Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Edukasyong Tumagal Nang Habambuhay

Isang Edukasyong Tumagal Nang Habambuhay

Isang Edukasyong Tumagal Nang Habambuhay

AYON SA SALAYSAY NI HAROLD GLUYAS

Hindi nabubura sa isip ko ang isang tagpo noong bata pa ako mahigit nang 70 taon ang nakararaan. Nakaupo ako noon sa loob ng kusina ni Inay habang pinagmamasdan ang isang etiketa na may tatak na “Ceylon Tea.” May larawan din ito ng ilang babae na namimitas ng mga dahon ng tsa sa mabunga at luntiang mga bukirin ng Ceylon (ngayo’y Sri Lanka). Ang tanawing ito, na napakalayo sa aming tigang na bayan sa Timog Australia, ay pumukaw sa aking imahinasyon. Tiyak na napakaganda at kapana-panabik na bansa ang Ceylon! Wala akong kaalam-alam noon na gugugulin ko pala ang 45 taon ng aking buhay bilang misyonero sa napakagandang islang iyan.

IPINANGANAK ako noong Abril 1922, at ibang-iba ang daigdig noon. Sinasaka ng aming pamilya ang isang nabubukod na bukirin sa isang probinsiyang malapit sa liblib na bayan ng Kimba, na nasa sentro ng malawak na kontinente ng Australia at sa timugang hanggahan ng malaking disyerto sa liblib na kaparangan. Mapanganib ang buhay roon, na nagsasangkot ng palagiang pakikipagbaka sa tagtuyot, mga salot ng insekto, at nakapapasong init. Nagtrabaho nang husto ang aking inay upang alagaan si Itay at kaming anim na magkakapatid na nakatira sa isang maliit na barungbarong na gawa lamang sa yero.

Subalit para sa akin, kapana-panabik na lugar ang liblib na kaparangan at malaya mong magagawa roon ang gusto mo. Naaalaala ko pa noong bata ako, manghang-mangha ako sa pagmamasid sa malalakas na barakong baka na magkakasamang nakasingkaw sa mga pang-araro na nag-aalis ng ligáw na mga palumpong, o sa pag-alimbukay ng napakakapal na alikabok sa kabukiran kasabay ng humuhugong na hihip ng hangin. Kaya talagang nagsimula na ang edukasyon ko matagal pa bago ako pumasok sa maliit na paaralang may iisang guro lamang at may layong limang kilometro mula sa aming bahay.

Relihiyoso ang mga magulang ko, bagaman hindi nila kailanman nasubukang magsimba​—pangunahin na dahil sa malayo sa bayan ang aming bukirin. Gayunpaman, sa unang mga taon ng dekada ng 1930, nagsimulang makinig si Inay sa mga lektyur sa Bibliya ni Judge Rutherford, na lingguhang isinasahimpapawid sa isang istasyon ng radyo sa Adelaide. Inakala kong isang mángangarál sa Adelaide si Judge Rutherford, at hindi ako gaanong interesado. Subalit bawat linggo, buong-pananabik na hinihintay ni Inay ang pagsasahimpapawid ni Rutherford at mataman siyang nakikinig sa gumagaralgal na tinig nito na nanggagaling sa luma naming radyong de-batirya.

Maalinsangan at maalikabok na hapon noon nang huminto ang isang maliit at lumang trak na panghakot sa harap ng aming bahay, at lumabas ang dalawang lalaking bihis-na-bihis. Mga Saksi ni Jehova sila. Nakinig si Inay sa kanilang mensahe at nagbigay ng donasyon para sa ilang aklat, na kaagad-agad naman niyang binasa. Gayon na lamang ang epekto ng mga aklat na ito sa kaniya anupat di-nagtagal ay hiniling niya kay Itay na ipagmaneho siya papunta sa mga kapitbahay upang maipakipag-usap niya sa kanila ang kaniyang mga natututuhan.

