Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dinidibdib Mo ba ang Katotohanan?

Dinidibdib Mo ba ang Katotohanan?

Dinidibdib Mo ba ang Katotohanan?

“Magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.”​—​ROMA 12:2.

1, 2. Bakit hindi madali na maging isang tunay na Kristiyano sa ngayon?

 HINDI madali ang maging isang tunay na Kristiyano sa mga huling araw na ito​—sa “mga panahong [ito na] mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Sa katunayan, upang masundan ang halimbawa ni Kristo, kailangang daigin ng isa ang sanlibutan. (1 Juan 5:4) Gunitain kung ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa daan ng Kristiyano: “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan; sapagkat malapad at maluwang ang daan na umaakay patungo sa pagkapuksa, at marami ang mga pumapasok dito; samantalang makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.” Sinabi rin niya: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos sa araw-araw at sundan ako nang patuluyan.”​—Mateo 7:13, 14; Lucas 9:23.

2 Yamang nasumpungan na ang masikip na daang patungo sa buhay, ang susunod na hamon sa isang Kristiyano ay ang pananatili rito. Bakit ito isang hamon? Sapagkat tayo’y nagiging tudlaan ng mapandayang mga gawa, o tusong mga pakana, ni Satanas dahilan sa ating pagiging nakaalay at bautisado. (Efeso 6:11; talababa sa Ingles) Nagtutuon siya ng pansin sa ating mga kahinaan at nagsisikap na samantalahin ang mga ito upang sirain ang ating espirituwalidad. Kung sa bagay, tinangka niyang ibagsak si Jesus, kaya bakit niya tayo lulubayan?​—Mateo 4:1-11.

Ang Mapandayang mga Taktika ni Satanas

3. Paano naghasik ng pag-aalinlangan si Satanas sa isipan ni Eva?

3 Ang isang paraan na ginagamit ni Satanas ay ang paghahasik ng pag-aalinlangan sa ating isipan. Naghahanap siya ng mga kahinaan sa ating espirituwal na baluti. Sa pasimula pa lamang ay ginamit na niya ang taktikang iyan kay Eva, sa pagsasabing: “Talaga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa bawat punungkahoy sa hardin?” (Genesis 3:1) Sa ibang pananalita, sinasabi ni Satanas, ‘Talaga bang nagawa ng Diyos na ipagbawal ang gayon sa inyo? Ipagkakait kaya niya sa inyo ang isang bagay na napakabuti? Aba, nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula sa punungkahoy ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama!’ Inihasik ni Satanas ang isang binhi ng pag-aalinlangan at hinintay na tumubo ito.​—Genesis 3:5.

4. Anong mga pag-aalinlangan ang maaaring makaapekto sa ilan ngayon?

4 Paano ginagamit ni Satanas ang taktikang ito sa ngayon? Kung pababayaan natin ang ating pagbabasa ng Bibliya, ang ating personal na pag-aaral, ang ating pananalangin, at ang ating ministeryong Kristiyano at mga pagpupulong, baka madaling makaapekto sa atin ang mga pag-aalinlangang ibinabangon ng iba. Halimbawa: “Paano natin nalalaman na ito nga ang katotohanan na itinuro ni Jesus?” “Talaga bang ito na ang mga huling araw? Kung tutuusin, tayo’y nasa ika-21 siglo na.” “Tayo ba’y malapit na sa Armagedon, o matagal pa ito?” Kung bumangon ang gayong mga pag-aalinlangan, ano ang magagawa natin upang maiwaksi ang mga iyon?

5, 6. Ano ang dapat nating gawin kapag bumangon ang mga pag-aalinlangan?

5 Si Santiago ay nagbigay ng praktikal na payo nang siya’y sumulat: “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta; at ibibigay ito sa kaniya. Ngunit patuloy siyang humingi nang may pananampalataya, na walang anumang pag-aalinlangan, sapagkat siya na nag-aalinlangan ay tulad ng alon sa dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad kung saan-saan. Sa katunayan, huwag ipalagay ng taong iyon na siya ay tatanggap ng anuman mula kay Jehova; siya ay isang taong di-makapagpasiya, di-matatag sa lahat ng kaniyang mga daan.”​—Santiago 1:5-8.

6 Ano, kung gayon, ang dapat nating gawin? Dapat na ‘patuloy tayong humingi sa Diyos’ ng pananampalataya at pagkaunawa sa pamamagitan ng panalangin at pag-ibayuhin ang ating pagsisikap sa personal na pag-aaral hinggil sa anumang mga katanungan o mga pag-aalinlangan. Maaari rin tayong humingi ng tulong sa malalakas ang pananampalataya, anupat hindi kailanman pinag-aalinlanganan na ibibigay sa atin ni Jehova ang tulong na kailangan natin. Sinabi rin ni Santiago: “Kaya nga, magpasakop kayo sa Diyos; ngunit salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo. Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” Oo, mawawala ang ating mga pag-aalinlangan habang tayo’y lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral at panalangin.​—Santiago 4:7, 8.

