Maligaya Ako sa Aking Bahagi sa Pangglobong Pagtuturo ng Bibliya
Maligaya Ako sa Aking Bahagi sa Pangglobong Pagtuturo ng Bibliya
AYON SA SALAYSAY NI ANNA MATHEAKIS
Nasusunog ang ferryboat. Kapag lumubog ito, hihigupin ako sa ilalim ng tubig ng malaking bangkang ito na may habang 171 metro. Natataranta akong lumangoy para maligtas, anupat nilalabanan ang malalakas na alon. Ang tanging paraan para manatiling nakalutang ay ang humawak nang mahigpit sa life jacket na suot ng isang babae. Nanalangin ako sa Diyos na bigyan ako ng lakas at tibay ng loob. Iyon lamang ang magagawa ko.
TAÓNG 1971 noon, at pauwi na ako sa aking ikatlong atas bilang misyonera, ang Italya. Sa pagkawasak ng bangkang iyon, nawala ang halos lahat ng pag-aari ko. Ngunit hindi nawala sa akin ang pinakamahahalagang bagay—ang aking buhay, ang maibiging kapatirang Kristiyano, at ang pribilehiyong maglingkod kay Jehova. Dahil sa paglilingkurang ito, narating ko ang tatlong kontinente, at ang pagkawasak ng bangka ay isa lamang sa madulang mga pangyayari sa aking buhay.
Isinilang ako noong 1922. Nakatira ang pamilya ko sa Rām Allāh, mga 16 na kilometro sa hilaga ng Jerusalem. Kapuwa tagaisla ng Creta ang aking mga magulang, ngunit ang aking ama ay pinalaki sa Nazaret. Ako ang bunso sa tatlong anak na lalaki at dalawang anak na babae. Nagkatrauma ang aming pamilya sa pagkamatay ng aking kuya na ikalawa sa panganay, na nalunod sa Ilog Jordan habang nasa ekskursiyon ng paaralan. Matapos ang trahedyang ito, ayaw nang tumira ng aking ina sa Rām Allāh, kaya lumipat kami sa Atenas, Gresya, noong tatlong taon pa lamang ako.
Narinig ng Aming Pamilya ang Katotohanan sa Bibliya
Di-nagtagal pagdating namin sa Gresya, ang aking panganay na kuya, si Nikos, na 22 taóng gulang na noon, ay nakausap ng mga Estudyante
ng Bibliya, gaya ng pagkakilala sa mga Saksi ni Jehova noon. Ang pagkuha ng kaalaman sa Bibliya ay nagdulot sa kaniya ng malaking kagalakan at nag-aalab na sigasig sa ministeryong Kristiyano. Ikinagalit ito ng aking ama, at pinalayas niya sa bahay si Kuya Nikos. Gayunman, kapag naglalakbay sa Palestina ang aking ama, kami ng aking ina at ng aking ate ay sumasama kay Kuya Nikos sa Kristiyanong mga pagpupulong. Naaalaala ko pa ang masiglang pagkukuwento ng aking ina tungkol sa mga bagay na narinig niya sa mga pulong na iyon. Ngunit di-nagtagal pagkalipas noon, nagkakanser siya at namatay sa edad na 42. Noong mahirap na panahong iyon, ang aking ate na si Ariadne ang maibiging nangalaga sa aming pamilya. Bagaman bata pa siya, para siyang ina sa akin sa loob ng maraming taon.Lagi akong isinasama ng aking ama sa Simbahang Ortodokso kapag nasa Atenas siya, at nang mamatay siya, nagpatuloy ako sa pagsisimba, bagaman hindi gayon kadalas. Yamang nakikita ko na hindi ikinakapit ng mga nagsisimba ang makadiyos na debosyon, hindi na ako nagsimba nang dakong huli.
