Kamay—Ang Gamit Nito sa Bibliya
Kamay—Ang Gamit Nito sa Bibliya
ANG dulong bahagi ng bisig. Kung minsan, ayon sa pagkakagamit sa Kasulatan, kasama sa pananalitang “kamay” ang pulso, gaya sa Genesis 24:22, 30, 47 at Ezekiel 16:11, kung saan sinasabing sa “mga kamay” isinusuot ang mga pulseras, at sa Hukom 15:14, kung saan binabanggit ang mga pangaw na nasa “mga kamay” ni Samson. Makikita sa ginagawa ng kamay ang kapangyarihan ng bisig at ito ang kumokontrol dito, kaya naman sa maraming kaso ng paglitaw nito sa makasagisag na pananalita, ang ideya ng “aktibong kapangyarihan” ay maaaring iugnay sa salitang “kamay.” (Exodo 7:4; 13:3; Deuteronomio 2:15; Lucas 1:66) Yamang ang kamay ng tao ay napakadaling igalaw at nagagamit sa maraming bagay at isang bahagi ng katawan na ipinantatrabaho, ginagamit ito sa makasagisag na paraan sa maraming teksto sa Bibliya upang tumukoy sa sari-saring pagkilos.
Ang karaniwang terminong Hebreo para sa “kamay” ay yadh; kung minsan, ang salitang kaph ay isinasalin bilang “kamay,” ngunit literal itong nangangahulugang “palad.” (Job 22:30, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References) Ang karaniwang terminong Griego naman para sa “kamay” ay kheir.
Makalarawan at Makasagisag na mga Paggamit
Kung minsan, ginagamit ang kamay upang kumatawan sa mismong tao, gaya noong humingi si David ng pagkain kay Nabal: “Pakisuyo, ibigay mo lamang . . . ang anumang masumpungan ng iyong kamay.” (1 Samuel 25:8) Tumutukoy rin ito sa pangkalahatang disposisyon o gawain ng isa (Genesis 16:12), o maaari itong kumatawan sa kaniyang pananagutang magsulit para sa mga pagkilos niya.—Genesis 9:5; Ezekiel 3:18, 20.
Pinunô ni Moises ng mga hain ang mga kamay ng mga saserdote noong panahon ng pagtatalaga sa kanila bilang bahagi ng seremonya upang sangkapan sila sa makasagisag na paraan, anupat ‘pinuspos ang kanilang mga kamay’ ng awtoridad at kapangyarihan para sa pagkasaserdote.—Levitico 8:25-27.
Tiniyak ni Jehova kay Jacob na “ipapatong ni Jose [na anak niya] ang kaniyang kamay sa iyong mga mata,” samakatuwid nga, si Jose ang magsasara ng mga mata ni Jacob pagkamatay niya. (Genesis 46:4) Karaniwang ang panganay ang gumagawa ng pribilehiyong ito. Sa gayon, hindi lamang tiniyak ng mga salitang ito kay Jacob na mananatili sa piling niya ang kaniyang minamahal na anak na si Jose sa nalalabing mga taon ng buhay ng patriyarkang ito na matanda na kundi lumilitaw na inihula rin ng mga salitang ito na ang karapatan sa pagkapanganay na naiwala ni Ruben, ay mapupunta kay Jose.
Sa makasagisag na paraan ay binabanggit na ginagamit ng Diyos ang kaniyang “kamay,” samakatuwid nga, ang kaniyang aktibong kapangyarihan, sa pagganap ng gawain; ang ilan sa mga pagkakataong iyon ay: sa paglalang (Awit 8:6; 102:25); sa pagpuksa sa kaniyang mga kaaway (Isaias 25:10, 11); sa pagliligtas sa kaniyang bayan (Exodo 7:4, 5); sa pagpapakita ng pabor at kapangyarihan sa mga humahanap sa kaniya (Ezra 8:22); sa paglalaan ng mga panustos (Awit 104:28; 145:16); at sa pagbibigay ng tulong (Isaias 11:11). Ipinahayag ni Elihu na lilisan ang mga makapangyarihan nang “hindi sa pamamagitan ng kamay,” at ang bato sa makahulang panaginip ni Nabucodonosor ay natibag mula sa isang bundok nang “hindi sa pamamagitan ng mga kamay”; sa dalawang kasong ito, nangangahulugan na naganap ang pangyayari, hindi sa pamamagitan ng mga kamay ng tao, kundi sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jehova.—Job 34:1, 20; Daniel 2:34, 44, 45.
