Oo, Maaari Kang Maging Maligaya
Oo, Maaari Kang Maging Maligaya
MINSAN, ang kaligayahan—tunay at namamalaging kaligayahan—ay mahirap masumpungan. Ito ay pangunahin nang dahil sa maraming tao ang patuloy na naghahanap ng kaligayahan sa maling mga lugar. Kung mayroon lamang sana silang mapagkakatiwalaan at makaranasang kaibigan na makapagtuturo sa kanila ng tamang direksiyon!
Ang Bibliya ang pinagmumulan ng kinakailangang direksiyon na iyan. Isaalang-alang ang isa lamang sa mga aklat nito—Mga Awit. Ang aklat na ito ay koleksiyon ng 150 sagradong awit para sa Diyos na Jehova, na ang humigit-kumulang sa kalahati nito ay kinatha ni Haring David ng sinaunang Israel. Ngunit ang mas mahalaga kaysa sa pagkabatid kung sino ang mga sumulat nito ay ang pagkaalam na ang aklat na ito ay isinulat sa ilalim ng pagkasi ng pinakadakilang Kaibigan ng sangkatauhan, si Jehova. Kaya makaaasa tayo na naglalaman ito ng patnubay mula sa Diyos para sa ating kapakinabangan at na itinuturo nito ang daan tungo sa kaligayahan.
Natitiyak ng mga sumulat ng Mga Awit na ang kaligayahan ng isa ay resulta ng pagkakaroon nito ng mabuting kaugnayan sa Diyos. “Maligaya ang taong natatakot kay Jehova,” ang isinulat ng salmista. (Awit 112:1) Walang ugnayang pantao, walang materyal na pag-aari, at walang personal na tagumpay ang makapapantay sa kaligayahang dulot ng pagiging bahagi ng “bayan na ang Diyos ay si Jehova.” (Awit 144:15) Ang buhay ng maraming makabagong-panahong lingkod ng Diyos ang nagpapatunay nito.
Si Susanne, mahigit na 40 anyos, ay isang halimbawa. * Sinabi niya: “Sa ngayon, marami ang sumasali sa iba’t ibang grupo upang makakilala ng mga taong kapareho nila ng tunguhin o interes. Gayunman, hindi nila itinuturing na kaibigan ang lahat ng nasa grupo. Hindi ganiyan sa bayan ni Jehova. Ang pag-ibig natin kay Jehova ang nagpapakilos sa atin na ibigin ang isa’t isa. Kapag bahagi tayo ng bayan ng Diyos, panatag tayo, kahit saan pa tayo nakatira. Dahil sa pagkakaisang ito, nagiging mas makabuluhan ang ating buhay. May iba pa bang makapagsasabi na may mga kaibigan siya mula sa lubhang magkakaibang kalagayan sa buhay at pinagmulan at mula sa iba’t-ibang nasyonalidad? Talagang masasabi ko na ang pagiging bahagi ng bayan ni Jehova ang nagdudulot ng kaligayahan.”
Nalaman din ni Maree, na isinilang sa Scotland, na napakahalaga ang matalik na kaugnayan kay Jehova upang maging maligaya. “Bago ko natutuhan ang katotohanan sa Bibliya,” ang sabi niya, “mahilig akong manood ng mga pelikulang horror. Pero hindi ako makatulog sa gabi nang walang hawak na krus para ipangontra sa mga multo at bampira, na itinatampok sa maraming pelikulang pinanonood ko. Ngunit nang matutuhan ko ang katotohanan, at tumigil na sa panonood ng gayong mga pelikula, ang aking kaugnayan kay Jehova ang tumulong sa akin na matulog nang hindi natatakot at maligayang maglingkod sa Diyos na mas makapangyarihan kaysa sa mga demonyo o mga kathang-isip na bampira.”
Ang Pagtitiwala kay Jehova ay Umaakay sa Kaligayahan
Wala tayong dahilan para pag-alinlanganan ang pagiging makapangyarihan-sa-lahat ng Maylalang at ang kaniyang walang-hanggang karunungan. Dahil alam ni David na maaari siyang lubos na magtiwala kay Jehova at na maaari siyang manganlong sa Kaniya, sumulat siya: “Maligaya ang matipunong lalaki na ginagawang kaniyang tiwala si Jehova.”—Awit 40:4.
Sinabi ni Maria: “Ang karanasan ko sa Espanya at sa ibang pang lugar ay nagturo sa akin na kapag ginagawa natin ang mga bagay-bagay sa paraan ni Jehova, bagaman iba ang gusto nating gawin, matatamo natin ang pinakamainam na resulta. Nagdudulot ito ng kaligayahan dahil ang paraan ni Jehova ang laging pinakamabuti.”
