“Panatilihing Lubos ang Inyong Katinuan”
“Panatilihing Lubos ang Inyong Katinuan”
“Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”—KAWIKAAN 14:15.
1, 2. (a) Ano ang matututuhan natin sa naging karanasan ni Lot sa Sodoma? (b) Ano ang ibig sabihin ng pananalitang ‘panatilihin ang inyong katinuan’?
NANG papiliin ni Abraham si Lot kung aling lupain ang gusto nito, nagustuhan ni Lot ang pook na natutubigang mainam na “tulad ng hardin ni Jehova.” Waring angkop na angkop ang lugar na ito para panahanan ng kaniyang pamilya, yamang “pinili ni Lot para sa kaniyang sarili ang buong Distrito ng Jordan” at doon nagkampo malapit sa Sodoma. Gayunman, mapandaya ang waring magandang kalagayan ng lugar na ito, sapagkat naninirahang kalapit nila “ang mga lalaki ng Sodoma [na] masasama at talamak na mga makasalanan laban kay Jehova.” (Genesis 13:7-13) Sa paglipas ng panahon, napakalaki ng nawala kay Lot at sa kaniyang pamilya. Bandang huli, siya at ang kaniyang mga anak na babae ay nanirahan na lamang sa yungib. (Genesis 19:17, 23-26, 30) Ang waring napakaganda sa kaniya sa simula ay naging ang mismong kabaligtaran nito.
2 May matututuhan ang mga lingkod ng Diyos sa ngayon sa sinapit ni Lot. Kung gagawa tayo ng mga desisyon, dapat tayong maging alisto at mag-ingat sa posibleng mga panganib na malinlang ng unang impresyon. Angkop lamang kung gayon na himukin tayo ng Salita ng Diyos: “Panatilihing lubos ang inyong katinuan.” (1 Pedro 1:13) Ayon sa isang iskolar ng Bibliya na si R.C.H. Lenski, ang gayong katinuan ay tumutukoy sa “isang kalmado at matatag na kalagayan ng isip na wastong sumusuri sa mga bagay-bagay na siya namang tumutulong sa atin na gumawa ng tamang desisyon.” Talakayin natin ang ilang kalagayan na humihiling sa atin na magpamalas ng katinuan.
Pag-isipang Mabuti ang Pagpasok sa Isang Negosyo
3. Bakit kailangan ang pag-iingat kapag inalukan tayong pasukin ang isang negosyo?
3 Ipagpalagay nang isang iginagalang mong tao, marahil ay isang kapuwa mananamba ni Jehova, ang nag-alok sa iyo na pasukin ang isang negosyo. Malaki ang paniniwala niyang magtatagumpay iyon at hinihimok ka niyang magdesisyon agad para hindi mapalampas ang magandang pagkakataong iyon. Maaaring nangangarap ka nang gaganda ang buhay mo at ng iyong pamilya, marahil ay ikinakatuwiran mo pa nga na magkakaroon ka ng higit na panahon para sa espirituwal na mga gawain. Gayunman, nagbabala ang Kawikaan 14:15: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” Kadalasan na, dahil sa labis na pananabik sa pagsisimula ng bagong negosyo, hindi gaanong naisasaalang-alang ang posibilidad na malugi ito, ang mga panganib na maaaring idulot nito, at ang katatagan mismo ng negosyo. (Santiago 4:13, 14) Sa gayong situwasyon, napakahalaga ngang panatilihing lubos ang inyong katinuan!
4. Paano natin ‘mapag-iisipan ang ating mga hakbang’ kapag sinusuri ang negosyong iniaalok sa atin?
4 Maingat na sinusuri ng isang taong marunong ang iniaalok sa kaniyang negosyo bago siya gumawa ng desisyon. (Kawikaan 21:5) Kadalasan nang isinisiwalat ng gayong pagsusuri ang hindi napapansing mga panganib. Isaalang-alang ang situwasyong ito: Isang tao ang umuutang para sa pinaplano niyang negosyo at sinabing patutubuan niya ito nang malaki kung pahihiramin mo siya ng puhunan. Parang nakatutuksong tanggapin ang alok, subalit anu-ano ang panganib? Handa ba ang nangungutang na bayaran ka kahit malugi ang negosyo, o babayaran ka lamang niya kung magtatagumpay ito? Sa ibang salita, kaya mo bang isakripisyo ang pera mo kapag nalugi ang negosyo? Maaari mo ring itanong: “Bakit sa mga indibiduwal siya nangungutang? Itinuturing ba ng bangko na malaki ang posibilidad na malugi ang negosyo?” Kapag pinag-isipang mabuti ang mga panganib, matutulungan ka nito na makatotohanang suriin ang iniaalok sa iyo.—Kawikaan 13:16; 22:3.