Ang pagiging ‘nasa kamay, o nasa ilalim ng kamay ng isa’ ay nangangahulugang mapasailalim sa kapangyarihan o pamumuno ng isang iyon (Genesis 9:2; 41:35; Job 2:6; 1 Pedro 5:6; ihambing ang Genesis 37:21), o maaari itong mangahulugang “nasa iyong kapamahalaan” o ‘nasa pangangalaga ng isa’ (Genesis 16:6, ihambing ang The Twenty-Four Books of the Holy Scriptures; Genesis 42:37, ihambing ang Revised Standard Version; Lucas 23:46; Juan 10:28, 29). Ang pananalitang “may nakataas na kamay” ay tumutukoy sa pagiging malakas, matagumpay (Exodo 14:8); ang ‘pagpapalakas ng mga kamay’ ay nangangahulugang bigyang-kapangyarihan o paglaanan at sangkapan (Ezra 1:6); ang ‘pagpapahina ng mga kamay,’ ng pagsira ng loob ng isa (Jeremias 38:4); ang ‘paglalagay ng buhay ng isa sa kaniyang sariling kamay o palad,’ ng pagsasapanganib ng kaniyang buhay (1 Samuel 19:5; Job 13:14). Ang “pakikipagkamay” ay ginagawa kapag nangangako (Ezra 10:19) o kapag nananagot para sa iba (Kawikaan 6:1-3; 17:18; 22:26); ang ‘paglalagay ng kamay sa’ ay tumutukoy sa pagpapagal (Deuteronomio 15:10, ihambing ang King James Version); ang ‘paglalagay ng kamay ng isa sa pag-aari ng iba,’ ng pagnanakaw o di-wastong paggamit niyaon (Exodo 22:7, 8, 10, 11); ang ‘malilinis na kamay’ ay nagpapahiwatig ng kawalang-sala (2 Samuel 22:21; ihambing ang Awit 24:3, 4); ang ‘mga kamay na punô ng dugo,’ ng pagpaslang (Isaias 1:15; 59:3, 7); ang ‘pagtatakip ng kamay sa bibig,’ ng pagtahimik (Hukom 18:19); ang ‘paglaylay ng mga kamay,’ ng panghihina ng loob (2 Cronica 15:7; tingnan din ang Isaias 35:3; Hebreo 12:12, 13); at ang ‘pagbubukas ng kamay,’ ng pagiging bukas-palad (Deuteronomio 15:11).
Ang “kaunti pang paghahalukipkip ng mga kamay sa pagkakahiga” ay nagdudulot ng karalitaan sa tamad. (Kawikaan 6:9-11) Inilalarawan siya bilang labis na nanghihimagod para maalis niya ang kaniyang kamay mula sa mangkok na pampiging upang ibalik iyon sa kaniyang bibig. (Kawikaan 26:15) Ang taong pabaya na “gumagawang may kamay na makupad ay magiging dukha,” samantalang ang masikap na kamay ay magdadala ng kayamanan.—Kawikaan 10:4.
Ang iba pang mga idyomatikong pananalitang Hebreo na may kaugnayan sa kamay ay: ang pananalitang ‘ang kamay ay sumasa,’ na nangangahulugang makipagtulungan, pumanig sa isa (Exodo 23:1; 1 Samuel 22:17); ang ‘sa pamamagitan ng kamay ng isa’ ay tumutukoy sa pamamatnubay ng isang iyon (Exodo 38:21) o sa pamamagitan ng isang iyon (Exodo 4:13; Levitico 8:36; 10:11); ang pananalitang ‘hindi maabot ng kaniyang kamay,’ o ‘hindi ito makamit ng kaniyang kamay’ ay nangangahulugang hindi sapat ang kaniyang (pinansiyal na) kakayahan (Levitico 14:21); ang ‘makukuha ng kaniyang kamay,’ yaong makakayanan niya (Bilang 6:21); ang ‘mga kamay ng tabak,’ kapangyarihan ng tabak (Job 5:20); ang ‘kamay ng dila,’ kapangyarihan ng dila (Kawikaan 18:21); ang ‘buhay ng iyong kamay,’ pagpapanumbalik ng iyong lakas (Isaias 57:10); ang ‘pagsasara ng kamay’ sa kapatid ng isa, samakatuwid nga, pagtitikom ng kamay sa pagtulong sa kaniya.—Deuteronomio 15:7, King James Version.
Sinabi ni Jehova sa mga Israelita na dapat nilang itali ang kaniyang mga salita “bilang tanda sa [kanilang] kamay” (Deuteronomio 6:6-8; 11:18) at na inililok niya ang Sion sa kaniyang mga palad (Isaias 49:14-16), nagpapahiwatig ng patuluyang pag-alaala at pagbibigay-pansin. Kahawig ng kahulugan nito, sinabihan ni Jehova ang mga bating na nanghahawakan sa kaniyang tipan na bibigyan niya sila sa kaniyang bahay ng “isang bantayog” (o, dako; sa literal, isang “kamay”). (Isaias 56:4, 5) Sinasabi ng Bibliya na makasagisag na isinusulat ng mga mananamba ng Diyos sa kanilang mga kamay ang mga salitang, “Kay Jehova,” sa gayon ay ipinahihiwatig nila na sila ay mga alipin niya. (Isaias 44:5) Sa gayunding paraan, ang pagkakaroon ng “marka” ng “mabangis na hayop” sa kanang kamay ay sumasagisag sa pagbibigay ng isa ng pansin, debosyon, at aktibong suporta sa “mabangis na hayop” at sa “larawan” nito, yamang ang mga kamay ng isang tao ay ginagamit sa paggawa alang-alang sa isa na pinaglilingkuran niya.—Apocalipsis 13:16, 17; 14:9, 10; 20:4.
