Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pahalagahan Nang Wasto ang Kaloob sa Iyo na Buhay

Pahalagahan Nang Wasto ang Kaloob sa Iyo na Buhay

Pahalagahan Nang Wasto ang Kaloob sa Iyo na Buhay

“Ang dugo ng Kristo [ang] makapaglilinis ng ating mga budhi mula sa patay na mga gawa upang makapag-ukol tayo ng sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy.”​—HEBREO 9:14.

1. Ano ang patotoo na lubos nating pinahahalagahan ang buhay?

KUNG tatanungin ka kung magkano ang halaga ng buhay mo, ano ang sasabihin mo? Lubos nating pinahahalagahan ang buhay​—ang sa atin at yaong sa iba. Bilang katibayan nito, maaaring nagpupunta tayo sa manggagamot para magpatingin kapag may sakit tayo o para regular na magpasuri. Gusto nating manatiling buháy at malusog. Maging ang karamihan sa matatanda na o baldado na ay ayaw mamatay; nais nilang patuloy na mabuhay.

2, 3. (a) Itinatampok ng Kawikaan 23:22 ang anong pananagutan? (b) Paano nasasangkot ang Diyos sa pananagutang binanggit sa Kawikaan 23:22?

2 Ang antas ng iyong pagpapahalaga sa buhay ay nakaaapekto sa kaugnayan mo sa iba. Halimbawa, iniutos ng Salita ng Diyos: “Makinig ka sa iyong ama na nagpangyari ng iyong kapanganakan, at huwag mong hamakin ang iyong ina dahil lamang sa tumanda na siya.” (Kawikaan 23:22) Ang ‘pakikinig’ ay nangangahulugan nang higit pa kaysa sa basta pakinggan ang mga salita; ang kawikaang ito ay nangangahulugang makinig at pagkatapos ay sumunod. (Exodo 15:26; Deuteronomio 7:12; 13:18; 15:5; Josue 22:2; Awit 81:13) Anong dahilan ang ibinibigay ng Salita ng Diyos kung bakit dapat tayong makinig? Hindi lamang dahil mas matanda sa iyo ang iyong ama at ina o dahil mas makaranasan sila. Ang dahilan na ibinigay ay sapagkat sila ang “nagpangyari ng iyong kapanganakan.” Ganito ang pagkakasabi ng ilang salin sa talatang ito: “Makinig ka sa iyong ama na nagbigay sa ‘yo ng buhay.” Mauunawaan naman, kung pinahahalagahan mo ang iyong buhay, nakadarama ka ng obligasyon sa bukal ng buhay na iyan.

3 Sabihin pa, kung ikaw ay isang tunay na Kristiyano, kinikilala mo si Jehova bilang ang orihinal na Bukal ng iyong buhay. Sa pamamagitan niya, ikaw mismo ay “may buhay”; ‘nakakakilos’ ka, may damdamin ka; at ikaw ngayon ay “umiiral” at nakapag-iisip o nakapagpaplano para sa hinaharap, lakip na ang permanenteng buhay. (Gawa 17:28; Awit 36:9; Eclesiastes 3:11) Kasuwato ng Kawikaan 23:22, wasto lamang na “makinig” sa Diyos nang may pagkamasunurin, anupat nagnanais na maintindihan at magpaakay sa kaniyang pangmalas hinggil sa buhay sa halip na piliin ang ibang pananaw.

