Katulad ba ng Pangmalas ni Jehova ang Pangmalas Mo sa mga Bagay na Sagrado?
Katulad ba ng Pangmalas ni Jehova ang Pangmalas Mo sa mga Bagay na Sagrado?
“Maingat na nagbabantay . . . upang huwag magkaroon ng sinumang mapakiapid o ng sinumang hindi nagpapahalaga sa mga bagay na sagrado.”—HEBREO 12:15, 16.
1. Anong kasalukuyang saloobin ang hindi tinutularan ng mga lingkod ni Jehova?
ANG sanlibutan sa pangkalahatan ay unti-unting nawawalan ng pagpapahalaga sa mga bagay na sagrado. Ganito ang sinabi ng sosyologong Pranses na si Edgar Morin: “Ang lahat ng pinagsasaligan ng pamantayang moral—Diyos, kalikasan, tinubuang bayan, kasaysayan, katuwiran—ay pinag-aalinlanganan na. . . . Ang mga tao ang pumipili kung ano ang gusto nilang pamantayan.” Ipinakikita nito ang “espiritu ng sanlibutan,” o “ang espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway.” (1 Corinto 2:12; Efeso 2:2) Ang espiritung iyan na walang pagpipitagan ay hindi tinutularan ng mga nag-alay kay Jehova at ng mga handang magpasakop sa kaniyang matuwid na soberanya. (Roma 12:1, 2) Sa halip, natatanto ng mga lingkod ng Diyos ang napakahalagang papel ng pagiging sagrado, o ng kabanalan, sa kanilang pagsamba kay Jehova. Anu-ano bang mga bagay sa ating buhay ang dapat ituring na sagrado? Tatalakayin ng artikulong ito ang limang bagay na banal sa lahat ng lingkod ng Diyos. Pagtutuunan naman ng pansin ng susunod na artikulo ang pagiging sagrado ng ating Kristiyanong mga pagpupulong. Pero ano ba talaga ang kahulugan ng salitang “banal”?
2, 3. (a) Paano itinatampok ng Kasulatan ang kabanalan ni Jehova? (b) Paano natin ipinakikita na itinuturing nating banal ang pangalan ni Jehova?
2 Sa Bibliya, ang salitang Hebreo na “banal” ay nagpapahiwatig ng ideya ng pagiging hiwalay. Sa pagsamba, ang “banal” ay kumakapit sa isa na ibinukod mula sa pangkaraniwang gamit, isa na itinuturing na sagrado. Si Jehova ay banal sa sukdulang diwa. Siya ay tinatawag na ang “Kabanal-banalan.” (Kawikaan 9:10; 30:3) Sa sinaunang Israel, nakakabit sa turbante ng mataas na saserdote ang laminang ginto na may nakalilok na mga salitang “Ang kabanalan ay kay Jehova.” (Exodo 28:36, 37) Ang makalangit na mga kerubin at serapin na nakapuwesto malapit sa trono ni Jehova ay inilarawan sa Kasulatan na nagpapahayag: “Banal, banal, banal si Jehova.” (Isaias 6:2, 3; Apocalipsis 4:6-8) Idiniriin ng pag-uulit na ito na sa sukdulang antas, si Jehova ay banal, malinis, at dalisay. Sa katunayan, siya ang Pinagmumulan ng lahat ng kabanalan.
3 Sagrado, o banal, ang pangalan ni Jehova. Ibinulalas ng salmista: “Purihin nila ang iyong pangalan. Dakila at kakila-kilabot, iyon ay banal.” (Awit 99:3) Tinuruan tayo ni Jesus na manalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mateo 6:9) Ipinahayag ni Maria, ang ina ni Jesus sa lupa: “Dinadakila ng aking kaluluwa si Jehova . . . ang Isa na makapangyarihan ay gumawa ng dakilang mga gawa para sa akin, at banal ang kaniyang pangalan.” (Lucas 1:46, 49) Bilang mga lingkod ni Jehova, itinuturing nating banal ang kaniyang pangalan at iniiwasan nating gumawa ng anumang bagay na maaaring magdulot ng upasala sa banal na pangalang iyon. Karagdagan pa, tinutularan natin ang pangmalas ni Jehova sa mga bagay na sagrado, anupat itinuturing nating sagrado ang mga bagay na itinuturing niyang sagrado.—Amos 5:14, 15.
