Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-alam sa Kung Ano ang Tama at Paggawa Nito

Pag-alam sa Kung Ano ang Tama at Paggawa Nito

Pag-alam sa Kung Ano ang Tama at Paggawa Nito

AYON SA SALAYSAY NI HADYN SANDERSON

Minsan ay sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, maligaya kayo kung gagawin ninyo ang mga iyon.” (Juan 13:17) Oo, maaaring alam natin kung ano ang tama, pero kung minsan, mahirap itong gawin! Gayunman, sa mahigit 80 taóng nabubuhay ako, na 40 taon dito ay ginugol ko sa paglilingkod bilang misyonero, kumbinsido ako na totoo ang sinabi ni Jesus. Ang paggawa sa sinasabi ng Diyos ay talagang umaakay sa kaligayahan. Hayaan mong ipaliwanag ko ito.

NOONG 1925, nang ako ay tatlong taóng gulang, dumalo ang aking mga magulang sa isang pahayag na salig sa Bibliya sa aming bayan sa Newcastle, Australia. Dahil sa pahayag na “Milyun-Milyong Nabubuhay Ngayon ang Hindi Na Kailanman Mamamatay,” nakumbinsi ang aking ina na nasumpungan na niya ang katotohanan, at nagsimula siyang dumalo nang regular sa mga Kristiyanong pagpupulong. Subalit mabilis na naglaho ang interes ng aking ama. Tumutol siya sa bagong-tuklas na pananampalataya ni Inay at nagbantang iiwan kami kung hindi tatalikuran ni Inay ang kaniyang pananampalataya. Mahal ni Inay si Itay at nais niyang mapanatiling buo ang pamilya. Subalit alam niya na di-hamak na mas mahalaga ang pagsunod sa Diyos, at determinado siyang gawin ang tama sa paningin ng Diyos. (Mateo 10:34-39) Iniwan kami ng aking ama, at mula noon ay paminsan-minsan ko na lamang siyang nakikita.

Kapag naaalaala ko ito, hinahangaan ko ang aking ina sa kaniyang katapatan sa Diyos. Dahil sa kaniyang pasiya, natamasa namin ng aking ate, si Beulah, ang maraming espirituwal na pagpapala. Itinuro rin nito sa amin ang isang mahalagang aral​—kapag alam namin kung ano ang tama, dapat naming pagsikapan na gawin ito.

Mga Pagsubok sa Pananampalataya

Ang mga Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, ay nagsikap nang husto upang tulungan ang aming pamilya. Sa amin tumira ang aking lola at tinanggap din niya ang katotohanan sa Bibliya. Siya at si Inay ay laging magkasama sa pangangaral, at dahil sa kanilang kagalang-galang na hitsura at pagiging palakaibigan, iginalang sila ng mga tao.

Samantala, pinag-ukulan ako ng pantanging pansin ng nakatatandang Kristiyanong mga kapatid at tumanggap ako ng mahalagang pagsasanay mula sa kanila. Di-nagtagal, natutuhan kong gumamit ng testimony card upang makapagharap ng simpleng mga presentasyon sa mga tao sa kanilang tahanan. Nakapagpatugtog din ako ng nakarekord na mga salig-Bibliyang pahayag gamit ang nabibitbit na ponograpo at nakibahagi sa pangangaral na may suot na mga plakard sa pangunahing lansangan ng bayan. Nahirapan ako rito dahil takot akong humarap sa tao. Subalit alam ko kung ano ang tama at determinado akong gawin ito.

Nang makapagtapos ako ng pag-aaral, nagsimula akong magtrabaho sa isang bangko, at kasama sa trabaho ko ang pagpunta sa maraming sangay ng bangko sa buong estado ng New South Wales. Bagaman iilan lamang noon ang Saksi sa lugar na iyon ng bansa, nakatulong ang pagsasanay sa akin upang mapanatili ang aking pananampalataya. Sinulatan ako ni Inay ng nakapagpapasiglang mga liham na nagpalakas sa akin sa espirituwal.

