Malugod na Tinatanggap ng Diyos ang Lahat ng mga Bansa
Malugod na Tinatanggap ng Diyos ang Lahat ng mga Bansa
SA KANIYANG unang paglalakbay sa Mali, naantig si John sa init ng pagkamapagpatuloy na ipinakita sa kaniya ni Mamadou at ng pamilya nito. Habang nakaupo si John sa lupa at asiwang kumakain mula sa iisang pinggan, nag-iisip siya kung paano niya pinakamainam na maibabahagi sa kaniyang punong-abala ang isang napakahalagang regalo—ang mabuting balita ng Kaharian mula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Bagaman marunong siya ng Pranses, isang wikang sinasalita sa Mali, nag-iisip si John kung paano siya makikipag-usap sa isang pamilya na ibang-iba ang relihiyon at paraan ng pag-iisip.
Hindi kataka-taka, naisip ni John ang hinggil sa ulat ng Bibliya tungkol sa lunsod ng Babel. Doon ginulo ng Diyos ang wika ng mga taong mapaghimagsik. (Genesis 11:1-9) Bunga nito, lumitaw ang mga taong may iba’t ibang wika, relihiyon, at paraan ng pag-iisip sa iba’t ibang bahagi ng lupa. Sa ngayon, habang nagiging pangkaraniwan ang paglalakbay at pandarayuhan, napapaharap sa marami ang problema na katulad niyaong problemang napaharap kay John, kahit sa kanilang sariling lugar: Paano ibabahagi sa mga tao na may ibang pinagmulan ang kanilang pag-asang salig sa Bibliya?
Isang Sinaunang Halimbawa
Katulad ng ibang mga propeta sa Israel, si Jonas ay pangunahin nang nagsalita sa mga Israelita. Humula siya noong panahon nang ang apostatang sampung-tribong kaharian ay hayagang nagsagawa ng mga gawaing lumalapastangan sa Diyos. (2 Hari 14:23-25) Gunigunihin ang reaksiyon ni Jonas nang tumanggap siya ng pantanging misyon na iwan ang kaniyang bayang tinubuan at magtungo sa Asirya upang mangaral sa mga taga-Nineve, mga taong may ibang relihiyon at kultura. Si Jonas ay maaaring hindi pa nga nakapagsasalita, o marahil ay hindi matatas magsalita, ng wika ng mga Ninevita. Anuman ang kalagayan, malamang na inisip ni Jonas na mahirap ang atas, at siya ay tumakas.—Jonas 1:1-3.
Maliwanag, kailangang matutuhan ni Jonas na ang Diyos na Jehova ay hindi tumitingin sa panlabas na anyo lamang kundi sumusuri ng puso. (1 Samuel 16:7) Pagkatapos na makahimalang iligtas si Jonas sa pagkalunod, inutusan siya ni Jehova sa ikalawang pagkakataon na mangaral sa mga taga-Nineve. Sumunod si Jonas, at bunga nito, ang mga Ninevita bilang isang bayan ay nagsisi. Subalit hindi taglay ni Jonas ang tamang pangmalas. Sa pamamagitan ng isang mapuwersang praktikal na halimbawa, tinuruan siya ni Jehova na kailangan niyang baguhin ang kaniyang saloobin. Tinanong ni Jehova si Jonas: “Hindi ba ako dapat manghinayang sa Nineve na dakilang lunsod, kung saan may mahigit sa isang daan at dalawampung libong tao na hindi man lamang nakakakilala ng pagkakaiba ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa?” (Jonas 4:5-11) Kumusta naman tayo sa ngayon? Paano natin matutulungan ang mga taong may ibang pinagmulan?
Malugod na Pagtanggap sa mga Samaritano at mga Di-Judio
Noong unang siglo, pinag-utusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa. (Mateo 28:19) Hindi ito madali para sa kanila. Ang mga alagad ni Jesus ay mga Judio at, katulad ni Jonas, sila ay namihasang makipag-usap lamang sa mga tao na katulad nila ang pinagmulan at kultura. Likas lamang na maimpluwensiyahan din sila ng laganap na pagtatangi noong panahong iyon. Gayunman, pinangasiwaan ni Jehova ang mga bagay-bagay upang pasulong na maunawaan ng kaniyang mga lingkod ang kaniyang kalooban para sa kanila.
Ang unang hakbang ay ang daigin ang pagtatangi sa pagitan ng mga Judio at ng mga Samaritano. Ang mga Judio ay walang pakikipag-ugnayan sa mga Samaritano. Gayunman, di-miminsan na inihanda ni Jesus ang daan para sa pagtanggap ng mga Samaritano sa mabuting balita sa hinaharap. Ipinakita niya ang kaniyang kawalang-pagtatangi sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa isang babaing Samaritana. (Juan 4:7-26) Sa ibang okasyon naman, sa pamamagitan ng ilustrasyon tungkol sa isang madamaying Samaritano, ipinakita niya sa isang relihiyosong Judio na ang mga taong di-Judio ay maaari ring magpakita ng pag-ibig sa kapuwa. (Lucas 10:25-37) Nang dumating na ang panahon upang akayin ni Jehova ang mga Samaritano sa kongregasyong Kristiyano, sina Felipe, Pedro, at Juan—pawang mga Judio—ay nangaral sa mga taga-Samaria. Ang kanilang mensahe ay nagdulot ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon.—Gawa 8:4-8, 14-17.