Kung Bakit May Matindi Tayong Paggalang kay Jesus
4. Bakit inilalarawan ng Bibliya si Jesus bilang “ang Banal”?
4 Bilang ang “bugtong na anak” ng banal na Juan 1:14; Colosas 1:15; Hebreo 1:1-3) Sa gayon, tinawag siyang “ang Banal ng Diyos.” (Juan 6:69) Nanatili siyang banal nang ilipat ang kaniyang buhay mula sa langit tungo sa lupa, sapagkat sa ilalim ng kapangyarihan ng banal na espiritu naisilang ni Maria si Jesus. Sinabi ng isang anghel kay Maria: “Ang banal na espiritu ay darating sa iyo . . . ang ipanganganak ay tatawaging banal, Anak ng Diyos.” (Lucas 1:35) Sa pananalangin kay Jehova, dalawang beses na tinukoy ng mga Kristiyano sa Jerusalem ang Anak ng Diyos bilang ang “iyong banal na lingkod na si Jesus.”—Gawa 4:27, 30.
Diyos, si Jehova, nilalang na banal si Jesus. (5. Anong sagradong misyon ang tinupad ni Jesus sa lupa, at bakit mahalaga ang kaniyang dugo?
5 May sagradong misyon na dapat tuparin si Jesus nang siya’y nasa lupa. Nang bautismuhan siya noong 29 C.E., pinahiran si Jesus bilang Mataas na Saserdote sa dakilang espirituwal na templo ni Jehova. (Lucas 3:21, 22; Hebreo 7:26; 8:1, 2) Bukod diyan, mamamatay siya bilang hain. Ang kaniyang itinigis na dugo ang maglalaan ng pantubos, na sa pamamagitan nito ay maaaring maligtas ang makasalanang mga tao. (Mateo 20:28; Hebreo 9:14) Kaya ang dugo ni Jesus ay itinuturing nating sagrado at ‘mahalaga.’—1 Pedro 1:19.
6. Ano ang saloobin natin hinggil kay Kristo Jesus, at bakit?
6 Sa pagpapakita na may matindi tayong paggalang sa ating Hari at Mataas na Saserdote, si Kristo Jesus, sumulat si apostol Pablo: “Dinakila . . . ng Diyos [ang kaniyang Anak] sa isang nakatataas na posisyon at may-kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa, at ang bawat dila ay hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.” (Filipos 2:9-11) Ipinakikita natin na tinutularan natin ang pangmalas ni Jehova sa mga bagay na sagrado sa pamamagitan ng may-kagalakang pagpapasakop sa ating Lider at nagpupunong Hari, si Kristo Jesus, ang Ulo ng kongregasyong Kristiyano.—Mateo 23:10; Colosas 1:18.
7. Paano natin ipinakikita ang ating pagpapasakop kay Kristo?
7 Ang pagpapasakop kay Kristo ay nangangahulugan din ng pagpapakita natin ng wastong paggalang sa mga lalaking ginagamit niya upang manguna sa gawaing pinangangasiwaan niya sa ngayon. Dapat ituring na sagradong pananagutan ang papel na ginagampanan ng mga pinahiran ng espiritu na bumubuo sa Lupong Tagapamahala at ang papel na ginagampanan ng mga tagapangasiwang hinirang nila sa mga sangay, distrito, sirkito, at mga kongregasyon. Samakatuwid, dapat tayong magpakita ng matinding paggalang sa kaayusang ito at magpasakop dito.—Hebreo 13:7, 17.
Isang Banal na Bayan
8, 9. (a) Sa anong paraan isang banal na bayan ang mga Israelita? (b) Paano idiniin ni Jehova sa mga Israelita ang simulain ng pagiging sagrado?
8 Nakipagtipan si Jehova sa Israel. Dahil sa ugnayang ito, nagkaroon ng pantanging katayuan ang bagong bansang iyon. Pinabanal sila, o ibinukod. Sinabi mismo ni Jehova sa kanila: “Magpakabanal kayo sa akin, sapagkat akong si Jehova ay banal; at ibinubukod ko kayo mula sa mga bayan upang maging akin.”—Levitico 19:2; 20:26.
