Magpakalakas-Loob na Gaya ni Jeremias
Magpakalakas-Loob na Gaya ni Jeremias
“Umasa ka kay Jehova; magpakalakas-loob ka at magpakatibay ang iyong puso. Oo, umasa ka kay Jehova.”—AWIT 27:14.
1. Anong mayamang pagpapala ang tinatamasa ng mga Saksi ni Jehova?
NANINIRAHAN ang mga Saksi ni Jehova sa espirituwal na paraiso. (Isaias 11:6-9) Sa gitna ng napakaligalig na sanlibutang ito, tinatamasa nila ang isang walang-katulad na espirituwal na kapaligiran kasama ang kanilang mga kapuwa Kristiyano, na pawang may pakikipagpayapaan sa Diyos na Jehova at sa isa’t isa. (Awit 29:11; Isaias 54:13) At lumalawak ang kanilang espirituwal na paraiso. Ang lahat ng ‘gumagawa nang buong kaluluwa sa kalooban ng Diyos’ ay may bahagi sa pagpapalawak dito. (Efeso 6:6) Paano? Sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya at pagtuturo sa iba na gayundin ang gawin, sa gayon ay inaanyayahan sila na makibahagi sa mayayamang pagpapala ng paraisong iyon.—Mateo 28:19, 20; Juan 15:8.
2, 3. Ano ang kailangang batahin ng tunay na mga Kristiyano?
2 Gayunman, ang pamumuhay natin sa espirituwal na paraiso ay hindi nangangahulugan na hindi na tayo magbabata ng mga pagsubok. Hindi pa rin tayo sakdal at nararanasan pa rin natin ang hapding dulot ng sakit, pagtanda, at sa dakong huli ay kamatayan. Bukod dito, nasasaksihan natin ang katuparan ng mga hula hinggil sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1) Pinahihirapan ng mga digmaan, krimen, sakit, taggutom, at ng iba pang matitinding kapighatian ang buong sangkatauhan, at hindi ligtas dito ang mga Saksi ni Jehova.—Marcos 13:3-10; Lucas 21:10, 11.
3 Bukod sa lahat ng ito, alam na alam natin na sa kabila ng katiwasayan ng ating espirituwal na paraiso, napapaharap pa rin tayo sa matinding pagsalansang mula sa mga hindi bahagi nito. Nagbabala si Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Sapagkat hindi kayo bahagi ng sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula sa sanlibutan, dahil dito ay napopoot sa inyo ang sanlibutan. Isaisip ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo, Ang isang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa kaniyang panginoon. Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo.” (Juan 15:18-21) Hindi naiiba ang ating kalagayan sa ngayon. Hindi pa rin naiintindihan o pinahahalagahan ng karamihan sa mga tao ang anyo ng ating pagsamba. Pinipintasan, tinutuya, o kinapopootan pa nga tayo ng ilan—gaya ng ibinabala ni Jesus. (Mateo 10:22) Kadalasan, tayo ang puntirya ng maling impormasyon at nakapipinsalang propaganda na itinatawid ng media. (Awit 109:1-3) Oo, tayong lahat ay napapaharap sa mapanghamong mga kalagayan, at maaaring panghinaan ng loob ang ilan sa atin. Paano tayo makapagbabata?
4. Saan tayo makahihingi ng tulong upang makapagbata?
4 Tutulungan tayo ni Jehova. Sa ilalim ng pagkasi, sumulat ang salmista: “Marami ang mga kapahamakan ng matuwid, ngunit mula sa lahat ng mga iyon ay inililigtas siya ni Jehova.” (Awit 34:19; 1 Corinto 10:13) Marami sa atin ang makapagpapatunay na kapag lubusan tayong nagtiwala kay Jehova, binibigyan niya tayo ng lakas upang mabata ang anumang hirap. Ang pag-ibig natin sa kaniya at ang kagalakang inilagay sa harapan natin ay tumutulong sa atin na labanan ang panghihina ng loob at takot. (Hebreo 12:2) Kaya naman, sa kabila ng mga hirap, patuloy tayong naninindigang matatag.
Pinalakas ng Salita ng Diyos si Jeremias
5, 6. (a) Anong mga halimbawa ang taglay natin hinggil sa tunay na mga mananamba na nakapagbata? (b) Ano ang reaksiyon ni Jeremias nang tawagin siya upang maging isang propeta?