Kung mahirap para sa mga Kristiyanong Judio na ibigin ang mga Samaritano, na sa katunayan ay malayong mga kamag-anak ng mga Judio, malamang na mas mahirap para sa kanila na magpakita ng pag-ibig sa kapuwa sa mga di-Judio, o sa mga Gentil, na nilibak at kinapootan ng mga Judio. Gayunpaman, pagkamatay ni Jesus, ang halang sa pagitan ng mga Kristiyanong Judio at ng mga Gentil ay maaari nang alisin. (Efeso 2:13, 14) Upang matulungan si Pedro na matanggap ang bagong kaayusang ito, ipinakita sa kaniya ni Jehova ang isang pangitain kung saan sinabihan Niya si Pedro na ‘huwag nang tawaging marungis ang mga bagay na nilinis na ng Diyos.’ Pagkatapos ay inakay siya ng espiritu ni Jehova sa isang Gentil na nagngangalang Cornelio. Nang maunawaan ni Pedro ang pangmalas ng Diyos—na hindi niya dapat tawagin ang taong ito ng mga bansa na marungis sapagkat nilinis na siya ng Diyos—sinabi niya sa ilalim ng pagkasi: “Tunay ngang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:9-35) Gayon na lamang ang pagkamangha ni Pedro nang ipakita ng Diyos na tinatanggap niya si Cornelio at ang kaniyang pamilya sa pamamagitan ng pagbubuhos sa kanila ng banal na espiritu!
Si Pablo—Isang Piniling Sisidlan sa mga Bansa
Ang ministeryo ni Pablo ay isang namumukod-tanging halimbawa kung paano pasulong na inihahanda ni Jehova ang kaniyang mga lingkod upang ibigin at tulungan ang lahat ng uri ng tao. Noong panahon ng pagkakumberte ni Pablo, sinabi ni Jesus na si Pablo ay maglilingkod bilang isang piniling sisidlan upang dalhin ang Kaniyang pangalan sa mga bansa. (Gawa 9:15) Pagkatapos ay nagpunta si Pablo sa Arabia, marahil upang magbulay-bulay sa layunin ng Diyos sa paggamit sa kaniya sa paghahayag ng mabuting balita sa mga bansa.—Galacia 1:15-17.
Noong kaniyang unang paglalakbay bilang misyonero, ipinakita ni Pablo ang sigasig sa pangangaral sa mga di-Judio. (Gawa 13:46-48) Pinagpala ni Jehova ang gawain ni Pablo, isang patotoo na ginagawa ng apostol ang mga bagay ayon sa kaayusan ni Jehova. Ipinakita ni Pablo na lubusan niyang naunawaan ang pangmalas ni Jehova nang may-katapangang itinuwid niya si Pedro, na nagpakita ng pagtatangi sa pamamagitan ng hindi pakikihalubilo sa kaniyang mga kapatid na di-Judio.—Galacia 2:11-14.
Isa pang patotoo na pinapatnubayan ng Diyos ang mga pagsisikap ni Pablo ay makikita sa kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero nang hadlangan si Pablo ng banal na espiritu na mangaral sa Romanong lalawigan ng Bitinia. (Gawa 16:7) Maliwanag na hindi pa iyon napapanahon. Subalit nang maglaon, ang ilang taga-Bitinia ay naging mga Kristiyano. (1 Pedro 1:1) Sa isang pangitain, isang taga-Macedonia ang namanhik kay Pablo, na sinasabi: “Tumawid ka sa Macedonia at tulungan mo kami.” Nahinuha ni Pablo na dapat niyang baguhin ang kaniyang ruta upang ipahayag ang mabuting balita sa lalawigang iyon ng Roma.—Gawa 16:9, 10.
Ang kakayahan ni Pablo na makibagay ay nasubok nang husto nang mangaral siya sa mga taga-Atenas. Ipinagbabawal ng batas ng Gresya at Roma ang pagpapakilala ng banyagang mga diyos at mga bagong relihiyosong kaugalian. Ang pag-ibig ni Pablo sa mga tao ang nagpakilos sa kaniya na maingat at lubusang isaalang-alang ang kanilang relihiyosong mga gawain. Sa Atenas ay napansin niya ang isang altar na doon ay nakasulat “sa isang Di-kilalang Diyos.” Binanggit niya ang impormasyong ito sa kaniyang gawaing pangangaral. (Gawa 17:22, 23) Kay-inam na paraan upang simulan ang kaniyang mensahe sa isang mabait at magalang na paraan!