7, 8. Ano ang ilang pangunahing pamantayan para makilala ang anyo ng pagsamba na itinuro ni Jesus, at sino ang nakaaabot sa mga pamantayang ito?

7 Kuning halimbawa ang katanungang: Paano natin nalalaman na isinasagawa natin ang anyo ng pagsamba na itinuro ni Jesus? Upang masagot ito, anu-anong pamantayan ang dapat na isaalang-alang? Ipinakikita ng Bibliya na ang tunay na mga Kristiyano ay dapat na may tunay na pag-ibig sa isa’t isa. (Juan 13:34, 35) Dapat nilang pakabanalin ang pangalan ng Diyos na Jehova. (Isaias 12:4, 5; Mateo 6:9) At dapat nilang ipakilala ang pangalang iyan.​—Exodo 3:15; Juan 17:26.

8 Ang isa pang pagkakakilanlang katangian ng tunay na pagsamba ay ang paggalang sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ito ang bukod-tanging aklat na nagsisiwalat ng personalidad ng Diyos at ng kaniyang mga layunin. (Juan 17:17; 2 Timoteo 3:16, 17) Karagdagan pa, ipinahahayag ng tunay na mga Kristiyano ang Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pag-asa ng tao ukol sa buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa. (Marcos 13:10; Apocalipsis 21:1-4) Nananatili silang hiwalay mula sa tiwaling pulitika ng sanlibutang ito at sa nakapagpaparuming paraan ng pamumuhay nito. (Juan 15:19; Santiago 1:27; 4:4) Sino sa ngayon ang talagang nakaaabot sa mga pamantayang ito? Ipinakikita ng mga katibayan na may iisa lamang sagot​—ang mga Saksi ni Jehova.

Paano Kung Namamalagi ang mga Pag-aalinlangan?

9, 10. Ano ang magagawa natin upang mapanagumpayan ang namamalaging mga pag-aalinlangan?

9 Paano kung masumpungan natin ang ating sarili na nalilipos ng pag-aalinlangan? Ano, kung gayon, ang dapat nating gawin? Ang sagot ay ibinigay ng matalinong hari na si Solomon: “Anak ko, kung tatanggapin mo ang aking mga pananalita at pakaiingatan mo sa iyo ang aking mga utos, upang magbigay-pansin sa karunungan ang iyong tainga, upang ikiling mo ang iyong puso sa kaunawaan; bukod diyan, kung tatawag ka ukol sa pagkaunawa at ilalakas mo ang iyong tinig ukol sa kaunawaan, kung patuloy mo itong hahanapin na gaya ng pilak, at patuloy mo itong sasaliksikin na gaya ng nakatagong kayamanan, kung magkagayon ay mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos.”​—Kawikaan 2:1-5.

10 Hindi ba iyan isang kamangha-manghang kaisipan? Kung handa tayong magbigay ng matamang pansin sa karunungan ng Diyos, “masusumpungan [natin] ang mismong kaalaman sa Diyos.” Oo, ang kaalaman sa Soberanong Panginoon ng sansinukob ay matatamo natin kung handa tayo na tanggapin at pakaingatan ang kaniyang mga pananalita. Nangangahulugan iyan ng pagbaling kay Jehova sa panalangin at sa pamamagitan ng personal na pag-aaral. Mapapawi ng natatagong mga kayamanan ng kaniyang Salita ang anumang pag-aalinlangan at matutulungan tayong makita ang liwanag ng katotohanan.

11. Paano naapektuhan ng pag-aalinlangan ang tagapaglingkod ni Eliseo?

11 Ang isang malinaw na halimbawa kung paano nakatulong ang panalangin sa isang matatakutin at nag-aalinlangang lingkod ng Diyos ay matatagpuan sa 2 Hari 6:11-18. Ang tagapaglingkod ni Eliseo ay kulang sa espirituwal na kaunawaan. Hindi niya maunawaan na ang makalangit na mga hukbo ay naroroon upang suportahan ang propeta ng Diyos, na kinukubkob noon ng hukbo ng Sirya. Dahil sa takot ay napabulalas ang tagapaglingkod: “Ay, panginoon ko! Ano ang gagawin natin?” Paano tumugon si Eliseo? “Huwag kang matakot, sapagkat mas marami ang kasama natin kaysa sa mga kasama nila.” Subalit paano makukumbinsi ang tagapaglingkod? Hindi niya makita ang makalangit na mga hukbo.