5 Sa buong kasaysayan, nakasumpong ng kagalakan ang tapat na mga lingkod ni Jehova sa kabila ng mahihirap na kalagayan. Nabuhay ang ilan Roma 15:4) Halimbawa, isaalang-alang si Jeremias.
noong mga panahon ng paghatol nang ibuhos ni Jehova ang kaniyang galit sa mga di-tapat. Ang ilan sa gayong tapat na mga mananamba ay si Jeremias at ang ilan sa kaniyang mga kapanahon, gayundin ang mga Kristiyano noong unang siglo. Iniulat sa Bibliya ang makasaysayang mga halimbawang ito upang makapagpatibay-loob sa atin, at marami tayong matututuhan sa pag-aaral sa mga ito. (6 Sa murang edad, tinawag si Jeremias upang maglingkod bilang isang propeta sa Juda. Hindi ito madaling atas. Marami ang sumasamba sa huwad na mga diyos. Bagaman tapat si Josias, na siyang hari noong pasimulan ni Jeremias ang kaniyang ministeryo, hindi tapat ang lahat ng sumunod na mga naging hari, at ang karamihan sa mga may pananagutang magturo sa mga tao—ang mga propeta at mga saserdote—ay hindi pumanig sa katotohanan. (Jeremias 1:1, 2; 6:13; 23:11) Kung gayon, ano ang nadama ni Jeremias nang tawagin siya ni Jehova upang maging isang propeta? Takot na takot! (Jeremias 1:8, 17) Nagunita ni Jeremias ang kaniyang unang reaksiyon: “Sinabi ko: ‘Ay, O Soberanong Panginoong Jehova! Narito, hindi nga ako marunong magsalita, sapagkat ako ay isang bata lamang.’ ”—Jeremias 1:6.
7. Anong reaksiyon ang napaharap kay Jeremias sa kaniyang teritoryo, at paano siya tumugon?
7 Ang kalakhang bahagi ng teritoryo ni Jeremias ay ayaw makinig, at madalas siyang mapaharap sa matinding pagsalansang. Sa isang pagkakataon, sinaktan siya ni Pasur, isang saserdote, at ipinalagay siya sa pangawan. Iniulat ni Jeremias kung ano ang nadama niya nang panahong iyon: “Sinabi ko: ‘Hindi ko siya [si Jehova] babanggitin, at hindi na ako magsasalita sa kaniyang pangalan.’ ” Marahil ay gayundin ang nadarama mo kung minsan—anupat gusto mo nang sumuko. Pansinin kung ano ang tumulong kay Jeremias na magtiyaga. Sinabi niya: “Sa aking puso ay naging gaya iyon [ang salita, o mensahe, ng Diyos] ng nagniningas na apoy na nakukulong sa aking mga buto; at pagod na ako sa kapipigil, at hindi ko na iyon matiis.” (Jeremias 20:9) May gayundin bang epekto sa iyo ang mga salita ng Diyos?
Mga Kasama ni Jeremias
8, 9. (a) Anong kahinaan ang ipinamalas ng propetang si Urias, at ano ang resulta? (b) Bakit pinanghinaan ng loob si Baruc, at paano siya natulungan?
8 Hindi nag-iisa si Jeremias sa kaniyang gawaing panghuhula. May mga kasama siya, at malamang na nakapagpatibay-loob iyon sa kaniya. Subalit may mga pagkakataon na hindi kumilos nang may katalinuhan ang kaniyang mga kasama. Halimbawa, isang kapuwa propeta na nagngangalang Urias ang naging abala sa pagbibigay ng mga babala laban sa Jerusalem at Juda “kaayon ng lahat ng mga salita ni Jeremias.” Gayunman, nang iutos ni Haring Jehoiakim na patayin si Urias, tumakas ang propeta patungong Ehipto dahil sa takot. Hindi iyon nakapagligtas sa kaniya. Tinugis siya ng mga tauhan ng hari, dinakip, at iniuwi sa Jerusalem, kung saan siya pinatay. Malamang na ikinagulat iyon ni Jeremias!—Jeremias 26:20-23.
