Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Parating na ang Tulong sa Taggutom!

Parating na ang Tulong sa Taggutom!

Parating na ang Tulong sa Taggutom!

‘ANONG uri ng taggutom?’ baka itanong mo. Ang taggutom sa espirituwal na pagkain! Inihula ng isang sinaunang propetang Hebreo ang taggutom na ito: “ ‘Narito! Dumarating ang mga araw,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘at magpapasapit ako ng taggutom sa lupain, ng taggutom, hindi sa tinapay, at ng pagkauhaw, hindi sa tubig, kundi sa pagkarinig sa mga salita ni Jehova.’ ” (Amos 8:11) Upang maibsan ang espirituwal na taggutom na ito, ang 48 miyembro ng ika-112 klase ng Watchtower Bible School of Gilead, na nasa Patterson, New York, ay magtutungo sa 19 na iba’t ibang lupain sa 5 kontinente at mga isla ng dagat.

Aalis silang may mga suplay, hindi ng literal na karne at binutil, kundi ng kaalaman, karanasan, at pagsasanay. Sa loob ng limang buwan, nagsunog sila ng kilay sa pag-aaral ng Bibliya na nilayon upang patibayin ang kanilang pananampalataya para sa paglilingkod bilang misyonero sa banyagang mga lupain. Noong Marso 9, 2002, tuwang-tuwang nakapakinig sa programa ng gradwasyon ang mga dumalo na may bilang na 5,554.

Si Stephen Lett, na naglilingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang masiglang nagbukas ng programa. May pantangi siyang pagtanggap sa maraming panauhing dumalaw mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Pagkatapos ay ikinapit niya ang mga salita ni Jesus na “Kayo ang liwanag ng sanlibutan” sa gawain ng magiging mga misyonero. (Mateo 5:14) Ipinaliwanag niya: ‘Sa inyong mga atas ay “bibigyang-liwanag” ninyo ang iba’t ibang pitak ng kamangha-manghang mga gawa ni Jehova, anupat pinangyayari na makita ng tapat-pusong mga tao ang kariktan ni Jehova at ng kaniyang mga layunin.’ Pinasigla ni Brother Lett ang mga misyonero na gamitin ang liwanag ng Salita ng Diyos upang ihantad ang kadiliman ng huwad na mga doktrina at magbigay ng patnubay sa mga naghahanap ng katotohanan.

Mahalaga ang Wastong Saloobin Upang Magtagumpay

Pagkatapos ng pambukas na pangungusap ng tsirman, si Baltasar Perla, isang miyembro ng Komite sa Sangay ng Estados Unidos, ang nagpasimula sa serye ng mga pahayag na nilayon para tulungan ang mga nagtapos na maging matagumpay na mga misyonero. Binuo niya ang temang “Magpakalakas-loob at Magpakatibay at Kumilos.” (1 Cronica 28:20) Si Haring Solomon ng sinaunang Israel ay tumanggap ng isang mahirap na atas na gawin ang isang bagay na hindi pa niya kailanman nagagawa​—ang magtayo ng isang templo sa Jerusalem. Kumilos si Solomon, at natapos ang templo sa tulong ni Jehova. Sa pagkakapit ng aral sa klase, si Brother Perla ay nagsabi: ‘Tumanggap kayo ng isang bagong atas, ang pagiging misyonero, at kailangan ninyong magpakalakas-loob at magpakatibay.’ Tiyak na nakasumpong ng kaaliwan ang mga estudyante sa kasiguruhan na hindi sila pababayaan o iiwan man ni Jehova hangga’t nananatili silang malapít sa kaniya. Naantig ni Brother Perla ang damdamin ng mga tagapakinig nang tapusin niya ang kaniyang pahayag sa pamamagitan ng personal na komento: ‘Marami kayong magagawa bilang mga misyonero. Ang mga misyonero ang naghatid ng katotohanan sa aking pamilya at sa akin!’

