Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Siyensiya at Bibliya—Talaga Bang Magkasalungat ang mga Ito?

Siyensiya at Bibliya—Talaga Bang Magkasalungat ang mga Ito?

Siyensiya at Bibliya​—Talaga Bang Magkasalungat ang mga Ito?

ANG mga binhi ng pagkakasalungatan ni Galileo at ng Simbahang Katoliko ay naihasik maraming siglo na ang nakalilipas bago pa ipanganak sina Copernicus at Galileo. Ang pananaw na ang lupa ang sentro ng uniberso ay tinangkilik ng sinaunang mga Griego at pinatanyag ng pilosopong si Aristotle (384-322 B.C.E.) at ng astronomo-astrologong si Ptolemy (ikalawang siglo C.E.). *

Ang konsepto ni Aristotle hinggil sa uniberso ay naimpluwensiyahan ng kaisipan ng Griegong matematiko at pilosopo na si Pythagoras (ikaanim na siglo B.C.E.). Yamang sumang-ayon siya sa pananaw ni Pythagoras na ang bilog at globo (sphere) ay mga hugis na walang depekto, naniwala si Aristotle na ang kalangitan ay serye ng globo na nasa loob ng mga globo, tulad ng loob ng sibuyas na susun-suson. Ang bawat suson ay gawa sa kristal, at ang lupa ang nasa gitna. Paikot ang galaw ng mga bituin, at pinagagalaw ang mga ito ng pinakalabas na globo, ang sentro ng banal na kapangyarihan. Naniniwala rin si Aristotle na ang araw at ang iba pang mga bagay sa langit ay walang depekto, walang anumang marka o batik at hindi nagbabago.

Ang konsepto ni Aristotle ay bunga ng pilosopiya, hindi ng siyensiya. Inakala niyang hindi makatuwirang isipin na gumagalaw ang lupa. Hindi rin siya naniwala sa ideya ng kahungkagan, o espasyo, yamang naniniwala siya na ang gumagalaw na lupa ay maaaring bumangga sa ibang bagay at huminto sa paggalaw kapag hindi palaging kinokontrol ng puwersa. Yamang waring lohikal naman ang konsepto ni Aristotle ayon sa kaalaman ng mga siyentipiko nang panahong iyon, sinang-ayunan ito ng mga tao sa pangkalahatan sa loob ng halos 2,000 taon. Hanggang noong ika-16 na siglo, ipinahayag ng pilosopong Pranses na si Jean Bodin ang popular na pananaw na ito, na nagsasabi: “Walang tao na nasa katinuan, o may kahit kaunting kaalaman sa pisika, ang mag-iisip na ang lupa, mabigat at malaki . . . , ay umiikot . . . sa axis nito sa palibot ng araw; sapagkat sa bahagyang pag-uga ng lupa, makikita nating guguho ang mga lunsod at tanggulan, bayan at mga bundok.”

Sinang-ayunan ng Simbahan si Aristotle

Ang isa pang dahilan na umakay sa komprontasyon ni Galileo at ng simbahan ay naganap noong ika-13 siglo at may kinalaman kay Thomas Aquinas (1225-74), isang awtoridad sa mga Katoliko. Malaki ang paggalang ni Aquinas kay Aristotle, na tinagurian niyang Ang Pilosopo. Limang taon na puspusang sinikap na pagsamahin ni Aquinas ang pilosopiya ni Aristotle at ang turo ng simbahan. Pagsapit ng panahon ni Galileo, ang sabi ni Wade Rowland sa kaniyang aklat na Galileo’s Mistake, “ang nahaluang teoriya ni Aristotle na nasa teolohiya ni Aquinas ay naging pangunahin nang doktrina ng Simbahan ng Roma.” Tandaan din na nang mga panahong iyon, walang independiyenteng komunidad ng mga siyentipiko. Ang edukasyon sa kalakhang bahagi ay nasa kamay ng simbahan. Kadalasang iisa ang awtoridad sa relihiyon at siyensiya.