9 Ang isa pang kasama ni Jeremias ay ang kaniyang kalihim, si Baruc. Naging mahusay na katulong ni Jeremias si Baruc, ngunit sa isang pagkakataon ay lumabo rin ang kaniyang espirituwal na pangmalas. Nagsimula siyang magreklamo, na nagsasabi: “Sa aba ko ngayon, sapagkat dinagdagan ni Jehova ng pamimighati ang aking Jeremias 45:1-5) Malamang na napatibay-loob si Jeremias nang muling manumbalik ang espirituwal na pagkatimbang ni Baruc!
kirot! Nanghimagod ako dahil sa aking pagbubuntunghininga, at wala akong nasumpungang pahingahang-dako.” Palibhasa’y pinanghinaan ng loob, nagsimulang mawala ang pagpapahalaga ni Baruc sa espirituwal na mga bagay. Gayunman, may-kabaitan pa ring pinayuhan ni Jehova si Baruc, at naibalik siya sa ayos. Pagkatapos ay tiniyak sa kaniya na makaliligtas siya sa pagkapuksa ng Jerusalem. (Sinuportahan ni Jehova ang Kaniyang Propeta
10. Anu-anong pangako ng pagsuporta ang ibinigay ni Jehova kay Jeremias?
10 Ang pinakamahalaga, hindi pinabayaan ni Jehova si Jeremias. Naintindihan niya kung ano ang nadarama ng kaniyang propeta at ibinigay niya ang lakas at suporta na kailangan nito. Halimbawa, sa pasimula ng ministeryo ni Jeremias nang ipahayag niya ang mga pag-aalinlangan tungkol sa kaniyang mga kuwalipikasyon, sinabi sa kaniya ni Jehova: “Huwag kang matakot dahil sa kanilang mga mukha, sapagkat ‘Ako ay sumasaiyo upang iligtas ka,’ ang sabi ni Jehova.” Pagkatapos, nang maipabatid sa kaniyang propeta ang tungkol sa kaniyang atas, sinabi ni Jehova: “Tiyak na makikipaglaban sila sa iyo, ngunit hindi sila mananaig laban sa iyo, sapagkat ‘Ako ay sumasaiyo,’ ang sabi ni Jehova, ‘upang iligtas ka.’ ” (Jeremias 1:8, 19) Tunay ngang nakaaaliw ito! At tinupad ni Jehova ang kaniyang sinabi.
11. Paano natin nalalaman na tinupad ni Jehova ang kaniyang pangako na susuportahan si Jeremias?
11 Kaya, matapos ipiit sa pangawan at ihantad sa panlilibak ng madla, may-pagtitiwalang sinabi ni Jeremias: “Si Jehova ay sumasaakin gaya ng isang kahila-hilakbot na makapangyarihan. Kaya naman ang mismong mga umuusig sa akin ay matitisod at hindi mananaig. Tiyak na malalagay sila sa malaking kahihiyan.” (Jeremias 20:11) Nang maglaon noong tangkaing patayin si Jeremias, patuloy siyang inalalayan ni Jehova, at gaya ni Baruc, nakaligtas si Jeremias sa pagkapuksa ng Jerusalem gaya ng isang taong malaya, samantalang ang kaniyang mga mang-uusig at yaong mga nagwalang-bahala sa kaniyang mga babala ay napuksa o nadalang bihag sa Babilonya.
12. Sa kabila ng mga dahilan para manghina ng loob, ano ang dapat nating isaisip?
12 Gaya ni Jeremias, marami sa mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang nagbabata ng kapighatian. Tulad ng binanggit kanina, ang ilan sa mga ito ay bunga ng ating sariling di-kasakdalan, ang iba naman ay bunga ng magulong kalagayan na kinasasadlakan ng sanlibutan, at ang iba pa ay dahil naman sa mga sumasalansang sa ating gawain. Maaaring magpahina ng loob ang gayong mga kapighatian. Katulad ni Jeremias, baka sumapit tayo sa punto na iniisip natin kung makapagpapatuloy pa kaya tayo. Ang totoo, maaasahan natin na panghihinaan tayo ng loob paminsan-minsan. Ang panghihina ng loob ang sumusubok sa lalim ng pag-ibig natin kay Jehova. Kaya maging determinado tayo na huwag hayaang pahintuin ng panghihina ng loob ang ating paglilingkod kay Jehova na gaya ng ginawa ni Urias. Sa halip, tularan natin si Jeremias at magtiwala sa suporta ni Jehova.
