“Panatilihing Mainam ang Inyong Paggawi sa Gitna ng mga Bansa”
“Panatilihing Mainam ang Inyong Paggawi sa Gitna ng mga Bansa”
“Parangalan ang lahat ng uri ng mga tao, magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid.”—1 Pedro 2:17.
1, 2. (a) Ano ang komento ng isang tagapagbalita sa pahayagan hinggil sa mga Saksi ni Jehova? (b) Bakit nagsisikap ang mga Saksi ni Jehova na mapanatili ang matataas na pamantayan ng paggawi?
NOONG nakalipas na ilang taon, isang tagapagbalita sa pahayagan sa Amarillo, Texas, E.U.A., ang dumalaw sa iba’t ibang simbahan sa lugar na iyon at nag-ulat hinggil sa kaniyang mga natuklasan. Isang grupo ang namumukod-tangi sa kaniyang isipan. Sinabi niya: “Sa loob ng tatlong taon, dinaluhan ko ang mga taunang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Amarillo Civic Center. Habang nakikisalamuha ako sa kanila, ni minsan ay wala akong nakitang nagsindi ng sigarilyo, nagbukas ng lata ng serbesa, o gumamit ng malalaswang salita. Sila ang pinakamalinis, pinakamaayos kumilos, pinakamahinhing manamit at pinakamabait na grupo ng tao na nakilala ko.” Madalas na naililimbag ang katulad na mga komento hinggil sa mga Saksi ni Jehova. Bakit ba ang mga Saksi ay madalas na pinapupurihan ng mga taong hindi naman nila kapananampalataya?
2 Karaniwan na, pinapupurihan ang bayan ng Diyos dahil sa kanilang mabuting paggawi. Bagaman sa pangkalahatan ay bumababa ang mga pamantayan, minamalas ng mga Saksi ni Jehova ang matataas na pamantayan ng paggawi bilang obligasyon, bahagi ng kanilang pagsamba. Alam nila na ang kanilang mga kilos ay lumilikha ng impresyon sa iba tungkol kay Jehova at sa kanilang mga kapatid na Kristiyano at na ginagawang kaakit-akit ng mabuting paggawi nila ang katotohanang kanilang ipinangangaral. (Juan 15:8; Tito 2:7, 8) Samakatuwid, ating tingnan kung paano natin mapananatili ang ating mabuting paggawi at sa gayon ay patuloy na maitaguyod ang mainam na reputasyon ni Jehova at ng kaniyang mga Saksi at kung paano tayo nakikinabang sa paggawa nito.
Ang Pamilyang Kristiyano
3. Mula sa ano kailangang ipagsanggalang ang mga pamilyang Kristiyano?
3 Isaalang-alang ang ating paggawi sa loob ng pamilya. Ganito ang sabi ng aklat na Die Neuen Inquisitoren: Religionsfreiheit und Glaubensneid (Ang Bagong mga Tagapag-usisa: Kalayaan ng Relihiyon at Relihiyosong Pagkainggit), ni Gerhard Besier at Erwin K. Scheuch: “Para [sa mga Saksi ni Jehova], ang pamilya ay lalo nang dapat ipagsanggalang.” Totoo ang pananalitang iyan, at sa ngayon, ang pamilya ay kailangang ipagsanggalang mula sa maraming panganib. May mga anak na “masuwayin sa mga magulang” at mga adultong “walang likas na pagmamahal” o mga “walang pagpipigil sa sarili.” (2 Timoteo 3:2, 3) Makikita sa mga pamilya ang karahasan laban sa kabiyak, pang-aabuso o pagpapabaya ng mga magulang sa kanilang mga anak, at naghihimagsik ang mga anak, nasasangkot sa pag-aabuso sa droga at imoralidad, o lumalayas sa tahanan. Lahat ng ito ay resulta ng mapangwasak na impluwensiya ng ‘espiritu ng sanlibutan.’ (Efeso 2:1, 2) Kailangan nating ipagsanggalang ang ating mga pamilya laban sa espiritung ito. Paano? Sa pamamagitan ng pagsunod sa payo at tagubilin ni Jehova para sa mga miyembro ng pamilya.
