Bakit ba Magpapabautismo?
Bakit ba Magpapabautismo?
“Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila.”—Mateo 28:19.
1, 2. (a) Sa ilalim ng anong mga kalagayan naganap ang ilang pagbabautismo? (b) Anong mga tanong ang ibinabangon hinggil sa bautismo?
PINILIT ng Franko na si Haring Carlomagno na magpabautismo ang lahat ng nalupig na mga Saxon noong 775-77 C.E. “Ginawa niyang sapilitan ang kanilang pagkakumberte tungo sa pagiging naturingang Kristiyanismo,” ang sulat ng istoryador na si John Lord. Gayundin naman, pagkatapos pakasalan ang isang Griego Ortodoksong prinsesa noong 987 C.E., ipinasiya ng tagapamahalang Ruso na si Vladimir I na dapat na maging “mga Kristiyano” ang kaniyang mga nasasakupan. Ipinag-utos niya ang maramihang pagbabautismo sa kaniyang bayan—kahit pa bantaan sila ng kamatayan kung kinakailangan!
2 Wasto ba ang gayong pagbabautismo? May tunay bang kahulugan ang mga iyon? Dapat bang bautismuhan ang kahit sino?
Bautismo—Paano?
3, 4. Bakit ang pagwiwisik o pagbubuhos ng tubig sa ulo ay hindi angkop na bautismong Kristiyano?
3 Nang pilitin nina Carlomagno at Vladimir I ang mga tao na magpabautismo, ang mga tagapamahalang iyon ay kumilos nang salungat sa Salita ng Diyos. Sa katunayan, walang mabuting naidudulot kapag ang pagbabautismo ay nagsasangkot ng pagwiwisik, pagbubuhos ng tubig sa ulo, o maging ng paglulubog sa mga indibiduwal na hindi naman naturuan ng maka-Kasulatang katotohanan.
4 Isaalang-alang ang nangyari nang magtungo si Jesus ng Nasaret kay Juan na Tagapagbautismo noong 29 C.E. Binabautismuhan noon ni Juan ang mga tao sa Ilog Jordan. Kusang-loob silang lumapit sa kaniya upang magpabautismo. Basta na lamang ba niya sila pinatayo sa Jordan habang ibinubuhos niya ang kaunting tubig-ilog sa kanilang ulo o iwiniwisik ito sa kanila? Ano ang nangyari nang bautismuhan ni Juan si Jesus? Iniuulat ni Mateo na “kaagad na umahon si Jesus mula sa tubig” matapos siyang bautismuhan. (Mateo 3:16) Siya ay napasailalim ng tubig, palibhasa’y inilubog sa Ilog Jordan. Gayundin naman, ang taimtim na bating na Etiope ay binautismuhan sa “isang dakong may tubig.” Ang gayong mga dakong may tubig ay kinakailangan dahil ang pagbabautismo ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ay nagsasangkot ng lubusang paglulubog.—Gawa 8:36.
5. Paano binautismuhan ng unang mga Kristiyano ang mga tao?
5 Ang mga salitang Griego na isinaling “bautismuhan,” “bautismo,” at iba pa ay tumutukoy sa paglulubog, paglulublob, o pagpapasailalim sa tubig. Sinasabi ng Smith’s Bible Dictionary: “Ang bautismo ay angkop at literal na nangangahulugang paglulubog.” Kaya naman tinutukoy ng ilang salin ng Bibliya si “Juan na Tagapaglubog” at “Juan na tagapaglublob.” (Mateo 3:1, Rotherham; Diaglott interlinear) Ganito ang sabi ng History of the Christian Religion and Church, During the Three First Centuries ni Augustus Neander: “Ang bautismo ay orihinal na isinasagawa sa pamamagitan ng paglulubog.” Ganito ang komento ng kilalang akdang Pranses na Larousse du XXe Siècle (Paris, 1928): “Binautismuhan ang unang mga Kristiyano sa pamamagitan ng paglulubog saanman makasumpong ng katubigan.” At sinasabi ng New Catholic Encyclopedia: “Maliwanag na ang Bautismo sa sinaunang Simbahan ay sa pamamagitan ng paglulubog.” (1967, Tomo II, pahina 56) Kaya sa ngayon, ang bautismo bilang isa sa mga Saksi ni Jehova ay isang kusang-loob na hakbanging nagsasangkot ng lubusang pagpapalubog sa tubig.