“Umasa kay Jehova Para Magtagumpay” ang tema naman ng pahayag na binigkas ni Samuel Herd, isa pang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Ang mga estudyante ay nagsisimula sa isang karera sa gawaing misyonero, at ang kanilang tagumpay ay nakasalalay nang malaki sa kaugnayan nila kay Jehova. Pinayuhan sila ni Brother Herd: ‘Marami kayong natamong kaalaman sa Bibliya sa inyong pag-aaral sa Gilead. May kagalakan ninyong tinanggap ito. Subalit sa ngayon, para tunay na magtagumpay, kailangan na ninyong ibahagi ang inyong natutunan.’ (Gawa 20:35) Ang mga misyonero ay magkakaroon ng maraming pagkakataon na gawin ito habang ‘ibinubuhos nila ang kanilang sarili’ para sa kapakanan ng iba.​—Filipos 2:17.

Ano ang pangwakas na payo ng mga tagapagturo para sa kanilang mga estudyante? Isinalig ni Mark Noumair ang kaniyang tema sa Ruth 3:18, “Maupo Kang Tahimik Hanggang sa Makita Mo Kung Ano ang Kalalabasan ng Bagay na Ito.” Sa paggamit ng halimbawa nina Noemi at Ruth, pinasigla ng tagapagsalita ang mga nagtapos na magtiwala nang lubos sa mga kaayusan na itinatag ng makalupang organisasyon ng Diyos at igalang ang teokratikong awtoridad. Sa pag-antig sa puso ng mga estudyante, sinabi ni Brother Noumair: ‘Baka may mga pagkakataon na hindi ninyo nauunawaan kung bakit ginawa ang isang pasiya na nakaaapekto sa inyo o baka buung-buo sa isip ninyo na dapat sanang gawin ang isang bagay sa ibang paraan. Ano ang inyong gagawin? Kikilos ba kayo at ilalagay sa inyong mga kamay ang mga bagay-bagay o “mauupo kayo nang tahimik,” na nagtitiwala sa paraan ng Diyos at nananalig na balang araw, pangyayarihin niya kung ano lamang ang makabubuti?’ (Roma 8:28) Ang payo na ‘ibuhos ang isip sa pagpapasulong ng kapakanan ng Kaharian, na nagtutuon ng pansin sa ginagawa ng organisasyon ni Jehova sa halip na sa mga personalidad,’ ay tiyak na magiging kapaki-pakinabang para sa magiging mga misyonero sa kanilang mga atas sa ibang lupain.

Binigkas ni Wallace Liverance, na isang misyonero mismo at naglilingkod ngayon bilang isang tagapagturo sa Gilead, ang pangwakas na diskurso sa unang serye ng mga pahayag. Ang tema ng kaniyang pahayag ay “Manatiling Nakatuon ang Pansin, Manatili sa Paglilingkuran sa Diyos.” Ipinakita niya na naunawaan ni Daniel mula sa nakita niyang pagbagsak ng Babilonya at mula sa inihula ni Jeremias na malapit nang palayain noon ang mga Israelita mula sa pagkabihag. (Jeremias 25:11; Daniel 9:2) Batid ni Daniel ang talaorasan ni Jehova, at nakatulong iyon sa kaniya na ituon ang kaniyang pansin sa pagsisiwalat ng layunin ng Diyos. Sa kabaligtaran, ganito ang sinabi ng mga Israelita noong kapanahunan ng propetang si Hagai: “Ang panahon ay hindi pa dumarating.” (Hagai 1:2) Ipinagwalang-bahala nila ang panahon na kanilang kinabubuhayan, anupat itinuon nila ang kanilang pansin sa sariling kaalwanan at tagumpay sa buhay, at iniwan ang gawain na siyang dahilan kung bakit sila pinalaya mula sa Babilonya, ang pagtatayong-muli ng templo. Ganito ang pangwakas na pananalita ni Brother Liverance: “Kaya manatiling nakatuon ang pansin sa pamamagitan ng laging pagsasaisip ng layunin ni Jehova sa lahat ng panahon.”

Ang tagapagturo ng Gilead na si Lawrence Bowen ang naging tagapagpakilala ng bahagi na may temang “Pinagpapala ni Jehova Yaong mga Gumagamit ng Buháy na Salita.” (Hebreo 4:12) Tinalakay ng bahaging ito ang mga karanasan ng klase sa larangan, na itinatampok kung paano pinagpapala ni Jehova yaong mga gumagamit ng Bibliya kapag nangangaral at nagtuturo. Idiniin ng tagapagpakilala na si Jesu-Kristo ay nagbigay ng mainam na halimbawa para sa lahat ng ministro ng Diyos: ‘Totoong masasabi ni Jesus na ang kaniyang itinuro ay hindi nagmula sa kaniya, kundi sinalita niya ang Salita ng Diyos.’ Nakilala ng tapat-pusong mga tao ang katotohanan at tumugon nang positibo rito. (Juan 7:16, 17) Totoo rin ito sa ngayon.

