Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sa sinaunang Israel, ano ang ipinahihiwatig ng makahimalang liwanag na tinatawag kung minsan na Shekina na lumitaw sa Kabanal-banalan ng tabernakulo at ng templo?
Pinangyari ni Jehova, ang maibiging Ama at Tagapagsanggalang ng kaniyang bayan, na lubusang madama sa Israel ang kaniyang presensiya. Ang isang paraan upang magawa niya ito ay sa pamamagitan ng maningning na ulap na may malapit na kaugnayan sa kaniyang dako ng pagsamba.
Ang kapansin-pansing liwanag na iyon ang kumakatawan sa di-nakikitang presensiya ni Jehova. Lumitaw ito sa Kabanal-banalan ng tabernakulo at ng templong itinayo ni Solomon. Hindi naman ipinahihiwatig ng makahimalang liwanag na iyon na naroroon mismo si Jehova. Hindi maaaring magkasya ang Diyos sa alinmang gusali na gawa ng tao. (2 Cronica 6:18; Gawa 17:24) Dahil sa kahima-himalang liwanag na ito sa santuwaryo ng Diyos, makapagtitiwala ang mataas na saserdote at, sa pamamagitan niya, pati na rin ang lahat ng mga Israelita na ang mapagsanggalang na presensiya ni Jehova ang nangangalaga sa kanila at sa mga pangangailangan nila.
Sa wikang Aramaiko na ginamit matapos maisulat ang Bibliya, ang liwanag na ito ay tinatawag na Shekina (shekhi·nahʹ), isang salita na nangangahulugang “yaong tumatahan” o “ang pagtahan.” Ang terminong ito ay hindi lumilitaw sa Bibliya ngunit masusumpungan sa mga salin ng Hebreong Kasulatan sa wikang Aramaiko, na kilala rin bilang mga Targum.
Nang magbigay ng mga tagubilin para sa pagtatayo ng tabernakulo, sinabi ni Jehova kay Moises: “Ilalagay mo ang takip sa ibabaw ng Kaban, at sa loob ng Kaban ay ilalagay mo ang patotoo na ibibigay ko sa iyo. At doon ako haharap sa iyo at magsasalita ako sa iyo mula sa ibabaw ng takip, mula sa pagitan ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng kaban.” (Exodo 25:21, 22) Ang binabanggit na Kaban ay isang nababalot-ng-ginto na baul na nasa Kabanal-banalan. May dalawang gintong kerubin sa ibabaw ng takip ng Kaban.
Mula saan magsasalita si Jehova? Sinagot niya ito nang sabihin niya kay Moises: “Sa isang ulap ay magpapakita ako sa ibabaw ng takip.” (Levitico 16:2) Ang ulap na ito ay nasa ibabaw ng sagradong Kaban sa pagitan ng dalawang gintong kerubin. Hindi isinisiwalat ng Bibliya kung gaano kataas ang ulap na ito o kung gaano kalawak ang nasasaklaw nito sa ibabaw ng mga kerubin.
Iniilawan ng maliwanag na ulap na ito ang Kabanal-banalan. Sa katunayan, ito lamang ang pinanggagalingan ng liwanag sa silid na iyon. Nakatutulong ang liwanag na iyon sa mataas na saserdote kapag pumapasok siya sa kaloob-loobang silid kung Araw ng Pagbabayad-Sala. Siya ay nakatayo sa presensiya ni Jehova.
May kahulugan ba ang makahimalang liwanag na ito para sa mga Kristiyano? Nakita ni apostol Juan sa pangitain ang isang lunsod kung saan “ang gabi ay hindi iiral.” Ang lunsod ay ang Bagong Jerusalem, na binubuo ng mga pinahirang Kristiyanong binuhay muli upang mamahalang kasama ni Jesus. Hindi nagmumula sa araw o sa buwan ang liwanag ng simbolikong lunsod na ito. Tuwirang nililiwanagan ng kaluwalhatian ng Diyos na Jehova ang organisasyong ito, kung paanong tinatanglawan ng ulap na Shekina ang Kabanal-banalan. Gayundin, ang Kordero, si Jesu-Kristo, ang “lampara” ng lunsod. Ang “lunsod” na ito naman ay nagbibigay ng espirituwal na liwanag at pabor nito sa tinubos na mga tao mula sa lahat ng bansa para patnubayan sila.—Apocalipsis 21:22-25.
Dahil tumatanggap sila ng gayong saganang pagpapala mula sa itaas, makatitiyak ang mga mananamba ni Jehova na si Jehova ang kanilang mapagsanggalang na Pastol at mapagmahal na Ama.