Pinatotohanan ng “Pim” ang Pagiging Makasaysayan ng Bibliya
Pinatotohanan ng “Pim” ang Pagiging Makasaysayan ng Bibliya
ANG salitang “pim” ay minsan lamang lumitaw sa Bibliya. Noong panahon ni Haring Saul, pinahahasa ng mga Israelita ang kanilang mga kagamitang metal sa mga panday na Filisteo. “Ang halaga ng pagpapahasa ay isang pim para sa mga sudsod at para sa mga asada at para sa mga kasangkapang tatlo ang ngipin at para sa mga palakol at para sa pagkakabit ng pantaboy sa baka,” ang sabi ng Bibliya.—1 Samuel 13:21.
Ano ba ang isang pim? Ang sagot sa tanong na iyan ay nanatiling misteryo hanggang noong 1907 C.E. nang mahukay ang unang batong panimbang na pim sa sinaunang lunsod ng Gezer. Ang tagapagsalin ng Bibliya noong sinaunang panahon ay nahirapan sa pagsasalin ng salitang “pim.” Halimbawa, ganito ang pagkakasalin ng King James Version sa 1 Samuel 13:21: “Gayunma’y mayroon silang kikil para sa mga asada, at para sa mga talim ng araro, at para sa mga tinidor, at para sa mga palakol, at upang hasain ang mga tungkod na pantaboy.”
Alam na ngayon ng mga iskolar na ang pim ay isang sukat sa pagtitimbang na may katamtamang bigat na 7.82 gramo, o humigit-kumulang dalawang sangkatlo ng isang siklo, ang saligang Hebreong yunit ng timbang. Ang isang pim ng mga pira-pirasong pilak ay ang presyong sinisingil ng mga Filisteo sa mga Israelita para sa pagpapahasa ng kanilang mga kagamitan. Ang sistema ng pagtitimbang na salig sa siklo ay hindi na ginamit nang bumagsak ang kaharian ng Juda at ang kabisera nito, ang Jerusalem, noong 607 B.C.E. Kaya paano pinatototohanan ng sukat na pim ang pagiging makasaysayan ng tekstong Hebreo?
Ikinakatuwiran ng ilang iskolar na ang mga teksto ng Hebreong Kasulatan, kabilang na ang aklat ng Unang Samuel, ay isinulat noong panahong Helenistiko-Romano, marahil ay mula noong ikalawa hanggang unang siglo B.C.E. lamang. Kaya inaangkin na “ang mga ito ay . . . ‘di-makasaysayan,’ maliit o walang halaga para maglaan ng makasaysayan at makatotohanang impormasyon hinggil sa isang ‘Israel ng Bibliya’ o ‘sinaunang Israel,’ na pawang inimbento lamang ng makabagong Judio at Kristiyanong panitikan.”
Gayunman, sa pagtukoy sa sukat na pim na binanggit sa 1 Samuel 13:21, sinabi ni William G. Dever, isang propesor ng arkeolohiya at antropolohiya hinggil sa Malapit na Silangan: “Imposibleng ‘naimbento’ lamang [ito] ng mga manunulat na nabuhay noong yugtong Helenistiko-Romano mga ilang siglo pagkatapos maglaho at malimutan ang mga timbang na ito. Sa katunayan, ang maliit na bahaging ito ng teksto ng Bibliya . . . ay hindi mauunawaan hanggang sa unang bahagi ng ika-20 siglo A.D., nang unang matuklasan ang aktuwal na mga halimbawa sa arkeolohiya, kung saan nakita ang pîm sa Hebreo.” Nagpatuloy ang propesor: “Kung ang mga kuwento sa Bibliya ay pawang ‘mga imbensiyon lamang sa panitikan’ noong yugto ng Helenistiko-Romano, paano lumitaw ang partikular na kuwentong ito sa Bibliyang Hebreo? Siyempre, maaaring tumutol ang isa at sabihing ang insidenteng ito tungkol sa pîm ay ‘isa lamang detalye.’ Totoo naman iyon; pero alam ng karamihan na ang ‘kasaysayan ay binubuo ng mga detalye.’”
[Larawan sa pahina 29]
Ang pim, isang sukat sa pagtitimbang, ay mga dalawang sangkatlo ng isang siklo