Ang Diyos ba ang Dapat Sisihin sa Ating mga Problema?
Ang Diyos ba ang Dapat Sisihin sa Ating mga Problema?
NANG magkaroon ng malubhang pinsala sa utak ang adultong anak na babae ni Marion, ginawa ni Marion ang gagawin ng marami sa atin. * Humingi siya ng tulong sa Diyos sa panalangin. “Noon lamang ako nakadama ng labis na kawalang-kaya at pag-iisa,” ang sabi ni Marion. Nang maglaon, lumala ang kalagayan ng kaniyang anak, at nagkaroon ng pag-aalinlangan si Marion sa Diyos. “Bakit nangyayari ito?” ang tanong niya. Hindi niya maunawaan kung bakit siya pinabayaan ng isang maibigin at nagmamalasakit na Diyos.
Karaniwan na ang karanasan ni Marion. Nadama ng maraming tao sa buong daigdig na sila’y pinabayaan ng Diyos sa panahon ng kagipitan. “Tinatanong ko pa rin kung ‘bakit pinahihintulutan ng DIYOS ang masasamang bagay,’” ang sabi ni Lisa pagkatapos paslangin ang kaniyang apong lalaki. “Hindi pa naman ako lubusang nawawalan ng pananampalataya sa Diyos, pero tiyak na nagbago ito.” Sa katulad na paraan, pagkatapos maranasan ang di-makatuwirang trahedya na kinasangkutan ng kaniyang sanggol na lalaki, isang babae ang nagsabi: “Hindi ako inaliw ng Diyos sa nangyari sa akin. Wala siyang ipinakitang anumang pahiwatig ng pagmamalasakit o habag.” Sinabi pa niya: “Hinding-hindi ko mapatatawad ang Diyos.”
Ang iba naman ay naghihinanakit sa Diyos kapag tumitingin sila sa daigdig sa palibot nila. Nakikita nila ang mga lipunang batbat ng kahirapan at pagkagutom, desperadong mga nagsilikas sa digmaan, di-matantiyang bilang ng mga batang naulila dahil sa AIDS, at milyun-milyong tao na pinipinsala ng iba pang mga sakit. Sa harap nito at ng katulad na mga trahedya, sinisisi ng marami ang Diyos dahil parang hindi siya kumikilos.
Subalit ang totoo, hindi dapat sisihin ang Diyos sa mga problema na sumasalot sa sangkatauhan. Sa katunayan, may makatuwirang mga dahilan upang maniwala na malapit nang pawiin ng Diyos ang pinsalang nararanasan ng sambahayan ng tao. Inaanyayahan ka naming basahin ang susunod na artikulo at tingnan na talagang nagmamalasakit sa atin ang Diyos.
[Talababa]
^ par. 2 Binago ang mga pangalan.