Igalang ang Buhay

4. Sa maagang bahagi ng kasaysayan ng tao, paano naging usapin ang paggalang sa buhay?

4 Maaga sa kasaysayan ng tao, niliwanag ni Jehova na hindi niya pinahihintulutan ang tao na gamitin (o abusuhin) ang buhay sa kung anu-anong dahilan lamang. Palibhasa’y nalipos ng pagngangalit dahil sa paninibugho, kinitil ni Cain ang isang inosenteng buhay, ang buhay ng kaniyang kapatid na si Abel. Sa palagay mo ba’y may karapatan si Cain na gawin ang gayong pagpapasiya hinggil sa buhay? Hindi gayon ang pangmalas ng Diyos. Pinapagsulit niya si Cain: “Ano ang ginawa mo? Pakinggan mo! Ang dugo ng iyong kapatid ay sumisigaw sa akin mula sa lupa.” (Genesis 4:10) Pansinin na ang dugo ni Abel sa lupa ay kumakatawan sa kaniyang buhay, na may-kalupitang kinitil nang wala sa panahon, at sumigaw ito sa Diyos para sa paghihiganti.​—Hebreo 12:24.

5. (a) Anong pagbabawal ang itinakda ng Diyos noong panahon ni Noe, at kanino ito kumakapit? (b) Sa anong diwa isang mahalagang hakbang ang pagbabawal na ito?

5 Pagkatapos ng Baha, nagpasimulang muli ang sangkatauhan sa pamamagitan lamang ng walong kaluluwa. Sa isang kapahayagan na kumakapit sa lahat ng tao, isiniwalat ng Diyos ang higit pa may kaugnayan sa kung gaano kahalaga sa kaniya ang buhay at dugo. Sinabi niya na maaaring kainin ng mga tao ang laman ng mga hayop, ngunit ibinigay niya ang restriksiyong ito: “Bawat gumagalang hayop na buháy ay magiging pagkain para sa inyo. Gaya ng luntiang pananim, ibinibigay kong lahat iyon sa inyo. Tanging ang laman na kasama ang kaluluwa nito​—ang dugo nito​—ang huwag ninyong kakainin.” (Genesis 9:3, 4) Binigyang-kahulugan iyon ng ilang Judio na ang mga tao ay hindi dapat kumain ng laman o dugo ng isang hayop na buháy pa. Ngunit nang maglaon maliwanag na ipinakita na ang ipinagbabawal dito ng Diyos ay ang pagkain ng dugo para patuloy na mabuhay. Bukod diyan, ang utos ng Diyos sa pamamagitan ni Noe ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagsasakatuparan ng Kaniyang mataas na layunin may kaugnayan sa dugo​—isang layunin na magpapahintulot sa mga tao na magtamo ng buhay na walang hanggan.

6. Sa pamamagitan ni Noe, paano idiniin ng Diyos ang Kaniyang pangmalas sa halaga ng buhay?

6 Nagpatuloy ang Diyos: “Ang inyong dugo ng inyong mga kaluluwa ay sisingilin ko. Mula sa kamay ng bawat nilalang na buháy ay sisingilin ko iyon; at mula sa kamay ng tao, mula sa kamay ng bawat isa na kaniyang kapatid, ay sisingilin ko ang kaluluwa ng tao. Sinumang magbububo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ay ibububo ang kaniyang sariling dugo, sapagkat ayon sa larawan ng Diyos ay ginawa niya ang tao.” (Genesis 9:5, 6) Makikita mo mula sa kapahayagang ito sa buong pamilya ng tao na minamalas ng Diyos ang dugo ng isang tao na kumakatawan sa kaniyang buhay. Ang Maylalang ang nagbibigay ng buhay sa tao, at walang sinuman ang dapat kumuha sa buhay na iyan, na kinakatawanan ng dugo. Kung may mapatay ang sinuman, gaya ni Cain, may karapatan ang Maylalang na ‘singilin’ ang buhay ng mamamatay-tao.

7. Bakit tayo dapat maging interesado sa kapahayagan ng Diyos kay Noe hinggil sa dugo?

7 Sa pamamagitan ng kaniyang kapahayagan, inutusan ng Diyos ang mga tao na huwag gamitin ang dugo sa maling paraan. Napag-isip-isip mo na ba kung bakit? Gayundin, ano kaya ang dahilan ng ganitong pangmalas ng Diyos sa dugo? Ang totoo, nauugnay ang sagot dito sa isa sa pinakamahahalagang turo sa Bibliya. Ito ay nasa pinakasentro ng mensaheng Kristiyano, bagaman pinili ng maraming relihiyon na ipagwalang-bahala ito. Ano ang turong iyan, at paano nasasangkot ang iyong buhay, mga pagpapasiya, at mga pagkilos?

