Si Tatian—Apolohista o Erehe?
Si Tatian—Apolohista o Erehe?
SA PAGTATAPOS ng kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, pinulong ni apostol Pablo ang matatandang lalaki mula sa kongregasyon ng Efeso. Sinabi niya sa kanila: “Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa gitna ninyo ang mapaniil na mga lobo at hindi makikitungo nang magiliw sa kawan, at mula sa inyo mismo ay may mga taong babangon at magsasalita ng mga bagay na pilipit at ilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.”—Gawa 20:29, 30.
Gaya ng sinabi ni Pablo, ang ikalawang siglo C.E. ay napatunayan ngang isang panahon kapuwa ng pagbabago at ng inihulang apostasya. Ang Gnostisismo, isang malaganap na kilusan sa relihiyon at pilosopiya na sumisira sa pananampalataya ng ilang mananampalataya, ay lumalago. Naniniwala ang mga Gnostiko na lahat ng espirituwal na mga bagay ay mabuti at na lahat ng pisikal na mga bagay ay masama. Palibhasa’y ikinakatuwirang masama ang lahat ng laman, ayaw nilang mag-asawa at mag-anak, anupat sinasabing si Satanas daw ang pasimuno nito. Naniniwala ang ilan sa kanila na yamang ang mga bagay hinggil sa espiritu ng tao ang tanging mabuti, hindi na mahalaga kung anuman ang gawin ng isang tao sa kaniyang pisikal na katawan. Ang gayong mga pangmalas ay nagbunga ng pagmamalabis sa mga istilo ng pamumuhay, alinman sa asetisismo o pagpapakasasa sa laman. Dahil sa pag-aangkin ng mga Gnostiko na ang kaligtasan ay nagmumula lamang sa mistikong Gnostisismo, o sariling kaalaman, ang katotohanan ng Salita ng Diyos ay naisaisantabi.
Paano tumugon ang mga naturingang Kristiyano sa panganib ng Gnostisismo? Ang ilang may-pinag-aralang mga lalaki ay nagprotesta laban sa maling doktrina nito, samantalang ang iba naman ay napadala sa impluwensiya nito. Halimbawa, si Irenaeus ay nagpasimula ng isang panghabambuhay na pakikipagpunyagi laban sa mga turo ng mga erehe. Siya’y natuto mula kay Polycarp, isang lalaking nabuhay noong panahon ng mga apostol. Inirekomenda ni Polycarp ang mahigpit na panghahawakan sa mga turo ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga apostol. Gayunman, bagaman natuto rin mula sa pagtuturong ito, ang kaibigan ni Irenaeus na si Florinus ay unti-unting nagpadala sa mga turo ni Valentinus, ang pinakaprominenteng lider ng kilusang Gnostiko. Talagang magulung-magulo ang panahong iyon.
Ang nagbibigay-liwanag sa kalagayan ng relihiyon nang panahong iyon ay ang mga akda ni Tatian, isang kilaláng manunulat ng ikalawang siglo. Anong uri ba ng lalaki si Tatian? Paano siya naging isang naturingang Kristiyano? At paano hinarap ni Tatian ang impluwensiya ng Gnostikong erehiya? Ang kaniyang nakaiintrigang mga sagot at sariling halimbawa ay nagbibigay ng mahahalagang aral sa mga naghahanap ng katotohanan sa ngayon.
Pagkasumpong sa “Ilang Banyagang Akda”
Si Tatian ay isang katutubo ng Sirya. Alam na alam niya ang Griego-Romanong kultura noong
kapanahunan niya dahil sa dami ng kaniyang narating at nabasa. Dumating si Tatian sa Roma bilang isang naglalakbay na mananalumpati. Gayunman, nang siya ay nasa Roma, nabaling ang kaniyang pansin sa Kristiyanismo. Nakisama siya kay Justin Martyr, anupat marahil ay naging estudyante nito.Sa isang pagsisiwalat ng kaniyang pagkakumberte sa itinuturing noon na Kristiyanismo, sinabi ni Tatian: “Nagsisikap ako kung paano ko matutuklasan ang katotohanan.” Bilang komento sa kaniyang personal na karanasan ng pagbasa sa Kasulatan, sinabi niya: “Nakasumpong ako ng ilang banyagang akda, napakatanda para ihambing sa mga opinyon ng mga Griego, at napakadakila naman para ihambing sa kamalian ng mga ito; at ako’y naakit na manampalataya sa mga ito dahil sa kasimplihan ng wika, kataimtiman ng mga sumulat, kaalamang ipinakita tungkol sa mangyayari sa hinaharap, napakahusay na kalidad ng mga panuntunan, at paghahayag tungkol sa pansansinukob na pamahalaan na nakasentro sa isang Persona.”
