“Ano ang Ibig Sabihin ng Lilang Tatsulok?”
“Ano ang Ibig Sabihin ng Lilang Tatsulok?”
“ILANG araw na ang nakalilipas, nakatanggap ako ng kopya ng Ang Bantayan mula sa isang Saksi ni Jehova,” ang isinulat ng isang empleado ng gobyerno na nagtatrabaho sa ministri ng katarungan sa Seoul, Republika ng Korea. Sinabi pa niya: “Pagkabasa ko nito, may natutuhan akong ilang bagay tungkol sa pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova noong namamahala ang mga Nazi at mga Komunista. Pero may tanong ako. Sa pabalat, ipinakikita roon ang larawan ng mga Saksi ni Jehova na may pabaligtad na lilang tatsulok sa gawing kaliwa ng kanilang uniporme. Ano ang ibig sabihin ng lilang tatsulok?”
Noong nasa ilalim ng rehimeng Nazi ang Alemanya, tumanggi ang mga Saksi ni Jehova na sumaludo kay Hitler, at nanatili silang neutral sa pulitika at mga isyung militar. Kaya buong-kalupitan silang pinag-usig ng mga Nazi, at ipinakulong ang humigit-kumulang 12,000 Saksi sa mga bilangguan at mga kampong piitan, nang may iba’t ibang haba ng sentensiya. Mga 2,000 sa kanila ang namatay, anupat daan-daan sa mga ito ang ipinapatay.
Ano ang ibig sabihin ng lilang tatsulok sa kanilang uniporme? “May mga palatandaan ang mga bilanggo sa mga kampo [ng Nazi] depende sa kanilang kategorya,” ang paliwanag ng aklat na Anatomy of the SS State. “Ang karaniwang ginagamit na sistema sa paglalagay ng palatandaan noong panahon bago ang digmaan ay ang pagtatahi ng patatsulok na piraso ng tela sa uniporme ng bawat bilanggo, at ang kulay ng tatsulok ay depende sa kaniyang kategorya: pula para sa mga nabilanggo dahil sa pulitika; lila para sa mga Saksi ni Jehova; itim para sa mga mapaghimagsik; berde para sa mga kriminal; kulay-rosas para sa mga homoseksuwal; asul para sa mga nandayuhan. Bukod sa de-kulay na tatsulok na nakalagay sa uniporme ng mga bilanggong Judio, pinatungan pa ito ng dilaw na tatsulok upang mabuo ang eksagonal na Tala ni David.”
“Kung maaalaala pa rin sa hinaharap ang kahalagahan nito,” ang isinulat ni Propesor John K. Roth sa kaniyang aklat na Holocaust Politics, “ang lilang tatsulok ay maaari ring magsilbing proteksiyon laban sa trahedya, isang proteksiyon kung saan ipinaaalaala ng tatsulok ang ating pananagutan na itaguyod ang mainam na paggawi na lubhang karapat-dapat sa parangal ng tao.” Inilabas ng mga Saksi ni Jehova ang isang dokumentaryo na umani ng parangal—ang Jehovah’s Witnesses Stand Firm Against Nazi Assault. Bakit hindi mo tanungin ang isang Saksi ni Jehova kung paano mo mapapanood ang video na ito?