Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mapabubuti Mo Pa ba ang Daigdig?

Mapabubuti Mo Pa ba ang Daigdig?

Mapabubuti Mo Pa ba ang Daigdig?

“Hindi kayang itayong muli ng pulitika ang pundasyon ng lipunan. Wala itong kakayahang ibalik ang nakaugaliang mga pamantayan sa moral. Hindi maibabalik ng pinakamahuhusay na patakaran ang mga dating simulain sa pagliligawan o pag-aasawa, gawing responsable ang mga ama sa kanilang mga anak, muling ipadama sa mga tao ang galit o kahihiyan gaya ng dati . . . Karamihan ng mga suliranin sa moral na lumiligalig sa atin ay hindi mapapawi ng batas.”

SASANG-AYON ka ba sa mga salitang ito ng isang dating kawani sa pamahalaan ng Estados Unidos? Kung gayon, ano ba ang lunas sa maraming suliranin ngayon na bunga ng kasakiman, kawalan ng likas ng pagmamahal sa mga pamilya, mababang moral, kawalang-alam, at iba pang nakapipinsalang bagay na sumisira sa pundasyon ng lipunan? Nadarama ng ilan na wala nang solusyon, kaya hinaharap na lamang nila ang buhay sa abot ng kanilang makakaya. Umaasa naman ang iba na balang araw isang may-karisma at magaling na lider, marahil isang lider pa nga ng relihiyon, ang darating at ituturo sa kanila ang tamang direksiyon.

Sa katunayan, dalawang libong taon na ang nakalilipas, nais ng mga tao na gawin nilang hari si Jesu-Kristo sapagkat kanilang natalos na siya ay isinugo ng Diyos at magiging isang napakahusay na tagapamahala. Gayunpaman, nang mahiwatigan ni Jesus ang kanilang intensiyon, agad siyang tumakas. (Juan 6:14, 15) “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito,” ang paliwanag niya sa isang Romanong gobernador nang dakong huli. (Juan 18:36) Subalit sa ngayon, iilan lamang ang naninindigang gaya ni Jesus​—kahit pa mga lider ng relihiyon na nag-aangking mga alagad niya. Sinikap ng ilan sa kanila na mapabuti ang daigdig na ito, sa pamamagitan ng alinman sa pagtatangkang impluwensiyahan ang mga lider ng sanlibutan o sa paghawak mismo ng posisyon sa pamahalaan. Makikita natin ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga dekada ng 1960 at ’70.

Pagsisikap ng Relihiyon na Pagandahin ang Daigdig

Noong mga huling taon ng dekada 1960, nagsimulang ipakipaglaban ng ilang teologo sa mga bansa sa Latin Amerika ang mga mahirap at api. Dahil dito, binuo nila ang liberation theology, na nagpapakilala kay Kristo bilang tagapagligtas hindi lamang ayon sa diwa ng Bibliya kundi maging sa pulitika at sa ekonomiya rin naman. Sa Estados Unidos, ang ilang lider ng simbahan na lubhang nabahala sa pagguho ng moralidad ay nagtatag ng isang organisasyon na tinawag na Moral Majority. Layunin nito na mailagay sa pulitikal na puwesto ang mga tao na magsasabatas ng kapaki-pakinabang na mga simulaing pampamilya. Kahawig nito, sa maraming lupaing Muslim, may mga grupo na nagtangkang sugpuin ang katiwalian at mga pagmamalabis sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mas mahigpit na pagsunod sa Koran.

Naniniwala ka ba na napabubuti ang daigdig dahil sa gayong mga pagsisikap? Ipinakikita ng mga pangyayari na, sa kabuuan, ang moral na mga pamantayan ay patuloy na gumuguho at ang agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap ay patuloy na lumalaki, pati na sa mga bansa kung saan prominente ang liberation theology.

Dahil nabigo ang Moral Majority sa mga pangunahing tunguhin nito sa Estados Unidos, ang organisasyon ay binuwag ng tagapagtatag nito, si Jerry Falwell, noong 1989. May iba pang mga organisasyon na humalili rito. Gayunpaman, ganito ang isinulat ni Paul Weyrich, ang unang gumamit sa terminong “moral majority,” sa magasing Christianity Today: “Kahit na magwagi tayo sa pulitika, ang ating tagumpay ay hindi magbubunga ng mga uri ng patakaran na sa paniwala natin ay mahalaga.” Isinulat din niya: “Ang kultura ay nagiging mistulang lumalawak na imburnal. Nasasalabid tayo sa pinakamatinding pagbagsak ng kultura, isang pagbagsak na gayon na lamang katindi anupat nadaraig nito ang pulitika.”

Isiniwalat ng kolumnista at awtor na si Cal Thomas ang itinuturing niyang pangunahing depekto sa pagsisikap na maiangat ang lipunan sa pamamagitan ng pulitika: “Dumarating ang tunay na pagbabago kapag isa-isang nagbago ang mga indibiduwal, hindi sa pamamagitan ng pagwawagi sa eleksiyon, sapagkat ang ating mga pangunahing suliranin ay hindi sa ekonomiya at sa pulitika kundi sa moral at espirituwal.”

Ngunit paano mo lulutasin ang mga suliraning moral at espirituwal sa isang daigdig na walang mga pamantayan, kung saan ang mga tao ang nagpapasiya sa ganang sarili kung ano ang tama at mali? Kung hindi kaya ng mga taong maimpluwensiya at may mabuting hangarin​—relihiyoso man o hindi​—​na talagang mapabuti ang daigdig na ito, sino kaya ang makagagawa nito? Gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo, may kasagutan. Sa katunayan, iyon mismo ang dahilan kung bakit sinabi ni Jesus na ang kaniyang Kaharian ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.

[Picture Credit Lines sa pahina 2]

COVER: Dirty water: WHO/UNICEF photo; globe: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Picture Credit Lines sa pahina 3]

Mga bata: UN photo; globo: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.