Pagkamatay ng aking ama, nagkaroon ako ng matatag na trabaho sa ministri ng pananalapi. Gayunman, iniukol ng aking kuya ang kaniyang buhay sa gawaing pangangaral ng Kaharian, anupat naglingkod nang maraming taon sa Gresya. Noong 1934, lumipat siya sa Ciprus. Nang panahong iyon, walang bautisadong Saksi ni Jehova sa islang iyon, kaya nagkapribilehiyo siyang pasulungin ang gawaing pangangaral doon. Nang makapag-asawa siya, ang kaniyang asawang si Galatia ay naglingkod din bilang buong-panahong ministro sa loob ng maraming taon. * Madalas kaming pinadadalhan ni Kuya Nikos ng salig-Bibliyang mga aklat at magasin, ngunit halos hindi namin nabubuklat ang mga iyon. Nanatili siya sa Ciprus hanggang sa kaniyang kamatayan.
Dinibdib Ko ang Katotohanan sa Bibliya
Noong 1940, dinalaw kami ni George Douras, isang masigasig na Saksi sa Atenas at kaibigan ni Kuya Nikos, at inanyayahan niya kaming sumali sa isang maliit na grupo ng pag-aaral sa Bibliya sa kaniyang tahanan. Malugod naming tinanggap ang paanyaya. Di-nagtagal ay ibinabahagi na namin sa iba ang aming natututuhan. Ang pagkuha ng kaalaman mula sa Bibliya ang nag-udyok sa amin ng aking ate na ialay ang aming buhay kay Jehova. Nabautismuhan si Ate Ariadne noong 1942, at ako naman ay noong 1943.
Nang magwakas ang Digmaang Pandaigdig II, inanyayahan kami ni Kuya Nikos na magtungo sa Ciprus, kaya noong 1945, lumipat kami sa Nicosia. Di-tulad sa Gresya, hindi ipinagbabawal ang gawaing pangangaral sa Ciprus. Hindi lamang kami nakibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay kundi pati sa pagpapatotoo sa lansangan.
Pagkalipas ng dalawang taon, kinailangang bumalik sa Gresya si Ate Ariadne. Doon niya nakilala ang kaniyang magiging asawa, isang kapuwa mananamba ni Jehova, kaya nanatili siya sa Atenas. Di-nagtagal, hinimok ako ng aking bayaw at ng aking ate na umuwi sa Gresya at maglingkod bilang buong-panahong ministro sa kabisera. Yamang noon pa man ay tunguhin ko na ang pagpapayunir, umuwi ako sa Atenas, kung saan mas malaki ang pangangailangan.
Nabuksan ang Bagong mga Pinto ng Pagkakataon
Noong Nobyembre 1, 1947, nagsimula akong magpayunir, anupat gumugugol ng 150 oras kada buwan sa gawaing pangangaral. Malaki ang teritoryo ng aming kongregasyon, at maraming beses na kailangan kong maglakad. Gayunman, tinamasa ko ang maraming pagpapala. Madalas na inaaresto ng mga pulis ang sinumang Saksi na nakikita nilang nakikibahagi sa gawaing pangangaral o dumadalo sa Kristiyanong mga pagpupulong, kaya di-nagtagal ay inaresto rin ako.
Pinaratangan ako ng proselitismo, isang malubhang kasalanan nang panahong iyon. Sinentensiyahan akong mabilanggo nang dalawang buwan sa Averof Women’s Prison sa Atenas. Nakakulong na roon ang isa pang babaing Saksi, at kaming dalawa ay nagtamasa ng kalugud-lugod at nakapagpapatibay na Kristiyanong pagsasamahan sa kabila ng pagkakabilanggo. Pagkatapos kong gugulin ang aking sentensiya, maligaya akong nagpatuloy sa pagpapayunir. Ang marami sa mga inaralan ko ng Bibliya noon ay tapat pa ring mga lingkod ni Jehova, at malaking kagalakan ang idinudulot nito sa akin.
Noong 1949, natanggap ko ang paanyayang mag-aral sa ika-16 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa Estados Unidos, kung saan sinasanay ang buong-panahong mga lingkod para sa gawaing misyonero. Tuwang-tuwa kami ng aking mga kamag-anak. Nagplano akong dumalo sa isang internasyonal na kombensiyon sa New York City sa tag-araw ng 1950 at pagkatapos ay mag-aaral na ako sa Gilead.