Ang Kapakinabangan ng Positibong mga Impluwensiya

Di-nagtagal pagkatapos nito, napilitan kaming lumipat sa lunsod ng Adelaide, na 500 kilometro ang layo, dahil sa di-kaayaayang kapaligiran sa liblib na kaparangan. Nagsimulang umugnay sa Kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Adelaide ang aming pamilya at sumulong kami sa espirituwal. Nahinto rin ang aking pagpasok sa paaralan dahil sa paglipat namin. Hindi na ako nakapag-aral nang ako ay 13 taóng gulang, at natapos ko lamang ang ikapitong grado. Hindi ako gaanong seryoso sa buhay, at madali sana nitong mailayo ang aking pansin sa espirituwal na mga tunguhin kung hindi dahil sa tulong ng ilang mahuhusay na kapatid​—mga payunir, o buong-panahong mga ministro​—na nagpakita ng personal na interes sa akin.

Sa paglipas ng panahon, napukaw ang interes ko sa espirituwal na mga bagay dahil sa impluwensiya ng masisigasig na kapatid na ito. Gustung-gusto ko silang makasama at hinahangaan ko ang kanilang kasigasigan. Kaya nang ibigay ang patalastas na nagpapasigla sa buong-panahong paglilingkod sa isang kombensiyong idinaos sa Adelaide noong 1940, ako mismo ay nabigla nang ipatala ko ang aking pangalan. Ni hindi pa nga ako nababautismuhan nang panahong iyon at may kakaunti lamang akong karanasan sa pagpapatotoo. Gayunpaman, ilang araw pagkatapos nito, naanyayahan akong sumama sa isang maliit na grupo ng mga payunir sa Warrnambool, isang bayan na ilang daang kilometro ang layo mula sa Adelaide, sa karatig na estado ng Victoria.

Bagaman paurong-sulong ako noong una, di-nagtagal ay nalinang ko ang pag-ibig sa ministeryo sa larangan, isang pag-ibig na ikinagagalak kong sabihing hindi kumupas sa paglipas ng maraming taon. Sa katunayan, nagdulot iyon ng malaking pagbabago sa akin, at talagang sumulong ako sa espirituwal. Natutuhan ko ang kahalagahan ng pagiging malapít sa mga umiibig sa espirituwal na mga bagay. Natuklasan ko kung paanong ang mabuting impluwensiya nila ay makagaganyak sa atin na ipamalas ang ating pinakamabubuting katangian anuman ang ating pinag-aralan at kung paanong ang natututuhan natin sa ganitong paraan ay pakikinabangan natin habambuhay.

Pinalakas ng mga Pagsubok

Sandali pa lamang akong nakapaglilingkod bilang payunir nang ipagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Australia. Dahil hindi ko alam ang aking gagawin, nagtanong ako sa mga kapatid, at niliwanag nila na hindi ipinagbabawal ang pakikipag-usap sa mga tao hinggil sa Bibliya. Kaya nagsimula akong magbahay-bahay kasama ng iba pang mga payunir taglay ang isang simpleng mensahe mula sa Bibliya. Pinatibay ako nito para sa mga pagsubok na malapit nang mapaharap sa akin.

Pagkalipas ng apat na buwan, tumuntong ako sa edad na 18 at ipinatawag ako upang maglingkod sa militar. Nagbigay ito sa akin ng pagkakataon na ipagtanggol ang aking pananampalataya sa harap ng ilang opisyal ng militar at ng isang mahistrado. Nang panahong iyon, mga 20 kapatid na lalaki ang nakakulong sa Adelaide dahil sa kanilang neutral na paninindigan, at di-nagtagal ay nakulong akong kasama nila. Pinagtrabaho kami nang mabigat, anupat pinagtibag ng bato at pinagkumpuni ng mga daan. Tumulong ito sa akin na linangin ang mga katangiang gaya ng pagbabata at determinasyon. Iginalang kami ng maraming bantay sa bilangguan dahil sa aming mabuting paggawi at matatag na paninindigan.