Dugo​—Paano ba Ito Maaaring Gamitin?

8. Sa Kautusan, anong limitasyon ang itinakda ni Jehova hinggil sa paggamit ng dugo?

8 Nagbigay si Jehova ng higit pang mga detalye hinggil sa buhay at dugo nang ibigay niya sa Israel ang kodigo ng Kautusan. Sa paggawa nito, gumawa siya ng karagdagang hakbang sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. Malamang na alam mong ang Kautusan ay humihiling ng mga handog para sa Diyos, gaya ng butil, langis, at alak. (Levitico 2:1-4; 23:13; Bilang 15:1-5) May mga hain ding hayop. Ganito ang sabi ng Diyos may kaugnayan sa mga ito: “Ang kaluluwa ng laman ay nasa dugo, at ako mismo ang naglagay niyaon sa ibabaw ng altar upang maipambayad-sala ninyo para sa inyong mga kaluluwa, sapagkat ang dugo ang nagbabayad-sala dahil sa kaluluwa na naroroon. Iyan ang dahilan kung bakit ko sinabi sa mga anak ni Israel: ‘Walang kaluluwa sa inyo ang kakain ng dugo.’ ” Idinagdag pa ni Jehova na kung sinuman, gaya ng isang mangangaso o isang magsasaka, ang magkatay ng hayop upang kainin ito, kailangan niyang patuluin ang dugo at tabunan ito ng alabok. Ang lupa ang tuntungan ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagbubuhos ng dugo sa lupa, kinikilala ng indibiduwal na ang buhay ay ibinabalik sa Tagapagbigay-Buhay.​—Levitico 17:11-13; Isaias 66:1.

9. Ano ang tanging gamit ng dugo na binabanggit sa Kautusan, at ano ang layunin nito?

9 Ang kautusang iyan ay hindi basta isang relihiyosong ritwal na walang kahalagahan sa atin. Napansin mo ba kung bakit hindi dapat kumain ng dugo ang mga Israelita? Sinabi ng Diyos: “Iyan ang dahilan kung bakit ko sinabi sa mga anak ni Israel: ‘Walang kaluluwa sa inyo ang kakain ng dugo.’ ” Ano ang dahilan? “Ako mismo ang naglagay [ng dugo] sa ibabaw ng altar upang maipambayad-sala ninyo para sa inyong mga kaluluwa.” Nakikita mo bang nagbibigay ito ng kaunawaan kung bakit sinabi ng Diyos kay Noe na hindi dapat kumain ng dugo ang mga tao? Ang Maylalang ang nagpasiyang malasin ang dugo nang may nakahihigit na halaga, anupat inilalaan ito sa isang pantanging gamit na makapagliligtas ng maraming buhay. Gaganap ito ng isang mahalagang papel sa pagtatakip ng mga kasalanan (pagbabayad-sala). Kaya sa ilalim ng Kautusan, ang tanging ipinahintulot ng Diyos na gamit ng dugo ay sa altar upang gumawa ng pagbabayad-sala para sa buhay ng mga Israelita, na naghahangad ng kapatawaran ni Jehova.

10. Bakit hindi makapagdudulot ng lubusang kapatawaran ang dugo ng mga hayop, ngunit ano ang ipinaaalaala ng mga hain sa ilalim ng Kautusan?

