Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tampok na Bahagi sa Ikatlo at Ikaapat na Aklat ng mga Awit

Mga Tampok na Bahagi sa Ikatlo at Ikaapat na Aklat ng mga Awit

Mga Tampok na Bahagi sa Ikatlo at Ikaapat na Aklat ng mga Awit

SA PANALANGIN sa Diyos, itinanong ng salmista: “Ipahahayag ba sa dakong libingan ang iyong maibiging-kabaitan, ang iyong katapatan sa dako ng pagkapuksa?” (Awit 88:11) Mangyari pa, ang sagot ay hindi. Kung walang buhay, hindi natin mapupuri si Jehova. Ang pagpuri kay Jehova ay magandang dahilan para patuloy na mabuhay, at ang pagiging buháy ay magandang dahilan para purihin siya.

Ang Ikatlo at Ikaapat na Aklat ng Mga Awit, na binubuo ng Awit 73 hanggang 106, ay nagbibigay sa atin ng maraming dahilan para purihin ang Maylalang at pagpalain ang kaniyang pangalan. Ang pagbubulay-bulay sa mga awit na ito ay dapat magpasidhi ng ating pagpapahalaga sa “salita ng Diyos” at mag-udyok sa atin na palawakin at pasulungin ang ating pagpapahayag ng papuri sa kaniya. (Hebreo 4:12) Taglay ang masidhing interes, buksan muna natin ang Ikatlong Aklat ng Mga Awit.

“ANG PAGLAPIT SA DIYOS AY MABUTI PARA SA AKIN”

(Awit 73:1–89:52)

Ang unang 11 awit ng ikatlong koleksiyon ay mga komposisyon ni Asap o ng mga miyembro ng sambahayan ni Asap. Ipinaliliwanag ng pambungad na awit kung ano ang nakapagligtas kay Asap upang hindi mailigaw ng maling pag-iisip. Tama ang naging konklusyon niya. “Kung tungkol sa akin,” inawit niya, “ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin.” (Awit 73:28) Sinundan ito ng isang panaghoy dahil sa pagkawasak ng Jerusalem sa Awit 74. Inilalarawan si Jehova bilang ang matuwid na Hukom, Tagapagligtas ng maaamo, at ang Dumirinig ng panalangin sa Awit 75, 76, at 77. Nirerepaso naman ng Awit 78 ang nakaraan ng Israel mula noong panahon ni Moises hanggang sa panahon ni David. Ang ika-79 na Awit ay mga panaghoy dahil sa pagkawasak ng templo. Ang sumunod ay isang panalangin na maisauli sana ang bayan ng Diyos. Ang Awit 81 ay nagpapayo na sundin si Jehova. Ang Awit 82 at 83 ay mga panalangin para sa paglalapat ng Diyos ng kaniyang hatol sa masasamang hukom at sa kaniyang mga kaaway.

“Ninanasa at minimithi rin ng aking kaluluwa ang mga looban ni Jehova,” ang sabi sa isang awitin ng mga anak ni Kora. (Awit 84:2) Ang Awit 85 ay humihiling ng pagpapala ng Diyos sa mga nagsibalik mula sa pagkatapon. Idiniriin ng awit na ito na di-hamak na mas mahalaga ang espirituwal na mga pagpapala kaysa sa pisikal na mga pagpapala. Sa Awit 86, hinihiling ni David na bantayan sana siya at turuan ng Diyos. Ang awitin tungkol sa Sion at sa mga isinilang doon na nasa Awit 87 ay sinusundan ng panalangin kay Jehova sa Awit 88. Ang maibiging-kabaitan ni Jehova gaya ng ipinahayag sa tipan kay David ay idiniriin sa Awit 89, kinatha ni Etan, marahil isa sa apat na marurunong na lalaki noong panahon ni Solomon.​—1 Hari 4:31.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

73:9—Sa anong paraan ‘inilagay ng mga balakyot ang kanilang bibig sa mismong langit, at ang kanilang dila ay lumilibot sa lupa’? Yamang walang paggalang ang mga balakyot sa sinumang nasa langit o nasa lupa, hindi sila nag-aatubiling mamusong sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang bibig. Sinisiraang-puri din nila ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang dila.

74:13, 14—Kailan ‘binasag ni Jehova ang mga ulo ng mga dambuhalang hayop-dagat sa tubig at dinurog ang mga ulo ng Leviatan’? Si “Paraon, hari ng Ehipto,” ay tinatawag na “malaking dambuhalang hayop-dagat na nahihigang nakaunat sa gitna ng kaniyang mga kanal ng Nilo.” (Ezekiel 29:3) Ang Leviatan ay maaaring lumalarawan sa “malalakas ni Paraon.” (Awit 74:14, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References) Ang pagdurog sa kanilang mga ulo ay malamang na tumutukoy sa malaking pagkatalo ni Paraon at ng kaniyang hukbo nang iligtas ni Jehova ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto.