Mula sa kaniya mismong karanasan, natutuhan din ni Andreas, isang Kristiyanong elder na naglingkod sa ilang lupain sa Europa, na maaari tayong magtiwala kay Jehova. Sinabi niya: “Ang aking kuya, na hindi ko kapananampalataya, ay may malaking impluwensiya sa akin noong ako’y kabataan pa, at hinimok niya akong itaguyod ang isang karera na malaki ang kita. Talagang nadismaya siya nang pumasok ako sa buong-panahong paglilingkod at hindi na umasa sa di-umano’y seguridad na maibibigay ng sekular na mga pensiyon. Sa aking buong-panahong paglilingkod, hindi ako kailanman nagkulang ng anuman, at naranasan ko ang mga pagpapalang pinapangarap lamang ng iba.”
Noong 1993, si Felix ay inanyayahang tumulong sa pagpapalawak ng pasilidad ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Selters, Alemanya. Nang matapos ang proyekto,
inanyayahan siya para maging permanenteng miyembro ng pamilyang Bethel doon. Ano ang naging tugon niya? “Tinanggap ko ang paanyaya nang medyo nag-aalinlangan. Pero halos sampung taon na ako ngayon dito, at kumbinsido akong sinagot ni Jehova ang aking mga panalangin. Alam niya kung ano ang pinakamabuti para sa akin. Sa pamamagitan ng lubusang pagtitiwala sa kaniyang patnubay, binibigyan ko siya ng pagkakataon na ipakita sa akin kung ano ang nais niyang gawin ko.”Gusto sana ni Susanne, na binanggit kanina, na maglingkod bilang buong-panahong ministro, o payunir, pero nahirapan siyang humanap ng part-time na trabaho. Lumipas ang isang taon at wala pa ring nangyayari, kaya kumilos siya nang may pagtitiwala kay Jehova. Isinalaysay niya: “Ipinasa ko ang aking aplikasyon para maging regular pioneer. Nakapag-ipon ako ng sapat na pera para sa humigit-kumulang isang buwan na gastusin. At naging kapana-panabik ang buwan na iyon! Masayang-masaya ako sa aking ministeryo, pero hindi pa rin ako makapasa sa lahat ng interbyu para sa trabaho. Ngunit gaya ng ipinangako ni Jehova, hindi niya ako pinabayaan. Sa huling araw ng buwan, natanggap din ako sa trabaho. Alam ko na ngayon na talagang makapagtitiwala ako kay Jehova! Ang karanasang ito sa pasimula ng aking buong-panahong paglilingkuran ay isa sa mga dahilan sa pagkakaroon ko ng maligaya at kasiya-siyang buhay.”
Nakadaragdag ng Kaligayahan ang Pagtanggap ng Payo Mula sa Diyos
Si Haring David ay nakagawa ng ilang malulubhang pagkakamali. May mga panahong nangailangan siya ng matalinong payo. Tayo ba ay handang tumanggap ng payo at tagubilin katulad ni David?
Minsan, natanto ni Aida, isang taga-Pransiya, na nakagawa siya ng isang malubhang pagkakamali. Isinalaysay niya: “Ang palagi kong iniisip ay kung paano ko maibabalik ang aking kaugnayan kay Jehova. Wala na akong iba pang nasa isip.” Humingi siya ng tulong sa mga Kristiyanong elder. Mahigit 14 na taon na siyang naglilingkod sa buong-panahong ministeryo, at masasabi niya ngayon: “Kaysarap ng pakiramdam na malaman na pinatawad ako ni Jehova sa aking pagkakamali!”
Kapag handa tayong tumanggap ng maka-Diyos na payo, maiiwasan nating magkamali. Sinabi ni Judith: “Nang ako’y 20 anyos, nagkagusto ako sa isang kasama kong negosyanteng Aleman na talagang nagsikap para makuha ang atensiyon ko. Siya ay iginagalang at matagumpay sa kaniyang karera, pero may asawa na! Napag-isip-isip ko na kailangan kong magpasiya kung susundin ko ang mga kautusan ni Jehova o kung tuluyan ko na Siyang tatalikuran. Ipinagtapat ko ito sa aking mga magulang. Hindi nagpaliguy-ligoy ang tatay ko sa pagpapaalaala kung ano ang inaasahan ni Jehova sa akin. Prangkahan niya akong kinausap—na siyang kailangang-kailangan ko! Gayunpaman, nangangatuwiran pa rin ang puso ko. Sa loob ng ilang linggo, gabi-gabi akong pinaaalalahanan ng aking nanay na mahalaga ang mga kautusan ng Diyos at na ito’y nagliligtas-buhay. Gayon na lang ang pasasalamat ko na unti-unting nanumbalik ang puso ko kay Jehova. Ang pagtuturo at pagdidisiplina Niya ang nagdulot ng napakalaking kaligayahan sa akin—maraming taon ng buong-panahong paglilingkuran at isang mahusay na Kristiyanong kabiyak, na umiibig sa akin at umiibig kay Jehova nang buong puso.”