Sinasangkapan ng Pagsasanay sa Gilead ang Isa Para sa Bawat Mabuting Gawa

Sumunod, kinapanayam ng matagal nang mga miyembro ng pamilyang Bethel na sina Richard Abrahamson at Patrick LaFranca ang anim na mga nagtapos sa Gilead na naglilingkod ngayon sa iba’t ibang larangan ng pantanging buong-panahong paglilingkod. Napatibay-loob ang mga nagtapos sa ika-112 klase nang kanilang marinig na sa paglipas ng mga taon, patuloy na ginagamit ng anim na yaon, anuman ang kanilang kasalukuyang atas, ang pagsasanay na kanilang tinanggap sa Gilead may kaugnayan sa pag-aaral ng Bibliya, pagsasaliksik, at sa pakikibagay sa mga tao.

Si Theodore Jaracz, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang bumigkas ng pangunahing pahayag sa programa. Pinamagatan itong “Kung Ano ang Nagagawa ng Pagtitiis sa Pagkapoot ni Satanas.” Sa nakalipas na limang buwan, nanirahan ang mga estudyante sa isang mapagmahal at teokratikong kapaligiran. Subalit gaya ng idiniin sa kanilang pag-aaral sa klase, nabubuhay tayo sa isang sanlibutan na lipos ng mga kaaway. Ang bayan ni Jehova ay sinasalakay sa buong daigdig. (Mateo 24:9) Sa paggamit ng ilang ulat sa Bibliya, tinukoy ni Brother Jaracz na ‘tayo’y pantanging puntirya ng Diyablo. Dapat nating patibayin ang ating kaugnayan kay Jehova at maging matatag sa pagharap sa mga pagsubok.’ (Job 1:8; Daniel 6:4; Juan 15:20; Apocalipsis 12:12, 17) Nagtapos si Brother Jaracz sa pagsasabing sa kabila ng patuloy na pagkapoot laban sa bayan ng Diyos, ‘walang sandatang inanyuan laban sa atin ang magtatagumpay, gaya ng sabi ng Isaias 54:17. Titiyakin ni Jehova na maliligtas tayo sa kaniyang sariling panahon at paraan.’

Palibhasa’y “lubusang nasangkapan,” tiyak na malaki ang magagawa ng mga nagtapos sa ika-112 klase ng Gilead upang ibsan ang taggutom sa espirituwal na pagkain sa mga lupain kung saan sila maglilingkod. (2 Timoteo 3:16, 17) May-pananabik nating inaasam-asam ang mga ulat tungkol sa kung paano nila inihahatid ang nakapagpapalusog na mensahe sa mga tao sa mga lupaing iyon.

[Kahon sa pahina 23]

ESTADISTIKA NG KLASE

Bilang ng mga bansang may kinatawan: 6

Bilang ng mga bansang magiging atas: 19

Kabuuang bilang ng mga estudyante: 48

Katamtamang edad: 33.2

Katamtamang taon sa katotohanan: 15.7

Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 12.2

[Larawan sa pahina 24]

Ang Ika-112 Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead

Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.

(1) Parotte, M.; Hooker, E.; Anaya, R.; Reynolds, J.; Gesualdi, K.; Gonzalez, J. (2) Robinson, C.; Phillips, B.; Maidment, K.; Moore, I.; Noakes, J.; Barnett, S. (3) Stires, T.; Palmer, B.; Yang, C.; Groothuis, S.; Groppe, T.; Bach, C. (4) Anaya, R.; Soukoreff, E.; Stewart, K.; Simozrag, N.; Simottel, C.; Bach, E. (5) Stewart, R.; Yang, H.; Gilfeather, A.; Harris, R.; Barnett, D.; Parotte, S. (6) Maidment, A.; Moore, J.; Groothuis, C.; Gilfeather, C.; Noakes, S.; Stires, T. (7) Gesualdi, D.; Groppe, T.; Soukoreff, B.; Palmer, G.; Phillips, N.; Simottel, J. (8) Harris, S.; Hooker, P.; Gonzalez, J.; Simozrag, D.; Reynolds, D.; Robinson, M.