Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Relihiyon ba ang Magdudulot ng Pandaigdig na Kapayapaan?

Relihiyon ba ang Magdudulot ng Pandaigdig na Kapayapaan?

Relihiyon ba ang Magdudulot ng Pandaigdig na Kapayapaan?

MULA noong Agosto 28 hanggang Agosto 31, 2000, mahigit sa 500 kinatawan na nanggaling sa 73 bansa ang nagtipun-tipon sa New York City. Nagtipon sila sa United Nations para sa “Komperensiya ng Relihiyoso at Espirituwal na mga Lider Para sa Pandaigdig na Kapayapaan sa Milenyo.” Kinatawanan ng mga lider​—marami ang may suot na mga turbante, mahahabang damit na kulay-kahel, mga putong na yari sa mga balahibo, o mahahabang itim na kapa​—ang iba’t ibang uri ng pananampalataya. Kabilang sa mga ito ang Baha’i, Budhismo, Hinduismo, Islam, Jainismo, Judaismo, Shintoismo, Sikhismo, Taoismo, Zoroastrianismo, at mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan.

Ang mga delegado ay nagtipon sa United Nations para sa unang dalawang araw ng apat-na-araw na komperensiya. Subalit ang komperensiya ay hindi inorganisa o ginastusan ng United Nations kundi ng iba’t ibang institusyon. Gayunman, kapuwa ang UN at ang mga lider ng relihiyon ay nagsalita tungkol sa kahalagahan ng pagtutulungan upang mawakasan ang karalitaan, pagtatangi ng lahi, mga problemang pangkapaligiran, digmaan, at mga sandatang pumapatay nang lansakan.

Ang mga delegado ay pumirma sa isang dokumento na pinamagatang “Pakikipagkasundo Ukol sa Pandaigdig na Kapayapaan.” Samantalang kinikilala na ang karahasan at digmaan ay “ginagawa kung minsan sa ngalan ng relihiyon,” idineklara sa dokumento na ang mga pumirma ay “makikipagtulungan sa United Nations . . . upang matamo ang kapayapaan.” Gayunman, hindi nagkaroon ng espesipikong mga resolusyon na nagpapahiwatig kung paano ito gagawin.

Noong ikalawang araw, si Bawa Jain, ang panlahat na kalihim ng komperensiya, ay nagtapos sa kaniyang pambungad na pananalita sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na ilang taon na ang nakararaan ay napansin niya ang isang ipinintang larawan sa United Nations. Ipinakita sa larawan ang isang lalaking mas mataas pa kaysa sa gusali ng United Nations Secretariat. Kumakatok siya sa gusali na waring ito’y isang pinto. Sa ilalim ng larawan ay ang pamagat: “Prinsipe ng Kapayapaan.” Sinabi ni G. Jain: “[Ang larawan] ay nagkaroon ng matinding epekto sa akin nang makita ko iyon. Iba’t ibang tao ang tinanong ko kung ano ang kahulugan [nito]. Palagay ko’y alam ko na ngayon ang kasagutan. Ang pagkakatipon ninyong lahat dito, ang espirituwal at relihiyosong mga lider ng daigdig, ay nagpapakita sa akin na [ito] ang prinsipe ng kapayapaan na kumakatok sa pinto ng United Nations.”

Iba namang pangmalas ang inihaharap ng Bibliya. Ipinakikita nito na ang Prinsipe ng Kapayapaan ay si Jesu-Kristo. Magdudulot siya ng pandaigdig na kapayapaan, hindi sa pamamagitan ng mga pagsisikap ng mga lider ng pulitika o ng relihiyon sa daigdig, kundi sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos. Ang Kahariang ito​—na siyang makalangit na pamahalaan ng Diyos​—​ang matagumpay na magbubuklod sa masunuring sangkatauhan at magpapangyari na ang kalooban ng Diyos ay maganap sa lupa.​—Isaias 9:6; Mateo 6:9, 10.