Maliwanag na pinatutunayan ng gayong mga karanasan ang pananalita ni David: “Maligaya siya na ang kaniyang pagsalansang ay pinagpapaumanhinan, na ang kaniyang kasalanan ay tinatakpan. Maligaya ang tao na sa kaniya ay hindi nagpapataw ng kamalian si Jehova.”—Awit 32:1, 2.
Kaligayahang Dulot ng Pagpapakita ng Konsiderasyon sa Iba
“Maligaya ang sinumang gumagawi nang may pakundangan sa maralita,” ang isinulat ni David. Nagpatuloy siya: “Sa araw ng kapahamakan ay paglalaanan siya ni Jehova ng pagtakas. Babantayan siya ni Jehova at iingatan siyang buháy. Ipahahayag siyang maligaya.” (Awit 41:1, 2) Ang maibiging konsiderasyong ipinakita ni David kay Mepiboset, ang pilay na anak ng minamahal na kaibigan ni David na si Jonatan, ay isang halimbawa ng pagpapakita ng tamang saloobin sa maralita.—2 Samuel 9:1-13.
Si Marlies, na naging misyonera sa loob ng 47 taon, ay nagkaroon ng pribilehiyong mangaral sa mga lumikas mula sa mapanganib na mga lugar ng Aprika, Asia, at Silangang Europa. Sinabi niya: “Iba’t iba ang kanilang problema at karaniwan nang nadarama nilang hindi sila lubos na tinatanggap
ng lipunan, anupat iniisip na may pagtatangi laban sa kanila. Ang pagtulong sa gayong mga tao ay laging nakapagpapaligaya.”Si Marina, mahigit na 40 anyos, ay sumulat: “Sa isang walang asawang tulad ko, nakaaaliw sa akin ang mga kaibigang palaging naririyan para tumulong. Ito ang nagtutulak sa akin para patibaying-loob ang mga tao sa pamamagitan ng pagtawag sa kanila sa telepono o pagsulat sa kanila ng mga liham. Marami ang nagpahayag ng kanilang pasasalamat. Ang pagtulong sa iba ang nagdudulot sa akin ng kaligayahan.”
Si Dimitar, mahigit 20 anyos, ay nagsabi: “Mag-isa lang ang nanay ko sa pagpapalaki sa akin. Noong bata ako, natutuwa ako na linggu-linggo ay isinasama ako ng tagapangasiwa ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat para sanayin sa ministeryo. Hanggang ngayon ay nagpapasalamat ako sa kaniyang pagtitiyaga. Alam kong hindi ako madaling pasunurin kung minsan.” Bilang pasasalamat sa tulong na kaniyang natanggap noon, si Dimitar naman ang tumutulong sa iba ngayon: “Sinisikap kong samahan ang isang kabataan at gayundin ang isang may-edad na sa paglilingkod sa larangan kahit minsan lamang sa isang buwan.”
Ang aklat ng Mga Awit ay bumabanggit din ng iba pang mga bagay na nagdudulot ng kaligayahan. Ang isa rito ay ang kahalagahan ng pananalig sa lakas ni Jehova sa halip na sa sarili: “Maligaya ang mga tao na ang lakas ay [kay Jehova].”—Awit 84:5.
Ganiyan ang nadama ni Corinna. Lumipat siya sa isang bansang may malaking pangangailangan sa ministeryo. “Doon ay napaharap ako sa bagong wika, bagong kultura, at bagong paraan ng pag-iisip. Pakiramdam ko’y nasa ibang planeta ako. Iniisip ko pa lamang ay kinakabahan na akong mangaral sa lugar na lubhang naiiba. Humingi ako ng tulong kay Jehova, at ang kaniyang lakas ang tumulong sa akin na makapangaral nang buong araw sa isang liblib na teritoryo. Nang maglaon, naging pangkaraniwan na lamang ito sa akin. Nakapagpasimula ako ng maraming pag-aaral sa Bibliya, at hanggang ngayon ay nakikinabang pa rin ako mula sa karanasang ito. Natutuhan kong sa lakas ni Jehova, madaraig natin kahit ang tila di-mapagtatagumpayang mga hadlang.”
Oo, may iba’t ibang salik para maging maligaya ang isa, gaya ng pakikipagkaibigan sa Diyos at sa kaniyang bayan, pagtitiwala kay Jehova nang lubusan, pagtanggap sa kaniyang payo, at pagiging makonsiderasyon sa iba. Sa pamamagitan ng paglakad sa daan ni Jehova at pagsunod sa kaniyang mga kautusan, matatamo natin ang kaligayahan at ang kaniyang lingap.—Awit 89:15; 106:3; 112:1; 128:1, 2.
[Talababa]
^ par. 5 Binago ang ilang pangalan.
[Larawan sa pahina 12]
Maria
[Larawan sa pahina 13]
Maree
[Larawan sa pahina 13]
Susanne at Andreas
[Larawan sa pahina 15]
Corinna
[Larawan sa pahina 15]
Dimitar