“Araw ng Pagpaparaya sa Relihiyon”
“Araw ng Pagpaparaya sa Relihiyon”
PALIBHASA’Y napukaw ang pansin sa pakikipag-usap niya sa mga Saksi ni Jehova, ang punong-guro ng isang paaralan sa Poland ay nagtakda ng isang “Araw ng Pagpaparaya sa Relihiyon” sa kaniyang paaralan. Iminungkahi niya na ang mga magboboluntaryo sa mga estudyante—mga Katoliko, Budista, at mga Saksi ni Jehova—ay maghanda ng maiikling presentasyon upang maipabatid sa ibang mga estudyante ang kanilang mga paniniwala at kaugalian. Tatlong tin-edyer na Saksi ni Jehova ang kaagad na nagboluntaryo.
Nang sumapit ang araw na iyon, ang unang nagsalita ay ang 15-taóng-gulang na si Malwina. Sa isang bahagi, ganito ang sinabi niya: “Marami sa inyo ang nakakakilala na sa amin bago pa kami pumasok sa paaralang ito dahil dumalaw na kami sa inyong mga tahanan. Marahil ay nagtataka kayo kung bakit paulit-ulit naming ginagawa iyon. Ito’y sapagkat sinusunod namin ang halimbawa ni Jesu-Kristo, ang Tagapagtatag ng Kristiyanismo. Ipinangaral niya ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos saanman masusumpungan ang mga tao. Gayundin ang ginawa ng mga apostol at mga sinaunang Kristiyano. Sa maraming lugar, ang mga Saksi ni Jehova ay nagbabata ng mahihirap na pagsubok sa pananampalataya, ngunit naliligayahan kami na sa ating paaralan ay nagtatamasa kami ng kapayapaan, at kayong lahat ay may bahagi rito. Pinasasalamatan namin kayo dahil diyan!”
Sa pagtatapos ng kaniyang presentasyon, sinabi ni Malwina: “May isa pang dahilan kung bakit kami dumadalaw sa inyong tahanan. Mahal namin kayo. Sinasabi ng Bibliya na malapit nang maranasan ng sangkatauhan ang mga pangyayari na gigimbal sa daigdig. Kaya sa susunod na kumatok kami sa inyong pintuan, pakisuyong maglaan kayo ng panahon upang makinig. Nais naming sabihin sa inyo kung paano tayo makapamumuhay nang magkakasama magpakailanman sa isang paraisong lupa.”
Ang sumunod na tagapagsalita ay si Mateusz, 15 taóng gulang din. Sinabi ni Mateusz sa kaniyang mga tagapakinig na sa nakalipas na mga taon, ang mga Saksi ni Jehova ay gumamit ng iba’t ibang pamamaraan upang mapalaganap ang mabuting balita. Halimbawa, noong 1914—sa panahon ng mga pelikulang walang tunog—ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapalabas ng “Photo Drama of Creation,” isang gumagalaw na pelikula at pagpapalabas ng slide na may kasabay na tunog.
Tinalakay ni Mateusz ang papel ng radyo sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian at pagkatapos ay inilarawan ang natatanging multilanguage electronic phototypesetting system (MEPS) na pinagagana sa computer na binuo ng mga Saksi ni Jehova. Inilahad din niya kung paano tumulong ang mga Saksi ni Jehova upang maipabatid sa mga doktor ang tungkol sa mga pamamaraan sa walang-dugong paggamot. “Ngayon, kasiya-siya ang komento ng kilaláng mga manggagamot na Polako sa aming paninindigan at idiniriin nila na sa bawat taon ay parami nang paraming mga pasyenteng di-Saksi ang inooperahan nang hindi gumagamit ng dugo,” ang sabi niya.
Nagtapos si Mateusz sa pagbanggit tungkol sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall at sinabi: “Nais ba ninyong dalawin ang amin? Walang bayad ang pagpasok doon, at walang koleksiyon ng salapi.” Sa pagtukoy sa sentro ng kombensiyon sa Sosnowiec, sinabi ni Mateusz: “Dapat na makita ninyo ang malaki at kapaki-pakinabang na gusaling ito. Bakit hindi tayo magtungo roon nang sama-sama? Mayroon kaming mungkahi, at ang aming kaibigang si Katarzyna ang magsasabi nito sa inyo.”
Pagkatapos, ganito ang masiglang sinabi ng 15-taóng-gulang na si Katarzyna: “Kayo ay malugod na tinatanggap sa Sosnowiec para sa pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Tatalakayin doon ang mga paksang ikinababahala ng mga kabataan.” Binanggit din ni Katarzyna ang pangunahing pagdiriwang ng mga Kristiyano—ang Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo. Pinasigla niya ang kaniyang mga tagapakinig: “Noong nakalipas na taon mahigit na 14 na milyon katao sa buong daigdig ang dumalo sa pagdiriwang na iyon. Bakit hindi ninyo kami samahan sa susunod na pagkakataon?”
Matapos ang kanilang mga presentasyon, ipinagkaloob nina Malwina, Mateusz, at Katarzyna sa mga guro ang aklat na Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos kalakip na ang dalawang videocassette na tumatalakay sa mga paniniwala at gawain ng mga Saksi ni Jehova. a May-pagpapahalagang tinanggap ng mga guro ang mga ito at nangako na gagamitin ang mga ito sa mga klase hinggil sa kasaysayan.
Sa pagtatapos ng sesyon, tinugtog ng 12-taóng-gulang na si Martyna para sa lahat ng nagkatipon ang awiting pinamagatang “Nagpapasalamat Kami sa Iyo, Jehova.” Ang mga kabataang Saksi na ito ay ‘nag-ipon ng katapangan sa pamamagitan ng kanilang Diyos’ at nagbigay ng mainam na patotoo. (1 Tesalonica 2:2) Kay inam ngang halimbawa para sa mga kabataang Saksi sa lahat ng dako!
[Talababa]
a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 26]
Naghahanda si Malwina ng presentasyon ilang araw bago niya ito bigkasin sa paaralan
[Larawan sa pahina 26]
Pumipili si Katarzyna ng mga kasulatan para sa presentasyon