Kung Paano Lalabanan ang Panghihina ng Loob
13. Paano natin matutularan ang mga halimbawa nina Jeremias at David?
13 Regular na nakikipag-usap si Jeremias sa Diyos na Jehova, anupat sinasabi sa kaniya ang nadarama niya sa kaibuturan ng kaniyang puso at nagsusumamo na palakasin siya. Isang mabuting halimbawa iyan na dapat tularan. Si David noong una, na umasa rin sa gayunding Pinagmumulan ng lakas, ay sumulat: “Ang aking mga pananalita ay dinggin mo, O Jehova; unawain mo ang aking pagbubuntunghininga. Bigyang-pansin mo ang tinig ng aking paghingi ng tulong, O aking Hari at aking Diyos, sapagkat sa iyo ako dumadalangin.” (Awit 5:1, 2) Ipinakikita ng kinasihang ulat hinggil sa buhay ni David na paulit-ulit na tinugon ni Jehova ang mga panalangin ni David sa paghingi ng tulong. (Awit 18:1, 2; 21:1-5) Sa katulad na paraan, kapag matitindi ang panggigipit o waring di-malulutas ang mga problema, lubhang nakaaaliw na bumaling kay Jehova sa panalangin at isiwalat sa kaniya ang nilalaman ng ating puso. (Filipos 4:6, 7; 1 Tesalonica 5:16-18) Hindi tumatangging makinig sa atin si Jehova. Sa halip, tinitiyak niya sa atin na ‘nagmamalasakit siya sa atin.’ (1 Pedro 5:6, 7) Gayunman, hindi magiging makatuwiran na manalangin kay Jehova at pagkatapos ay hindi tayo makikinig sa kaniyang sinasabi, hindi ba?
14. Ano ang epekto ng mga salita ni Jehova kay Jeremias?
14 Paano nakikipag-usap si Jehova sa atin? Isaalang-alang muli si Jeremias. Yamang si Jeremias ay isang propeta, tuwirang nakipag-usap sa kaniya si Jehova. Inilalarawan ni Jeremias ang epekto ng mga salita ng Diyos sa kaniyang puso: “Ang iyong mga salita ay nasumpungan, at kinain ko ang mga iyon; at sa akin ang iyong salita ay naging pagbubunyi at pagsasaya ng aking puso; sapagkat ang iyong pangalan ay itinatawag sa akin, O Jehova na Diyos ng mga hukbo.” (Jeremias 15:16) Oo, nalugod si Jeremias sa bagay na itinatawag sa kaniya ang pangalan ng Diyos, at ang mga salita Niya ay napakahalaga sa propeta. Kaya, gaya ni apostol Pablo, sabik si Jeremias na ipahayag ang mensaheng ipinagkatiwala sa kaniya.—Roma 1:15, 16.
15. Paano natin maititimo ang mga salita ni Jehova sa ating puso, at anong mga bagay ang dapat nating isaalang-alang na tutulong sa atin na maging determinadong huwag manahimik?
15 Hindi na nakikipag-usap nang tuwiran si Jehova sa sinuman sa ngayon. Gayunman, taglay natin ang mga salita ng Diyos na nasa mga pahina ng Bibliya. Kaya, kung taimtim nating pinag-aaralan ang Bibliya at binubulay-bulay nang malalim ang ating natututuhan, ang mga salita ng Diyos ay magiging “pagbubunyi at pagsasaya” rin sa ating puso. At matutuwa tayo na dinadala natin ang pangalan ni Jehova kapag humahayo tayo upang ibahagi sa iba ang mga salitang iyon. Huwag nawa nating kalimutan ang bagay na walang ibang bayan sa daigdig sa ngayon ang nagpapahayag ng pangalan ni Jehova. Tanging ang kaniyang mga Saksi lamang ang nagpapahayag ng mabuting balita ng itinatag na Kaharian ng Diyos at nagtuturo sa maaamo na maging alagad ni Jesu-Kristo. (Mateo 28:19, 20) Kaylaki ng pribilehiyo natin! Kapag iniisip natin ang maibiging ipinagkatiwala sa atin ni Jehova, paano natin magagawang manahimik?
Mag-ingat sa Ating Pakikisama
16, 17. Ano ang pangmalas ni Jeremias sa pakikisama, at paano natin siya matutularan?
16 May iniulat pa si Jeremias na nakatulong sa kaniya na magpakalakas-loob. Sinabi niya: “Hindi ako umupong kasama ng matalik na kapisanan niyaong mga nagbibiruan at ako ay nagbunyi. Dahil sa iyong kamay ay umupo lamang akong mag-isa, sapagkat pinunô mo ako ng pagtuligsa.” (Jeremias 15:17) Mas gugustuhin pa ni Jeremias na manatiling nag-iisa sa halip na mapasamâ dahil sa di-mabubuting kasama. Gayundin ang pangmalas natin sa ngayon sa mga bagay na ito. Hindi natin kinalilimutan kailanman ang babala ni apostol Pablo na “ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali,” maging ang kapaki-pakinabang na mga ugali na maraming taon na nating taglay.—1 Corinto 15:33.
