Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-eembalsamo—Ito ba ay Para sa mga Kristiyano?

Pag-eembalsamo—Ito ba ay Para sa mga Kristiyano?

Pag-eembalsamo​—Ito ba ay Para sa mga Kristiyano?

Nang malapit na siyang mamatay, ganito ang huling kahilingan ng tapat na patriyarkang si Jacob: “Ilibing ninyo akong kasama ng aking mga ama sa yungib na nasa parang ni Epron na Hiteo, sa yungib na nasa parang ng Macpela na nasa tapat ng Mamre sa lupain ng Canaan.”​—Genesis 49:29-31.

NATUPAD ni Jose ang kahilingan ng kaniyang ama sa pamamagitan ng isang kaugalian noon sa Ehipto. Inutusan niya ang “kaniyang mga lingkod, na mga manggagamot, na embalsamuhin ang kaniyang ama.” Ayon sa ulat na masusumpungan sa Genesis kabanata 50, ginugol ng mga manggagamot ang kinaugaliang 40 araw upang ihanda ang bangkay. Dahil sa pag-eembalsamo kay Jacob, ang mabagal na pulutong ng mga kapamilya at mga dignitaryong Ehipsiyo ay nakapaglakbay nang mga 400 kilometro upang dalhin ang mga labí ni Jacob sa Hebron para ilibing.​—Genesis 50:1-14.

Posible kaya na isang araw ay matagpuan ang inembalsamong katawan ni Jacob? Sa pinakamaiinam na kalagayan, ang posibilidad ay napakaliit. Ang Israel ay isang mainam na natutubigang rehiyon, kung kaya limitado lamang ang uri ng mga sinaunang bagay sa arkeolohiya na natuklasan doon. (Exodo 3:8) Sagana ang sinaunang mga bagay na yari sa metal at bato, ngunit ang karamihan sa mas marurupok na bagay, gaya ng tela, katad, at inembalsamong mga katawan, ay hindi nakatagal sa halumigmig at mga pagbabago na dulot ng panahon.

Ano nga ba ang pag-eembalsamo? Bakit ito isinasagawa? Ito ba ay para sa mga Kristiyano?

Saan Nagmula ang Kaugaliang Ito?

Ang pag-eembalsamo ay pinakamainam na mailalarawan bilang ang pagpepreserba ng isang bangkay ng tao o hayop. Nakahilig sumang-ayon ang mga istoryador na ang pag-eembalsamo ay nagsimula sa Ehipto ngunit ginawa rin ito ng sinaunang mga Asiryano, Persiano, at mga Scita. Marahil ang sinaunang interes at pag-eeksperimento sa pag-eembalsamo ay napasigla ng pagkatuklas sa mga katawan na inilibing sa buhangin sa disyerto at likas na napreserba. Malamang na hindi naaabot ng halumigmig at hangin ang bangkay sa gayong uri ng pagkakalibing, kaya hindi ito gaanong nabulok. Sinasabi ng ilan na ang pag-eembalsamo ay nagsimula nang ang mga katawan ay natuklasang napreserba sa natron (sodium carbonate), isang alkalino na sagana sa Ehipto at sa palibot nito.

Ang tunguhin ng embalsamador ay hadlangan lamang ang likas na pagkilos ng baktirya na nagsisimula sa loob lamang ng ilang oras pagkamatay, na nagiging sanhi ng pagkabulok ng bangkay. Kung mapipigilan ang prosesong ito, hihinto ang pagkabulok o kahit paano ay mapababagal ito nang husto. Tatlong bagay ang kinakailangan: mapreserba ang mga labí sa isang kalagayan na waring buháy ito, mahadlangan ang pagkabulok, at magawang hindi tinatablan ang bangkay ng paninira ng mga insekto.

Inembalsamo ng mga sinaunang Ehipsiyo ang kanilang mga patay pangunahin na sa relihiyosong mga kadahilanan. Ang kanilang ideya tungkol sa kabilang buhay ay may kinalaman sa hangarin ng mga patay na makipag-ugnayan sa daigdig ng mga buháy. Naniniwala sila na ang kanilang katawan ay magagamit nang walang hanggan at ito’y mabubuhay na muli. Bagaman naging pangkaraniwan na ang pag-eembalsamo, hanggang sa ngayon ay wala pang natatagpuang ulat kung paano ito ginawa sa Ehipto. Ang pinakamainam na ulat ay yaong sa Griegong istoryador na si Herodotus noong ikalimang siglo B.C.E. Gayunman, naiulat na hindi gaanong matagumpay ang mga pagsisikap na matularan ang mga resultang kagaya sa Ehipto sa pamamagitan ng paggamit sa mga tagubilin na inilaan ni Herodotus.

Ito ba ay Para sa mga Kristiyano?

Inembalsamo si Jacob ng mga taong hindi niya kapareho ang mga relihiyosong paniniwala. Gayunman, mahirap nating isipin na noong ibigay ni Jose ang katawan ng kaniyang ama sa mga manggagamot ay hiniling niya ang mga panalangin at ritwal na maaaring kalakip sa karamihan ng pag-eembalsamong ginagawa noon sa Ehipto. Sina Jacob at Jose ay kapuwa mga lalaking may matibay na pananampalataya. (Hebreo 11:21, 22) Bagaman lumilitaw na hindi ito iniutos ni Jehova, wala namang nabanggit sa Kasulatan na ang pagpepreserba sa mga labí ni Jacob ay hindi sinang-ayunan. Ang pag-eembalsamo kay Jacob ay hindi nilayong maging parisan para sa bansang Israel o para sa kongregasyong Kristiyano. Sa katunayan, walang espesipikong tagubilin ang matatagpuan sa Salita ng Diyos hinggil sa bagay na ito. Matapos na si Jose mismo ay maembalsamo sa Ehipto, wala nang nabanggit pa sa Kasulatan tungkol sa gawaing ito.​—Genesis 50:26.