9 Noon mismong itatag ang bansang Israel, idiniin na ni Jehova sa mga Israelita ang simulain ng Exodo 19:12, 23) Ang mga saserdote, ang tabernakulo, at ang mga kasangkapan nito ay dapat ding ituring na sagrado. (Exodo 30:26-30) Kumusta naman sa kongregasyong Kristiyano?
pagiging sagrado. Hindi sila pinahintulutang hipuin man lamang ang bundok kung saan ibinigay ang Sampung Utos dahil kung gagawin nila ito, parurusahan sila ng kamatayan. Kaya sa diwa, ang Bundok Sinai ay itinuring noon na sagrado. (10, 11. Bakit masasabing sagrado ang kongregasyong Kristiyano na binubuo ng mga pinahiran, at ano ang epekto nito sa “ibang mga tupa”?
10 Ang kongregasyong Kristiyano na binubuo ng mga pinahiran ay sagrado sa paningin ni Jehova. (1 Corinto 1:2) Sa katunayan, ang buong grupo ng mga pinahirang Kristiyano sa lupa sa anumang yugto ng panahon ay itinulad sa isang banal na templo, bagaman hindi sila ang bumubuo sa dakilang espirituwal na templo ni Jehova. Naninirahan sa templong iyon si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Sumulat si apostol Pablo: “Sa pagiging kaisa [ni Kristo Jesus] ang buong gusali, palibhasa’y magkakasuwatong pinagbubuklod, ay lumalaki upang maging isang banal na templo para kay Jehova. Sa pagiging kaisa niya ay itinatayo rin kayong sama-sama bilang isang dakong tatahanan ng Diyos sa espiritu.”—Efeso 2:21, 22; 1 Pedro 2:5, 9.
11 Sumulat pa si Pablo sa pinahirang mga Kristiyano: “Hindi ba ninyo alam na kayo ang templo ng Diyos, at na ang espiritu ng Diyos ay tumatahan sa inyo? . . . Ang templo ng Diyos ay banal, na ang templong iyon ay kayo nga.” (1 Corinto 3:16, 17) Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, si Jehova ay ‘nananahan’ sa gitna ng mga pinahiran at ‘lumalakad sa gitna nila.’ (2 Corinto 6:16) Patuloy niyang ginagabayan ang kaniyang tapat na “alipin.” (Mateo 24:45-47) Pinahahalagahan naman ng “ibang mga tupa” ang kanilang pribilehiyo na makasama ng uring “templo.”—Juan 10:16; Mateo 25:37-40.
Mga Bagay na Sagrado sa Ating Buhay Bilang mga Kristiyano
12. Anu-anong bagay ang sagrado sa ating buhay, at bakit?
12 Hindi kataka-taka, maraming bagay may kaugnayan sa buhay ng mga pinahirang miyembro ng kongregasyong Kristiyano at ng kanilang mga kasamahan ang itinuturing na sagrado. Ang ating kaugnayan kay Jehova ay sagrado. (1 Cronica 28:9; Awit 36:7) Napakahalaga nito sa atin anupat hindi natin pinahihintulutan ang anuman at ang sinuman na magpahina sa kaugnayan natin sa ating Diyos na si Jehova. (2 Cronica 15:2; Santiago 4:7, 8) Mahalaga ang panalangin upang mapanatili natin ang ating malapit na kaugnayan kay Jehova. Para kay propeta Daniel, napakasagrado ng panalangin anupat kahit manganib pa ang kaniyang buhay, ipinagpatuloy niya ang kaniyang kaugaliang manalangin kay Jehova. (Daniel 6:7-11) Ang “mga panalangin ng mga banal,” o ng mga pinahirang Kristiyano, ay itinulad sa insensong ginagamit sa pagsamba sa templo. (Apocalipsis 5:8; 8:3, 4; Levitico 16:12, 13) Idiniriin ng simbolismong ito ang pagiging sagrado ng panalangin. Isa ngang napakalaking pribilehiyo na makipagtalastasan sa Soberano ng sansinukob! Hindi nga kataka-takang ang panalangin ay sagrado sa ating buhay!
