Tunay na Pananampalataya—Posible pa Kaya Ito?
Tunay na Pananampalataya—Posible pa Kaya Ito?
“Ang pananampalataya ay isang buháy at matapang na pagtitiwala sa biyaya ng Diyos, tiyak na tiyak at siguradung-sigurado anupat handang itaya ng mananampalataya ang kaniyang buhay nang isang libong ulit para rito.”—MARTIN LUTHER, 1522.
“Halos isa na tayong sekular na lipunan kung saan ang pananampalataya at mga kaugaliang Kristiyano ay halos hindi na umiiral.”—LUDOVIC KENNEDY, 1999.
ANG mga pangmalas hinggil sa pananampalataya ay lubhang magkakaiba. Noon, karaniwan na ang pananampalataya sa Diyos. Sa ngayon, sa isang daigdig ng pag-aalinlangan at pagdurusa, ang tunay na pananampalataya sa Diyos at sa Bibliya ay mabilis na naglalaho.
Tunay na Pananampalataya
Para sa marami, ang “pananampalataya” ay ang pagkakaroon lamang ng isang relihiyosong paniniwala o pagsunod sa isang anyo ng pagsamba. Gayunman, ayon sa pagkagamit sa Bibliya, ang “pananampalataya” ay pangunahin nang nangangahulugan ng lubos na pagtitiwala—ganap at di-natitinag na pagtitiwala sa Diyos at sa kaniyang mga pangako. Ito’y isang katangian ng isang alagad ni Jesu-Kristo.
Sa isang okasyon, binanggit ni Jesu-Kristo ang hinggil sa pangangailangan na manalangin at “huwag manghimagod.” Sa paggawa ng gayon, nagbangon siya ng isang katanungan tungkol sa kung iiral pa kaya ang tunay na pananampalataya sa ating kapanahunan. Nagtanong siya: “Kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang masusumpungan niya ang ganitong pananampalataya sa lupa?” Bakit niya ibinangon ang gayong katanungan?—Lucas 18:1, 8, talababa sa Ingles.
Nawalang Pananampalataya
Maraming bagay ang maaaring maging sanhi upang mawala ang anumang pananampalataya na marahil taglay ng mga tao. Ang ilan sa mga ito ay ang mga trauma at pagsubok sa araw-araw na buhay. Halimbawa, si Propesor Michael Goulder ay isang pari ng parokya sa Manchester, Inglatera, nang bumagsak ang isang eroplano sa Munich noong 1958 kung saan maraming nakasakay na miyembro ng koponan ng football ng Manchester United ang namatay. Sa isang programa sa telebisyon ng BBC, ipinaliwanag ng tagapagbalitang si Joan Bakewell na si Goulder ay “nakadama ng panghihina nang makita niya ang tindi ng pamimighati ng mga tao.” Ang isang resulta nito ay ang “pagkawala ng kaniyang
pananampalataya sa isang Diyos na namamagitan sa kapalaran ng tao.” Sinabi ni Goulder ang kaniyang paniniwala na “ang Bibliya ay hindi . . . ang walang-pagkakamaling salita ng Diyos” kundi sa halip, “ang nagkakamaling salita ng tao, marahil ay may mangilan-ngilang pagkasi ng Diyos.”Kung minsan ay basta na lamang naglalaho ang pananampalataya. Ganiyan ang nangyari sa manunulat at brodkaster na si Ludovic Kennedy. Sinasabi niya na mula sa pagkabata “ang [kaniyang] mga pagdududa at kawalang-katiyakan [hinggil sa Diyos] ay lumilitaw paminsan-minsan at dumami ang [kaniyang] mga pag-aalinlangan.” Tila walang sinuman ang makapagbigay sa kaniya ng makatuwirang mga sagot sa mga tanong niya. Ang pagkamatay ng kaniyang ama sa dagat ay isang matinding dagok sa kaniyang napakahina nang pananampalataya. Ang mga panalangin sa Diyos upang “ingatan tayo mula sa panganib ng karagatan at mula sa karahasan ng kaaway” ay hindi sinagot nang ang kinumberteng pampasaherong barko na sinasakyan ng kaniyang ama ay sinalakay at winasak ng mga barkong pandigma ng Alemanya noong Digmaang Pandaigdig II.—All in the Mind—A Farewell to God.
Karaniwan na ang gayong mga karanasan. “Ang pananampalataya,” sabi ni apostol Pablo, “ay hindi taglay ng lahat ng tao.” (2 Tesalonica 3:2) Ano sa palagay mo? Posible pa kaya ang tunay na pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang Salita sa isang sanlibutan na nagiging lalong mapag-alinlangan? Suriin kung ano ang sinasabi ng susunod na artikulo hinggil sa paksang ito.