Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ano ang inilalarawan ng kaayusan ng taon ng Jubileo na binabanggit sa ika-25 kabanata ng Levitico?

Itinakda ng Kautusang Mosaiko na “sa ikapitong taon ay magkakaroon ng isang sabbath ng lubusang kapahingahan para sa lupain.” May kinalaman sa taóng iyon, pinag-utusan ang mga Israelita: “Ang iyong bukid ay huwag mong hahasikan ng binhi, at ang iyong ubasan ay huwag mong pupungusan. Ang sumibol mula sa mga natapong butil ng iyong ani ay huwag mong gagapasin, at ang mga ubas ng iyong di-napungusang punong ubas ay huwag mong titipunin. Magkakaroon ng isang taon ng lubusang kapahingahan para sa lupain.” (Levitico 25:4, 5) Samakatuwid, magiging isang taon ng Sabbath para sa lupain ang bawat ikapitong taon. At tuwing ika-50 taon, kasunod ng taon ng ikapitong taon ng Sabbath, ito ay magiging isang Jubileo. Ano ang mangyayari sa taóng iyon?

Sinabi ni Jehova sa Israel sa pamamagitan ni Moises: “Pababanalin ninyo ang ikalimampung taon at maghahayag kayo ng paglaya sa lupain sa lahat ng tumatahan dito. Ito ay magiging isang Jubileo para sa inyo, at ibabalik ninyo ang bawat isa sa kaniyang pag-aari at ibabalik ninyo ang bawat isa sa kaniyang pamilya. Magiging isang Jubileo para sa inyo ang ikalimampung taóng iyon. Huwag kayong maghahasik ng binhi ni gagapasin man ninyo ang sumibol sa lupain mula sa mga natapong butil ni pipitasin ang mga ubas mula sa mga di-napungusang punong ubas niyaon.” (Levitico 25:10, 11) Ang Jubileo ay nangangahulugan ng dalawang magkasunod na taon ng Sabbath para sa lupain. Subalit sa mga tumatahan dito, ito ay nagdulot ng kalayaan. Palalayain ang sinumang Judio na ipinagbili sa pagkaalipin. Ang minanang ari-arian na maaaring napilitang ipagbili ng isang tao ay ibabalik sa kaniyang pamilya. Ang Jubileo ay magiging isang taon ng pagsasauli at paglaya para sa sinaunang Israel. Ano ang inilalarawan nito para sa mga Kristiyano?

Dinala ng paghihimagsik ng unang tao, si Adan, ang sangkatauhan sa pagkakaalipin sa kasalanan. Ang haing pantubos ni Jesu-Kristo ang paglalaan ng Diyos upang palayain ang sangkatauhan mula sa pagkakaalipin sa kasalanan. * (Mateo 20:28; Juan 3:16; 1 Juan 2:1, 2) Kailan mapalalaya mula sa kautusan ng kasalanan ang mga Kristiyano? Kausap ang pinahirang mga Kristiyano, sinabi ni apostol Pablo: “Ang kautusan ng espiritung iyon na nagbibigay ng buhay kaisa ni Kristo Jesus ay nagpalaya na sa iyo mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.” (Roma 8:2) Tinanggap ng mga may pag-asang mabuhay sa langit ang kalayaang ito nang pahiran sila ng banal na espiritu. Bagaman sila ay mga tao at di-sakdal, ipinahahayag silang matuwid ng Diyos at inaampon sila bilang kaniyang espirituwal na mga anak. (Roma 3:24; 8:16, 17) Para sa mga pinahiran bilang isang grupo, ang Kristiyanong Jubileo ay nagsimula noong Pentecostes 33 C.E.

Kumusta naman ang “ibang mga tupa,” na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa? (Juan 10:16) Para sa ibang mga tupa, ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo ay magiging isang panahon ng pagsasauli at paglaya. Sa panahon ng Milenyong Jubileo na ito, ikakapit ni Jesus ang mga pakinabang ng kaniyang haing pantubos sa nananampalatayang sangkatauhan at babaligtarin ang mga epekto ng kasalanan. (Apocalipsis 21:3, 4) Sa pagtatapos ng Milenyong Paghahari ni Kristo, sasapit ang sangkatauhan sa kasakdalan ng tao at magiging lubusang malaya mula sa minanang kasalanan at kamatayan. (Roma 8:21) Kapag naisakatuparan na ito, matatapos na ang Kristiyanong Jubileo.

[Talababa]

^ par. 5 Sa katunayan si Jesus ay isinugo “upang maghayag ng paglaya sa mga bihag.” (Isaias 61:1-7; Lucas 4:16-21) Ipinahayag niya ang isang espirituwal na paglaya.

[Larawan sa pahina 26]

Ang Milenyong Jubileo​—isang panahon ng pagsasauli at paglaya para sa “ibang mga tupa”