Handa na ngayon ang tagpo para sa komprontasyon ng simbahan at ni Galileo. Bago pa man siya masangkot sa astronomiya, may naisulat na si Galileo na pormal na artikulo hinggil sa paggalaw (motion). Kinuwestiyon nito ang marami sa mga palagay ng tinitingalang si Aristotle. Subalit ang matatag na pagsuporta ni Galileo sa konsepto na ang araw ang sentro ng uniberso at ang kaniyang paggiit na ito ay ayon sa Kasulatan ang humantong sa paglilitis sa kaniya ng Inkisisyon noong 1633.

Sa kaniyang depensa, ipinahayag ni Galileo ang kaniyang matibay na pananampalataya sa Bibliya bilang kinasihang Salita ng Diyos. Nangatuwiran din siya na ang Kasulatan ay isinulat para sa pangkaraniwang mga tao at ang mga pagbanggit sa Bibliya hinggil sa waring paggalaw ng araw ay hindi dapat bigyan ng literal na pakahulugan. Nawalan ng saysay ang kaniyang mga argumento. Dahil hindi tinanggap ni Galileo ang interpretasyon sa Kasulatan batay sa Griegong pilosopiya, hinatulan siya! Noon lamang 1992 opisyal na inamin ng Simbahang Katoliko ang pagkakamali nito sa paghatol kay Galileo.

Mga Aral na Matututuhan

Ano ang matututuhan natin sa mga pangyayaring ito? Ang isa ay na walang pag-aalinlangan si Galileo sa Bibliya. Sa halip, ang mga turo ng simbahan ang kinuwestiyon niya. Ganito ang sinabi ng isang manunulat sa relihiyon: “Ang aral na matututuhan mula kay Galileo, sa wari, ay hindi ang mahigpit na panghahawakan ng Simbahan sa makakasulatang mga katotohanan; kundi hindi sapat ang higpit ng panghahawakan nito rito.” Dahil hinayaan nitong maimpluwensiyahan ng Griegong pilosopiya ang teolohiya nito, itinaguyod ng simbahan ang tradisyon sa halip na sundin ang mga turo ng Bibliya.

Ang lahat ng ito ay nagpapaalaala sa atin sa babala ng Bibliya: “Mag-ingat: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.”​—Colosas 2:8.

Maging sa ngayon, marami sa Sangkakristiyanuhan ang patuloy na nanghahawakan sa mga teoriya at pilosopiya na salungat sa Bibliya. Ang isang halimbawa ay ang teoriya ng ebolusyon ni Darwin, na tinanggap nila bilang kapalit ng ulat ng paglalang sa Genesis. Sa pagpapalit na ito, si Darwin ay ginawa ng simbahan, sa diwa, na makabagong Aristotle at ang ebolusyon naman bilang pangunahing relihiyosong paniniwala. *

Kasuwato ng Bibliya ang Tunay na Siyensiya

Hindi dapat makabawas ng interes sa siyensiya ang tinalakay sa itaas. Sa katunayan, ang Bibliya mismo ay nag-aanyaya sa atin na matuto mula sa mga gawa ng Diyos at malaman ang kamangha-manghang mga katangian ng Diyos mula sa ating mga nakikita. (Isaias 40:26; Roma 1:20) Mangyari pa, ang Bibliya ay hindi nilayong magturo ng siyensiya. Sa halip, isinisiwalat nito ang mga pamantayan ng Diyos, mga aspekto ng kaniyang personalidad na hindi maituturo ng sangnilalang lamang, at ang kaniyang layunin para sa mga tao. (Awit 19:7-​11; 2 Timoteo 3:16) Gayunman, kapag tinutukoy ng Bibliya ang mga pangyayari sa kalikasan, lagi itong tumpak. Sinabi mismo ni Galileo: “Kapuwa ang Banal na Kasulatan at ang kalikasan ay nalalang dahil sa Salita ng Diyos . . . Ang dalawang katotohanang ito ay hindi maaaring magkasalungatan kailanman.” Isaalang-alang ang sumusunod na mga halimbawa.