Pagpapatong ng mga Kamay
Bukod sa basta paghawak, ang mga kamay ay ipinapatong sa isang tao o bagay para sa iba’t ibang layunin. Gayunman, ang malawak na kahulugan ng ganitong pagkilos ay pagtatalaga, ang pagtukoy sa isang tao o bagay bilang kilala, o kinikilala, ayon sa isang partikular na paraan. Noong seremonya sa pagtatalaga ng pagkasaserdote, ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng toro at ng dalawang barakong tupa na ihahain, sa gayon ay kinikilala nila na inihahain ang mga hayop na ito para sa kanila dahil sila’y naging mga saserdote ng Diyos na Jehova. (Exodo 29:10, 15, 19; Levitico 8:14, 18, 22) Nang atasan ni Moises si Josue bilang kahalili niya ayon sa utos ng Diyos, ipinatong niya rito ang kaniyang kamay, anupat ‘napuspos ito ng espiritu ng karunungan’ at nakapanguna nang wasto sa Israel. (Deuteronomio 34:9) Ang mga kamay ay ipinapatong din sa mga tao kapag itinatalaga silang tumanggap ng pagpapala. (Genesis 48:14; Marcos 10:16) Hinipo ni Jesu-Kristo ang ilang tao, o ipinatong niya sa kanila ang kaniyang mga kamay, nang pagalingin niya sila. (Mateo 8:3; Marcos 6:5; Lucas 13:13) Sa ilang pagkakataon, ibinigay ang kaloob ng banal na espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol.—Gawa 8:14-20; 19:6.
Mga pag-aatas sa paglilingkod. Sa kongregasyong Kristiyano, ang pag-aatas ng may-gulang na mga lalaki sa mga posisyon o mga katungkulang may pananagutan ay ginagawa rin sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay niyaong mga awtorisadong gumawa nito. (Gawa 6:6; 1 Timoteo 4:14) Dahil magkakaroon ng impluwensiya ang gayong mga lalaking inatasan at tutularan ang halimbawang ipinakikita nila, ipinayo ng apostol na si Pablo kay Timoteo: “Huwag mong ipatong nang madalian ang iyong mga kamay sa sinumang tao; ni maging kabahagi man sa mga kasalanan ng iba.” Nangangahulugan iyon na huwag atasan ang isang lalaki nang hindi isinasaalang-alang nang husto kung ito ay kuwalipikado, dahil baka hindi magampanan nang wasto ng taong iyon ang mga tungkulin ng kaniyang katungkulan, at sa gayon ay may pananagutan din si Timoteo sa idudulot nitong suliranin.—1 Timoteo 5:22.
Ang Kanang Kamay
Sa makasagisag na paraan, ang kanang kamay ay itinuturing na napakahalaga. Hindi nalugod si Jose nang pagpalitin ni Jacob ang mga kamay nito upang maipatong ang kaniyang kanang kamay kay Efraim, ang nakababatang anak ni Jose. Ngunit sinadya iyon ni Jacob, upang maibigay niya kay Efraim ang nakahihigit na pagpapala. (Genesis 48:13-20) Ang pagiging nasa kanan (sa Ingles, right hand) ng isang tagapamahala ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng pinakamahalagang posisyon, pangalawa sa mismong tagapamahala (Awit 110:1; Gawa 7:55, 56; Roma 8:34; 1 Pedro 3:22), o ng isang posisyon na pinapaboran niya. (Mateo 25:33) Sa pangitain sa Apocalipsis, sinasabing nasa kanang kamay ni Jesus ang pitong bituin ng pitong kongregasyon. Samakatuwid nga, lahat ng mga lupong ito ng matatanda ay pinapaboran niya at nasa ilalim ng kaniyang ganap na kontrol, kapangyarihan, at pangangasiwa.—Apocalipsis 1:16, 20; 2:1.
Ang pagtangan ng Diyos sa kanang kamay ng isa ay magpapalakas sa isang iyon. (Awit 73:23) Kadalasan, ang kanang kamay ng isang mandirigma ang kamay na nagwawasiwas ng tabak, at hindi ito protektado ng kalasag na nasa kaliwang kamay. Kaya naman ang kaniyang kaibigan ay tumatayo o nakikipaglaban sa kaniyang kanan bilang isang tagapagtaguyod at tagapagsanggalang. Ang kalagayang ito ay ginagamit bilang metapora may kinalaman sa pagtulong at pagsasanggalang ng Diyos sa mga naglilingkod sa kaniya.—Awit 16:8; 109:30, 31; 110:5; 121:5.
Sinabi ng manunulat ng Eclesiastes: “Ang puso ng marunong ay nasa kaniyang kanang kamay, ngunit ang puso ng hangal ay nasa kaniyang kaliwang kamay.” Sa ibang pananalita, ang marunong ay nakakiling sa landas na mabuti at kaayaaya, ngunit ang hangal ay sa isang masamang landasin.—Eclesiastes 10:2.