Ang Iyong Pagpili ng mga Simulain
Ang Iyong Pagpili ng mga Simulain
ISA ka bang tao na ginagabayan ng simulain? O iniisip mo na ang etika ay waring makaluma? Ang totoo, ang lahat ay inuugitan ng isang uri ng mga simulain, na pinaniniwalaan ng isa na mahalaga. Ayon sa The New Shorter Oxford English Dictionary, ang simulain ay maaaring bigyang-katuturan bilang “isang personal na kodigo ng tamang pagkilos.” Iniimpluwensiyahan ng mga simulain ang ating mga desisyon at itinatakda ng mga ito ang landasin na ating tinatahak sa buhay. Ang mga simulain ay maaaring magsilbing gaya ng isang kompas.
Halimbawa, hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na sundin ang Ginintuang Alituntunin na masusumpungan sa Mateo 7:12: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” Tinutupad ng mga tagasunod ni Confucius ang mga simulain ng li at jen, na tumutukoy sa mga katangiang kagaya ng kabaitan, kapakumbabaan, paggalang, at pagkamatapat. Kahit ang mga tao na hindi relihiyoso ay may mga priyoridad o pamantayang nagtatakda ng kanilang pagkilos.
Anong Uri ng mga Simulain ang Dapat Nating Piliin?
Gayunman, dapat nating tandaan na ang mga simulain ay maaaring mabuti o masama. Halimbawa, humigit-kumulang nitong nakaraang dekada, dumarami ang mga tao na nauudyukan ng simulain na nakilala bilang maka-ako. Bagaman marami ang hindi nakaaalam ng termino o marahil ay nakadarama na hindi ito kapit sa kanila, ang maka-ako ay isang kodigo ng pagkilos na itinataguyod ng marami habang tinatalikuran naman nila ang matataas na pamantayan ng paggawi. Nakikilala man sa terminong iyon o hindi, ang maka-ako ay pagpapamalas ng pag-iimbot, na kadalasan ay sinasamahan ng walang kapararakang materyalismo. “Dalawa lamang ang ating simulain,” ang sabi ng isang ehekutibo sa TV sa Tsina. “Ang isa ay ang pagtugon sa mga hiling ng mamimili. Ang isa naman ay ang pagkakamal ng maraming salapi.”
Ang simulaing maka-ako ay maaaring gumana na kagaya ng isang magnet. At paano nakaaapekto ang isang magnet sa isang kompas? Kapag magkatabi ang dalawa, ang karayom ng kompas (compass needle) ay tumuturo sa maling direksiyon. Sa katulad na paraan, maaaring lituhin ng simulaing maka-ako ang moral na kompas ng isang tao, o kodigo ng tamang asal, anupat nagiging pangalawahin na lamang ang lahat ng bagay sa mga hinahangad ng isa.
Magugulat ka bang malaman na ang simulaing maka-ako ay hindi isang makabagong bagay? Ang pangmalas na ito sa buhay ay nagmula sa hardin ng Eden nang iwan ng ating unang mga magulang ang pamantayan ng paggawi na itinakda ng ating Maylalang. Iyan ang bumago sa kanilang moral na kompas. Bilang mga inapo nina Adan at Eva, nililigalig ang mga tao ng gayunding pangmalas sa buhay, na kamakailan lamang ay tinawag na “maka-ako.”—Genesis 3:6-8, 12.
Ang paglaganap ng saloobing iyan ay partikular na mapapansin sa panahon na tinatawag ng hula ng Bibliya na “mga huling araw,” na kakikitaan ng “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Maraming tao ang “mga maibigin sa 2 Timoteo 3:1-5.
kanilang sarili.” Hindi kataka-taka na ginigipit tayong tularan ang maka-akong pangmalas.—Marahil ay sasang-ayon ka sa isang kabataan na nagngangalang Olaf na sumulat sa isang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Europa: “Napakahirap na manatiling matuwid sa moral, lalo na para sa aming mga kabataan. Pakisuyo pong lagi kaming paalalahanan hinggil sa kahalagahan ng pagsunod sa mga simulain ng Bibliya.”
Ipinakita ni Olaf ang isang pangmalas na may kaunawaan. Matutulungan tayo ng makadiyos na mga simulain—bata o matanda—na sundin ang matataas na pamantayan ng paggawi. Pangyayarihin din nito na matanggihan natin ang simulaing maka-ako, tawagin man itong gayon o hindi. Kung nais mong higit na malaman kung paano ka talaga matutulungan ng mga simulain ng Bibliya, pakisuyong isaalang-alang ang susunod na artikulo.
[Mga larawan sa pahina 4]
Maraming tao sa ngayon ang walang pakundangan sa mga pangangailangan ng iba