Pagdating ko sa Estados Unidos, nagkapribilehiyo akong maglingkod nang ilang buwan bilang tagapaglinis ng mga silid sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York City. Malinis, kaayaaya, at nakapagpapatibay ang kapaligiran doon, at marami akong kasamang maliligayang kapatid. Lagi kong maaalaala nang may paggiliw ang anim na buwan na inilagi ko roon. Pagkatapos ay sumapit na ang panahon upang mag-aral sa Paaralang Gilead, kung saan mabilis na lumipas ang limang buwan na puspusang pag-aaral at pagtuturo. Naunawaan naming mga estudyante kung gaano kahalaga at kainam ang kaalaman sa Kasulatan, at pinasidhi nito ang aming kagalakan at ang aming hangaring ibahagi sa iba ang nagbibigay-buhay na kaalaman sa katotohanan.
Ang Aking Unang Atas Bilang Misyonera
Sa Paaralang Gilead, pinahintulutan kaming pumili ng aming makakapareha bago namin tanggapin ang aming mga atas bilang misyonero. Si Ruth Hemmig (Bosshard na ngayon), isang mahusay na sister, ang aking kapareha. Tuwang-tuwa kami ni Ruth nang matanggap namin ang aming atas sa Istanbul, Turkey—sangandaan ng Asia at Europa! Alam namin na hindi pa legal na kinikilala ang gawaing pangangaral sa bansang iyon, ngunit nakatitiyak kami na tutulungan kami ni Jehova.
Ang Istanbul ay isang magandang lunsod na pinaninirahan ng iba’t ibang lahi. Nasumpungan namin doon ang abalang mga tindahan, sari-sari at pinakamasasarap na lutong pagkain sa daigdig, kawili-wiling mga museo, kaayaayang mga pamayanan, at mga lugar na malapit sa katubigan na laging kaakit-akit. Higit na mahalaga, nasumpungan namin ang taimtim na mga tao na gustong matuto tungkol sa Diyos. Ang maliit na grupo ng mga Saksi sa Istanbul ay pangunahin nang binubuo ng mga Armeniano, Griego, at mga Judio. Gayunman, marami pa ang may ibang nasyonalidad, at kapaki-pakinabang na marunong kang magsalita ng iba’t ibang wika, pati na ng Turkiyano. Lubos kaming nasiyahan sa pakikipag-usap sa mga taong may iba’t ibang nasyonalidad na nauuhaw sa katotohanan. Marami sa mga ito ang patuloy na naglilingkod nang tapat kay Jehova.
Nakalulungkot, hindi na binigyan si Ruth ng panibagong permit para manirahan doon, at napilitan siyang umalis ng bansa. Nagpatuloy siya sa buong-panahong paglilingkod sa Switzerland. Sa nakalipas na mga taon, hinahanap-hanap ko pa rin ang kaniyang kaayaaya at nakapagpapatibay na pakikipagsamahan.
Paglipat sa Ibang Bahagi ng Daigdig
Noong 1963, hindi na ako binigyan ng panibagong permit para manirahan sa Turkey. Napakahirap iwan ang mga kapuwa Kristiyano na nasaksihan kong sumulong sa espirituwal samantalang nakikipagpunyagi na mapagtagumpayan ang maraming kahirapan. Upang mapatibay nila ako,
may-kabaitang binayaran ng aking mga kamag-anak ang pamasahe ko patungong New York City para makadalo ako sa isang kombensiyon doon. Hindi ko pa noon natatanggap ang aking susunod na atas.Pagkatapos ng kombensiyon, inatasan ako sa Lima, Peru. Kasama ang isang kabataang sister na magiging kapareha ko, dumeretso ako mula New York tungo sa aking bagong atas. Natuto ako ng Kastila at nanirahan sa tahanan ng mga misyonero na matatagpuan sa itaas ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Lubhang kasiya-siyang mangaral doon at makilala ang mga kapatid.
Isa Pang Atas, Isa Pang Wika
Nang maglaon, naranasan ng aking mga kamag-anak sa Gresya ang mga epekto ng pagtanda at paghina ng kalusugan. Hindi nila ako kailanman hinimok na huminto sa aking buong-panahong paglilingkod at bumalik sa tinatawag na normal na buhay para tulungan sila. Gayunman, matapos ang maraming pagdidili-dili at pananalangin, napag-isip-isip ko na mas mabuting maglingkod ako nang mas malapit sa aking pamilya. Ang mga kapatid sa sangay ay maibiging sumang-ayon at inatasan ako sa Italya, at nag-alok ang aking mga kamag-anak na sila na ang gagastos sa aking paglipat. Ang totoo, malaki pala ang pangangailangan para sa mga ebanghelisador sa Italya.