Hindi nag-atubili si Tatian na anyayahan ang kaniyang mga kontemporaryo na suriin ang Kristiyanismo noong kaniyang panahon at pansinin ang kasimplihan at kaliwanagan nito na siya namang kabaligtaran ng nakalilitong paganismo. Ano ang matututuhan natin sa kaniyang mga akda?
Ano ang Isinisiwalat ng Kaniyang mga Akda?
Isinisiwalat ng mga akda ni Tatian na siya ay isang apolohista, isang manunulat na nagtatanggol ng kaniyang pananampalataya. Galit siya at kontra sa paganong pilosopiya. Sa kaniyang akdang Address to the Greeks, idiniin ni Tatian ang kawalang-kabuluhan ng paganismo at pagkamakatuwiran naman ng itinuturing noon na Kristiyanismo. Sobra naman ang kaniyang paraan ng paghamak sa mga pamamaraan ng mga Griego. Halimbawa, patungkol sa pilosopong si Heracleitus, sinabi niya: “Gayunman, ang kaniyang pagkamatay ay nagpapakita ng pagkaestupido ng lalaking ito; dahil nang siya ay magkaroon ng manás, yamang pinag-aralan niya ang sining ng medisina at ng pilosopiya, tinapalan niya ang kaniyang sarili ng dumi ng baka, na, nang matuyo, ay nagpaliit sa laman ng kaniyang buong katawan, kung kaya siya’y nagkapira-piraso, at sa gayon ay namatay.”
Lubos na pinahahalagahan ni Tatian ang paniniwala sa iisang Diyos, ang Maylalang ng lahat ng bagay. (Hebreo 3:4) Sa Address to the Greeks, tinukoy niya ang Diyos bilang “isang Espiritu” at nagsabi: “Siya lamang ang tanging walang pasimula, at Siya mismo ang pasimula ng lahat ng bagay.” (Juan 4:24; 1 Timoteo 1:17) Bilang pagtanggi sa paggamit ng mga imahen sa pagsamba, sumulat si Tatian: “Paano ko masasabing mga diyos ang mga piraso ng kahoy at mga bato?” (1 Corinto 10:14) Naniniwala siyang ang Salita, o Logos, ay umiral bilang panganay sa mga gawa ng makalangit na Ama at pagkaraan ay ginamit sa paglalang sa pisikal na uniberso. (Juan 1:1-3; Colosas 1:13-17) May kinalaman sa pagkabuhay-muli sa takdang panahon, sinabi ni Tatian: “Naniniwala kaming may pagkabuhay-muli ng mga katawan pagkatapos na wakasan ang lahat ng bagay.” Tungkol naman sa kung bakit tayo namamatay, sumulat si Tatian: “Hindi tayo nilalang para mamatay, kundi namamatay tayo dahil sa ating sariling pagkakamali. Sinira tayo ng ating kalayaang magpasiya; tayong mga malaya ay naging mga alipin; tayo ay ipinagbili dahil sa kasalanan.”