17 Maaaring pahintulutan ng masasamang kasama na dumhan ng espiritu ng sanlibutan ang ating pag-iisip. (1 Corinto 2:12; Efeso 2:2; Santiago 4:4) Kung gayon, sanayin natin ang ating mga kakayahan sa pang-unawa na makilala ang nakapipinsalang pakikisama at lubusang iwasan ang mga ito. (Hebreo 5:14) Kung buháy ngayon sa lupa si Pablo, ano sa palagay mo ang sasabihin niya sa isang Kristiyanong nanonood ng imoral o mararahas na pelikula o mararahas na isport? Paano niya papayuhan ang isang kapatid na nakikipagkaibigan sa mga lubusang di-kakilala sa Internet? Ano kaya ang iisipin niya sa isang Kristiyanong gumugugol ng maraming oras sa paglalaro ng mga video game o panonood ng telebisyon ngunit wala namang mabubuting kaugalian sa personal na pag-aaral?—2 Corinto 6:14b; Efeso 5:3-5, 15, 16.
Manatili sa Espirituwal na Paraiso
18. Ano ang tutulong sa atin upang manatiling malakas sa espirituwal?
18 Pinahahalagahan natin ang ating espirituwal na paraiso. Wala itong katulad sa sanlibutang ito sa ngayon. Maging ang mga di-sumasampalataya ay may positibong sinasabi tungkol sa pag-ibig, konsiderasyon, at kabaitan na ipinakikita ng mga Kristiyano sa isa’t isa. (Efeso 4:31, 32) Gayunman, ngayon higit kailanman, kailangan nating labanan ang panghihina ng loob. Makatutulong sa atin ang mabubuting kasama, panalangin, at mabubuting kaugalian sa pag-aaral upang manatiling malakas sa espirituwal. Palalakasin tayo ng mga ito na harapin ang anumang pagsubok taglay ang lubos na pagtitiwala kay Jehova.—2 Corinto 4:7, 8.
19, 20. (a) Ano ang tutulong sa atin na magbata? (b) Kanino nakatuon ang susunod na artikulo, at sino rin ang magiging interesado rito?
19 Huwag nating pahintulutan kailanman na takutin tayo ng mga napopoot sa ating salig-Bibliyang mensahe at udyukan tayong ikompromiso ang ating pananampalataya. Katulad ng mga kaaway na umusig kay Jeremias, ang mga nakikipaglaban sa atin ay nakikipaglaban sa Diyos. Hindi sila mananaig. Si Jehova, na lubhang mas malakas kaysa sa ating mga kalaban, ay nagsasabi sa atin: “Umasa ka kay Jehova; magpakalakas-loob ka at magpakatibay ang iyong puso. Oo, umasa ka kay Jehova.” (Awit 27:14) Habang umaasa tayo kay Jehova mula sa kaibuturan ng ating puso, maging determinado nawa tayong huwag sumuko sa paggawa ng mabuti. Katulad nina Jeremias at Baruc, magtiwala nawa tayo na mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.—Galacia 6:9.
20 Isang patuloy na pakikipagpunyagi para sa maraming Kristiyano ang paglaban sa panghihina ng loob. Subalit napapaharap ang mga kabataan sa natatanging mga hamon. Ngunit marami rin silang magagandang oportunidad. Tuwirang nakatuon ang pagtalakay ng susunod na artikulo sa mga kabataang kasama natin. Magiging interesado rin dito ang mga magulang at ang lahat ng nakaalay na adulto sa kongregasyon na sa pamamagitan ng salita, halimbawa, at tuwirang suporta ay nasa kalagayang tumulong sa mga kabataan sa kongregasyon.
Paano Mo Sasagutin?
• Bakit natin aasahan ang mga kalagayang nakapanghihina ng loob, at kanino tayo dapat humingi ng tulong?
• Paano dinaig ni Jeremias ang panghihina ng loob sa kabila ng pagkakaroon ng mahirap na atas?
• Ano ang magiging dahilan upang ‘magbunyi at magsaya’ ang ating puso sa kabila ng mga kahirapan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 9]
Inisip ni Jeremias na napakabata pa niya at wala siyang karanasan para maging isang propeta
[Larawan sa pahina 10]
Kahit na pinag-uusig, alam ni Jeremias na sumasakaniya si Jehova na “gaya ng isang kahila-hilakbot na makapangyarihan”