4. Ano ang mga pananagutan sa isa’t isa ng mga Kristiyanong miyembro ng pamilya?
4 Kinikilala ng mga mag-asawang Kristiyano na may mga emosyonal, espirituwal, at pisikal na obligasyon sila sa isa’t isa. (1 Corinto 7:3-5; Efeso 5:21-23; 1 Pedro 3:7) May mabibigat na pananagutan ang mga Kristiyanong magulang sa kanilang mga anak. (Kawikaan 22:6; 2 Corinto 12:14; Efeso 6:4) At habang tumatanda ang mga bata sa mga tahanang Kristiyano, natututuhan nilang sila rin ay may mga obligasyon. (Kawikaan 1:8, 9; 23:22; Efeso 6:1; 1 Timoteo 5:3, 4, 8) Ang pagtupad sa pampamilyang mga obligasyon ay nangangailangan ng pagsisikap, determinasyon, at espiritu ng pag-ibig at pagsasakripisyo sa sarili. Gayunman, kapag higit na pinagsisikapan ng lahat ng miyembro ng pamilya na tuparin ang kanilang bigay-Diyos na mga obligasyon, higit silang nagiging pagpapala sa isa’t isa at sa kongregasyon. Lalong mahalaga, pinararangalan nila ang Tagapagpasimula ng pamilya, ang Diyos na Jehova.—Genesis 1:27, 28; Efeso 3:15.
Ang Kapatirang Kristiyano
5. Anong mga pagpapala ang ating nakakamit mula sa pakikipagsamahan sa mga kapuwa Kristiyano?
5 Bilang mga Kristiyano, may mga pananagutan din tayo sa mga kapananampalataya sa kongregasyon at, pangunahin na, sa mga bumubuo sa “buong samahan ng . . . mga kapatid sa sanlibutan.” (1 Pedro 5:9) Ang ating kaugnayan sa kongregasyon ay mahalaga sa ating espirituwal na kalusugan. Kapag nakikisama tayo sa mga kapuwa Kristiyano, natatamasa natin ang kanilang nakapagpapatibay na pakikipagsamahan gayundin ang nakapagpapalakas na espirituwal na pagkain mula sa “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Kung may mga problema tayo, maaari tayong lumapit sa ating mga kapatid upang humingi ng mainam na payo salig sa maka-Kasulatang mga simulain. (Kawikaan 17:17; Eclesiastes 4:9; Santiago 5:13-18) Kapag nangangailangan tayo, hindi tayo pinababayaan ng ating mga kapatid. Tunay na isang pagpapala ang maging bahagi ng organisasyon ng Diyos!
6. Paano ipinakita ni Pablo na may mga pananagutan tayo sa ibang mga Kristiyano?
6 Gayunman, hindi tayo nasa loob ng kongregasyon upang tumanggap lamang; naroroon din tayo upang magbigay. Sa katunayan, sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Itinampok ni apostol Pablo ang mapagbigay na espiritu nang sumulat siya: “Panghawakan nating mahigpit ang pangmadlang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-uurong-sulong, sapagkat siya na nangako ay tapat. At isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.”—Hebreo 10:23-25.
7, 8. Paano natin ipinakikita ang mapagbigay na saloobin kapuwa sa loob ng kongregasyon natin at sa mga Kristiyano sa ibang mga lupain?
7 Sa loob ng kongregasyon, ‘ipinahahayag natin ang ating pag-asa’ kapag nagkokomento tayo sa pulong o nakikibahagi sa programa sa iba pang mga paraan. Ang mga pagsisikap na iyon ay tiyak na nagpapatibay sa ating mga kapatid. Pinatitibay rin natin sila sa pamamagitan ng ating pakikipag-usap bago at pagkatapos ng pulong. Iyan ang panahon kung kailan mapalalakas natin ang mahihina, maaaliw ang mga nanlulumo at mga maysakit. (1 Tesalonica 5:14) Bukas-palad ang taimtim na mga Kristiyano sa gayong uri ng pagbibigay, kung kaya’t ang napakaraming dumadalo sa ating mga pulong sa kauna-unahang pagkakataon ay humahanga sa pag-ibig na kanilang nadarama sa gitna natin.—Awit 37:21; Juan 15:12; 1 Corinto 14:25.
