“Tapos Na”
“Tapos Na”
NOONG taóng 2002, nagdaos ng pandistritong kombensiyon ang mga Saksi ni Jehova sa lunsod ng Mbandaka, sa hilagang-kanlurang bahagi ng Demokratikong Republika ng Congo. Nang ilabas sa kombensiyon ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Lingala, literal na lumukso sa kagalakan ang mga tagapakinig, at ang ilan ay napaluha. Pagkaraan, nagdagsaan ang mga tao sa plataporma upang makita nang malapitan ang bagong Bibliya, na sinasabi: “Basuki, Basambwe,” na ang ibig sabihin ay: “Tapos na! Nabigo sila!”
Bakit tuwang-tuwa ang mga tagapakinig, at ano ang ibig nilang sabihin sa mga pananalitang iyon? Sa ilang bahagi ng Mbandaka, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi makakuha ng mga Bibliya sa wikang Lingala. Bakit? Dahil ayaw itong ipagbili ng mga simbahan sa mga Saksi ni Jehova. Kailangan pang makisuyo ang mga Saksi sa ibang tao upang makabili sila ng mga kopya. Ngayon, tuwang-tuwa sila sapagkat hindi na sila mahahadlangan ng mga simbahan upang makakuha ng mga Bibliya.
Hindi lamang mga Saksi ni Jehova ang makikinabang sa bagong salin kundi pati na rin ang mga tao sa pangkalahatan. Isang tao na nakarinig ng programa sa kaniyang tahanan mula sa mga laud-ispiker sa lugar ng asamblea ang sumulat sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova: “Tuwang-tuwa ako sa paglalabas ng Bibliyang ito. Dahil dito ay maliliwanagan kami sa maraming bagay. Hindi ako Saksi ni Jehova, subalit buong-pananabik akong maghihintay sa Bibliyang ito na kalalathala pa lamang ninyo.”
Ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan ay makukuha na ngayon sa kabuuan nito sa 33 wika, at ang Kristiyanong Griegong Kasulatan, sa karagdagang 19 na wika, kasali na ang Lingala. Bakit hindi tanungin ang isang Saksi ni Jehova kung paano makakakuha ng isang kopya ng ekselenteng salin na ito?