Sa Simula ay Inusig, Pagkatapos ay Inibig
Sa Simula ay Inusig, Pagkatapos ay Inibig
ILANG taon na ang nakalilipas, lumipat si Santiago at ang kaniyang asawang si Lourdes sa magandang bayan ng Huillcapata, Peru, upang ibahagi sa mga tagaroon ang mensahe ng pag-asa na nasa Bibliya. Subalit di-nagtagal, isang pari mula sa Cuzco ang dumating at pinulong ang mga taga-Huillcapata. Binabalaan sila ng pari na ang pagtira roon ng mga Saksi ni Jehova ay magiging sanhi ng nakamamatay na salot at malakas na pag-ulan ng niyebe na papatay sa kanilang mga baka at sisira sa kanilang mga pananim.
Marami ang naimpluwensiyahan ng “hulang” ito, at sa loob ng mahigit kalahating taon, wala ni isa sa bayan ang tumanggap sa paanyaya nina Santiago at Lourdes na mag-aral ng Bibliya. Hinabol pa nga sa daan sina Santiago at Lourdes ng isang opisyal ng bayan na nagngangalang Miguel, ang bise-gobernador, at pinagbabato sila. Ngunit lagi silang gumagawi sa mapayapa at maka-Kristiyanong paraan.
Nang maglaon, tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya ang ilang naninirahan sa bayan. Maging si Miguel ay nagbago ng kaniyang saloobin. Siya ay nakipag-aral na kay Santiago, katamtaman na kung uminom, at isa nang mapagpayapang tao. Nang dakong huli, si Miguel, ang kaniyang asawa, at ang dalawa sa kaniyang mga anak na babae ay yumakap sa katotohanan sa Bibliya.
Sa ngayon, mayroon nang masulong na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa bayang ito. Natutuwa si Miguel na hindi tumama ang karamihan sa mga batong ipinukol niya kina Santiago at Lourdes, at nagpapasalamat siya sa mag-asawa sa kanilang mainam na halimbawa ng pagiging mapagpayapa.
[Mga larawan sa pahina 32]
Ang pagiging mapagpayapa nina Santiago at Lourdes (itaas) ang nagpabago sa saloobin ni Miguel (dulong kanan)