75:4, 5, 10—Ano ang kahulugan ng terminong “sungay”? Ang mga sungay ng isang hayop ay matibay na sandata. Samakatuwid, ang terminong “sungay” ay sumasagisag sa kapangyarihan, o lakas. Itinaas ni Jehova ang mga sungay ng kaniyang bayan, na nagpadakila sa kanila, samantalang ‘pinutol naman niya ang mga sungay ng mga balakyot.’ Binabalaan tayo na huwag ‘itaas sa kaitaasan ang ating sungay’ sa diwa na hindi tayo dapat maging mapagmapuri o arogante. Yamang si Jehova ang nagtataas, ang mga atas ng pananagutan sa kongregasyon ay dapat nating ituring na nagmumula sa kaniya.​—Awit 75:7.

76:10—Paano pupurihin si Jehova ng “pagngangalit ng tao”? Kapag pinahihintulutan ng Diyos na ibuhos ng mga tao ang kanilang galit sa atin dahil sa mga lingkod Niya tayo, maaaring magkaroon ito ng magandang resulta. Anumang paghihirap na dinaranas natin ay nagiging disiplina para sa atin sa paanuman. Ipinahihintulot ni Jehova ang pagdurusa hanggang sa punto lamang na ito ay nagsisilbing pagsasanay para sa atin. (1 Pedro 5:10) ‘Ang nalalabing pagngangalit ng tao, ibibigkis ng Diyos sa kaniya.’ Paano kung magdusa tayo hanggang mamatay? Magdudulot din ito ng kapurihan kay Jehova dahil posibleng luwalhatiin din ang Diyos ng mga nakakakita ng ating tapat na pagbabata.

78:24, 25; talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References​—Bakit tinawag na “butil ng langit” at “mismong tinapay ng mga anghel” ang manna? Alinman sa dalawang pananalitang ito ay hindi nangangahulugang pagkain ng mga anghel ang manna. Ito ay “butil ng langit” dahil galing ito sa langit. (Awit 105:40) Yamang nasa langit ang mga anghel, o ang “mga makapangyarihan,” ang pariralang “mismong tinapay ng mga anghel” ay maaaring mangahulugang bigay ito ng Diyos, na nananahanan sa langit. (Awit 11:4) Posible ring ginamit ni Jehova ang mga anghel upang bigyan ng manna ang mga Israelita.

82:1, 6—Sino ang tinatawag na “mga diyos” at “mga anak ng Kataas-taasan”? Ang dalawang pananalitang ito ay tumutukoy sa mga hukom na tao sa Israel. Angkop lamang ito, dahil maglilingkod sila bilang tagapagsalita at kinatawan ng Diyos.​—Juan 10:33-36.

83:2—Ano ang ipinahihiwatig ng ‘pagtataas ng ulo’? Ang pagtingalang ito ay nangangahulugang nakahandang gamitin ng isa ang kaniyang kapangyarihan o kumilos, karaniwan nang para sumalansang, lumaban, o maniil.

Mga Aral Para sa Atin:

73:2-5, 18-20, 25, 28. Hindi tayo dapat mainggit sa kasaganaan ng mga balakyot at hindi natin dapat tularan ang kanilang di-makadiyos na mga paggawi. Nasa madulas na dako ang mga balakyot. Tiyak na ‘malulugmok sila sa pagkawasak.’ Isa pa, yamang hindi naman kayang alisin ng di-sakdal na pamamahala ng tao ang kabalakyutan, walang mararating ang ating pagtatangkang alisin ito. Gaya ni Asap, isang katalinuhan para sa atin kung haharapin natin ang kabalakyutan sa pamamagitan ng “paglapit sa Diyos” at pagkakaroon ng malapít na kaugnayan sa Kaniya.

73:3, 6, 8, 27. Dapat tayong magbantay laban sa paghahambog, kapalaluan, panunudyo, at pandaraya. Totoo ito kahit na waring may pakinabang sa pagkakaroon ng gayong mga ugali.

73:15-17. Kapag nalilito tayo, huwag nating ipagsabi kung kani-kanino ang ikinalilito natin. Ang ‘pagkukuwento ng tulad niyan’ ay makapagpapahina lamang ng loob ng iba. Dapat nating tahimik na bulay-bulayin ang ating mga ikinababahala at lutasin ito sa pamamagitan ng pakikisama sa mga kapananampalataya.​—Kawikaan 18:1.