Ipinahihiwatig ng nabulok na kalagayan ng mga labí ng mga tao na natagpuan sa mga libingan sa Palestina na hindi isang kaugaliang Hebreo ang pag-eembalsamo ng mga patay, sa paano man ay hindi para sa pangmatagalang pagpepreserba. Halimbawa, si Lazaro ay hindi inembalsamo. Bagaman binalot siya sa tela, nabahala ang mga nagmamasid nang ang batong nagtatakip sa kaniyang libingan ay bubuksan na. Yamang apat na araw nang patay si Lazaro, natitiyak ng kaniyang kapatid na babae na mabaho na ito kapag binuksan ang libingan.​—Juan 11:38-44.

Inembalsamo ba si Jesu-Kristo? Hindi sinusuhayan ng mga ulat sa Ebanghelyo ang konklusyong ito. Noon, kaugalian ng mga Judio na ihanda ang katawan sa pamamagitan ng mga espesya at mga pinabangong langis bago ilibing iyon. Halimbawa, upang ihanda ang katawan ni Jesus, nagbigay si Nicodemo ng napakaraming espesya para sa layuning ito. (Juan 19:38-42) Bakit naman kinailangan ang gayon karaming espesya? Taos-pusong pag-ibig at paggalang kay Jesus ang maaaring nagpakilos sa kaniya na maging ganoon kabukas-palad. Hindi natin kailangang maghinuha na ang paggamit ng gayong mga espesya ay nilayon upang ipreserba ang katawan.

Tututulan ba ng isang Kristiyano ang kaugalian ng pag-eembalsamo? Sa makatotohanang pananaw, ang pag-eembalsamo ay pag-aantala lamang ng bagay na hindi maiiwasan. Galing tayo sa alabok, at sa alabok tayo babalik sa kamatayan. (Genesis 3:19) Ngunit magiging gaano ba katagal bago ilibing ang isang namatay? Kung may mga kapamilya o mga kaibigan na manggagaling pa sa malayong lugar at nais nilang makita ang bangkay, tiyak na kailangang embalsamuhin sa paano man ang mga labí.

Kaya ayon sa Kasulatan, hindi kailangang mabahala kung hinihiling sa isang lugar na embalsamuhin ang katawan o naisin ng mga kapamilya na ipaembalsamo ito. Ang mga patay ay “walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5) Kung sila ay nasa alaala ng Diyos, sila ay ibabangon upang mabuhay sa kaniyang ipinangakong bagong sanlibutan.​—Job 14:13-15; Gawa 24:15; 2 Pedro 3:13.

[Kahon/Larawan sa pahina 31]

PAG-EEMBALSAMO​—NOON AT NGAYON

Sa sinaunang Ehipto, ang uri ng pag-eembalsamo na gagawin sa bangkay ay maaaring depende sa katayuan ng pamilya. Malamang na pipiliin ng isang mariwasang pamilya ang sumusunod na pamamaraan:

Ang utak ay palalabasin sa mga butas ng ilong sa pamamagitan ng isang metal na instrumento. Pagkatapos, lalagyan ng angkop na mga gamot ang bungo. Susunod ang pag-aalis ng lahat ng laman-loob maliban sa puso at mga bato. Upang maabot ang tiyan, hihiwain ang katawan, ngunit ito ay itinuturing na kasalanan. Upang maiwasan ang kontrobersiyal na usaping ito, nagtalaga ang mga Ehipsiyong embalsamador ng isang tagahiwa upang magsagawa nito. Pagkatapos na pagkatapos na magawa ito, tumatakbo siya kaagad papalabas yamang mga sumpa at pambabato ang parusa sa ganitong di-umano’y krimen.

Matapos na maalis ang lahat ng laman ng tiyan, ito ay hinuhugasang mabuti. Sumulat ang istoryador na si Herodotus: “Pinupuno nila ang tiyan ng pinakadalisay na dinurog na mira, na may kasamang kasia, at lahat ng uri ng espesya maliban sa olibano, at saka tatahiin ang hiwa.”

Sumunod, inaalis ang tubig sa katawan sa pamamagitan ng pagbababad dito sa natron sa loob ng 70 araw. Pagkatapos nito, ang bangkay ay hinuhugasan at may-kahusayang binabalutan ng lino. Pagkatapos, ang lino ay papahiran ng resina o isang uri ng malagkit na sangkap na nagsisilbing pandikit, at ang momya ay ilalagay sa isang magarbo at napapalamutiang kahon na yari sa kahoy na hugis ng tao.

Sa ngayon, nagagawa ang pag-eembalsamo sa loob lamang ng ilang oras. Karaniwan nang ginagawa ito sa pamamagitan ng paglalagay ng angkop na dami ng mga likidong pang-embalsamo sa mga ugat at arterya pati na sa tiyan at dibdib. Sa paglipas ng mga taon, sari-saring mga kombinasyon ng mga sangkap ang ginawa at ginamit. Gayunman, dahil sa presyo at pagiging ligtas nito, ang formaldehyde ang siyang sangkap na pinakamadalas na gamitin sa pag-eembalsamo.

[Larawan]

Ang gintong kabaong ni Haring Tutankhamen