8 Gayunman, ang ating pag-ibig ay hindi lamang sa ating sariling kongregasyon. Saklaw nito ang buong samahan ng ating mga kapatid sa buong daigdig. Bilang halimbawa, iyan ang dahilan kung bakit may isang kahon ng kontribusyon para sa Kingdom Hall Fund sa karamihan ng mga Kingdom Hall. Maaaring maganda ang kalagayan ng atin mismong Kingdom Hall, ngunit alam natin na libu-libong kapuwa Kristiyano sa ibang mga bansa ang walang angkop na dakong mapagtitipunan. Kapag nag-aabuloy tayo sa Kingdom Hall Fund, ipinakikita natin ang ating pag-ibig sa gayong mga indibiduwal bagaman hindi natin sila personal na kilala.
9. Sa anong pangunahing dahilan iniibig ng mga Saksi ni Jehova ang isa’t isa?
9 Bakit iniibig ng mga Saksi ni Jehova ang isa’t isa? Buweno, iniutos ni Jesus na gawin nila ito. (Juan 15:17) At ang pag-ibig na taglay nila sa isa’t isa ay patotoo na ang espiritu ng Diyos ay kumikilos sa kanila bilang mga indibiduwal at bilang isang grupo. Ang pag-ibig ay isa sa “mga bunga ng espiritu.” (Galacia 5:22, 23) Habang ang mga Saksi ni Jehova ay nag-aaral ng Bibliya, dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, at nananalangin nang patuluyan sa Diyos, nagiging likas sa kanila ang pag-ibig sa kabila ng pamumuhay sa isang sanlibutan kung saan ‘ang pag-ibig ng nakararami ay lumalamig.’—Mateo 24:12.
Pakikitungo sa Sanlibutang Kinabubuhayan Natin
10. Ano ang pananagutan natin sa sanlibutang kinabubuhayan natin?
10 Ang pagbanggit ni Pablo sa “pangmadlang pagpapahayag ng ating pag-asa” ay nagpapaalaala sa atin ng isa pang pananagutan. Kasama sa pangmadlang pagpapahayag na ito ang gawaing pangangaral ng mabuting balita sa mga hindi pa natin kapatid na Kristiyano. (Mateo 24:14; 28:19, 20; Roma 10:9, 10, 13-15) Ang gayong pangangaral ay isa pang gawang pagbibigay. Ang pakikibahagi rito ay humihiling ng panahon, lakas, paghahanda, pagsasanay, at paggamit ng personal na mga ari-arian. Gayunman, sumulat din si Pablo: “Kapuwa sa mga Griego at sa mga Barbaro, kapuwa sa marurunong at sa mga hangal ay may utang ako: kaya may pananabik sa ganang akin na ipahayag din ang mabuting balita sa inyo riyan sa Roma.” (Roma 1:14, 15) Gaya ni Pablo, huwag nawa tayong maging kuripot sa pagbabayad sa “utang” na ito.
11. Anong dalawang maka-Kasulatang simulain ang pumapatnubay sa ating pakikipag-ugnayan sa sanlibutan, ngunit ano ang kinikilala natin sa kabila nito?
11 Mayroon pa ba tayong ibang mga pananagutan sa mga hindi natin kapananampalataya? Tiyak na mayroon. Siyempre pa, kinikilala natin na ang “buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Alam natin na sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” Gayunman, naninirahan tayo sa sanlibutan, naghahanapbuhay rito, at tumatanggap ng mga serbisyo mula rito. (Juan 17:11, 15, 16) Kaya may mga obligasyon tayo sa sanlibutang kinabubuhayan natin. Anu-ano ito? Sinagot ni apostol Pedro ang tanong na iyan. Nang malapit nang mawasak ang Jerusalem, lumiham siya sa mga Kristiyano sa Asia Minor, at ang isang bahagi ng liham na iyan ang tutulong sa atin na magkaroon ng timbang na pakikipag-ugnayan sa sanlibutan.
12. Sa anong paraan “mga dayuhan at mga pansamantalang naninirahan” ang mga Kristiyano, at bilang gayon, ano ang dapat nilang iwasan?
