Pamumuhay Nang May mga Panganib
Pamumuhay Nang May mga Panganib
“Ang lahat ng ginagawa mo sa araw-araw—kasali na ang pagtulog—ay maaaring magsapanganib sa iyong buhay.”—magasing Discover.
ANG buhay ay inihambing sa paglalakad sa isang lugar na may mga nakatanim na bomba, dahil ang pinsala o kamatayan ay maaaring sumapit sa anumang oras, at kadalasa’y walang babala. Iba’t iba ang mga sanhi ng panganib sa bawat bansa. Kabilang sa mga ito ang mga aksidente sa sasakyan, digmaang sibil, taggutom, AIDS, kanser, sakit sa puso, at marami pang ibang bagay. Halimbawa, sa timugang bahagi ng Sahara sa Aprika, ang AIDS ang naging numero unong mamamatay-tao, na sa isang taon kamakailan lamang ay “kumitil ng 2.2 milyong buhay, 10 beses ang kahigitan sa namatay mula sa lahat ng digmaang sibil sa Aprika,” sabi ng U.S.News & World Report.
Samantala, ang daigdig ay gumugugol ng bilyun-bilyon upang mapahaba ang buhay at mabawasan ang panganib na dulot ng sakit at kapansanan. Marami sa mga ideyang itinataguyod, tulad ng makatuwirang mga kaugalian sa pagkain at pag-inom at pag-eehersisyo ng katawan, ang maaaring magdulot ng ilang kapaki-pakinabang na resulta. Gayunman, may mapagkukunan ng mapagkakatiwalaang impormasyon hinggil sa bawat mahalagang pitak ng pamumuhay na makatutulong sa iyo na tamasahin ang isang mas ligtas at mas tiwasay na buhay. Iyon ay ang Bibliya. Naglalaman ito ng mga tagubilin para sa pagharap sa napakaraming iba’t ibang álalahanín na nakaaapekto sa ating kalusugan at kapakanan. Sabihin pa, hindi detalyadong tinatalakay ng Bibliya ang bawat problema. Gayunman, naglalaan ito ng mahuhusay na simulain upang pumatnubay sa atin sa mga bagay na tulad ng mga kaugalian sa pagkain, pisikal na kalusugan, pangkaisipang saloobin, sekso, paggamit ng alkohol, tabako, at ng tinatawag na mga drogang panlibangan, at marami pang ibang bagay.
Ang buhay para sa marami ay lipos din ng kawalang-katiyakan sa pananalapi. Dito man ay tinutulungan tayo ng Bibliya. Hindi lamang nito ipinapayo ang pagkakaroon ng matalinong pangmalas sa salapi at pangangasiwa sa salapi kundi ipinakikita rin nito kung paano magiging mas mahusay na empleado o amo. Sa madaling sabi, ang Bibliya ay isang mabuting giya, hindi lamang para sa kasiguruhan sa pananalapi at pisikal na kalusugan, kundi para rin sa buhay mismo. Nais mo bang makita kung gaano kapraktikal ang Bibliya sa ngayon? Kung gayon ay pakisuyong ipagpatuloy mo ang pagbasa.