Isang Bagong Dahilan sa Pagpapabautismo
6, 7. (a) Sa anong layunin isinagawa ni Juan ang pagbabautismo? (b) Ano ang bago tungkol sa bautismo ng mga tagasunod ni Jesus?
6 Ang mga pagbabautismong isinagawa ni Juan ay naiiba sa layunin ng mga paglulubog na isinakatuparan ng mga tagasunod ni Jesus. (Juan 4:1, 2) Binautismuhan ni Juan ang mga tao bilang pangmadlang sagisag ng kanilang pagsisisi sa mga kasalanan laban sa Kautusan. * (Lucas 3:3) Ngunit may isang bagong bagay na sangkot sa bautismo ng mga tagasunod ni Jesus. Noong Pentecostes 33 C.E., hinimok ni apostol Pedro ang kaniyang mga tagapakinig: “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo ukol sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan.” (Gawa 2:37-41) Bagaman ang kausap niya noon ay mga Judio at mga proselita, ang ipinakipag-usap ni Pedro ay hindi tungkol sa bautismong sumasagisag sa pagsisisi sa mga kasalanan laban sa Kautusan; ni ipinahihiwatig man niya na ang bautismo sa pangalan ni Jesus ay lumalarawan sa paghuhugas ng mga kasalanan.—Gawa 2:10.
7 Nang pagkakataong iyon, ginamit ni Pedro ang una sa “mga susi ng kaharian.” Sa anong layunin? Upang buksan sa kaniyang mga tagapakinig ang kaalaman tungkol sa kanilang pagkakataon na makapasok sa Kaharian ng langit. (Mateo 16:19) Yamang itinakwil ng mga Judio si Jesus bilang Mesiyas, ang pagsisisi at pananampalataya sa kaniya ay isang bago at mahalagang salik sa paghingi at pagtatamo ng kapatawaran mula sa Diyos. Maipakikita nila sa madla ang katibayan ng gayong pananampalataya sa pamamagitan ng pagpapalubog sa tubig sa pangalan ni Jesu-Kristo. Sa gayong paraan ay sasagisagan nila ang kanilang personal na pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Lahat ng naghahangad ng pagsang-ayon ng Diyos sa ngayon ay dapat na magkaroon ng gayunding pananampalataya, mag-alay ng kanilang sarili sa Diyos na Jehova, at magpasailalim sa bautismong Kristiyano bilang sagisag ng isang walang-pasubaling pag-aalay sa Kataas-taasang Diyos.
Mahalaga ang Tumpak na Kaalaman
8. Bakit hindi para sa lahat ang bautismong Kristiyano?
8 Hindi para sa lahat ang bautismong Kristiyano. Iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Bago mabautismuhan, ang mga tao ay dapat munang ‘turuan na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ni Jesus sa kaniyang mga alagad.’ Samakatuwid, ang puwersahang pagbabautismo sa mga walang pananampalataya na nakasalig sa tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos ay walang kabuluhan at salungat sa utos na ibinigay ni Jesus sa kaniyang tunay na mga tagasunod.—Hebreo 11:6.
9. Ano ang kahulugan ng mabautismuhan “sa pangalan ng Ama”?
9 Ano ang kahulugan ng mabautismuhan “sa pangalan ng Ama”? Nangangahulugan ito na kinikilala Awit 83:18; Isaias 40:28; Gawa 4:24.
ng kandidato sa bautismo ang posisyon at awtoridad ng ating makalangit na Ama. Kung gayon ay kinikilala ang Diyos na Jehova bilang ang ating Maylalang, “ang Kataas-taasan sa buong lupa,” at ang Pansansinukob na Soberano.—10. Ang pagiging nabautismuhan ‘sa pangalan ng Anak’ ay nangangahulugan ng ano?