Kinailangan ko na namang matuto ng bagong wika—Italyano. Ang unang atas ko ay sa lunsod ng Foggia. Nang maglaon, inilipat ako sa Naples, kung saan mas malaki ang pangangailangan. Teritoryo ko ang Posilipo, isa sa pinakamagandang bahagi ng Naples. Malawak ang sakop ng lugar na ito, at iisa lamang ang mamamahayag ng Kaharian dito. Lubos akong nasiyahan sa gawain, at tinulungan ako ni Jehova na makapagpasimula ng maraming pag-aaral sa Bibliya. Nang maglaon, isang malaking kongregasyon ang naitatag sa lugar na iyon.
Kabilang sa unang mga tagaroon na inaralan ko ng Bibliya ay isang ina na may apat na anak. Siya at ang kaniyang dalawang anak na babae ay mga Saksi pa rin ni Jehova. Nakipag-aral din ako sa mag-asawang may maliit na anak na babae. Sumulong sa katotohanan ang buong pamilya at sinagisagan nila ang kanilang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Ngayon, ang anak na babae ay asawa na ng isang tapat na lingkod ni Jehova, at masigasig sila ngayong naglilingkod sa Diyos nang magkasama. Habang nakikipag-aral ng Bibliya sa isang malaking pamilya, humanga ako sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos. Nang basahin namin ang ilang kasulatan na nagpapakitang hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang pagsamba na gumagamit ng mga imahen, hindi na hinintay pa ng ina na matapos ang pag-aaral. Karaka-raka, inalis niya ang lahat ng imahen sa kaniyang bahay!
Sa mga Panganib sa Dagat
Kapag nagbibiyahe ako nang paroo’t parito sa Italya at Gresya, lagi akong sumasakay ng barko. Karaniwan nang lubhang kasiya-siya ang paglalakbay. Ngunit naiiba ang isang paglalakbay, noong tag-araw ng 1971. Pauwi na ako noon sa Italya sakay ng ferryboat na Heleanna. Maaga noong araw ng Agosto 28, may nasunog sa kusina ng barko. Kumalat ang apoy kaya nagkagulo ang mga pasahero dahil sa takot. Nahihimatay ang mga babae, nag-iiyakan ang mga bata, at nagpoprotesta at nagsisisigaw naman ng pagbabanta ang mga lalaki. Nagtakbuhan ang mga tao sa mga bangkang salbabida na nasa magkabilang panig ng kubyerta. Subalit kakaunti lamang ang mga life jacket, at hindi gumagana nang wasto ang mekanismo na nagbababa ng mga bangkang salbabida sa dagat. Wala akong life jacket, ngunit lumalaki na ang apoy, kaya ang makatuwiran lamang na gawin ay tumalon sa dagat.
Nang nasa tubig na ako, nakita kong palutang-lutang malapit sa akin ang isang babaing Gawa, kabanata 27.
nakasuot ng life jacket. Waring hindi siya makalangoy, kaya sinunggaban ko ang kaniyang braso at hinila siya palayo sa papalubog na barko. Naging mas maalon ang dagat, at labis akong napagod sa pagsisikap na manatiling nakalutang. Waring wala nang pag-asa ang situwasyon, ngunit patuloy akong nagsumamo kay Jehova na bigyan ako ng tibay ng loob, at nagpalakas ito sa akin. Pumasok kaagad sa isip ko ang pagkawasak ng barko na naranasan ni apostol Pablo.—Habang nakakapit sa aking kasama, nakipagpunyagi ako sa mga alon sa loob ng apat na oras, anupat lumalangoy kapag kaya ko at humihingi ng tulong kay Jehova. Sa wakas, nakita kong papalapit ang isang maliit na bangka. Ako ay nasagip, ngunit patay na ang kasama ko. Nang marating namin ang bayan ng Bari, Italya, dinala ako sa isang ospital, kung saan ako ginamot. Kinailangan kong manatili nang ilang araw sa ospital, at maraming Saksi ang dumalaw sa akin, anupat may-kabaitang inilaan ang lahat ng kailangan ko. Labis na hinangaan ng ibang nasa silid ng ospital ang Kristiyanong pag-ibig na ipinakita nila. *
Nang lubos na akong magaling, inatasan ako sa Roma. Hinilingan akong mangaral sa lugar ng negosyo sa sentro ng lunsod, na ginampanan ko naman sa loob ng limang taon, sa tulong ni Jehova. Sa loob ng 20 taon, nasiyahan ako sa ministeryo sa Italya, at napamahal na sa akin ang mga Italyano.