Mas mahalaga pa kaysa sa paggalaw ng mga bituin at planeta ang pag-ugit ng mga batas, gaya ng batas ng grabidad, sa lahat ng materya sa uniberso. Ang kinikilalang pinakamaagang bumanggit sa pisikal na mga batas maliban sa Bibliya ay si Pythagoras, na naniniwalang maipaliliwanag ang paggalaw ng mga bagay sa uniberso sa pamamagitan ng mga kalkulasyon sa matematika. Dalawang libong taon pagkalipas nito, napatunayan sa wakas nina Galileo, Kepler, at Newton na ang materya ay inuugitan ng lohikal na mga batas na batay sa katuwiran.

Ang pinakamaagang pagbanggit sa likas na batas sa Bibliya ay nasa aklat ng Job. Noong mga 1600 B.C.E., tinanong ng Diyos si Job: “Nalalaman mo ba ang mga batas ng langit?” (Job 38:33) Isinulat noong ikapitong siglo B.C.E., tinawag ng aklat ni Jeremias si Jehova bilang Maylalang ng “mga batas ng buwan at ng mga bituin” at “mga batas ng langit at lupa.” (Jeremias 31:35; 33:25) Dahil sa mga pangungusap na ito, ganito ang sinabi ng komentarista sa Bibliya na si G. Rawlinson: “Ang pagiging laganap ng batas sa pangkalahatan sa pisikal na daigdig ay mariing pinagtitibay ng modernong siyensiya kung paanong mariin din itong pinagtibay ng mga manunulat ng Bibliya.”

Kung ang reperensiya natin ay ang panahon ng pagsulat ni Pythagoras ng kaniyang konsepto, nauna nang mga isang libong taon ang pagbanggit ni Job kaysa rito. Tandaan na ang layunin ng Bibliya ay hindi lamang isiwalat ang pisikal na mga katotohanan kundi pangunahin nang ikintal sa atin na si Jehova ang Maylalang ng lahat ng bagay​—ang isa na may kakayahang gumawa ng pisikal na mga batas.​—Job 38:4, 12; 42:1, 2.

Ang isa pang bagay na maaari nating isaalang-alang ay ang paggalaw ng tubig sa lupa na tinatawag na siklo ng tubig. Sa simpleng pananalita, ang tubig sa dagat ay nagiging singaw, bumubuo ng mga ulap, bumabagsak sa lupa, at bumabalik sa dagat sa dakong huli. Ang pinakamatandang umiiral pang mga reperensiya maliban sa Bibliya na bumabanggit sa siklong ito ay matatalunton noong ikaapat na siglo B.C.E. Gayunman, ang pagbanggit ng Bibliya hinggil dito ay nauna pa nang daan-daang taon. Halimbawa, noong ika-11 siglo B.C.E., sumulat si Haring Solomon ng Israel: “Lahat ng ilog ay umaagos papuntang dagat ngunit ang dagat ay hindi napupuno. Kung saan nanggaling ang ilog, doon din bumabalik.”​—Eclesiastes 1:7, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.

Gayundin naman noong mga 800 B.C.E., sumulat si propeta Amos, isang hamak na pastol at magbubukid, na si Jehova “ang Isa na tumatawag sa tubig ng dagat, upang maibuhos niya iyon sa ibabaw ng lupa.” (Amos 5:8) Bagaman hindi sila gumamit ng masasalimuot at teknikal na mga salita, tumpak na nailarawan kapuwa nina Solomon at Amos ang siklo ng tubig, sa medyo magkaibang pananaw.