Ang mga liham na iyon ay nakatulong sa akin sa mga panahong kailangan ko ng pampatibay. Nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II, kinalap ako sa hukbo. Ang manedyer ng bangko ay palasimba at isang kumandante ng militar ng lugar. Nang ipaliwanag ko ang aking neutralidad bilang Kristiyano, binigyan niya ako ng ultimatum​—iwan ko ang aking relihiyon o iwan ang bangko! Umabot ito sa kasukdulan nang humarap ako sa sentro ng pangangalap para sa pagsusundalo. Naroroon ang manedyer at pinagmasdan akong mabuti nang lumapit ako sa mesa ng pagrerehistro. Nang tumanggi akong pumirma sa mga papeles sa pangangalap, nagalit ang mga opisyal. Maigting ang situwasyon, pero determinado akong gawin kung ano ang tama. Sa tulong ni Jehova, nanatili akong kalmado at matatag. Nang maglaon, nang malaman kong hinahanap ako ng ilang maton, dali-dali akong nag-impake at sumakay ng tren paalis ng bayan!

Pagkabalik ko sa Newcastle, ako at ang pito pang brother ay humarap sa hukuman dahil sa pagtangging magsundalo. Sinentensiyahan kami ng hukom ng tatlong-buwang pagkabilanggo at sapilitang pagtatrabaho. Bagaman talagang hindi kaayaaya ang mabilanggo, nagdulot ng mga pagpapala ang paggawa ng tama. Pagkalaya namin, isa sa mga nakasama ko sa bilangguan, isang kapuwa Saksi na nagngangalang Hilton Wilkinson, ang nag-anyaya sa akin na mamasukan sa kaniyang photo studio. Doon ko nakilala ang aking napangasawa, si Melody, isang resepsiyonista sa studio. Di-nagtagal pagkalaya ko, nagpabautismo ako bilang sagisag ng aking pag-aalay kay Jehova.

Pag-abot sa Tunguhing Maglingkod Nang Buong Panahon

Pagkatapos naming magpakasal, nagbukas kami ni Melody ng sarili naming photo studio sa Newcastle. Sa loob ng maikling panahon, dumami ang aming trabaho anupat nagsimulang maapektuhan ang aming kalusugan at espirituwalidad. Nang panahong iyon, si Ted Jaracz, na naglilingkod noon sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Australia at ngayo’y miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay nakipag-usap sa amin hinggil sa aming espirituwal na mga tunguhin. Pagkatapos ng pag-uusap na iyon, ipinasiya naming ibenta ang aming negosyo at pasimplehin ang aming buhay. Noong 1954, bumili kami ng isang maliit na treyler, lumipat sa lunsod ng Ballarat sa estado ng Victoria, at nagsimulang maglingkod bilang mga payunir, o buong-panahong mga ebanghelisador.

Habang gumagawa kami kasama ng maliit na kongregasyon sa Ballarat, pinagpala ni Jehova ang aming mga pagsisikap. Sa loob ng 18 buwan, mabilis na dumami ang mga dumadalo sa pulong mula 17 tungo sa 70. Pagkatapos ay nakatanggap kami ng paanyaya na maglingkod sa gawaing paglalakbay, o pansirkitong gawain, sa estado ng Timog Australia. Sa sumunod na tatlong taon, nasiyahan kaming dumalaw sa mga kongregasyon sa lunsod ng Adelaide at sa mga rehiyon na sagana sa alak at sitrus sa may Ilog Murray. Ang laki ng ipinagbago ng aming buhay! Maligaya kaming naglingkod kasama ng maibiging mga kapatid. Kaylaki ng gantimpala sa paggawa ng alam naming tama!

Atas na Pagmimisyonero

Noong 1958, ipinabatid namin sa tanggapang pansangay ng Australia ang aming balak na dumalo sa “Banal na Kalooban” na Internasyonal na Asamblea sa New York City sa huling bahagi ng taóng iyon. Bilang tugon, pinadalhan nila kami ng mga aplikasyon para sa Gilead, isang paaralan sa pagmimisyonero, sa Estados Unidos. Yamang mga 35 anyos na kami, inisip naming matanda na kami para pumasok sa Gilead. Gayunpaman, ipinadala pa rin namin ang aming mga aplikasyon at inanyayahan kaming mag-aral sa ika-32 klase. Sa kalahatian ng kurso, tinanggap namin ang aming atas na pagmimisyonero​—sa India! Nag-alala kami noong una, pero sa kabila nito, gusto naming gawin kung ano ang tama at malugod na tinanggap ang aming atas.