10 Ang mabautismuhan ‘sa pangalan ng Anak’ ay nangangahulugan ng pagkilala sa posisyon at awtoridad ni Jesus bilang bugtong na Anak ng Diyos. (1 Juan 4:9) Tinatanggap niyaong mga kuwalipikado sa bautismo na si Jesus ang isa na ginamit ng Diyos upang maglaan ng “pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28; 1 Timoteo 2:5, 6) Dapat ding kilalanin ng mga kandidato sa bautismo ang “nakatataas na posisyon” na sa pamamagitan niyao’y dinakila ng Diyos ang kaniyang Anak.—Filipos 2:8-11; Apocalipsis 19:16.
11. Ano ang kahulugan ng pagiging nabautismuhan ‘sa pangalan ng banal na espiritu’?
11 Ano ang kahulugan ng bautismo ‘sa pangalan ng banal na espiritu’? Ipinahihiwatig nito na kinikilala ng mga kandidato sa bautismo na ang banal na espiritu ay siyang aktibong puwersa ni Jehova, na ginamit sa iba’t ibang paraan kasuwato ng kaniyang layunin. (Genesis 1:2; 2 Samuel 23:1, 2; 2 Pedro 1:21) Kinikilala niyaong mga kuwalipikado sa bautismo na ang banal na espiritu ay tumutulong sa kanila na maunawaan “ang malalalim na bagay ng Diyos,” maipagpatuloy ang gawaing pangangaral ng Kaharian, at maipamalas ang mga bunga ng espiritu na “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.”—1 Corinto 2:10; Galacia 5:22, 23; Joel 2:28, 29.
Kahalagahan ng Pagsisisi at Pagkakumberte
12. Paano nauugnay ang bautismong Kristiyano sa pagsisisi?
12 Maliban sa kaso ng walang-kasalanang tao na si Jesus, ang bautismo ay isang sagisag na sinang-ayunan ng Diyos na nauugnay sa pagsisisi. Kapag nagsisisi tayo, nakadarama tayo ng matinding pagkalungkot, o paghihinagpis, dahil sa isang bagay na nagawa natin o hindi natin naisakatuparan. Ang unang-siglong mga Judio na nagnais na palugdan ang Diyos ay kinailangang magsisi sa kanilang mga kasalanan laban kay Kristo. (Gawa 3:11-19) Pinagsisihan ng ilang mananampalatayang Gentil sa Corinto ang pakikiapid, idolatriya, pagnanakaw, at iba pang malulubhang kasalanan. Dahil sa kanilang pagsisisi, sila ay ‘hinugasan nang malinis’ sa dugo ni Jesus; “pinabanal,” o ibinukod, ukol sa paglilingkod sa Diyos; at “ipinahayag na matuwid” sa pangalan ni Kristo at sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos. (1 Corinto 6:9-11) Ang pagsisisi ay isang mahalagang hakbangin tungo sa pagtatamo ng mabuting budhi at ng bigay-Diyos na kaginhawahan mula sa pagkadama ng pagkakasala.—1 Pedro 3:21.