5. (a) Anong matalinong hakbang ang ginawa ni Jeremias nang bumili siya ng bukid? (b) Bakit makabubuting magkaroon ng pormal na nasusulat na kasunduan ng lahat ng kaayusan sa negosyo?
5 Nang bilhin ng propetang si Jeremias ang bukid ng kaniyang pinsan, na isa ring mananamba ni Jehova, gumawa siya ng kasulatan ng transaksiyon sa harap ng mga saksi. (Jeremias 32:9-12) Titiyakin ng isang marunong na tao sa ngayon na ang lahat ng kasunduan sa papasukin niyang negosyo, pati na yaong kasosyo ang mga kamag-anak at kapananampalataya, ay pormal na nakasulat. * Kapag may malinaw at maayos na nasusulat na kasunduan, makatutulong ito upang maiwasan ang mga di-pagkakaunawaan at mapanatili ang pagkakaisa. Sa kabilang dako naman, kapag walang nasusulat na kasunduan, kadalasang nagiging isa ito sa mga dahilan ng mga problema sa negosyo sa pagitan ng mga lingkod ni Jehova. Nakalulungkot, nauuwi ang gayong mga problema sa samaan ng loob, paghihinanakit, at maging sa panghihina sa espirituwal.
6. Bakit natin kailangang magbantay laban sa kasakiman?
6 Dapat din tayong magbantay laban sa kasakiman. (Lucas 12:15) Maaaring mabulag ang isa sa tsansang kumita nang malaki anupat hindi na niya mapansin ang mga panganib na kaakibat ng isang alanganing negosyo. Maging ang ilan na may mainam na pribilehiyo sa paglilingkod kay Jehova ay nabitag sa ganitong silo. Pinag-iingat tayo ng Salita ng Diyos: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan.” (Hebreo 13:5) Kapag pinag-iisipang pasukin ang isang negosyo, dapat isaalang-alang ng isang Kristiyano, ‘Talaga bang kailangan kong pasukin ang negosyong ito?’ Ang pamumuhay nang simple at nakasentro sa pagsamba kay Jehova ay magsasanggalang sa atin mula sa “lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.”—1 Timoteo 6:6-10.
Mga Hamong Napapaharap sa mga Kristiyanong Walang Asawa
7. (a) Anong mga hamon ang napapaharap sa maraming Kristiyanong walang asawa? (b) Paano nasasangkot ang pagkamatapat sa Diyos sa pagpili natin ng mapapangasawa?
7 Maraming lingkod ni Jehova ang nagnanais mag-asawa subalit hindi sila makakita ng isang kapananampalatayang nagugustuhan nila. Sa ilang lupain, matindi ang panggigipit ng mga tao na mag-asawa ang isa. Subalit maaaring kakaunti lamang ang pagkakataong makakilala ng potensiyal na mapapangasawa sa gitna ng mga kapananampalataya. (Kawikaan 13:12) Gayunman, alam ng mga Kristiyano, na ang pagsunod sa utos ng Bibliya na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon” ay pagpapakita ng pagkamatapat kay Jehova. (1 Corinto 7:39) Upang ang mga Kristiyanong walang asawa ay makatayong matatag laban sa panggigipit at tuksong napapaharap sa kanila, kailangan nilang panatilihing lubos ang kanilang katinuan.
8. Anong panggigipit ang naranasan ng babaing Shulamita, at paano maaaring mapaharap sa gayunding hamon ang mga babaing Kristiyano?