12 Unang-una, sinabi ni Pedro: “Mga minamahal, pinapayuhan ko kayo bilang mga dayuhan at mga pansamantalang naninirahan na patuloy na umiwas mula sa mga pagnanasa ng laman, na siya mismong nakikipagbaka laban sa kaluluwa.” (1 Pedro 2:11) Sa espirituwal na paraan, ang mga tunay na Kristiyano ay “mga dayuhan at mga pansamantalang naninirahan” dahil ang talagang pinagtutuunan nila ng pansin sa kanilang buhay ay ang pag-asang buhay na walang hanggan—sa langit para sa mga pinahiran ng espiritu at sa makalupang paraiso sa hinaharap para sa “ibang mga tupa.” (Juan 10:16; Filipos 3:20, 21; Hebreo 11:13; Apocalipsis 7:9, 14-17) Subalit, ano ba ang mga pagnanasa ng laman? Kasama rito ang mga bagay na tulad ng pagnanasang maging mayaman, pagnanasang maging prominente, mga imoral na seksuwal na pagnanasa, at mga pagnanasang inilalarawan bilang “inggit” at “kaimbutan.”—Colosas 3:5; 1 Timoteo 6:4, 9; 1 Juan 2:15, 16.
13. Paano “nakikipagbaka laban sa [ating] kaluluwa” ang mga pagnanasa ng laman?
13 Ang gayong mga pagnanasa ay talagang “nakikipagbaka laban sa [ating] kaluluwa.” Sinisira ng mga ito ang ating kaugnayan sa Diyos at sa gayon ay isinasapanganib ang ating pag-asang Kristiyano (ang ating “kaluluwa,” o buhay). Halimbawa, kung nililinang natin ang interes sa imoral na mga bagay, paano natin maihaharap ang ating sarili na “isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos”? Kung mahulog tayo sa bitag ng materyalismo, paano natin ‘hahanapin muna ang kaharian’? (Roma 12:1, 2; Mateo 6:33; 1 Timoteo 6:17-19) Ang mas mainam na landasin ay sundin ang halimbawa ni Moises, talikuran ang mga pang-akit ng sanlibutan, at unahin sa ating buhay ang paglilingkod kay Jehova. (Mateo 6:19, 20; Hebreo 11:24-26) Iyan ay isang mahalagang salik upang makamit ang isang timbang na pakikipag-ugnayan sa sanlibutan.
‘Panatilihin ang Mainam na Paggawi’
14. Bilang mga Kristiyano, bakit tayo nagsisikap na panatilihin ang mainam na paggawi?
14 Ang isa pang mahalagang tuntunin ay masusumpungan sa sumunod na mga salita ni Pedro: “Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang, sa bagay na sinasalita nila laban sa inyo na gaya ng mga manggagawa ng kasamaan, luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksi.” (1 Pedro 2:12) Bilang mga Kristiyano, sinisikap nating maging huwaran. Sa paaralan ay nag-aaral tayong mabuti. Sa ating pinagtatrabahuhan, masipag tayo at tapat—kahit na waring di-makatuwiran ang ating amo. Sa isang nababahaging sambahayan, ang Saksing asawang lalaki o babae ay gumagawa ng pantanging pagsisikap upang sundin ang mga simulaing Kristiyano. Hindi ito laging madali, ngunit alam natin na ang ating huwarang paggawi ay nakalulugod kay Jehova at madalas na may mabuting epekto sa mga di-Saksi.—1 Pedro 2:18-20; 3:1.