73:21-24. Ang pagkakaroon ng ‘mapait na puso’ dahil sa waring magandang kalagayan ng mga balakyot ay inihahalintulad sa paggawi ng walang-isip na mga hayop. Ang damdaming ito ay mapusok at dala lamang ng emosyon. Sa halip, dapat tayong patnubayan ng payo ni Jehova anupat lubos na nagtitiwalang ‘tatanganan niya ang ating kanang kamay’ at aalalayan niya tayo. Bukod diyan, ‘dadalhin tayo ni Jehova sa kaluwalhatian,’ samakatuwid nga, sa malapít na kaugnayan sa kaniya.

77:6. Ang pagkabahala sa espirituwal na mga katotohanan at ang maingat na pagsasaliksik sa mga ito ay nangangailangan ng panahon sa pag-aaral at pagbubulay-bulay. Napakahalaga nga na maglaan tayo ng panahon para makapag-isa!

79:9. Nakikinig si Jehova sa ating mga panalangin, lalo na kung ito ay tungkol sa pagpapabanal ng kaniyang pangalan.

81:13, 16. Ang pakikinig sa tinig ni Jehova at paglakad sa kaniyang mga daan ay nagbubunga ng mayamang pagpapala.​—Kawikaan 10:22.

82:2, 5. Dahil sa kawalang-katarungan, ‘ang pundasyon ng lupa ay nakikilos.’ Dahil sa mga gawang salat sa katuwiran, nagiging mabuway ang lipunan ng tao.

84:1-4, 10-12. Isang halimbawa para sa atin ang pagpapahalaga ng mga salmista sa dako ng pagsamba kay Jehova at ang pagkakontento sa kanilang mga pribilehiyo ng paglilingkod.

86:5. Laking pasasalamat natin na si Jehova ay “handang magpatawad”! Naghahanap siya ng anumang katibayan na magbibigay sa kaniya ng dahilan upang pagpakitaan ng awa ang nagsisising nagkasala.

87:5, 6. Malalaman kaya ng mabubuhay sa Paraisong lupa ang mga pangalan ng mga binuhay-muli tungo sa makalangit na buhay? Ipinahihiwatig ng mga talatang ito na malamang na gayon nga.

88:13, 14. Kapag naaantala ang sagot sa ating mga panalangin tungkol sa isang problema, malamang na nais lamang ni Jehova na patunayan natin ang ating debosyon sa kaniya.

“MAGPASALAMAT KAYO SA KANIYA, PAGPALAIN NINYO ANG KANIYANG PANGALAN”

(Awit 90:1–106:48)

Isaalang-alang ang iba’t ibang dahilan ng pagpuri kay Jehova na binabanggit sa ikaapat na koleksiyon ng mga awit. Sa Awit 90, inihahambing ni Moises ang pag-iral ng “Haring walang hanggan” sa maikling buhay ng tao. (1 Timoteo 1:17) Sa Awit 91:2, tinutukoy ni Moises si Jehova bilang ‘kaniyang kanlungan at kaniyang moog’​—ang Pinagmumulan ng katiwasayan niya. Ang sumunod na ilang awit ay bumabanggit naman ng magagandang katangian ng Diyos, ng kaniyang nakatataas na kaisipan, at ng kaniyang mga kamangha-manghang gawa. Tatlong awit ang nagsisimula sa mga salitang “si Jehova ay naging hari.” (Awit 93:1; 97:1; 99:1) Sa pagtukoy kay Jehova bilang ating Maylikha, inaanyayahan tayo ng salmista na ‘magpasalamat sa kaniya, pagpalain ang kaniyang pangalan.’​—Awit 100:4.

Paano pangangasiwaan ng isang tagapamahalang may takot kay Jehova ang kaniyang mga gawain? Ang sagot ay nasa Awit 101 na kinatha ni Haring David. Ang kasunod na awit ay nagsasabi sa atin na “babaling nga [si Jehova] sa panalangin ng mga sinamsaman ng lahat ng bagay, at hindi hahamakin ang kanilang panalangin.” (Awit 102:17) Itinatawag-pansin naman ng ika-103 Awit ang maibiging-kabaitan at awa ni Jehova. Bilang pagtukoy sa maraming likha ng Diyos sa lupa, nagpahayag ang salmista: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon.” (Awit 104:24) Ang huling dalawang awit ng Ikaapat na Aklat ay pumupuri kay Jehova dahil sa kaniyang mga kamangha-manghang gawa.​—Awit 105:2, 5; 106:7, 22.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

91:1, 2—Ano ang “lihim na dako ng Kataas-taasan,” at paano tayo ‘makapananahanan’ doon? Ito ay makasagisag na dako ng espirituwal na kaligtasan at katiwasayan​—isang kalagayang ligtas sa espirituwal na pamiminsala. Lihim ang dakong ito sapagkat hindi ito alam ng mga walang tiwala sa Diyos. Ginagawa nating tahanang dako si Jehova kapag umaasa tayo sa kaniya bilang ating kanlungan at moog, kapag pinupuri natin siya bilang ang Soberanong Tagapamahala ng uniberso, at kapag ipinangangaral natin ang mabuting balita ng Kaharian. Nakadarama tayo ng espirituwal na katiwasayan sapagkat alam natin na palaging handang tumulong sa atin si Jehova.​—Awit 90:1.