12. (a) Paano nalutas ang mga pag-aalinlangan ng tagapaglingkod? (b) Paano natin malulutas ang anumang pag-aalinlangan na maaaring taglay natin?

12 “Nagsimulang manalangin si Eliseo at nagsabi: ‘O Jehova, idilat mo ang kaniyang mga mata, pakisuyo, upang makakita siya.’ Kaagad na idinilat ni Jehova ang mga mata ng tagapaglingkod, anupat siya ay nakakita; at, narito! ang bulubunduking pook ay punô ng mga kabayo at mga pandigmang karo ng apoy sa buong palibot ni Eliseo.” Sa situwasyong iyon, pinangyari ni Jehova na makita ng tagapaglingkod ang makalangit na mga hukbo na nagsasanggalang kay Eliseo. Gayunman, hindi naman natin dapat asahan sa ngayon ang gayunding uri ng tulong mula sa Diyos. Tandaan, ang tagapaglingkod na iyon ng propeta ay walang kumpletong Bibliya na mapag-aaralan upang mapatibay ang kaniyang pananampalataya. Taglay natin ang Bibliya. Kung gagamitin natin ito nang mabuti, mapatitibay rin naman ang ating pananampalataya. Halimbawa, maaari nating bulay-bulayin ang ilang ulat na naglalarawan kay Jehova habang nasa kaniyang makalangit na korte. Papawiin ng mga ito ang anumang pag-aalinlangan na si Jehova ay talagang may makalangit na organisasyon na sumusuporta sa kaniyang mga lingkod sa pambuong-daigdig na gawaing pagtuturo sa ngayon.​—Isaias 6:1-4; Ezekiel 1:4-​28; Daniel 7:9, 10; Apocalipsis 4:1-​11; 14:6, 7.

Mag-ingat sa mga Pakana ni Satanas!

13. Sa pamamagitan ng anong mga paraan sinisikap ni Satanas na pahinain ang ating panghahawakan sa katotohanan?

13 Ano ang ilan sa iba pang paraan ni Satanas upang pahinain ang ating espirituwalidad at ang ating panghahawakan sa katotohanan? Ang isa sa mga ito ay imoralidad, lakip na ang lahat ng iba’t ibang uri nito. Sa haling-sa-seksong daigdig sa ngayon, ang tinatawag na affair (pinagandang salita para sa pagtataksil sa asawa) o ang one-night stand (panandaliang pakikiapid) ay naging araw-araw na pangyayari para sa isang mapagpalugod-sa-sariling salinlahi na determinadong magpakasaya anuman ang kabayaran nito. Itinataguyod ng mga pelikula, TV, at mga video ang ganitong istilo ng pamumuhay. Laganap ang pornograpya sa media, lalo na sa Internet. Nakaabang ang tukso sa mga mapag-usisa.​—1 Tesalonica 4:3-5; Santiago 1:13-15.

14. Bakit nabiktima ng mga pakana ni Satanas ang ilang Kristiyano?

14 Nagpadaig ang ilang Kristiyano sa kanilang pagkamausisa at dinumhan ang kanilang isipan at puso sa pamamagitan ng panonood ng mga pahapyaw o maging ng mga detalyadong paglalarawan sa pornograpya. Hinayaan nilang mahulog sila sa mapang-akit na bitag ni Satanas. Ang paggawa ng gayon ay kadalasang humahantong sa pagkawasak ng espirituwalidad. Ang gayong mga indibiduwal ay hindi nanatiling ‘mga sanggol kung tungkol sa kasamaan.’ Hindi sila naging mga nasa “hustong-gulang sa mga kakayahan ng pang-unawa.” (1 Corinto 14:20) Bawat taon, pinagbabayaran ng libu-libo ang hindi nila pagsunod sa mga simulain at mga pamantayan ng Salita ng Diyos. Nagpabaya sila sa pagsusuot at pagpapanatili sa kanilang “kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos.”​—Efeso 6:10-13; Colosas 3:5-10; 1 Timoteo 1:18, 19.

Pahalagahan ang Taglay Natin

15. Bakit maaaring mahirapan ang ilan na mapahalagahan ang kanilang espirituwal na mana?

15 “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo,” ang sabi ni Jesus. (Juan 8:32) Kinailangang talikdan ng karamihan sa mga Saksi ang kanilang dating istilo ng pamumuhay at relihiyong kinaaaniban. Kaya naman, maaaring mas madali nilang mapahalagahan ang kalayaan na idinudulot ng katotohanan. Sa kabilang panig, ang ilang kabataan na pinalaki ng mga magulang na nasa katotohanan ay baka mahirapang magpahalaga sa kanilang espirituwal na mana. Hindi sila naging bahagi kailanman ng huwad na relihiyon o naging bahagi ng sanlibutang ito na ang inuuna ay ang paghahanap ng kaluguran, pagkasugapa sa droga, at imoralidad. Dahil dito, maaaring hindi nila makita ang ganap na kaibahan ng ating espirituwal na paraiso at ng tiwaling sanlibutan ni Satanas. Ang ilan ay maaari pa ngang magpadala sa tukso na tikman ang lason ng sanlibutan upang makita kung ano ang hindi pa nila nakamtan!​—1 Juan 2:15-17; Apocalipsis 18:1-5.