10 Ang konseptong ito ay pamilyar sa Kristiyanismo. Sa pagtukoy sa bahaging ito ng Kautusan na isinaayos ng Diyos, ganito ang isinulat ng Kristiyanong apostol na si Pablo: “Halos lahat ng bagay ay nililinis ng dugo ayon sa Kautusan, at malibang magbuhos ng dugo ay walang kapatawarang magaganap.” (Hebreo 9:22) Niliwanag ni Pablo na hindi naging sakdal at walang-kasalanang mga tao ang mga Israelita dahil sa hinihiling na mga hain. Sumulat siya: “Sa pamamagitan ng mga haing ito ay may pagpapaalaala ng mga kasalanan taun-taon, sapagkat ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay hindi maaaring mag-alis ng mga kasalanan.” (Hebreo 10:1-4) Gayunpaman, may pakinabang ang gayong mga hain. Ipinaaalaala ng mga ito sa mga Israelita na sila’y makasalanan at nangangailangan nang higit pa upang matamo ang ganap na kapatawaran. Ngunit kung ang dugo na kumakatawan sa buhay ng mga hayop ay hindi lubusang makapagtatakip sa mga kasalanan ng mga tao, mayroon bang anumang dugo na makagagawa nito?

Ang Solusyon ng Tagapagbigay-Buhay

11. Paano natin nalalaman na ang mga paghahain ng dugo ng mga hayop ay umaakay ng pansin sa isang bagay?

11 Ang Kautusan sa katunayan ay umaakay ng pansin sa isang bagay na di-hamak na mas mabisa sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos. Nagtanong si Pablo: “Bakit, kung gayon, ang Kautusan?” Sumagot siya: “Ito ay idinagdag upang mahayag ang mga pagsalansang, hanggang sa dumating ang binhi na siyang pinangakuan; at ito ay inihatid ng mga anghel sa pamamagitan ng kamay ng isang tagapamagitan [si Moises].” (Galacia 3:19) Sa katulad na paraan, sumulat si Pablo: “Ang Kautusan ay may anino ng mabubuting bagay na darating, ngunit hindi ang mismong kabuuan ng mga bagay.”​—Hebreo 10:1.

12. May kinalaman sa dugo, paano natin makikita ang pagsisiwalat sa layunin ng Diyos?

12 Bilang sumaryo, tandaan na noong panahon ni Noe ay iniutos ng Diyos na maaaring kumain ng karne ng hayop ang mga tao upang mabuhay, ngunit hindi sila maaaring kumain ng dugo. Nang maglaon, sinabi ng Diyos na “ang kaluluwa ng laman ay nasa dugo.” Oo, pinili niyang malasin ang dugo bilang kumakatawan sa buhay at sinabi: “Ako mismo ang naglagay [ng dugo] sa ibabaw ng altar upang maipambayad-sala ninyo para sa inyong mga kaluluwa.” Gayunman, magkakaroon ng karagdagang kamangha-manghang pagsisiwalat sa layunin ng Diyos. Inilarawan ng Kautusan ang mabubuting bagay na darating. Ano iyon?

13. Bakit mahalaga ang kamatayan ni Jesus?

13 Ang katunayan ay nakasentro sa kamatayan ni Jesu-Kristo. Alam mong si Jesus ay pinahirapan at ibinayubay. Namatay siyang gaya ng isang kriminal. Sumulat si Pablo: “Si Kristo, samantalang tayo ay mahina pa, ay namatay para sa mga taong di-makadiyos sa takdang panahon. . . . Inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig anupat, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.” (Roma 5:6, 8) Sa pamamagitan ng kamatayan niya alang-alang sa atin, naglaan si Kristo ng isang pantubos na magtatakip sa ating mga kasalanan. Ang pantubos na iyan ay nasa sentro ng mensaheng Kristiyano. (Mateo 20:28; Juan 3:16; 1 Corinto 15:3; 1 Timoteo 2:6) Ano ang kinalaman nito sa dugo at buhay, at paano nasasangkot ang iyong buhay?

14, 15. (a) Paano idiniriin ng ilang salin ng Efeso 1:7 ang kamatayan ni Jesus? (b) Anong katotohanan hinggil sa Efeso 1:7 ang maaaring hindi mapansin?