Dumating kami sa Bombay (ngayo’y Mumbai) sakay ng barko nang madaling araw noong 1959. Daan-daang trabahador ang natutulog sa may daungan ng barko. Iba-iba ang naaamoy namin. Nang sumikat ang araw, nagkaroon kami ng ideya kung ano ang klima roon. Noon lamang namin naranasan ang gayon kainit na temperatura! Isang mag-asawang misyonero, sina Lynton at Jenny Dower, na kasama naming nagpayunir sa Ballarat, ang malugod na tumanggap sa amin. Sinamahan nila kami sa Tahanang Bethel sa India, na ang tanggapan ay nasa isang masikip na apartment na malapit sa sentro ng lunsod. Anim na boluntaryo ng Bethel ang naninirahan dito. Si Brother Edwin Skinner, na naglingkod bilang misyonero sa India mula noong 1926, ay nagpayo na bumili kami ng dalawang bag na gawa sa kambas bago kami magtungo sa aming atas. Ito ang karaniwang makikita sa mga pasahero ng tren sa India at gamít na gamít namin ito sa aming mga biyahe nang maglaon.

Pagkatapos ng dalawang-araw na biyahe sakay ng tren, dumating kami sa aming atas sa Tiruchchirappalli, isang lunsod sa timugang estado ng Madras (ngayo’y Tamil Nadu). Sinamahan namin doon ang tatlong special pioneer na taga-India na ang teritoryo ay may populasyon na 250,000 katao. Napakasimple ng pamumuhay rito. Minsan, wala pang $4 (U.S.) ang natira sa aming bulsa. Pero nang maubos iyon, hindi kami pinabayaan ni Jehova. Isang nag-aaral ng Bibliya ang nagpautang sa amin para makaupa kami ng isang bahay na angkop na pagdausan ng mga pagpupulong. Minsan naman nang magkulang kami sa pagkain, isang kapitbahay ang nagluto ng curry at may-kabaitan niya kaming dinalhan nito. Nagustuhan ko ito, pero napakaanghang ng pagkakaluto anupat nagkandasinok-sinok ako!

Sa Ministeryo sa Larangan

Bagaman nagsasalita ng Ingles ang ilang tao sa Tiruchchirappalli, ang karamihan ay nagsasalita ng Tamil. Kaya nagsikap kami nang husto upang matuto ng simpleng presentasyon sa wikang iyon para sa paglilingkod sa larangan. Dahil dito, natamo namin ang paggalang ng maraming tagaroon.

Masayang-masaya kami sa ministeryo sa bahay-bahay. Likas na mapagpatuloy ang mga taga-India, at inaanyayahan kami ng karamihan na magmeryenda. Yamang madalas na 40 digri Celsius ang temperatura, lubha naming pinahahalagahan ang kanilang pagkamapagpatuloy. Bahagi ng kagandahang-asal na ipakipag-usap muna ang personal na mga bagay bago namin iharap ang aming mensahe. Kaming mag-asawa ay madalas tanungin ng mga may-bahay: “Tagasaan kayo? May mga anak ba kayo? Bakit wala kayong anak?” Kapag nalaman nilang wala kaming anak, karaniwan nang may inirerekomenda silang magaling na doktor! Gayunpaman, sa mga pag-uusap na iyon, naipakikilala namin ang aming sarili at naipaliliwanag ang kahalagahan ng aming salig-Bibliyang gawain.

Karamihan sa mga nakakausap namin ay mga Hindu​—isang relihiyon na ibang-iba sa Kristiyanismo. Sa halip na pagtalunan ang masalimuot na pilosopiya ng Hindu, ipinangangaral na lamang namin ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos​—na nagdulot ng magagandang resulta. Sa loob ng anim na buwan, halos 20 katao ang nagsimulang dumalo sa mga pagpupulong sa tahanan ng mga misyonero. Ang isa sa mga dumadalo ay isang inhinyero na nagngangalang Nallathambi. Nang maglaon, siya at ang kaniyang anak na lalaki, si Vijayalayan, ay nakatulong sa humigit-kumulang 50 katao upang maging mga lingkod ni Jehova. May panahong nakapaglingkod din si Vijayalayan sa sangay sa India.