Nang palayain ako pagkalipas ng ilang buwan, nakakain akong muli ng masasarap na pagkain at kaagad na nagpayunir. Gayunman, mahirap makahanap ng makakasamang mga payunir, kaya tinanong ako kung handa akong magpayunir nang mag-isa sa isang liblib na kabukiran sa Timog Australia. Ako’y sumang-ayon at naglayag patungong Yorke Peninsula, na dala-dala lamang ang mga gamit ko sa pagpapatotoo at isang bisikleta. Pagdating ko roon, isang interesadong pamilya ang naghatid sa akin sa isang maliit na bahay-tuluyan, kung saan itinuring akong parang anak ng isang mabait na ginang. Sa araw, nagbibisikleta ako sa kahabaan ng maalikabok na mga daan, na nangangaral sa maliliit na bayan sa palibot ng peninsula. Para makubrehan ang malalayong lugar, nagpapalipas ako ng gabi paminsan-minsan sa maliliit na otel at bahay-tuluyan. Sa ganitong paraan, nakapagbisikleta ako nang daan-daang kilometro at nasiyahan sa magagandang karanasan. Hindi ako gaanong nag-aalala na wala akong kasama sa paglilingkod, at habang nararanasan ko ang pangangalaga ni Jehova, lalo akong napapalapít sa kaniya.

Pagharap sa Pagkadama ng Kawalang-Kakayahan

Noong 1946, nakatanggap ako ng liham na nag-aanyaya sa akin na pumasok sa gawaing paglalakbay bilang isang lingkod sa mga kapatid (tinatawag ngayon na tagapangasiwa ng sirkito). Nagsasangkot ito ng pagdalaw sa ilang kongregasyon sa isang iniatas na sirkito. Aaminin kong nahirapan ako sa mga pananagutang kaakibat ng atas na ito. Isang araw, naulinigan kong sinabi ng isang kapatid na lalaki, “Hindi masyadong mahusay magpahayag si Harold, pero mahusay siya sa pangangaral.” Napatibay ako nang husto sa komentong iyon. Alam na alam ko ang aking mga limitasyon sa pagpapahayag at pag-oorganisa, pero naniniwala ako na pangangaral ang pangunahing gawain ng mga Kristiyano.

Noong 1947, lubhang pinanabikan ang pagdalaw nina Brother Nathan Knorr at Milton Henschel mula sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn. Ito ang kauna-unahan sa gayong mga pagdalaw mula nang bumisita si Brother Rutherford noong 1938. Isang malaking kombensiyon ang idinaos sa Sydney kasabay ng pagdalaw na ito. Gaya ng marami pang ibang kabataang payunir, interesado ako sa inilalaang pagsasanay sa mga misyonero sa kabubukas pa lamang na Watchtower Bible School of Gilead sa South Lansing, New York, E.U.A. Ilan sa amin na mga dumalo ang nag-iisip kung kailangan ba ang mataas na pinag-aralan para makapagpatala sa paaralan. Gayunman, ipinaliwanag ni Brother Knorr na kung nakababasa kami ng artikulo sa magasing Bantayan at kaya naming tandaan ang susing mga punto, malamang na magiging mahusay kami sa Gilead.

Akala ko ay hindi ako magiging kuwalipikado dahil limitado lamang ang aking pinag-aralan. Laking gulat ko nang anyayahan akong magpatala para sa pagsasanay sa Gilead pagkalipas ng ilang buwan. Pagkatapos maaprubahan bilang estudyante, nag-aral ako sa ika-16 na klase, na idinaos noong 1950. Isa itong kapana-panabik na karanasan na talagang nagpasulong ng aking kumpiyansa. Pinatunayan nito sa akin na hindi ang edukasyon sa paaralan ang pangunahing salik para magtagumpay. Sa halip, pangunahing kinakailangan ang pagiging masikap at masunurin. Pinasigla kami ng mga instruktor na gawin ang aming buong makakaya. Dahil sinunod ko ang kanilang payo, patuloy akong sumulong at naunawaan kong mabuti ang kursong itinuro.