Anong ligaya nga ni Pablo kapag ginugunita niya ang mga bunga ng kaniyang gawain bilang isang apostol sa mga bansa! Tumulong siya sa pagtatatag ng mga kongregasyon na binubuo ng maraming Kristiyano na nagmula sa mga di-Judio sa Corinto, Filipos, Tesalonica, at sa mga bayan sa Galacia. Tinulungan niya ang mga lalaki at babaing may pananampalataya, gaya nina Damaris, Dionisio, Sergio Paulo, at Tito. Anong laking pribilehiyo na makita na tinatanggap ng mga taong hindi nakakakilala kay Jehova ni nakaaalam ng Bibliya ang katotohanan ng Roma 15:20, 21) Maaari ba tayong makibahagi sa paghahayag ng mabuting balita sa mga taong hindi mula sa ating kultura?
Kristiyanismo! Tungkol sa kaniyang papel sa pagtulong sa mga di-Judio na makaalam ng katotohanan, sinabi ni Pablo: “Sa ganitong paraan nga, ginawa kong aking tunguhin na huwag ipahayag ang mabuting balita kung saan nabanggit na ang pangalan ni Kristo, . . . kundi, gaya nga ng nasusulat: ‘Yaong mga hindi pinaabutan ng patalastas tungkol sa kaniya ay makakakita, at yaong mga hindi nakaririnig ay makauunawa.’ ” (Pagtulong sa Lahat ng Bayan sa Lupa
Nanalangin si Solomon kay Jehova tungkol sa mga di-Israelita na pupunta at sasamba sa templo sa Jerusalem. Nakiusap siya: “Makinig ka nawa mula sa langit, sa iyong tatag na dakong tinatahanan, at gawin mo ang ayon sa lahat ng ipinananawagan sa iyo ng banyaga; upang makilala ng lahat ng bayan sa lupa ang iyong pangalan.” (1 Hari 8:41-43) Gayundin ang sinasabi ng libu-libong tagapaghayag ng Kaharian sa maraming bansa ngayon. Nakatatagpo sila ng mga taong gaya ng mga Ninevita na, sa espirituwal na diwa, ay ‘hindi nakakakilala ng pagkakaiba ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa.’ At ang mga mángangaral ng Kaharian ay sabik na magkaroon ng bahagi sa katuparan ng mga hula tungkol sa pagtitipon ng mga tunay na mananamba mula sa maraming iba’t ibang bansa.—Isaias 2:2, 3; Mikas 4:1-3.
Kung paanong tinanggap ng mga tao mula sa Sangkakristiyanuhan ang mensahe ng pag-asa ng Bibliya, gayundin ang ginagawa ng mga taong may ibang relihiyosong mga pinagmulan. Paano ito dapat na personal na makaapekto sa iyo? May-katapatang suriin ang iyong sarili. Kung nadarama mong malalim ang pagkakaugat sa iyo ng pagtatangi, alisin mo ito sa pamamagitan ng pag-ibig. * Huwag mong tanggihan ang mga taong handang tanggapin ng Diyos.—Juan 3:16.
Magsaliksik bago makipag-usap sa mga tao na may ibang pinagmulan. Alamin ang kanilang mga paniniwala, ang kanilang mga pagkabahala, at ang kanilang paraan ng pag-iisip; pagkatapos ay hanapin ang puntong mapagkakasunduan. Magpakita ng kabutihan at pagkamahabagin sa iba. Iwasan ang mga pagtatalo, matutong makibagay at maging nakapagpapatibay. (Lucas 9:52-56) Sa paggawa nito, mapalulugdan mo si Jehova, “na ang kalooban ay na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:4.
Kaylaking kaluguran na magkaroon sa ating mga kongregasyon ng mga tao na may iba’t ibang pinagmulan! (Isaias 56:6, 7) Nakapagpapasigla ngang marinig sa ngayon, hindi lamang ang mga pangalang gaya ng Maria, Juan, Esteban, at Tomas kundi ng mga pangalan din naman na gaya ng Mamadou, Jegan, Reza, at Chan! Tunay, “isang malaking pinto na umaakay sa gawain ang binuksan” sa atin. (1 Corinto 16:9) Samantalahin nawa natin ang mga pagkakataong nasa harap natin upang ipaabot ang paanyaya na iniaalok ng di-nagtatanging Diyos, si Jehova, na malugod na tanggapin ang mga tao ng lahat ng mga bansa!
[Talababa]
^ par. 19 Tingnan ang Gumising!, Hulyo 8, 1996, pahina 4-7, “Mga Pader na Humahadlang sa Komunikasyon.”
[Mga larawan sa pahina 23]
Ibinahagi ni Pablo ang mabuting balita sa mga tao saanman sa pamamagitan ng pakikibagay
. . . sa Atenas
. . . sa Filipos
. . . habang naglalakbay