Palaging Nagbibiyahe

Wala pa kaming anim na buwan sa India nang anyayahan akong maglingkod bilang kauna-unahang permanenteng tagapangasiwa ng distrito sa bansa. Nangangahulugan ito ng paglalakbay sa buong India, pag-oorganisa ng mga asamblea at paglilingkod kasama ng siyam na grupo na gumagamit ng iba’t ibang wika. Mahirap ang atas na ito. Inimpake namin sa tatlong metal na maleta at sa aming maaasahang mga bag na gawa sa kambas ang aming mga damit at mga kagamitang gagamitin namin sa loob ng anim na buwan at pagkatapos ay umalis kami sa lunsod ng Madras (ngayo’y Chennai) sakay ng tren. Yamang sumasaklaw ng mga 6,500 kilometro ang teritoryo ng distrito, palagi kaming nagbibiyahe. Sa isang pagkakataon, dinaluhan namin ang isang asamblea sa timugang lunsod ng Bangalore sa araw ng Linggo. Pagkatapos, nagbiyahe kami pahilaga sa Darjeeling sa mabababang burol sa paanan ng kabundukan ng Himalaya upang maglingkod sa iba namang asamblea sa kasunod na linggo. Upang marating ang Darjeeling, kailangan naming maglakbay nang 2,700 kilometro at limang beses na magpalipat-lipat ng tren.

Sa una naming mga paglalakbay, nasiyahan kaming ipalabas ang pelikulang The New World Society in Action. Dahil sa pelikulang ito, naging pamilyar ang mga tao sa lawak at gawain ng organisasyon ni Jehova sa lupa. Kadalasan, daan-daang tao ang nanonood sa mga palabas na ito. Sa isang pagkakataon, ipinalabas namin ang pelikula sa isang grupong nagkatipon sa tabi ng daan. Habang ipinapalabas ang pelikula, biglang kumulimlim na parang uulan nang malakas. Palibhasa’y minsan nang nagkagulo nang mahinto ang pagpapalabas ng pelikula, ipinasiya kong ipagpatuloy ang pagpapalabas pero pinabilis ko ito. Mabuti na lamang at natapos ang pelikula nang mapayapa noong magsimulang pumatak ang ulan.

Nang sumunod na mga taon, naglakbay kami ni Melody sa kalakhang bahagi ng India. Para kaming naglalakbay sa iba’t ibang bansa yamang ang bawat rehiyon ay may naiibang pagkain, pananamit, wika, at tanawin. Tunay ngang kasiya-siya ang pagkasari-sari ng mga nilalang ni Jehova! Totoo rin ito sa buhay-iláng ng India. Minsan, nang magkamping kami sa kagubatan ng Nepal, nakakita kami ng malaking tigre. Napakagandang hayop nito. Nang makita namin ito, sumidhi ang aming hangaring tumira sa Paraiso, kung saan magkakaroon ng kapayapaan sa pagitan ng mga tao at hayop.

Pag-alinsabay ng mga Kongregasyon sa mga Kaayusan ng Organisasyon

Noong panahong iyon, kailangang makialinsabay nang higit ang mga kapatid sa India sa mga kaayusan ng organisasyon ni Jehova. Sa ilang kongregasyon, magkabukod ang upuan ng mga lalaki at babae. Bihirang magsimula sa oras ang mga pagpupulong. Sa isang lugar, kinakalembang ang isang kampana bilang hudyat sa mga mamamahayag ng Kaharian na magsisimula na ang mga pagpupulong. Sa ibang mga dako naman, tinitingnan ng mga mamamahayag ang posisyon ng araw para malaman kung anong oras sila pupunta sa mga pagpupulong. Hindi regular ang mga asamblea at mga dalaw ng mga naglalakbay na tagapangasiwa. Handa namang gawin ng mga kapatid kung ano ang tama, pero kailangan nila ng pagsasanay.