Binabanggit din ng Bibliya na “ibinibitin [ng Diyos] ang lupa sa wala,” o “ibinitin [niya] ang daigdig sa gitna ng kalawakan,” ayon sa Magandang Balita Biblia. (Job 26:7) Kung isasaalang-alang ang kaalaman noong 1600 B.C.E., ang tinatayang panahon kung kailan binigkas ang mga salitang ito, kailangang isang pambihirang lalaki ang maggiit na ang isang solidong bagay ay maaaring manatiling nakabitin sa kalawakan nang walang pisikal na pansuporta. Gaya ng nabanggit sa itaas, hindi naniwala si Aristotle sa konsepto ng kahungkagan, at nabuhay siya nang mahigit 1,200 taon pagkalipas nito!

Hindi ka ba napahahanga na gayon na lamang katumpak ang mga pangungusap sa Bibliya​—lalo na kung isasaalang-alang ang mali ngunit waring makatuwirang mga pala-palagay nang panahong iyon? Pagkatapos isaalang-alang ang katumpakan ng Bibliya, isa pa itong katibayan na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos. Kung gayon, isang katalinuhan na hindi tayo agad mahikayat ng anumang turo o teoriya na sumasalungat sa Salita ng Diyos. Gaya ng paulit-ulit na ipinakikita ng kasaysayan, maaaring sandaling maging popular ang mga pilosopiya ng tao, maging ng mga taong may pinag-aralan, ngunit “ang pananalita ni Jehova ay namamalagi magpakailanman.”​—1 Pedro 1:25.

[Mga talababa]

^ par. 2 Noong ikatlong siglo B.C.E., iniharap ng isang Griego na nagngangalang Aristarchus ng Samos ang teoriya na ang araw ang sentro ng kosmos, subalit isinaisantabi ang kaniyang mga ideya dahil sa teoriya ni Aristotle.

^ par. 12 Para sa masusing pagtalakay sa paksang ito, tingnan ang kabanata 15, “Why Do Many Accept Evolution?” sa aklat na Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 6]

Ang Saloobin ng mga Protestante

Tumutol din ang mga lider ng Repormasyong Protestante sa konseptong nasa sentro ng uniberso ang araw. Kabilang sa kanila sina Martin Luther (1483-​1546), Philipp Melanchthon (1497-​1560), at John Calvin (1509-​64). Ganito ang sinabi ni Luther tungkol kay Copernicus: “Gustong baligtarin ng hangal na ito ang buong siyensiya ng astronomiya.”

Ibinatay ng mga Repormador ang kanilang argumento sa literal na interpretasyon sa ilang kasulatan, gaya ng ulat sa Josue kabanata 10 na bumabanggit na ang araw at buwan ay “nanatiling nakahinto.” * Bakit ganito ang naging paninindigan ng mga Repormador? Ipinaliliwanag ng aklat na Galileo’s Mistake na bagaman nakaalpas ang Repormasyong Protestante mula sa pamatok ng papa, hindi ito “nakakalas sa pangunahing awtoridad” nina Aristotle at Thomas Aquinas, na ang mga pananaw ay “tinanggap ng kapuwa Katoliko at Protestante.”

[Talababa]

^ par. 28 Sa makasiyensiyang diwa, mali ang ginagamit nating termino kapag tinutukoy natin ang “pagsikat” at “paglubog” ng araw. Ngunit sa araw-araw na pakikipag-usap, kapuwa naman tumpak at tinatanggap ang mga salitang ito, kapag isinasaalang-alang ang natatanaw natin mula rito sa Lupa. Sa gayunding paraan, hindi tinatalakay ni Josue ang astronomiya; iniuulat lamang niya ang mga pangyayari ayon sa nakikita niya.

[Mga larawan]

Luther

Calvin

[Credit Line]

From the book Servetus and Calvin, 1877

[Larawan sa pahina 4]

Aristotle

[Credit Line]

From the book A General History for Colleges and High Schools, 1900

[Larawan sa pahina 5]

Thomas Aquinas

[Credit Line]

From the book Encyclopedia of Religious Knowledge, 1855

[Larawan sa pahina 6]

Isaac Newton

[Larawan sa pahina 7]

Mahigit 3,000 taon na ang nakalilipas, inilarawan ng Bibliya ang siklo ng tubig sa lupa