8 Sa Awit ni Solomon, isang hari ang nabighani sa isang probinsiyana na tinatawag na Shulamita. Sinuyo niya ang dalaga sa pamamagitan ng Awit ni Solomon 1:9-11; 3:7-10; 6:8-10, 13) Kung ikaw ay isang babaing Kristiyano, baka nagugustuhan ka rin ng isang lalaking hindi mo naman gusto. Baka isang katrabaho mo, marahil ay isa na mataas ang posisyon, ang pumupuri sa iyo, ginagawan ka ng pabor, at laging humahanap ng pagkakataong makasama ka. Mag-ingat sa gayong labis na papuri at atensiyon. Bagaman hindi naman palaging dahil sa pag-ibig o imoralidad ang intensiyon ng taong iyon, kadalasan nang ganoon ang nangyayari. Tulad ng dalagang Shulamita, maging “isang pader.” (Awit ni Solomon 8:4, 10) Matatag na tanggihan ang mga romantikong paglapit. Sa simula pa lamang ay ipaalam mo na sa mga katrabaho mo na isa kang Saksi ni Jehova, at samantalahin mo ang mga pagkakataon na makapagpatotoo sa kanila. Magsisilbi itong proteksiyon sa iyo.
pagpapakita ng kaniyang kayamanan, kabantugan, at panghalina, kahit umiibig na ito sa isang binata. (9. Anu-ano ang ilang panganib sa pakikipagrelasyon sa isang estranghero sa Internet? (Tingnan din ang kahon sa pahina 25.)
9 Nauuso sa ngayon ang mga Web site sa Internet na dinisenyo para tulungan ang mga indibiduwal na walang asawa na makahanap ng mapapangasawa. Para sa ilan, ang mga ito ay isang paraan upang makakilala ng mga taong wala silang pagkakataong makilala. Gayunman, talagang mapanganib ang basta na lamang pakikipagrelasyon sa isang estranghero. Sa Internet, napakahirap tukuyin kung ano ang totoo at hindi totoo. (Awit 26:4) Hindi lahat ng nagsasabing lingkod sila ni Jehova ay talaga ngang lingkod niya. Bukod diyan, sa pakikipag-date sa Internet, maaaring mabilis na mabuo ang isang relasyon, at maaari nitong pilipitin ang pag-iisip ng isang tao. (Kawikaan 28:26) Sa pamamagitan man ng Internet o ng iba pang paraan, hindi katalinuhang maglinang ng matalik na ugnayan sa isang taong hindi mo gaanong kilala.—1 Corinto 15:33.
10. Paano mapatitibay ng mga kapananampalataya ang mga Kristiyanong walang asawa?
10 Si Jehova “ay napakamagiliw sa pagmamahal” sa kaniyang mga lingkod. (Santiago 5:11) Alam niya na ang mga hamong napapaharap sa mga Kristiyanong hindi naman kagustuhang manatiling walang asawa ay nakapanghihina ng loob kung minsan, at pinahahalagahan niya ang kanilang pagkamatapat. Paano sila mapatitibay ng iba? Dapat na palagi natin silang papurihan sa kanilang pagkamasunurin at mapagsakripisyong espiritu. (Hukom 11:39, 40) Maaari rin natin silang isama sa mga nakapagpapatibay na pagsasamahan. Nagawa mo na ba iyan kamakailan? Karagdagan pa, maaari natin silang ipanalangin, anupat hinihiling kay Jehova na tulungan silang makapanatiling balanse sa espirituwal at magtamo ng kagalakan sa paglilingkod sa kaniya. Sa pamamagitan ng ating taimtim na interes, ipakita sana natin na pinahahalagahan natin ang mga matapat na ito gaya ng pagpapahalaga sa kanila ni Jehova.—Awit 37:28.
Pagharap sa mga Problema sa Kalusugan
11. Anu-anong hamon ang maidudulot ng malubhang mga problema sa kalusugan?
11 Napakalungkot nga kapag tayo o ang mahal natin sa buhay ay may malubhang problema sa kalusugan! (Isaias 38:1-3) Bagaman gusto nating makahanap ng epektibong paraan ng paggamot, mahalagang manghawakan tayo sa maka-Kasulatang mga simulain. Halimbawa, maingat na sinusunod ng mga Kristiyano ang utos ng Bibliya na umiwas sa dugo, at iniiwasan nila ang anumang paraan ng pagsusuri o paggamot na nagsasangkot ng espiritismo. (Gawa 15:28, 29; Galacia 5:19-21) Ngunit para sa mga walang pagsasanay sa medisina, ang pagpili ng paraan ng paggamot ay maaaring napakakomplikado at napakahirap. Ano ang makatutulong sa atin upang mapanatili nating lubos ang ating katinuan?