Nakalilito ang ibinigay na paliwanag ni Tatian tungkol sa kaluluwa. Ang sabi niya: “Ang kaluluwa ay hindi imortal sa ganang sarili nito, O mga Griego, kundi ito’y mortal. Subalit posible itong hindi mamatay. Sa katunayan, kung hindi nito alam ang katotohanan, ito’y namamatay, at naglalahong kasama ng katawan, ngunit sa wakas ay bumabangong muli sa katapusan ng sanlibutan kasama ng katawan, na tumatanggap ng kamatayan sa pamamagitan ng walang-hanggang pagpaparusa.” Malabo ang eksaktong ibig sabihin ni Tatian sa mga pangungusap na ito. Posible kaya na bagaman nanghahawakan siya sa ilang turo ng Bibliya, sinisikap naman niyang paluguran ang kaniyang mga kapanahon at sa gayon ay nabahiran tuloy ng paganong mga pilosopiya ang mga katotohanan sa Kasulatan?
Ang isa pang kilaláng akda ni Tatian ay ang Diatessaron, o Harmony of the Four Gospels. Si Tatian ang unang nagbigay sa mga kongregasyon sa Sirya ng mga Ebanghelyo sa kanilang sariling wika. Isa itong lubhang pinagpipitaganang akda, anupat pinagsama-sama ang apat na Ebanghelyo sa isang salaysay. Ginamit ito ng Syrian Church.
Kristiyano o Erehe?
Isinisiwalat ng maingat na pagsusuri sa mga akda ni Tatian na siya ay pamilyar sa Kasulatan at may malaking paggalang sa mga ito. Sumulat siya hinggil sa impluwensiya nito sa kaniya: “Hindi ko pinangarap na yumaman; tinanggihan ko ang awtoridad ng militar; kinasusuklaman ko ang pakikiapid; hindi ako nagaganyak ng walang-kasiyahang pag-ibig sa kayamanan upang maglayag sa dagat; . . . hindi ako uhaw sa katanyagan . . . Ang araw ay para sa lahat, at ang kamatayan ay para sa lahat, sila man ay nabubuhay sa karangyaan o sa karukhaan.” Nagpayo si Tatian: “Mamatay sa sanlibutan, na kinamumuhian ang kabaliwang naroroon. Mabuhay sa Diyos, at sa pamamagitan ng kaunawaan hinggil sa Kaniya, isaisantabi ang dating pagkatao.”—Mateo 5:45; 1 Corinto 6:18; 1 Timoteo 6:10.
Gayunman, isaalang-alang ang akda ni Tatian na pinamagatang On Perfection According to the Doctrine of the Savior. Sa akdang ito ay isinisi niya sa Diyablo ang pag-aasawa. Mahigpit na tinuligsa ni Tatian ang pag-aasawa, palibhasa’y inaangkin niya na nagpapaalipin daw ang mga indibiduwal sa lumilipas na sanlibutan sa pamamagitan nito.
Lumilitaw na noong mga 166 C.E., pagkamatay ni Justin Martyr, alinman sa itinatag o nakiugnay si Tatian sa isang asetikong sekta na tinatawag na Mga Encratite. Idiniriin ng mga tagasunod nito ang istriktong pagsupil sa sarili at pamamanginoon sa sariling katawan. Isinasagawa nila ang asetisismo sa pamamagitan ng pag-iwas sa alak, sa pag-aasawa, at sa mga ari-arian.
Isang Aral na Matututuhan
Bakit lumihis si Tatian nang napakalayo sa Kasulatan? Siya ba’y naging “isang tagapakinig na malilimutin”? (Santiago 1:23-25) Nabigo ba si Tatian na tanggihan ang mga kuwentong di-totoo at sa gayon ay naging biktima ng pilosopiya ng tao? (Colosas 2:8; 1 Timoteo 4:7) Yamang napakalaking mga pagkakamali ang kaniyang itinaguyod, hindi kaya pansamantala lamang siyang nawala sa kaniyang katinuan?
Anuman ang nangyari, ang mga akda at halimbawa ni Tatian ay nagbibigay ng isang sulyap sa kalagayan ng relihiyon noong kaniyang panahon. Ipinakikita nito kung gaano kalaki ang pinsalang naidudulot ng makasanlibutang pilosopiya. Sana’y dibdibin natin ang babala ni apostol Pablo na talikdan “ang walang-katuturang mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal at ang mga pagsasalungatan ng may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman.’ ”—1 Timoteo 6:20.