15. Paano natin nalalaman na ang mataas na pamantayan ng paggawi ng mga Saksi ni Jehova ay kilalang-kilala?
15 Ang tagumpay ng karamihan sa mga Saksi ni Jehova sa pagpapanatili ng huwarang mga pamantayan ay makikita sa mga komento hinggil sa kanila
na inilathala sa nakalipas na mga taon. Halimbawa, iniulat ng Il Tempo ng Italya: “Ang mga Saksi ni Jehova ay inilalarawan ng kanilang mga katrabaho bilang tapat na mga manggagawa, na lubhang kumbinsido sa kanilang pananampalataya anupat waring buhos na buhos sila rito; gayunman, nararapat silang igalang dahil sa kanilang katapatan sa moral.” Ganito naman ang sabi ng Herald ng Buenos Aires, Argentina: “Sa loob ng maraming taon, ang mga Saksi ni Jehova ay napatunayang masisipag, seryoso, matitipid, at mga mamamayang may takot sa Diyos.” Sinabi ng Rusong iskolar na si Sergei Ivanenko: “Kilala ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig bilang mga taong lubhang masunurin sa batas at partikular na sa kanilang tapat na saloobin sa pagbabayad ng buwis.” Ganito ang sabi ng manedyer ng isang pasilidad sa Zimbabwe na ginamit ng mga Saksi ni Jehova para sa kanilang kombensiyon: “Nakikita ko ang ilang Saksi na pinupulot ang mga papel at nililinis ang mga palikuran. Ang mga dako ng eksibit ay iniwang mas malinis kaysa sa dati. May mga prinsipyo ang inyong mga tin-edyer. Sana, ang buong daigdig ay punô ng mga Saksi ni Jehova.”Pagpapasakop ng mga Kristiyano
16. Ano ang ating kaugnayan sa sekular na mga awtoridad, at bakit?
16 Binanggit din ni Pedro ang hinggil sa ating kaugnayan sa sekular na mga awtoridad. Sinabi niya: “Alang-alang sa Panginoon ay magpasakop kayo sa bawat gawa ng tao: maging sa hari bilang nakatataas o sa mga gobernador bilang isinugo niya upang maglapat ng kaparusahan sa mga manggagawa ng kasamaan ngunit upang pumuri sa mga gumagawa ng mabuti. Sapagkat gayon nga ang kalooban ng Diyos, na sa paggawa ng mabuti ay mabusalan ninyo ang walang-muwang na usapan ng mga taong di-makatuwiran.” (1 Pedro 2:13-15) Nagpapasalamat tayo sa mga natatanggap nating kapakinabangan mula sa maayos na pamamahala, at yamang ginagabayan tayo ng mga salita ni Pedro, sinusunod natin ang mga batas ng pamahalaan at nagbabayad ng ating buwis. Bagaman kinikilala natin ang bigay-Diyos na karapatan ng mga pamahalaan na magparusa ng mga manlalabag-batas, ang pangunahing dahilan ng ating pagpapasakop sa sekular na awtoridad ay “alang-alang sa Panginoon.” Ito ay kalooban ng Diyos. Karagdagan pa, hindi natin nais magdulot ng kadustaan sa pangalan ni Jehova dahil naparusahan tayo sa paggawa ng mali.—Roma 13:1, 4-7; Tito 3:1; 1 Pedro 3:17.
17. Kapag sinasalansang tayo ng mga “taong di-makatuwiran,” sa ano tayo makapagtitiwala?
17 Nakalulungkot, inuusig tayo ng ilang “taong di-makatuwiran” na may awtoridad o sinasalansang tayo sa ibang mga paraan—tulad ng pagtataguyod ng mga kampanya ng paninira laban sa atin. Gayunman, sa takdang panahon ni Jehova, ang kanilang mga kasinungalingan ay palagi namang nabubunyag, at ang kanilang “walang-muwang na usapan” ay mabisang nabubusalan. Ipinakikita ng rekord ng ating Kristiyanong paggawi kung sino ang nagsasabi ng totoo. Iyan ang dahilan kung bakit madalas na pinapupurihan tayo ng tapat na mga opisyal ng pamahalaan bilang mga manggagawa ng kabutihan.—Roma 13:3; Tito 2:7, 8.
