Nililinang Mo ba ang Pagkamangha sa mga Bagay-bagay?
Nililinang Mo ba ang Pagkamangha sa mga Bagay-bagay?
NAPANSIN mo ba na paulit-ulit na pinupukaw ng mga manunulat ng Bibliya ang pagkamangha kapag kinikilala ang mga gawa at mga katangian ng Diyos? “Kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin,” ang sabi ng salmista. (Awit 139:14) “O Jehova,” ang isinulat ni propeta Isaias, “ikaw ang aking Diyos. Dinadakila kita, pinupuri ko ang iyong pangalan, sapagkat gumawa ka ng mga kamangha-manghang bagay.” (Isaias 25:1) O kaya ay isipin ang pagkamangha at pagkasindak na ipinahayag sa mga salita ni apostol Pablo: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos!”—Roma 11:33.
Binibigyang-kahulugan ng The Oxford Encyclopedic English Dictionary ang “pagkamangha” bilang “isang damdamin na pinupukaw ng isang bagay na di-inaasahan, di-pamilyar, di-maipaliwanag, lalo na ng pagkagulat na may kasamang paghanga o pag-uusisa atb.”
Hindi ba’t nakagagalak na masdan ang maliliit na bata na dilat na dilat sa pagkamangha kapag sila ay nakakakita, nakadarama, o nakaririnig ng mga bagay na bago sa kanila? Nakalulungkot, ang gayong pagkamangha na nakasalig sa pagkamausisa o pagiging naiiba ay madalas na nababawasan sa paglipas ng panahon.
Gayunman, para sa mga manunulat ng Bibliya na kasisipi lamang, malalim ang pagkakaugat ng pagkadama ng pagkamangha. Ito ay namamalagi. Bakit? Dahil nilinang nila ang kanilang pagkamangha sa pamamagitan ng mapagpahalagang pagbubulay-bulay sa mga gawa ng Diyos. Nanalangin ang salmista: “Binubulay-bulay ko ang napakaraming taon na nakalipas, ang alaala ng lahat ng iyong mga ginawa; ang mga kamangha-manghang bagay na iyong nilalang ay lumilipos sa aking isipan.”—Awit 143:5, The New English Bible.
Tunay ngang kapuri-puri na masumpungan ang pagkamanghang ito sa gitna ng makabagong-panahong mga mananamba ng Diyos! Taglay mo ba ito? Nililinang mo ba ito?