13. Anong puwersa ang banal, at paano natin ito dapat hayaang kumilos sa ating buhay?
13 May isang puwersa sa buhay ng mga pinahirang Kristiyano at ng kanilang mga kasamahan na tiyak na itinuturing nilang sagrado—ang banal na espiritu. Ang espiritung iyan ay ang aktibong puwersa ni Jehova, at yamang palagi itong kumikilos kasuwato ng kalooban ng banal na Diyos, angkop lamang na tawagin itong “banal na espiritu,” o “espiritu ng kabanalan.” (Juan 14:26; Roma 1:4) Sa pamamagitan ng banal na espiritu, binibigyan ni Jehova ng lakas ang kaniyang mga lingkod upang maipangaral ang mabuting balita. (Gawa 1:8; 4:31) Nagbibigay si Jehova ng kaniyang espiritu sa “mga sumusunod sa kaniya bilang tagapamahala,” sa mga ‘patuloy na lumalakad ayon sa espiritu’ at hindi ayon sa makalamang mga pagnanasa. (Gawa 5:32; Galacia 5:16, 25; Roma 8:5-8) Dahil sa makapangyarihang puwersang ito, nakapagluluwal ang mga Kristiyano ng “mga bunga ng espiritu”—maiinam na katangian—at ng “banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon.” (Galacia 5:22, 23; 2 Pedro 3:11) Kung itinuturing nating sagrado ang banal na espiritu, iiwasan nating gumawa ng anumang bagay na maaaring pumighati sa espiritung iyan, o humadlang sa pagkilos nito sa ating buhay.—Efeso 4:30.
14. Anong pribilehiyo ang itinuturing ng mga pinahiran na sagrado, at paano nakikibahagi sa pribilehiyong ito ang ibang mga tupa?
14 Ang pribilehiyo natin na taglayin ang pangalan ng banal na Diyos, si Jehova, at maging kaniyang mga Saksi ay itinuturing din nating sagrado. (Isaias 43:10-12, 15) Ang mga pinahirang Kristiyano ay ginawang kuwalipikado ni Jehova “upang maging mga ministro ng isang bagong tipan.” (2 Corinto 3:5, 6) Sa gayon, inatasan silang ipangaral ang “mabuting balitang ito ng kaharian” at “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:14; 28:19, 20) May-katapatan nilang tinutupad ang atas na ito, at milyun-milyong tulad-tupang mga tao ang tumutugon, anupat makasagisag na sinasabi sa mga pinahiran: “Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.” (Zacarias 8:23) Ang mga ito ay nalulugod na maglingkod sa espirituwal na diwa bilang “mga magsasaka” at “mga tagapag-alaga ng ubasan” para sa pinahirang “mga lingkod ng ating Diyos.” Sa ganitong paraan, malaki ang naitutulong ng ibang mga tupa sa mga pinahiran sa pagtupad sa kanilang ministeryo sa buong daigdig.—Isaias 61:5, 6.
15. Anong gawain ang itinuring ni apostol Pablo na sagrado, at bakit ganiyan din ang pananaw natin?
15 Itinuring ni apostol Pablo, bilang halimbawa, ang kaniyang pangmadlang ministeryo bilang sagrado, o banal. Tinukoy niya ang kaniyang sarili bilang “isang pangmadlang lingkod ni Kristo Jesus sa mga bansa, na nakikibahagi sa banal na gawain ng mabuting balita ng Diyos.” (Roma 15:16) Nang sumulat siya sa mga Kristiyano sa Corinto, tinukoy ni Pablo ang kaniyang ministeryo bilang ‘kayamanan.’ (2 Corinto 4:1, 7) Sa pamamagitan ng ating pangmadlang ministeryo, ipinahahayag natin ang “mga sagradong kapahayagan ng Diyos.” (1 Pedro 4:11) Kaya kabilang man tayo sa mga pinahiran o sa ibang mga tupa, itinuturing natin na sagradong pribilehiyo ang makibahagi sa gawaing pagpapatotoo.