Nagbalik sa Aking Pinagmulan
Nang maglaon, humina ang kalusugan ni Ate Ariadne at ng kaniyang asawa. Napag-isip-isip ko na kung maninirahan ako nang mas malapit sa kanila, kahit paano ay makagaganti ako sa lahat ng kabaitan na ipinakita nila sa akin. Aaminin ko na napakasakit lisanin ang Italya. Gayunman, pumayag ang mga kapatid na nangangasiwa, at mula noong tag-araw ng 1985, nagpayunir na ako sa Atenas, kung saan nagsimula ang aking buong-panahong paglilingkod noong 1947.
Nangaral ako sa teritoryong iniatas sa kongregasyong kinauugnayan ko, at itinanong ko sa mga kapatid sa tanggapang pansangay kung makapangangaral din ako sa lugar ng negosyo sa sentro ng lunsod. Tatlong taon ko itong ginawa kasama ang isang kaparehang payunir. Lubusan kaming nakapagpatotoo sa mga tao na bihirang matagpuan sa tahanan.
Subalit sa paglipas ng panahon, ang aking hangaring maglingkod ay patuloy na nag-iibayo ngunit hindi ang aking pisikal na lakas. Ngayon ay patay na ang aking bayaw. Si Ate Ariadne, na naging parang ina ko, ay hindi na makakita. Kung tungkol naman sa akin, maganda ang kalusugan ko noong mga taon na ako ay nasa buong-panahong paglilingkod. Ngunit kamakailan, nahulog ako sa marmol na hagdan at nabali ang aking kanang braso. Pagkatapos ay natumba naman ako at nabali ang aking balakang. Kinailangan akong operahan at naratay ako nang mahabang panahon. Ngayon, hindi na madali sa akin ang magkikilos. Gumagamit na ako ng tungkod at makalalabas lamang kung may kasama ako. Gayunpaman, ginagawa ko ang aking buong makakaya, at umaasa ako na bubuti ang aking kalusugan. Ang pakikibahagi sa gawaing pagtuturo sa Bibliya, kahit sa limitadong paraan, ang pangunahin pa ring pinagmumulan ng aking kaligayahan at kasiyahan.
Kapag ginugunita ko ang maliligayang taon na ginugol ko sa buong-panahong ministeryo, nag-uumapaw ang aking puso sa pasasalamat kay Jehova. Siya at ang makalupang bahagi ng kaniyang organisasyon ay laging naglalaan ng maaasahang patnubay at mahalagang tulong, anupat inaalalayan ako upang magawa ang aking buong makakaya habang ginugugol ko ang aking buhay sa paglilingkod sa kaniya. Taos-puso kong hangarin na palakasin ako ni Jehova na magpatuloy sa paglilingkod sa kaniya. Maligaya ako sa kaunting naibahagi ko sa pangglobong gawain ng pagtuturo sa Bibliya na pinapatnubayan niya.—Malakias 3:10.
[Mga talababa]
^ par. 10 Tingnan ang pahina 73-89 ng 1995 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 34 Para sa higit pang detalye, tingnan ang Awake! ng Pebrero 8, 1972, pahina 12-16.
[Larawan sa pahina 9]
Kasama ang aking ate, si Ariadne, at ang kaniyang asawa, si Michalis, noong paalis ako para mag-aral sa Gilead
[Larawan sa pahina 10]
Kami ni Ruth Hemmig ay inatasan sa Istanbul, Turkey
[Larawan sa pahina 11]
Sa Italya, noong unang mga taon ng 1970
[Larawan sa pahina 12]
Kami ng aking ate na si Ariadne ngayon