Mga Alipin ng Diyos
18. Bilang mga Kristiyano, sa anu-anong paraan natin maiiwasang abusuhin ang ating kalayaan?
18 Nagbabala ngayon si Pedro: “Maging gaya ng malalayang tao, gayunma’y taglay ang inyong kalayaan, hindi bilang panakip ukol sa kasamaan, kundi bilang mga alipin ng Diyos.” (1 Pedro 2:16; Galacia 5:13) Sa ngayon, pinalalaya tayo ng ating kaalaman sa katotohanan ng Bibliya mula sa huwad na mga relihiyosong turo. (Juan 8:32) Karagdagan pa, mayroon tayong kalayaang magpasiya, at maaari tayong gumawa ng pagpili. Gayunman, hindi natin inaabuso ang ating kalayaan. Kapag gumagawa ng mga pasiya hinggil sa mga kasama, pananamit, pag-aayos, paglilibang—maging sa pagkain at inumin—tinatandaan natin na ang tunay na mga Kristiyano ay mga alipin ng Diyos, na hindi pinaluluguran ang kanilang sarili. Pinili nating paglingkuran si Jehova sa halip na maging mga alipin ng ating sariling mga makalamang pagnanasa o ng mga kausuhan at moda ng sanlibutan.—Galacia 5:24; 2 Timoteo 2:22; Tito 2:11, 12.
19-21. (a) Paano natin minamalas ang mga nasa posisyon ng sekular na awtoridad? (b) Paano ipinakita ng ilan ang “pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid”? (c) Ano ang pinakamahalaga nating pananagutan?
19 Nagpatuloy si Pedro: “Parangalan ang lahat ng uri ng mga tao, magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid, matakot sa Diyos, magbigay-dangal sa hari.” (1 Pedro 2:17) Yamang pinahihintulutan ng Diyos na Jehova na magtaglay ng iba’t ibang posisyon ng awtoridad ang mga tao, pinag-uukulan natin ng nararapat na karangalan ang mga taong iyon. Nananalangin pa nga tayo hinggil sa kanila, sa layuning pahintulutan nawa tayong itaguyod ang ating ministeryo nang mapayapa at may makadiyos na debosyon. (1 Timoteo 2:1-4) Gayunman, kasabay nito, ‘iniibig natin ang buong samahan ng mga kapatid.’ Palagi tayong gumagawa para sa ikabubuti, hindi sa ikapipinsala, ng ating mga kapatid na Kristiyano.
20 Halimbawa, nang mahati ang isang bansa sa Aprika dahil sa etnikong karahasan, naging bukod-tangi ang Kristiyanong paggawi ng mga Saksi ni Jehova. Iniulat ng pahayagang Reformierte Presse ng Switzerland: “Noong 1995, [napatunayan ng] African Rights . . . ang pakikibahagi ng lahat ng simbahan [sa alitan] maliban sa mga Saksi ni Jehova.” Nang makarating sa labas ng bansa ang balita hinggil sa kalunus-lunos na mga pangyayari, ang mga Saksi ni Jehova sa Europa ay mabilis na nagpadala ng pagkain at medikal na tulong sa kanilang mga kapatid at sa iba pa sa nasalantang lupaing iyon. (Galacia 6:10) Sinunod nila ang mga salita ng Kawikaan 3:27: “Huwag mong ipagkait ang mabuti doon sa mga kinauukulan, kapag nasa kapangyarihan ng iyong kamay na gawin ito.”
21 Subalit may isa pang mas mahalagang pananagutan kaysa sa pagbibigay-dangal sa anumang sekular na awtoridad at mas mahalaga pa nga sa pagpapakita ng pag-ibig sa ating mga kapatid. Ano iyon? Sinabi ni Pedro: “Matakot sa Diyos.” Di-hamak na mas malaki ang utang natin kay Jehova kaysa sa kanino pa mang tao. Paano nagkagayon? At paano natin mapagtitimbang ang ating mga obligasyon sa Diyos at sa sekular na mga awtoridad? Ang mga tanong na ito ay sasagutin sa susunod na artikulo.
Natatandaan Mo Ba?
• Ano ang mga pananagutan ng mga Kristiyano sa loob ng pamilya?
• Paano natin maipakikita ang mapagbigay na saloobin sa kongregasyon?
• Ano ang ating mga pananagutan sa sanlibutang kinabubuhayan natin?
• Ano ang ilang kapakinabangang nagmumula sa pagpapanatili natin ng mataas na pamantayan ng paggawi?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 9]
Paano maaaring pagmulan ng malaking kagalakan ang pamilyang Kristiyano?
[Mga larawan sa pahina 10]
Bakit iniibig ng mga Saksi ni Jehova ang isa’t isa?
[Mga larawan sa pahina 10]
Maipakikita ba natin ang pag-ibig sa ating mga kapatid kahit na hindi natin sila personal na kilala?