ng kanilang di-nagmamaliw na katapatan kay Jehova na mali si Satanas tungkol sa isyu ng katapatan ng tao. Maaari mo ring patunayan na mali ang Diyablo sa pamamagitan ng pagiging tapat sa Diyos.
Ano ang Dapat Mong Gawin?
Kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Paano mo magagawa iyan? Maglaan ng panahon na pag-aralan ang Bibliya at ‘kumuha ng kaalaman tungkol sa tanging tunay na Diyos at sa isa na kaniyang isinugo, si Jesu-Kristo.’—Juan 17:3.
Hinamon ni Satanas ang katapatan ng tao sa pamamagitan ng pagkuwestiyon sa mga motibo ng tao sa paglilingkod sa Diyos. Para makaapekto ang kaalaman sa iyong mga motibo, dapat itong makaabot sa iyong puso. At para mangyari ito, hindi sapat ang pagkuha lamang ng impormasyon mula sa Bibliya. Gawin mong kaugalian na bulay-bulayin ang iyong natututuhan. (Awit 143:5) Kapag binabasa mo ang Bibliya o isang publikasyon na salig sa Bibliya, tiyaking maglaan ng panahon na pag-isipan ang mga tanong na gaya nito: ‘Ano ang itinuturo nito sa akin hinggil kay Jehova? Anu-anong katangian ng Diyos ang nakikita kong ipinahahayag dito? Sa anu-anong pitak ng aking buhay kailangan kong tularan ang mga katangiang ito? Ano ang sinasang-ayunan o di-sinasang-ayunan ng Diyos? Paano ito nakaaapekto sa damdamin ko sa Diyos?’ Sa gayong pagbubulay-bulay, malilipos ang iyong puso ng pag-ibig at pagpapahalaga sa Maylalang.
Ang katapatan sa Diyos ay hindi lamang nauugnay sa relihiyosong paniniwala. (1 Hari 9:4) Ang pananatiling tapat sa Diyos na Jehova ay humihiling ng pagiging matuwid sa moral sa lahat ng pitak ng buhay. Gayunman, walang mawawala sa iyo kung mananatili kang tapat sa Diyos. Si Jehova ang “maligayang Diyos,” at nais niyang masiyahan ka sa buhay. (1 Timoteo 1:11) Isaalang-alang ngayon ang ilang paggawi na kailangan mong iwasan upang manatiling malinis sa moral at sa gayon ay matamasa ang isang mas maligayang buhay at ang pagsang-ayon ng Diyos.
Iwasan ang Imoral na Paggawi
Si Jehova mismo ang nagtakda ng pamantayan para sa pag-aasawa sa kaniyang Salita, ang Bibliya, na nagsasabi: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” (Genesis 2:21-24) Yamang “isang laman” na ang mag-asawa, pinararangalan nila ang kaayusan ng Diyos sa pag-aasawa kapag hindi sila nakikipagtalik sa iba maliban sa kanilang asawa. Sinabi ni apostol Pablo: “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat, at maging walang dungis ang higaang pangmag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.” (Hebreo 13:4) Ang pananalitang “higaang pangmag-asawa” ay nagpapahiwatig ng pagtatalik ng isang lalaki at ng isang babae na legal na ikinasal sa isa’t isa. Ang pakikipagtalik ng isa man sa kanila sa hindi nila asawa ay pangangalunya at magdudulot ng di-kaayaayang hatol mula sa Diyos.—Malakias 3:5.
Kumusta naman ang pagtatalik bago magpakasal? Labag din iyan sa moral na mga pamantayang itinakda ni Jehova. “Ito ang kalooban ng Diyos . . . na umiwas kayo sa pakikiapid,” ang sabi ng Bibliya. (1 Tesalonica 4:3) Kasalanan din sa Diyos ang homoseksuwalidad, insesto, at bestiyalidad. (Levitico 18:6, 23; Roma 1:26, 27) Ang sinumang nagnanais na mapaluguran ang Diyos at magkaroon ng tunay na maligayang buhay ay dapat umiwas sa imoral na mga paggawi.
Kumusta naman ang paggawing nakapupukaw ng pagnanasa sa sekso bago ang kasal? Ang paggawing ito ay hindi nakalulugod kay Jehova. (Galacia 5:19) Dapat ding panatilihing malinis ang pag-iisip mula sa imoral na mga kaisipan. Sinabi ni Jesus: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:28) Ang mga salitang ito ay kapit din sa panonood ng pornograpikong mga larawan sa mga babasahin, sa video, o sa Internet; sa pagbabasa ng mga kuwento hinggil sa seksuwal na mga gawain; at pakikinig sa mahahalay na liriko ng mga awitin. Ang pag-iwas sa gayong mga bagay ay nakalulugod sa Diyos at may mabuting impluwensiya sa buhay ng isa.
Kumusta naman ang pakikipagligaw-biro? Ang pakikipagligaw-biro ay binigyang-katuturan bilang paggawing “palabiro na nagpapahiwatig ng pagkagusto sa isa o mapanukso sa seksuwal na paraan.” Kapag ang isang lalaki o babaing may asawa ay gumagawi nang gayon sa hindi niya asawa, nilalabag niya ang mga simulain ng Bibliya at pagpapakita ito ng kawalang-galang kay Jehova. (Efeso 5:28-33) Talaga ngang hindi angkop para sa mga walang asawa na magpahiwatig ng romantikong interes sa iba para lamang sa katuwaan! Paano kung seryosohin ng isa ang gayong pakikipagligaw-biro? Isipin ang sakit sa damdamin na idudulot nito. Maganda ring pag-isipan ang bagay na maaaring umakay sa pangangalunya o pakikiapid ang pakikipagligaw-biro. Sa kabilang panig naman, ang malinis na pakikitungo sa mga di-kasekso ay nakadaragdag sa paggalang ng isa sa sarili.—1 Timoteo 5:1, 2.