Mula sa Tigang na Kontinente Patungo sa Tulad-Hiyas na Isla

Pagkatapos ng gradwasyon, ako at ang dalawa pang kapatid na lalaki mula sa Australia ay inatasan sa Ceylon (ngayo’y Sri Lanka). Dumating kami sa kabiserang lunsod, ang Colombo, noong Setyembre 1951. Maalinsangan at maumido roon, at nasorpresa kami sa sari-sari at bagong mga tanawin, istilo ng musika, at halimuyak. Pagbaba namin ng barko, malugod akong tinanggap ng isa sa mga misyonerong naglilingkod na sa bansang iyon at iniabot niya sa akin ang isang handbill na nag-aanunsiyo sa pahayag pangmadla na bibigkasin sa susunod na Linggo sa liwasan ng lunsod. Laking gulat ko dahil nasa handbill ang aking pangalan​bilang tagapagsalita! Maguguniguni mo ang aking pag-aalala. Subalit ang pagpapayunir ko nang maraming taon sa Australia ay nagturo sa akin na tanggapin ang anumang atas na ibinigay. Kaya sa tulong ni Jehova, naging matagumpay naman ang aking pahayag pangmadla. Kasama ng apat na binatang kapatid na naroon na sa tahanan ng mga misyonero sa Colombo nang panahong iyon, nagsimula kaming tatlo na mag-aral ng wikang Sinhala na mahirap matutuhan at saka makibahagi sa ministeryo sa larangan. Malimit na magkakahiwalay kaming gumagawa, at natutuwa kami dahil magagalang at mapagpatuloy ang mga tao roon. Di-nagtagal ay dumami ang mga dumadalo sa mga pulong.

Sa paglipas ng panahon, inisip kong ligawan ang isang magandang sister na payunir, si Sybil, na nakilala ko sa barko noong naglalakbay ako para mag-aral sa Paaralang Gilead. Naglalakbay siya noon upang dumalo sa internasyonal na kombensiyon sa New York. Nang maglaon, nag-aral siya sa ika-21 klase ng Gilead at inatasan sa Hong Kong noong 1953. Ipinasiya kong sumulat sa kaniya, at patuloy kaming nagsulatan hanggang noong 1955 nang sumama sa akin si Sybil sa Ceylon, kung saan kami ikinasal.

Ang unang atas namin bilang mag-asawang misyonero ay sa Jaffna, isang lunsod sa dulong hilaga ng Sri Lanka. Noong kalagitnaan ng dekada ng 1950, nagsimulang magkawatak-watak ang pamayanan ng mga Sinhala at Tamil dahil sa mga di-pagkakasundo sa pulitika, na naging dahilan ng armadong mga labanan nang dakong huli. Nakaaantig-pusong makita ang mga Saksing Sinhala at Tamil na ipinagsasanggalang ang isa’t isa sa loob ng maraming buwan sa mahirap na mga taóng iyon! Ang mga pagsubok na iyon ang dumalisay at nagpatibay sa pananampalataya ng mga kapatid.

Pangangaral at Pagtuturo sa Sri Lanka

Kailangan ang pagkamatiisin at pagtitiyaga upang makibagay sa mga pamayanan ng mga Hindu at Muslim. Magkagayunman, unti-unti naming napahalagahan ang bawat isa sa mga kulturang ito at ang kahanga-hangang mga katangian ng mga ito. Yamang hindi karaniwan ang makakita ng mga banyagang sumasakay sa mga bus sa lugar na iyon, madalas na pinagtitinginan kami ng mga tao. Tumutugon naman si Sybil sa pamamagitan ng masayang pagngiti. Talagang kasiya-siya kapag nginitian ka rin naman ng nag-uusisang mga taong iyon!