13. May kaugnayan sa bautismo, ano ang nasasangkot sa pagkakumberte?
13 Dapat muna tayong makumberte bago tayo mabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova. Ang pagkakumberte ay isang kusang-loob na pagkilos na malayang isinagawa ng isa na buong-pusong nagpasiya na sundin si Kristo Jesus. Itinatakwil ng gayong mga indibiduwal ang kanilang dating maling landasin at determinado sila na gawin ang tama sa paningin ng Diyos. Sa Kasulatan, ang Hebreo at Griegong mga pandiwa na tumutukoy sa pagkakumberte ay may diwa na pagtalikod at panunumbalik. Ipinahihiwatig ng ganitong pagkilos ang pagbaling sa Diyos mula sa isang maling landasin. (1 Hari 8:33, 34) Kahilingan sa pagkakumberte ang “mga gawang angkop sa pagsisisi.” (Gawa 26:20) Hinihiling nito na talikuran natin ang huwad na pagsamba, kumilos na kasuwato ng mga utos ng Diyos, at mag-ukol ng bukod-tanging debosyon kay Jehova. (Deuteronomio 30:2, 8-10; 1 Samuel 7:3) Ang pagkakumberte ay nagbubunga ng mga pagbabago sa ating pag-iisip, mga tunguhin, at disposisyon. (Ezekiel 18:31) Tayo ay ‘nanunumbalik’ habang ang di-makadiyos na mga paggawi ay hinahalinhan ng bagong personalidad.—Gawa 3:19; Efeso 4:20-24; Colosas 3:5-14.
Mahalaga ang Buong-Pusong Pag-aalay
14. Ano ang ipinahihiwatig ng pag-aalay ng mga tagasunod ni Jesus?
14 Ang bautismo ng mga tagasunod ni Jesus ay dapat ding maganap pagkatapos ng buong-pusong pag-aalay sa Diyos. Ang pag-aalay ay nagpapahiwatig ng pagbubukod ukol sa isang sagradong layunin. Gayon na lamang kahalaga ang hakbanging ito anupat dapat nating ipahayag kay Jehova sa panalangin ang ating pasiya na pag-ukulan siya ng bukod-tanging debosyon magpakailanman. (Deuteronomio ) Siyempre pa, hindi natin iniaalay ang ating sarili sa isang gawain o sa isang tao kundi sa Diyos mismo. 5:9
15. Bakit inilulubog sa tubig ang mga kandidato sa bautismo?
15 Kapag iniaalay natin ang ating sarili sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo, ipinahahayag natin ang determinasyon na gamitin ang ating buhay sa paggawa ng kalooban ng Diyos gaya ng nakasaad sa Kasulatan. Bilang sagisag ng pag-aalay na iyan, ang mga kandidato sa bautismo ay inilulubog sa tubig, kung paanong si Jesus ay binautismuhan sa Ilog Jordan upang sagisagan ang paghaharap ng kaniyang sarili sa Diyos. (Mateo 3:13) Kapansin-pansin na nanalangin si Jesus noong napakahalagang okasyong iyon.—Lucas 3:21, 22.
16. Paano angkop na maipakikita ang ating kagalakan kapag nakikita nating binabautismuhan ang mga tao?
16 Ang bautismo ni Jesus ay isang seryoso ngunit masayang pangyayari. Gayundin naman ang bautismong Kristiyano sa ngayon. Kapag nakikita nating sinasagisagan ng mga tao ang kanilang pag-aalay sa Diyos, ang ating kagalakan ay maaaring ipahayag sa pamamagitan ng may-paggalang na pagpalakpak at marubdob na pagpuri. Ngunit ang paghiyaw, pagsipol, at ang katulad nito ay dapat iwasan bilang paggalang sa kabanalan ng kapahayagang ito ng pananampalataya. Ipinahahayag natin ang ating kagalakan sa paraang may dignidad.
17, 18. Ano ang tumutulong upang matiyak kung kuwalipikado para sa bautismo ang mga indibiduwal?
17 Di-gaya niyaong mga nagwiwisik sa mga sanggol o pumipilit sa mga pulutong na magpabautismo bagaman walang kaalaman sa Kasulatan, hindi pinipilit kailanman ng mga Saksi ni Jehova ang sinuman na magpabautismo. Sa katunayan, hindi nila binabautismuhan yaong mga hindi kuwalipikado sa espirituwal na paraan. Bago pa nga maging di-bautisadong mángangaral ng mabuting balita ang sinuman, tinitiyak ng Kristiyanong matatanda na nauunawaan ng isang iyon ang saligang mga turo ng Bibliya, namumuhay na kasuwato ng mga ito, at sumasagot nang positibo sa tanong na gaya nito, “Talaga bang gusto mong maging isa sa mga Saksi ni Jehova?”