“Pinasasakdal ang Kabanalan Nang May Pagkatakot sa Diyos”
16. Ano ang tutulong sa atin upang maiwasan nating maging mga taong “hindi nagpapahalaga sa mga bagay na sagrado”?
16 Binabalaan ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano na huwag maging mga taong “hindi nagpapahalaga sa mga bagay na sagrado.” Sa halip, pinayuhan niya sila na ‘itaguyod ang pagpapabanal,’ “maingat na nagbabantay . . . upang walang ugat na nakalalason ang sumibol at lumikha ng kaguluhan at upang hindi nito madungisan ang marami.” (Hebreo 12:14-16) Ang pananalitang “ugat na nakalalason” ay tumutukoy sa ilan sa kongregasyong Kristiyano na maaaring namimintas sa mga kaayusan ng kongregasyon. Halimbawa, baka hindi sila sumasang-ayon sa pananaw ni Jehova hinggil sa pagiging sagrado ng pag-aasawa o sa pangangailangang maging malinis sa moral. (1 Tesalonica 4:3-7; Hebreo 13:4) O baka nakikibahagi sila sa pagpapalaganap ng apostatang mga ideya, “walang-katuturang mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal,” na inihaharap ng mga “lumihis mula sa katotohanan.”—2 Timoteo 2:16-18.
17. Bakit dapat patuloy na magsikap ang mga pinahiran na tularan ang pangmalas ni Jehova hinggil sa kabanalan?
17 Sa kaniyang pinahirang mga kapatid, sumulat si Pablo: “Mga minamahal, linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan nang may pagkatakot sa Diyos.” (2 Corinto 7:1) Ipinakikita ng pananalitang ito na ang mga pinahirang Kristiyano, “mga kabahagi sa makalangit na pagtawag,” ay dapat patuloy na magsikap na patunayan na tinutularan nila ang pangmalas ni Jehova hinggil sa kabanalan sa lahat ng aspekto ng kanilang buhay. (Hebreo 3:1) Sa katulad na paraan, tinagubilinan ni apostol Pedro ang kaniyang inianak-sa-espiritung mga kapatid: “Bilang masunuring mga anak, huwag na kayong magpahubog ayon sa mga pagnanasa na dati ninyong taglay sa inyong kawalang-alam, kundi, ayon sa Isa na Banal na tumawag sa inyo, kayo rin mismo ay magpakabanal sa lahat ng inyong paggawi.”—1 Pedro 1:14, 15.
18, 19. (a) Paano ipinakikita ng mga miyembro ng “malaking pulutong” na tinutularan nila ang pangmalas ni Jehova sa mga bagay na sagrado? (b) Anong iba pang sagradong pitak ng ating buhay bilang mga Kristiyano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
18 Kumusta naman ang mga miyembro ng “malaking pulutong,” na makaliligtas sa “malaking kapighatian”? Dapat din nilang patunayan na ang pangmalas nila sa mga bagay na sagrado ay katulad ng pangmalas ni Jehova. Sa aklat ng Apocalipsis, inilalarawan sila na nag-uukol kay Jehova ng “sagradong paglilingkod” sa makalupang looban ng kaniyang espirituwal na templo. Nananampalataya sila sa haing pantubos ni Kristo, anupat sa makasagisag na paraan ay ‘nilalabhan ang kanilang mahahabang damit at pinapuputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero.’ (Apocalipsis 7:9, 14, 15) Dahil dito, mayroon silang malinis na katayuan sa harap ni Jehova at obligado silang “linisin [ang kanilang sarili] mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan nang may pagkatakot sa Diyos.”
19 Ang isang mahalagang pitak sa buhay ng mga pinahirang Kristiyano at ng kanilang mga kasamahan ay ang kanilang regular na pagtitipon upang sumamba kay Jehova at mag-aral ng kaniyang Salita. Itinuturing ni Jehova na sagrado ang mga pagtitipon ng kaniyang bayan. Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano at kung bakit dapat nating tularan ang pangmalas ni Jehova sa mga bagay na sagrado sa napakahalagang pitak na ito.
Bilang Repaso
• Anong pananaw ng sanlibutan ang hindi tinutularan ng mga lingkod ni Jehova?
• Bakit si Jehova ang Pinagmumulan ng lahat ng bagay na banal?
• Paano natin ipinakikita na iginagalang natin ang kabanalan ni Kristo?
• Anu-anong bagay sa ating buhay ang dapat nating ituring na sagrado?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 23]
Sa sinaunang Israel, ang mga saserdote, ang tabernakulo, at ang mga kasangkapan nito ay dapat ituring na sagrado
[Larawan sa pahina 24]
Ang mga pinahirang Kristiyano sa lupa ang bumubuo sa isang banal na templo
[Mga larawan sa pahina 25]
Ang panalangin at ang ating pangmadlang ministeryo ay mga sagradong pribilehiyo