Sa isang pagkakataon, pinahinto kami sa isang barikada. Pagkatapos kaming tanungin ng guwardiya kung tagasaan kami at kung saan kami pupunta, naging mas personal ang mga tanong niya.

“Sino ang babaing ito?”

“Asawa ko,” ang sagot ko.

“Gaano na kayo katagal mag-asawa?”

“Walong taon.”

“May anak na ba kayo?”

“Wala.”

“Naku! Nagpatingin na ba kayo sa doktor?”

Sa umpisa, ikinagulat namin ang likas na pagkamausisang ito, pero nang maglaon ay naunawaan namin na kapahayagan ito ng taimtim na personal na interes para sa iba ng mga tao sa lugar na iyon. Sa katunayan, isa ito sa kanilang pinakakahanga-hangang katangian. Tumayo ka lamang nang ilang sandali sa pampublikong lugar, maya-maya lang ay may tao nang lalapit sa iyo at may-kabaitang magtatanong kung may maitutulong siyang anuman.

Mga Pagbabago at mga Pagbabalik-Tanaw

Sa paglipas ng mga taon, nasiyahan kami sa iba’t ibang atas bukod pa sa aming gawaing misyonero sa Sri Lanka. Naatasan akong maglingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito at distrito gayundin bilang miyembro ng Komite ng Sangay. Pagsapit ng 1996, halos 75 taóng gulang na ako. Nasisiyahan akong gunitain ang nakalipas na 45 taon ng paglilingkod bilang misyonero sa Sri Lanka. Nang una akong dumalo sa pulong sa Colombo, mga 20 tao lamang ang naroroon. Dumami na ngayon ito tungo sa mahigit na 3,500! Itinuturing namin ni Sybil ang maraming mahal na mga kapatid na ito bilang aming espirituwal na mga anak at apo. Gayunman, marami pa ring dapat gawin sa buong bansa​—gawain na nangangailangan ng lakas at kakayahan ng mga nakababata sa amin. Yamang nauunawaan ito, tinanggap namin ang paanyaya ng Lupong Tagapamahala na bumalik kami sa Australia. Nagbigay-daan ito upang makapasok bilang mga misyonero sa Sri Lanka ang kuwalipikado at mas batang mga mag-asawa kapalit namin.

Ako’y 82 taóng gulang na ngayon, at ikinagagalak namin ni Sybil na malusog pa rin kami para makapagpatuloy sa paglilingkod bilang mga special pioneer sa dati naming bayan sa Adelaide. Dahil sa aming ministeryo, nananatiling alisto ang aming isip at hindi kami nahihirapang makibagay. Tumulong din ito sa amin na maiayon ang aming buhay sa lubhang naiibang pamumuhay sa bansang ito.

Patuloy na inilalaan ni Jehova ang lahat ng aming materyal na mga pangangailangan, at ang mga kapatid sa aming kongregasyon ay nagbibigay sa amin ng saganang pag-ibig at suporta. Nakatanggap ako kamakailan ng isang bagong atas. Maglilingkod ako bilang kalihim sa aming kongregasyon. Kaya, nasumpungan ko na habang sinisikap kong maglingkod nang tapat kay Jehova, patuloy akong sinasanay. Kapag ginugunita ko ang nakalipas na mga taon, lagi kong ikinamamangha na ang isang simple at hindi gaanong seryoso sa buhay na batang lalaki sa liblib na lugar ay makatatanggap ng gayong kahanga-hangang edukasyon​—isa na tumagal nang habambuhay.

[Larawan sa pahina 26]

Noong araw ng aming kasal, 1955

[Larawan sa pahina 27]

Habang naglilingkod sa larangan kasama ni Rajan Kadirgamar, isang kapatid sa Sri Lanka, 1957

[Larawan sa pahina 28]

Kasama si Sybil sa ngayon