18 Maliban sa ilang kaso, kapag ang mga indibiduwal ay makabuluhang nakikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian at nagpapahayag ng hangaring magpabautismo, ang Kristiyanong matatanda ay nakikipag-usap sa kanila upang tiyakin na sila ay mga mananampalataya na nakapag-alay na kay Jehova at nakaaabot na sa mga kahilingan ng Diyos ukol sa bautismo. (Gawa 4:4; 18:8) Ang personal na mga sagot sa mahigit na 100 tanong hinggil sa mga turo ng Bibliya ay tumutulong sa matatanda na matiyak kung ang mga tumutugon ay nakaaabot sa maka-Kasulatang mga kahilingan ukol sa bautismo. Ang ilan ay hindi nagiging kuwalipikado at kung gayon ay hindi tinatanggap para sa bautismong Kristiyano.
Mayroon Bang Pumipigil sa Iyo?
19. Kung isasaalang-alang ang Juan 6:44, sino ang magiging mga kasamang tagapagmana ni Jesus?
19 Marami sa mga pinilit na makibahagi sa maramihang pagpapabautismo ang marahil ay sinabihan na magtutungo sila sa langit kapag sila’y namatay. Ngunit tungkol sa mga sumusunod sa kaniyang yapak, sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Inilapit ni Jehova kay Kristo ang 144,000 na magiging kasamang tagapagmana ni Jesus sa makalangit na Kaharian. Sinuman ay hindi kailanman pinababanal ng sapilitang pagbabautismo ukol sa gayong maluwalhating dako sa kaayusan ng Diyos.—Roma 8:14-17; 2 Tesalonica 2:13; Apocalipsis 14:1.
20. Ano ang maaaring tumulong sa ilan na hindi pa nababautismuhan?
20 Lalung-lalo na mula noong kalagitnaan ng dekada 1930, ang pulu-pulutong na umaasang makaliligtas sa “malaking kapighatian” at mamumuhay sa lupa magpakailanman ay sumama sa hanay ng “ibang mga tupa” ni Jesus. (Apocalipsis 7:9, 14; Juan 10:16) Nagiging kuwalipikado sila sa bautismo dahil iniayon nila ang kanilang pamumuhay sa Salita ng Diyos at inibig nila siya nang ‘kanilang buong puso, kaluluwa, lakas, at pag-iisip.’ (Lucas 10:25-28) Bagaman natatanto ng ilang tao na ang mga Saksi ni Jehova ay ‘sumasamba sa Diyos sa espiritu at katotohanan,’ hindi pa nila tinutularan ang halimbawa ni Jesus at ipinakikita ang pangmadlang katibayan ng tunay na pag-ibig at bukod-tanging debosyon kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo. (Juan 4:23, 24; Deuteronomio 4:24; Marcos 1:9-11) Ang taimtim at espesipikong panalangin hinggil sa mahalagang hakbanging ito ay maaaring magdulot sa kanila ng pampasigla at lakas ng loob upang lubusang sumunod sa Salita ng Diyos, gumawa ng walang-pasubaling pag-aalay sa Diyos na Jehova, at magpabautismo.
21, 22. Anu-anong dahilan ang pumipigil sa ilan na mag-alay at magpabautismo?
21 Ang ilan ay napipigilang mag-alay at magpabautismo dahil abalang-abala sila sa mga gawain ng sanlibutan o sa paghahanap ng kayamanan anupat kaunti na lamang ang kanilang panahon para sa espirituwal na mga bagay. (Mateo 13:22; 1 Juan 2:15-17) Kayligaya nga nila kung babaguhin nila ang kanilang mga pangmalas at tunguhin! Ang paglapit kay Jehova ay magpapayaman sa kanila sa espirituwal na paraan, tutulong upang mapawi ang kabalisahan, at magdudulot sa kanila ng kapayapaan at kasiyahan na bunga ng paggawa ng kalooban ng Diyos.—Awit 16:11; 40:8; Kawikaan 10:22; Filipos 4:6, 7.