12. Paano makapananatiling timbang ang isang Kristiyano kapag pumipili siya ng paraan ng paggamot?
12 “Pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang” sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa Bibliya at sa iba pang mga publikasyong Kristiyano. (Kawikaan 14:15) Sa mga lugar na kaunti lamang ang mga manggagamot at mga ospital, maaaring ang tradisyonal na mga medisina lamang, na gumagamit ng mga halamang-gamot, ang tanging mapagpipilian. Kung pinag-iisipan nating gumamit ng gayong paraan ng paggamot, may mga impormasyong makatutulong sa atin sa Abril 15, 1987, isyu ng Ang Bantayan, pahina 26-9. Binabanggit nito ang potensiyal na mga panganib. Halimbawa, baka kailangan nating alamin ang sumusunod: Ang tradisyonal na manggagamot ba ay kilalang nagsasagawa ng espiritismo? Ang paggamot ba ay batay sa paniniwalang ang sakit at kamatayan ay dulot ng alinman sa nagalit na mga diyos (o espiritu ng mga ninuno) o ng mga kaaway na nagsasagawa ng pangkukulam? May mga hain ba, bulong, o iba pang espiritistikong mga ritwal na isinasagawa bago manggamot o bago gamitin ang gamot? (Deuteronomio 18:10-12) Ang gayong pagsasaliksik ay tutulong sa atin na sundin ang kinasihang payo: “Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay; manghawakan kayong mahigpit sa kung ano ang mainam.” * (1 Tesalonica 5:21) Tutulong ito upang makapanatili tayong timbang.
13, 14. (a) Paano natin maipakikita ang pagkamakatuwiran sa pangangalaga sa ating pisikal na kalusugan? (b) Bakit kailangan ang pagkamakatuwiran kapag sinasabi natin sa iba ang mga bagay-bagay tungkol sa kalusugan at medisina?
13 Kailangan ang pagkamakatuwiran sa lahat ng aspekto ng buhay, pati na sa pangangalaga ng ating pisikal na kalusugan. (Filipos 4:5) Ang pagiging timbang sa pangangalaga sa ating kalusugan ay pagpapakita ng pagpapahalaga natin sa mahalagang kaloob na buhay. Kapag may karamdaman tayo, talagang kailangan natin itong bigyang-pansin. Gayunman, matatamo lamang natin ang sakdal na kalusugan kapag dumating na ang takdang panahon ng Diyos para sa “pagpapagaling sa mga bansa.” (Apocalipsis 22:1, 2) Kailangan tayong magbantay laban sa pagbibigay ng labis-labis na atensiyon sa ating pisikal na kalusugan anupat naisasaisantabi na natin ang mas mahalagang espirituwal na mga pangangailangan natin.—Mateo 5:3; Filipos 1:10.
14 Kailangan din tayong maging timbang at makatuwiran kapag sinasabi natin sa iba ang mga bagay-bagay tungkol sa kalusugan at medisina. Hindi dapat mangibabaw ang mga paksang ito sa ating mga usapan kapag nagtitipun-tipon tayo para sa espirituwal na pakikipagsamahan sa Kristiyanong mga pagpupulong at asamblea. Karagdagan pa, ang mga pagpapasiya may kaugnayan sa paraan ng paggamot ay karaniwan nang nagsasangkot ng mga simulain ng Bibliya, budhi ng isa, at ng kaniyang kaugnayan kay Jehova. Samakatuwid, hindi pagpapakita ng pag-ibig kung igigiit natin sa isang kapananampalataya ang ating pangmalas o pipilitin natin siyang ipagwalang-bahala ang idinidikta Galacia 6:5; Roma 14:12, 22, 23.
ng kaniyang budhi. Bagaman maaaring sumangguni sa mga may-gulang na indibiduwal sa kongregasyon, ang bawat Kristiyano ay kailangang ‘magdala ng kaniyang sariling pasan’ ng pananagutan sa paggawa ng mga desisyon, at “ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.”—Kapag Dumaranas Tayo ng Kaigtingan
15. Paano tayo maaaring maapektuhan ng maiigting na kalagayan?
15 Maging ang mga matapat na lingkod ni Jehova ay maaaring makapagsalita o gumawi nang may-kamangmangan dahil sa maiigting na kalagayan. (Eclesiastes 7:7) Nang dumanas si Job ng matinding pagsubok, hindi siya gaanong naging timbang at kinailangan pang ituwid ang kaniyang pangmalas. (Job 35:2, 3; 40:6-8) Bagaman “si Moises ay totoong pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa,” minsan ay nagalit din siya at nagsalita nang padalus-dalos. (Bilang 12:3; 20:7-12; Awit 106:32, 33) Kahanga-hanga ang ipinakita ni David na pagpipigil sa sarili nang hindi niya pinatay si Haring Saul, subalit nang insultuhin siya ni Nabal at pagsisigawan ang kaniyang mga tauhan, galit na galit si David at hindi siya nakapagpasiya nang tama. Saka lamang siya natauhan nang mamagitan si Abigail, kaya naiwasan ang malubhang pagkakamali.—1 Samuel 24:2-7; 25:9-13, 32, 33.