92:12—Sa anong paraan ang mga matuwid ay ‘namumukadkad na gaya ng puno ng palma’? Kilala ang puno ng palma sa pamumunga nito. Ang matuwid na tao ay gaya ng puno ng palma sapagkat matuwid siya sa paningin ni Jehova at patuloy na nagluluwal ng “mainam na bunga,” lakip na ang mabubuting gawa.​—Mateo 7:17-20.

Mga Aral Para sa Atin:

90:7, 8, 13, 14. Ang paggawa natin ng masama ay palaging sumisira sa ating kaugnayan sa tunay na Diyos. At hindi maitatago sa kaniya ang mga lihim na kasalanan. Gayunman, kung talagang nagsisisi tayo at iiwan natin ang ating maling landasin, ibabalik ni Jehova ang kaniyang paglingap sa atin, anupat ‘bubusugin tayo ng kaniyang maibiging-kabaitan.’

90:10, 12. Yamang maikli lamang ang buhay, dapat nating ‘bilangin ang ating mga araw.’ Paano? Sa pamamagitan ng pagtatamo ng “pusong may karunungan,” o paggamit ng karunungan upang hindi masayang ang natitira nating mga araw kundi magugol ito sa paraang ikalulugod ni Jehova. Nangangahulugan ito na magtatakda tayo ng mga priyoridad sa espirituwal at magiging matalino sa paggamit ng ating panahon.​—Efeso 5:15, 16; Filipos 1:10.

90:17. Angkop lamang na manalanging sana’y ‘itatag nang matibay ni Jehova ang gawa ng ating mga kamay’ at pagpalain ang ating pagsisikap sa ministeryo.

92:14, 15. Sa pagiging masikap na mga estudyante ng Salita ng Diyos at sa regular na pakikisama sa bayan ni Jehova, ang mga may-edad na ay nananatiling “mataba at sariwa”​—masigla sa espirituwal​—​at malaking tulong sa kongregasyon.

94:19. Anuman ang dahilan ng ating “nakababalisang kaisipan,” nakapagpapaluwag ng kalooban ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa “mga pang-aaliw” na nasa Bibliya.

95:7, 8. Ang pakikinig, pagbibigay-pansin, at handang pagsunod sa payo ng Kasulatan ay hahadlang sa atin na magkaroon ng matigas na puso.​—Hebreo 3:7, 8.

106:36, 37. Pinag-uugnay ng mga talatang ito ang pagsamba sa mga idolo at ang mga hain sa mga demonyo. Nagpapahiwatig ito na ang isang taong gumagamit ng mga idolo ay maaaring maimpluwensiyahan ng demonyo. Hinihimok tayo ng Bibliya: “Bantayan ninyo ang inyong sarili mula sa mga idolo.”​—1 Juan 5:21.

“Purihin Ninyo si Jah!”

Nagtapos ang huling tatlong awit ng Ikaapat na Aklat ng Mga Awit sa payong ito: “Purihin ninyo si Jah!” Ito rin ang pambungad ng huling awit. (Awit 104:35; 105:45; 106:1, 48) Sa katunayan, ang pananalitang “Purihin ninyo si Jah!” ay madalas na lumilitaw sa Ikaapat na Aklat ng mga awit.

Talagang marami tayong dahilan para purihin si Jehova. Ang Awit 73 hanggang 106 ay nagbibigay ng maraming bagay na dapat nating pag-isipan, anupat pinag-uumapaw ang ating puso sa pasasalamat sa ating makalangit na Ama. Kapag iniisip natin ang lahat ng nagawa na niya at gagawin pa para sa atin, hindi ba’t nauudyukan tayong “purihin si Jah” nang ating buong makakaya?

[Larawan sa pahina 10]

Gaya ni Asap, mahaharap natin ang kabalakyutan sa pamamagitan ng “paglapit sa Diyos”

[Larawan sa pahina 11]

Natalo si Paraon sa Dagat na Pula

[Larawan sa pahina 11]

Alam mo ba kung bakit ang manna ay tinawag na “mismong tinapay ng mga makapangyarihan”?

[Larawan sa pahina 13]

Ano ang makatutulong upang mawala ang ating “mga nakababalisang kaisipan”?