Noong 1959, itinatag ng organisasyon ni Jehova ang Kingdom Ministry School. Tinulungan ng pandaigdig na programang ito ng pagsasanay ang mga tagapangasiwa ng sirkito, special pioneer, misyonero, at matatanda sa kongregasyon na isakatuparan nang mas mabisa ang kanilang maka-Kasulatang mga pananagutan. Nang magsimula ang paaralan sa India noong Disyembre 1961, naglingkod ako bilang instruktor ng klase. Unti-unti, nakinabang sa pagsasanay na iyon ang mga kongregasyon sa buong bansa, at mabilis na sumulong ang mga ito. Nang malaman ng mga kapatid kung ano ang tama, pinakilos sila ng espiritu ng Diyos na gawin ito.

Ang mga kapatid ay pinasigla at pinagkaisa rin ng malalaking kombensiyon. Namumukod-tangi sa mga kombensiyong ito ang “Walang-Hanggang Mabuting Balita” na Internasyonal na Asamblea na idinaos sa New Delhi noong 1963. Naglakbay nang libu-libong milya ang mga Saksi sa India para madaluhan ang asambleang iyon, at ginastos ng marami sa mga ito ang lahat ng kanilang naipong pera para lamang makadalo. Yamang dumalo rin ang 583 delegado mula sa 27 ibang mga lupain, ito ang kauna-unahang pagkakataon para sa mga Saksing taga-India na makakilala at makakausap ng maraming dumadalaw na kapatid.

Noong 1961, kami ni Melody ay inanyayahang maging miyembro ng pamilyang Bethel sa Bombay, kung saan naging miyembro ako ng Komite ng Sangay nang maglaon. Nagkaroon kami ng iba pang mga pribilehiyo. Sa loob ng maraming taon, naglingkod ako bilang tagapangasiwa ng sona sa mga bahagi ng Asia at Gitnang Silangan. Yamang ipinagbabawal ang gawaing pangangaral sa marami sa mga bansang ito, kailangang maging “maingat [ang mga mamamahayag doon] gaya ng mga serpiyente at gayunma’y walang muwang na gaya ng mga kalapati.”​—Mateo 10:16.

Pagpapalawak at mga Pagbabago

Noong 1959, nang dumating kami sa India, 1,514 na mamamahayag lamang ang aktibo sa bansa. Sa ngayon, ang bilang na iyan ay umabot na sa mahigit 24,000. Upang matugunan ang pagsulong na ito, dalawang beses inilipat ang pasilidad ng Bethel sa Bombay o sa lugar na malapit dito. Pagkatapos, noong Marso 2002, lumipat uli ang pamilyang Bethel​—ngayon ay sa isang bagong pasilidad na itinayo malapit sa Bangalore, sa timugang India. Sa makabagong pasilidad na ito tumutuloy ang 240 miyembro ng Bethel, at isinasalin ng ilan sa kanila ang mga literatura sa Bibliya sa 20 wika.

Bagaman sabik na sabik kami ni Melody na lumipat sa Bangalore, napilitan kaming bumalik sa Australia noong 1999 dahil sa mahinang kalusugan. Naglilingkod kami ngayon bilang mga miyembro ng pamilyang Bethel sa Sydney. Bagaman wala na kami sa India, mahal na mahal pa rin namin ang aming mga kaibigan at espirituwal na mga anak sa lupaing iyon. Tuwang-tuwa kaming makatanggap ng mga liham mula sa kanila!

Sa aming pagbabalik-tanaw sa mahigit 50 taon naming paglilingkod nang buong-panahon, nadama namin ni Melody na sagana kaming pinagpala. Dati ay nagtrabaho kami upang ingatan ang mga larawan ng mga tao sa mga litrato, pero ang paggawa upang ingatang buháy ang mga tao sa alaala ng Diyos ay di-hamak na mas mainam na gawain. Napakaraming di-malilimutang mga karanasan ang tinamasa namin dahil sa pasiya naming unahin ang kalooban ng Diyos sa aming buhay! Oo, ang paggawa sa sinasabi ng Diyos na tama ay talagang umaakay sa kaligayahan!

[Mga mapa sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

INDIA

New Delhi

Darjeeling

Bombay (Mumbai)

Bangalore

Madras (Chennai)

Tiruchchirappalli

[Mga larawan sa pahina 13]

Sina Hadyn at Melody noong 1942

[Larawan sa pahina 16]

Ang pamilyang Bethel sa India noong 1975