14 Idiniriin ng ilang relihiyon ang kamatayan ni Jesus, anupat sinasabi ng kanilang mga tagasunod ang mga bagay na gaya ng “namatay si Jesus alang-alang sa akin.” Pansinin ang pagkakasabi ng ilang salin ng Bibliya sa Efeso 1:7: “Dahil sa kaniya at sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan nagkaroon tayo ng katubusan, alalaong baga, ang pag-aalis ng ating mga sala.” (The American Bible, ni Frank Scheil Ballentine, 1902) “Sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo ay napalaya tayo, at napatawad ang ating mga kasalanan.” (Today’s English Version, 1966) “Dahil kay at sa pamamagitan ni Kristo at sa paghahain ng kaniyang buhay kung kaya’t napalaya tayo, isang pagpapalaya na nangangahulugan ng kapatawaran sa ating mga kasalanan.” (The New Testament, ni William Barclay, 1969) “Sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo napatawad ang ating mga kasalanan at napalaya tayo.” (The Translator’s New Testament, 1973) Makikita mo sa mga salin na ito ang pagdiriin sa kamatayan ni Jesus. ‘Pero,’ maaaring sabihin ng ilan, ‘talaga namang mahalaga ang kamatayan ni Jesus. Kaya, ano ba ang kulang sa mga salin na ito?’

15 Ang totoo, kung aasa ka lamang sa gayong mga salin, baka hindi mo mapansin ang isang napakahalagang punto, at maaaring limitahan nito ang iyong pagkaunawa sa mensahe ng Bibliya. Naililingid ng gayong mga salin ang katotohanan na ang orihinal na teksto ng Efeso 1:7 ay naglalaman ng salitang Griego na nangangahulugang “dugo.” Kaya naman, maraming Bibliya, gaya ng Bagong Sanlibutang Salin, ang mas tumpak ang pagkakasalin sa orihinal na teksto: “Sa pamamagitan niya ay taglay natin ang paglaya sa pamamagitan ng pantubos dahil sa dugo ng isang iyon, oo, ang kapatawaran ng ating mga pagkakamali, ayon sa kayamanan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan.”

16. Ang salin na “sa dugo ng isang iyon” ay dapat magpaalaala sa atin ng ano?

16 Ang salin na “sa dugo ng isang iyon” ay punô ng kahulugan at dapat magpaalaala sa atin ng maraming bagay hinggil sa dugo. Higit pa ang kailangan kaysa sa kamatayan ng isa, maging ng kamatayan ng sakdal na taong si Jesus. Tinupad niya ang inilalarawan sa Kautusan, partikular na sa Araw ng Pagbabayad-Sala. Sa pantanging araw na iyon, inihahain ang mga hayop na itinakda ng Kautusan. Pagkatapos, nagdadala ang mataas na saserdote ng dugo ng mga ito sa Kabanal-banalang silid ng tabernakulo o templo, at doon ay inihaharap ito sa Diyos, na para bang ang mataas na saserdote ay nasa kaniyang presensiya mismo.​—Exodo 25:22; Levitico 16:2-19.