16. Anu-ano ang tutulong sa atin upang maiwasan nating kumilos nang padalus-dalos?
16 Tayo rin ay maaaring mapaharap sa maiigting na situwasyon na maaaring makaapekto sa ating mabuting pagpapasiya. Ang maingat na pagsasaalang-alang sa mga pananaw ng iba, gaya ng ginawa ni David, ay makatutulong upang maiwasan nating kumilos nang padalus-dalos at mabilis na magkasala. (Kawikaan 19:2) Karagdagan pa, hinihimok tayo ng Salita ng Diyos: “Maligalig kayo, ngunit huwag magkasala. Magsalita kayo sa inyong puso, sa inyong higaan, at manahimik kayo.” (Awit 4:4) Hangga’t magagawa natin, isang katalinuhang maghintay hanggang maging kalmado na tayo bago tayo kumilos o gumawa ng mga pasiya. (Kawikaan 14:17, 29) Maaari tayong bumaling kay Jehova sa pamamagitan ng marubdob na panalangin, “at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa [ating] mga puso at sa [ating] mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Ang bigay-Diyos na kapayapaang ito ay magpapatibay at tutulong sa atin upang mapanatili nating lubos ang ating katinuan.
17. Bakit tayo dapat umasa kay Jehova upang mapanatili nating lubos ang ating katinuan?
17 Sa kabila ng pagsisikap nating umiwas sa mga panganib at kumilos nang may-katalinuhan, lahat tayo ay nagkakamali pa rin. (Santiago 3:2) Posibleng makagawa tayo ng isang kapaha-pahamak at maling hakbang nang hindi natin namamalayan. (Awit 19:12, 13) Karagdagan pa, bilang mga taong nilalang, wala tayong kakayahan ni karapatang magtuwid ng ating hakbang nang walang gabay ni Jehova. (Jeremias 10:23) Laking pasasalamat natin dahil tinitiyak niya sa atin: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.” (Awit 32:8) Oo, sa tulong ni Jehova, mapananatili nating lubos ang ating katinuan.
[Mga talababa]
^ par. 5 Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa nasusulat na mga kasunduan sa negosyo, tingnan Ang Bantayan, Agosto 1, 1997, pahina 30-1; Nobyembre 15, 1986, pahina 16-17; at Gumising!, Hulyo 8, 1983, pahina 14-18, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 12 Makatutulong din ang paraang ito sa mga taong nag-iisip na sumubok ng mga kontrobersiyal na paraan ng paggamot.
Paano Mo Sasagutin?
Paano natin mapananatili ang ating katinuan
• kapag inalukan tayong pasukin ang isang negosyo?
• kapag naghahanap ng mapapangasawa?
• kapag napapaharap sa mga problema sa kalusugan?
• kapag dumaranas ng kaigtingan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon sa pahina 25]
Mapagkakatiwalaan Mo Ba Ito?
Upang hindi managot sa masasamang epekto ang mga Web site na dinisenyo para sa mga naghahanap ng mapapangasawa, ganito ang mababasa sa mga site na ito:
“Sa kabila ng aming pagsisikap, hindi pa rin namin magagarantiyahan ang tunay na pagkakakilanlan ng mga indibiduwal.”
“Hindi namin magagarantiyahan kung tumpak, kumpleto, o kapaki-pakinabang ang anumang impormasyong makikita sa [Web site na ito].”
“Ang mga opinyon, payo, kapahayagan, alok, o iba pang impormasyon o nilalaman na mababasa sa [Web site na ito] ay pawang mula sa mga awtor nito . . . at hindi laging mapananaligan.”
[Larawan sa pahina 23]
“Pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang”
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Paano matutularan ng mga babaing Kristiyano ang dalagang Shulamita?
[Larawan sa pahina 26]
“Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay; manghawakan kayong mahigpit sa kung ano ang mainam”