Natatandaan Mo Ba?
Natatandaan Mo Ba?
Pinahalagahan mo ba ang pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Kung gayon, tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:
• Paano tayo makikinabang sa pagkilala sa pamilya ni Sapan?
Si Sapan ay isang tagakopya at kalihim ni Haring Josias ng Juda. Bilang isang maimpluwensiyang lalaki sa kaharian, sinuportahan ni Sapan ang kampanya ng hari na isauli ang tunay na pagsamba. Dalawa sa mga anak na lalaki ni Sapan ay nanatiling matapat kay propeta Jeremias. Ginamit din ng isa pa niyang anak na lalaki at dalawang apong lalaki ang kanilang impluwensiya alang-alang sa tunay na pagsamba. Sa katulad na paraan, dapat nating gamitin ang ating mga ari-arian at impluwensiya upang itaguyod ang tunay na pagsamba.—12/15, pahina 19-22.
• Paano napagtagumpayan ni Irene Hochstenbach ang isang malubhang kapansanan at sa gayo’y nakapaglingkuran kay Jehova?
Nang siya ay pitong taóng gulang, nabingi siya. Sa kabila ng pagiging bingi, natutuhan niyang makipagtalastasan sa iba at ngayon ay naglalakbay siya kasama ng kaniyang asawa (isang naglalakbay na tagapangasiwa) habang naglilingkod ito sa mga kongregasyon sa Netherlands.—1/1, pahina 23-6.
• Anong dalawang bagong pantulong sa pag-aaral ang inilabas sa “Masisigasig na Tagapaghayag ng Kaharian” na Pandistritong mga Kombensiyon?
Nagalak ang mga Kristiyano sa buong daigdig nang tanggapin nila ang Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos, na dinisenyo upang pag-aralan kasama ng mga baguhan kapag natapos na nila ang pag-aaral sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan; ang isa pang bagong aklat ay ang Maging Malapít kay Jehova, na nagtutuon naman ng pansin sa mga katangian at pakikitungo ni Jehova. Ipinakikita rin nito kung paano natin siya matutularan sa pagpapamalas ng kaniyang mga katangian.—1/15, pahina 23-4.
• Ano ang ibig sabihin ng Kawikaan 12:5: “Ang mga kaisipan ng mga matuwid ay kahatulan”?
Ang mismong mga kaisipan ng mabubuting tao ay matuwid sa moral at nakatuon sa kawalang-pagtatangi at katuwiran. Yamang ang mga matuwid ay inuudyukan ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa-tao, mabubuti ang kanilang mga intensiyon.—1/15, pahina 30.
• Ano ang makatutulong sa isang tao na malinang ang isang timbang na pangmalas sa trabaho?
Kapaki-pakinabang na masanay mula sa pagkabata na magpahalaga sa trabaho. Hinihimok tayo ng Bibliya na magpamalas ng mabuting etika sa trabaho, anupat iniiwasan ang katamaran. (Kawikaan 20:4) Pinasisigla rin nito ang mga Kristiyano na huwag maging masyadong abala sa trabaho. Dapat nating matanto na ang paglilingkod sa Diyos ay nararapat na maging pangunahin sa ating buhay. (1 Corinto 7:29-31) Karagdagan pa, nagtitiwala ang mga tunay na Kristiyano na hindi sila pababayaan ng Diyos.—2/1, pahina 4-6.
• Saan sa Bibliya unang binanggit ang altar?
Iyon ay sa Genesis 8:20, na tumutukoy sa altar na itinayo ni Noe nang lumabas siya sa arka pagkatapos ng Delubyo. Gayunman, malamang na gumamit ng mga altar sina Cain at Abel sa kanilang mga paghahandog. (Genesis 4:3, 4)—2/15, pahina 28.
• Paano magagamit nang may katalinuhan ng ilang Kristiyano ang nagbagong mga kalagayan?
Tinanggap ng ilan—o pinasimulan—ang mga pagbabago sa kanilang trabaho na nagpahintulot sa kanila na magkaroon ng higit na panahon sa ministeryo. Dinagdagan naman ng iba ang kanilang panahon at mga pribilehiyo sa paglilingkod sa Diyos nang mabawasan ang kanilang mga pananagutan sa pamilya, halimbawa, nang ang kanilang mga anak ay naging mga adulto at magsipag-asawa na.—3/1, pahina 19-22.
• Paano tayo tinutulungan ng mga halimbawa nina Jonas at apostol Pedro na malasin ang iba kung paano sila minamalas ni Jehova?
Kapuwa sina Jonas at Pedro ay may kilaláng mga pagkakamali sa kanilang pag-iisip at sa paraan ng kanilang pagtugon sa mga pagsubok sa pananampalataya at pagsunod. Gayunman, maliwanag na nakita ni Jehova ang mabubuting katangian nila at patuloy niya silang ginamit sa paglilingkod sa kaniya. Kapag nagkasala sa atin ang iba o nadismaya tayo sa kanila, maaari tayong magtuon ng pansin sa kanilang mabubuting katangian na maaaring nasumpungan nating kaakit-akit noon at sa kabutihang nakikita sa kanila ng Diyos.—3/15, pahina 16-19.
• Bakit magkakaiba ang paglalagay ng mga numero sa mga salin ng Bibliya sa aklat ng Mga Awit?
May pagkakaiba sa paglalagay ng mga numero sa aklat ng orihinal na wikang Hebreo at sa salin nito sa Griego sa Septuagint. Maaaring magkakaiba ang mas bagong mga salin, depende kung nakasalig ang mga ito sa tekstong Hebreo o sa Septuagint.—4/1, pahina 31.