17. Paano tinupad ni Jesus ang inilalarawan ng Araw ng Pagbabayad-Sala?

17 Tinupad ni Jesus ang inilalarawan ng Araw ng Pagbabayad-Sala, gaya ng ipinaliwanag ni Pablo. Una, binanggit niya na ang mataas na saserdote sa Israel ay pumapasok sa Kabanal-banalan minsan sa isang taon dala ang dugong inihandog “para sa kaniyang sarili at para sa mga kasalanang di-namamalayan ng bayan.” (Hebreo 9:6, 7) Kasuwato ng parisang iyan, matapos ibangon bilang isang espiritu, nagtungo si Jesus sa langit mismo. Bilang espiritu, na walang katawang laman at dugo, maaari siyang humarap sa “mismong persona ng Diyos para sa atin.” Ano ang iniharap niya sa Diyos? Hindi isang bagay na pisikal kundi isang bagay na napakahalaga. Nagpatuloy si Pablo: “Nang si Kristo ay dumating bilang isang mataas na saserdote . . . , siya ay pumasok, hindi, hindi taglay ang dugo ng mga kambing at ng mga guyang toro, kundi taglay ang sarili niyang dugo, nang minsanan sa dakong banal at nagtamo ng walang-hanggang katubusan para sa atin. Sapagkat kung ang dugo ng mga kambing at ng mga toro . . . ay nakapagpapabanal hanggang sa ikalilinis ng laman, gaano pa ngang higit na ang dugo ng Kristo, na sa pamamagitan ng walang-hanggang espiritu ay naghandog ng kaniyang sarili nang walang dungis sa Diyos, ay makapaglilinis ng ating mga budhi mula sa patay na mga gawa upang makapag-ukol tayo ng sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy?” Oo, iniharap ni Jesus sa Diyos ang halaga ng kaniyang dugo.​—Hebreo 9:11-14, 24, 28; 10:11-14; 1 Pedro 3:18.

18. Bakit dapat maging mahalaga sa mga Kristiyano sa ngayon ang mga pananalita ng Bibliya hinggil sa dugo?

18 Ang katotohanang ito mula sa Diyos ay nagpapahintulot sa atin na maunawaan ang lahat ng kamangha-manghang aspekto ng sinasabi ng Bibliya hinggil sa dugo​—kung bakit gayon ang pangmalas ng Diyos dito, kung ano ang dapat na maging pangmalas natin dito, at kung bakit dapat nating igalang ang mga restriksiyong itinakda ng Diyos hinggil sa paggamit ng dugo. Kapag binabasa ang mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, masusumpungan mo ang maraming pagtukoy sa dugo ng Kristo. (Tingnan ang kahon.) Maliwanag na ipinakikita nito na ang bawat Kristiyano ay dapat manampalataya “sa kaniyang [ni Jesus] dugo.” (Roma 3:25) Ang pagtatamo natin ng kapatawaran at pagkakaroon ng kapayapaan sa Diyos ay posible lamang “sa pamamagitan ng dugo na kaniyang [ni Jesus] itinigis.” (Colosas 1:20) Totoong-totoo ito sa mga indibiduwal na sa kanila’y pantanging nakipagtipan si Jesus na mamahalang kasama niya sa langit. (Lucas 22:20, 28-​30; 1 Corinto 11:25; Hebreo 13:20) Totoo rin ito sa “malaking pulutong” sa ngayon, na makaliligtas sa dumarating na “malaking kapighatian” at magtatamasa ng buhay na walang hanggan sa isang makalupang paraiso. Sa makasagisag na paraan, ‘nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit sa dugo ng Kordero.’​—Apocalipsis 7:9, 14.

19, 20. (a) Bakit ipinasiya ng Diyos na limitahan ang paggamit ng dugo, at ano ang dapat nating madama hinggil diyan? (b) Dapat maging interesado tayong malaman ang ano?

19 Maliwanag, ang dugo ay may pantanging kahulugan sa paningin ng Diyos. Dapat na maging gayon din sa atin. Ang Maylalang, na may malasakit sa buhay, ay may karapatang limitahan ang ginagawa ng mga tao sa dugo. Dahil sa matinding malasakit niya maging sa ating buhay, ipinasiya niyang ilaan ang dugo para gamitin sa isang napakaimportanteng paraan, ang tanging paraan upang maging posible ang buhay na walang hanggan. Kalakip sa paraang iyan ang mahalagang dugo ni Jesus. Kaylaking pasasalamat natin na kumilos ang Diyos na Jehova para sa ating kabutihan sa pamamagitan ng paggamit sa dugo​—ang dugo ni Jesus​—​sa ganitong nagliligtas-buhay na paraan! At laking pasasalamat nga natin kay Jesus sa pagbubuhos niya ng kaniyang dugo bilang hain alang-alang sa atin! Tunay nga, mauunawaan natin ang damdaming ipinahayag ni apostol Juan: “Sa kaniya na umiibig sa atin at nagkalag sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo​—at ginawa niya tayong isang kaharian, mga saserdote sa kaniyang Diyos at Ama​—oo, sumakaniya nawa ang kaluwalhatian at ang kalakasan magpakailanman. Amen.”​—Apocalipsis 1:5, 6.