22 Sinasabi naman ng iba na iniibig nila si Jehova ngunit hindi naman nag-aalay at nagpapabautismo dahil iniisip nila na sa gayong paraan ay maiiwasan nila ang pananagutan sa Diyos. Ngunit bawat isa sa atin ay dapat na magsulit sa Diyos. Nagkaroon tayo ng pananagutan nang marinig natin ang salita ni Jehova. (Ezekiel 33:7-9; Roma 14:12) Bilang isang ‘piniling bayan,’ ang sinaunang mga Israelita ay isinilang sa isang bansa na nakaalay kay Jehova, at kung gayon ay may obligasyon sila na paglingkuran siya nang tapat ayon sa kaniyang mga simulain. (Deuteronomio 7:6, 11) Sinuman ay hindi naisilang sa gayong bansa sa ngayon, ngunit kung nakatanggap tayo ng tumpak na maka-Kasulatang tagubilin, kailangang kumilos tayo ayon doon taglay ang pananampalataya.
23, 24. Anong mga pangamba ang hindi dapat pumigil sa mga indibiduwal sa pagpapabautismo?
23 Ang pangamba na hindi sapat ang kanilang kaalaman ay maaaring pumigil sa ilan para magpabautismo. Gayunman, tayong lahat ay marami pang dapat malaman dahil ‘hindi kailanman matutuklasan ng mga tao ang gawa na ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa katapusan.’ (Eclesiastes 3:11) Isaalang-alang ang bating na Etiope. Bilang isang proselita, mayroon siyang nalalaman tungkol sa Kasulatan, ngunit hindi niya kayang sagutin ang bawat katanungan tungkol sa mga layunin ng Diyos. Gayunman, pagkatapos malaman ang tungkol sa paglalaan ni Jehova ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesus, agad na nagpabautismo sa tubig ang bating.—Gawa 8:26-38.
24 Ang ilan ay nag-aatubiling mag-alay sa Diyos dahil natatakot silang mabigo. Sinabi ng 17-taong-gulang na si Monique: “Napipigilan akong magpabautismo dahil sa takot na hindi ko matupad ang aking pag-aalay.” Gayunman, kung magtitiwala tayo kay Jehova nang ating buong puso, ‘itutuwid niya ang ating mga landas.’ Tutulungan niya tayong ‘patuloy na lumakad sa katotohanan’ bilang kaniyang tapat na nakaalay na mga lingkod.—Kawikaan 3:5, 6; 3 Juan 4.
25. Anong tanong ngayon ang nararapat na isaalang-alang?
25 Dahil sa lubos na pagtitiwala kay Jehova at taos-pusong pag-ibig sa kaniya, taun-taon ay libu-libo ang napakikilos na mag-alay at magpabautismo. At tiyak na lahat ng nakaalay na lingkod ng Diyos ay nagnanais na maging tapat sa kaniya. Gayunman, nabubuhay tayo sa mga panahong mapanganib, at napapaharap tayo sa iba’t ibang pagsubok sa pananampalataya. (2 Timoteo 3:1-5) Ano ang magagawa natin upang matupad natin ang ating pag-aalay kay Jehova? Isasaalang-alang natin ito sa susunod na artikulo.
[Talababa]
^ par. 6 Yamang walang kasalanan si Jesus, hindi siya binautismuhan bilang sagisag ng pagsisisi. Isinasagisag ng kaniyang bautismo ang paghaharap niya ng kaniyang sarili sa Diyos para gawin ang kalooban ng kaniyang Ama.—Hebreo 7:26; 10:5-10.
Naaalaala Mo Ba?
• Paano isinasagawa ang bautismong Kristiyano?
• Anong kaalaman ang kailangan para mabautismuhan ang isa?
• Anong mga hakbangin ang umaakay sa pagpapabautismo ng tunay na mga Kristiyano?
• Bakit napipigilan ang ilan sa pagpapabautismo, subalit paano sila maaaring tulungan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 14]
Alam mo ba kung ano ang kahulugan ng mabautismuhan ‘sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng banal na espiritu’?