‘Tinuruan Niya Kaming Igalang ang Kaniyang Relihiyon’
‘Tinuruan Niya Kaming Igalang ang Kaniyang Relihiyon’
NALAMAN ng isang Saksi ni Jehova mula sa probinsiya ng Rovigo, Italya, na may tumor siya at malubha ang kaniyang kalagayan. Pagkatapos maospital nang ilang beses, na sa mga panahong iyon ay hiniling niya na gamutin siya nang walang pagsasalin ng dugo, tinulungan siya sa kaniyang bahay ng mga nars na nagmula sa lokal na serbisyong naglalaan ng mga nars para umalalay sa mga pasyenteng may kanser.
Lubhang napahanga ang mga doktor at nars na gumamot sa kaniya sa matibay na pananampalataya at pagiging handang makipagtulungan ng 36-na-taóng-gulang na pasyenteng ito. Di-nagtagal bago mamatay sa kanser ang pasyente, sumulat sa isang magasing pang-nars ang isa sa mga nars na tumulong sa kaniya tungkol sa karanasan niya sa pag-aalaga sa pasyenteng tinawag niyang Angela.
“Napakasigla ni Angela at may determinasyon siyang mabuhay. Batid niya ang kaniyang kalagayan at ang malubha niyang sakit, at gaya ng gagawin ng sinuman sa atin, naghahanap siya ng solusyon, lunas, o gamot. . . . Unti-unti namin siyang nakilala. Hindi siya tumutol sa tulong namin. Sa kabaligtaran, naging madali ang lahat dahil sa pagiging prangka ni Angela. Nakatutuwa siyang alagaan, yamang alam namin na magiging panahon iyon para makasalamuha ang isang taimtim na tao at makinabang kaming lahat. . . . Kaagad naming natanto na magiging hadlang ang kaniyang relihiyon sa paggamot ng kaniyang sakit.” Iyon ang opinyon niya sapagkat ipinalalagay niyang dapat salinan ng dugo si Angela, na tumanggi naman dito.—Gawa 15:28, 29.
“Bilang mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan, sinabi namin kay Angela na hindi kami sang-ayon sa kaniyang pasiya, ngunit sa tulong niya, naunawaan namin kung gaano kahalaga sa kaniya ang buhay. Naunawaan din namin kung gaano kahalaga ang kaniyang relihiyon sa kaniya at sa pamilya niya. Hindi sumuko si Angela. Hindi siya nagpadaig sa sakit. Matibay siya. Gusto niyang mabuhay, lumaban, at manatiling buháy. Ipinaalam niya ang kaniyang determinasyon, ang kaniyang paniniwala. May determinasyon siya na kadalasang hindi natin taglay, isang pananampalataya, na mas matibay kaysa sa pananampalataya natin. . . . Itinuro sa amin ni Angela ang kahalagahan na igalang ang kaniyang relihiyon, na isang bagay na ibang-iba kaysa sa etika ng aming propesyon. . . . Naniniwala kaming napakahalaga ng itinuro sa amin ni Angela, sapagkat nakakaharap namin ang lahat ng uri ng tao, lahat ng uri ng kalagayan, at lahat ng uri ng relihiyon, at may matututuhan kami at maibibigay sa lahat ng aming nakakatagpo.”
Pagkatapos nito, itinawag-pansin ng artikulo sa magasin ang Kodigo ng Etika ng mga Propesyonal Para sa mga Nars sa Italya, na inaprobahan noong 1999, na nagsasabi: “Ginaganap ng nars ang kaniyang mga tungkulin, na isinasaalang-alang ang mga simulain ng indibiduwal sa relihiyon, etika, at kultura, gayundin ang lahi at kasarian.” Kung minsan, maaaring mahirap para sa mga doktor at nars na igalang ang relihiyosong mga paniniwala ng pasyente, at tiyak na pinahahalagahan ng isa ang mga handang gumawa nito.
Pinag-iisipang mabuti ng mga Saksi ni Jehova ang mga pasiyang ginagawa nila may kinalaman sa pangangalaga sa kanilang kalusugan at paggagamot. Seryoso nilang isinasaalang-alang ang sinasabi ng Kasulatan, at gaya ng nakita sa nangyari kay Angela, hindi sila mga panatiko. (Filipos 4:5) Sa buong daigdig, dumarami ang mga propesyonal sa pangkalusugang pangangalaga na handang gumalang sa budhi ng kanilang mga pasyenteng Saksi.