20 Matagal nang nasa isipan ng ating pinakamarunong-sa-lahat na Diyos at Tagapagbigay-Buhay ang nagliligtas-buhay na papel na ito. Kung gayon, maaari nating itanong, ‘Ano ang dapat na maging epekto nito sa ating mga pagpapasiya at mga pagkilos?’ Tatalakayin ng susunod na artikulo ang tanong na ito.

Paano Mo Sasagutin?

• Ano ang matututuhan natin hinggil sa pangmalas ng Diyos sa dugo mula sa mga ulat tungkol kay Abel at Noe?

• Sa Kautusan, anong limitasyon ang itinakda ng Diyos sa paggamit ng dugo, at bakit?

• Paano tinupad ni Jesus ang inilalarawan ng Araw ng Pagbabayad-Sala?

• Paano maililigtas ng dugo ni Jesus ang ating buhay?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon sa pahina 18]

KANINONG DUGO ANG NAGLILIGTAS NG BUHAY?

“Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila ay inatasan kayo ng banal na espiritu bilang mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak.”​—Gawa 20:28.

“Lalo pa nga, kung gayon, yamang ipinahayag na tayong matuwid ngayon sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na maliligtas tayo mula sa poot sa pamamagitan niya.”​—Roma 5:9.

“Kayo ay walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan. Ngunit ngayon sa pagiging kaisa ni Kristo Jesus kayo na dating malayo ay naging malapit sa pamamagitan ng dugo ng Kristo.”​—Efeso 2:12, 13.

Minabuti ng Diyos na ang buong kalubusan ay manahan sa kaniya, at sa pamamagitan niya ay ipagkasundong muli sa kaniyang sarili ang lahat ng iba pang bagay sa paggawa ng kapayapaan sa pamamagitan ng dugo na kaniyang itinigis sa pahirapang tulos.”​—Colosas 1:19, 20.

“Samakatuwid, mga kapatid, . . . mayroon tayong katapangan para sa daang papasók sa dakong banal sa pamamagitan ng dugo ni Jesus.”​—Hebreo 10:19.

“Hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira . . . na kayo ay iniligtas mula sa inyong walang-bungang anyo ng paggawi na tinanggap sa pamamagitan ng tradisyon mula sa inyong mga ninuno. Kundi iyon ay sa pamamagitan ng mahalagang dugo, tulad niyaong sa walang-dungis at walang-batik na kordero, kay Kristo mismo.”​—1 Pedro 1:18, 19.

“Kung lumalakad tayo sa liwanag gaya niya mismo na nasa liwanag, may pakikibahagi nga tayo sa isa’t isa, at nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kaniyang Anak mula sa lahat ng kasalanan.”​—1 Juan 1:7.

“Ikaw ang karapat-dapat na kumuha sa balumbon at magbukas ng mga tatak nito, sapagkat ikaw ay pinatay at sa pamamagitan ng iyong dugo ay bumili ka ng mga tao para sa Diyos mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa.”​—Apocalipsis 5:9.

“Ang tagapag-akusa sa ating mga kapatid ay naihagis na . . . At kanilang dinaig siya dahil sa dugo ng Kordero at dahil sa salita ng kanilang pagpapatotoo.”​—Apocalipsis 12:10, 11.

[Larawan sa pahina 16]

Sa pamamagitan ng Kautusan, niliwanag ng Diyos na ang dugo ay maaaring gumanap ng papel sa kapatawaran ng mga kasalanan

[Larawan sa pahina 17]

Sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, maraming buhay ang maaaring maligtas