Paluguran ang Diyos sa Iba Pang mga Pitak ng Buhay
Madaling makakuha ng inuming de-alkohol sa maraming lupain. Mali bang uminom nito? Ang katamtamang pag-inom ng alak, serbesa, o iba pang inuming de-alkohol ay hindi ipinagbabawal sa Kasulatan. (Awit 104:15; 1 Timoteo 5:23) Subalit ang labis na pag-inom at paglalasing ay mali sa paningin ng Diyos. (1 Corinto 5:11-13) Tiyak na hindi mo nanaising sirain ng labis na pag-inom ang iyong kalusugan at buhay pampamilya.—Kawikaan 23:20, 21, 29-35.
Si Jehova ang “Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5) “Imposibleng magsinungaling ang Diyos,” ang sabi ng Bibliya. (Hebreo 6:18) Kung nais mong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, iiwasan mo ang pagsisinungaling. (Kawikaan 6:16-19; Colosas 3:9, 10) “Magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa,” ang paalaala ng Bibliya sa mga Kristiyano.—Efeso 4:25.
1 Timoteo 3:8) Kaya kung nais mong paluguran si Jehova, iiwasan mo ang lahat ng uri ng pagsusugal, pati na ang mga loterya, bingo, at pagpusta sa mga karera ng kabayo. Kung gagawin mo ito, makikita mo na talagang mas marami ang perang hawak mo upang sapatan ang mga pangangailangan ng iyong pamilya.
Naririyan din ang bisyo ng pagsusugal. Bagaman popular, ang pagsusugal ay isang anyo ng kasakiman, yamang pagtatangka ito na magkapera sa pamamagitan ng pagkatalo ng iba. Hindi sinasang-ayunan ni Jehova ang mga “sakim sa di-tapat na pakinabang.” (Ang pagnanakaw, o ang pagkuha ng isang bagay na hindi sa iyo, ay isa pang uri ng kasakiman. “Huwag kang magnanakaw,” ang sabi ng Bibliya. (Exodo 20:15) Hindi tama ang bumili ng mga bagay na alam mong nakaw at kumuha ng mga bagay nang walang pahintulot. “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa,” ang sabi ng Bibliya, “kundi sa halip ay magtrabaho siya nang masikap, na gumagawa ng mabuting gawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay, upang may maipamahagi siya sa sinumang nangangailangan.” (Efeso 4:28) Sa halip na magnakaw ng oras mula sa kanilang amo, ang mga umiibig kay Jehova ay tapat na mga trabahador. ‘Nais nilang gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.’ (Hebreo 13:18) At tiyak na nakadaragdag sa kapayapaan ng isip ang pagkakaroon ng malinis na budhi.
Ano ang pangmalas ng Diyos sa isa na madaling magalit at marahas? Nagbabala ang Bibliya: “Huwag kang makikisama sa sinumang madaling magalit; at sa taong magagalitin ay huwag kang sasama.” (Kawikaan 22:24) Ang di-makontrol na galit ay madalas humantong sa karahasan. (Genesis 4:5-8) Hinggil naman sa paghihiganti, ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. Maglaan ng mabubuting bagay sa paningin ng lahat ng tao. Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’” (Roma 12:17-19) Kapag sinunod natin ang gayong payo, magiging mas mapayapa ang ating buhay—at makadaragdag ito sa ating kaligayahan.
Maaari Kang Magtagumpay
Maaari ka bang manatiling tapat sa Diyos sa kabila ng mga panggigipit na gawin ang kabaligtaran? Oo, maaari kang manatiling tapat. Dapat mong kilalanin na nais ng Diyos na magtagumpay ka na patunayang mali si Satanas hinggil sa isyu ng katapatan, sapagkat sinasabi ng Kaniyang Salita: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.”—Kawikaan 27:11.
Maaari kang manalangin kay Jehova upang palakasin kang gawin kung ano ang tama sa kaniyang paningin. (Filipos 4:6, 7, 13) Kaya maging determinadong dagdagan ang iyong kaalaman hinggil sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ang pagbubulay-bulay nang may pagpapahalaga sa iyong natututuhan sa Bibliya ay tutulong sa iyo na mapasidhi ang iyong pag-ibig sa Diyos at magpapakilos sa iyo na paluguran siya. “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos,” ang sabi ng 1 Juan 5:3, “na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” Malulugod ang mga Saksi ni Jehova sa inyong komunidad na tulungan ka sa pag-aaral ng Bibliya. Inaanyayahan kang makipag-ugnayan sa kanila sa inyong lugar, o maaari kang sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.
[Larawan sa pahina 4]
Nanatiling tapat si Job sa ilalim ng pagsubok
[Larawan sa pahina 7]
Kung daragdagan mo ang iyong kaalaman hinggil sa Salita ng Diyos, mapatitibay mo ang iyong pasiya na gawin kung ano ang tama