16. (a) Anu-ano ang maaari nating itanong sa ating sarili? (b) Ano ang itinuturo sa atin at pinasisigla na gawin natin?

16 Talaga bang kailangan pa nating sunugin ang ating mga daliri para malaman ang kirot at pagdurusa? Hindi ba tayo puwedeng matuto mula sa di-kaayaayang mga karanasan ng iba? Kailangan pa ba tayong bumaling sa “lusak” ng sanlibutang ito upang makita kung mayroon tayong hindi nakamtan? (2 Pedro 2:20-22) Pinaalalahanan ni Pedro ang mga Kristiyano noong unang siglo na dating naging bahagi ng sanlibutan ni Satanas: “Ang panahong nagdaan ay sapat na upang maisagawa ninyo ang kalooban ng mga bansa nang lumalakad kayo sa mga gawa ng mahalay na paggawi, masasamang pita, mga pagpapakalabis sa alak, mga walang-taros na pagsasaya, mga paligsahan sa pag-inom, at mga bawal na idolatriya.” Tiyak, hindi na kailangang maranasan pa natin ang “pusali ng kabuktutan” ng sanlibutan upang makita kung gaano kahamak ang maaaring kahantungan ng buhay. (1 Pedro 4:3, 4) Sa kabaligtaran, tinuturuan tayo hinggil sa matataas na pamantayan ni Jehova sa moral sa ating mga Kingdom Hall, na siyang mga sentro sa pagtuturo ng Bibliya. At pinasisigla tayo na gamitin ang ating kakayahan sa pangangatuwiran upang mapatunayan sa ating sarili na taglay natin ang katotohanan at sa gayo’y dibdibin natin ang katotohanan.​—Josue 1:8; Roma 12:1, 2; 2 Timoteo 3:14-17.

Hindi Lamang Isang Katawagan ang Ating Pangalan

17. Paano tayo magiging mabibisang Saksi ni Jehova?

17 Kung dinidibdib natin ang katotohanan, sisikapin nating ibahagi ito sa iba sa bawat angkop na pagkakataon. Hindi naman ito nangangahulugan na sisikapin nating ipilit ito sa mga hindi nagpapakita ng interes. (Mateo 7:6) Sa halip, hindi tayo mahihiyang ipakilala ang ating sarili bilang mga Saksi ni Jehova. Kung magpakita ang isang tao ng bahagyang interes sa pamamagitan ng pagbabangon ng taimtim na tanong o pagtanggap ng isang publikasyon sa Bibliya, tayo ay magiging alisto at handa na ibahagi ang ating pag-asa. Sabihin pa, iminumungkahi nito na kailangang lagi tayong may dalang literatura saanman tayo naroon​—ito man ay sa tahanan, sa trabaho, sa paaralan, sa tindahan, o sa mga lugar ng libangan.​—1 Pedro 3:15.

18. Paanong ang maliwanag na pagpapakilala sa ating sarili bilang mga Kristiyano ay magiging positibong puwersa sa ating buhay?

18 Kapag maliwanag na ipinakikilala natin ang ating sarili bilang mga Kristiyano, pinatitibay natin ang ating depensa laban sa mga tusong pagsalakay ni Satanas. Kung may salu-salo para sa pagdiriwang ng kapanganakan o Pasko o may loterya sa opisina, madalas ay sasabihin ng mga kamanggagawa, “Huwag mo na siyang abalahin. Isa siyang Saksi ni Jehova.” Sa gayunding dahilan, malamang na mas mangingiming maglahad ng malalaswang biro ang mga tao kapag kasama tayo. Samakatuwid, ang pagpapabatid natin sa ating paninindigang Kristiyano ay isang positibong puwersa sa ating buhay, gaya ng sinabi ni apostol Pedro: “Sino ngang tao ang pipinsala sa inyo kung magiging masigasig kayo sa mabuti? Ngunit kung magdusa man kayo alang-alang sa katuwiran, kayo ay maligaya.”​—1 Pedro 3:13, 14.

19. Paano natin nalalaman na tayo ay nasa dulong bahagi na ng mga huling araw?

19 Ang isa pang kapakinabangan kapag dinidibdib natin ang katotohanan ay ang pagkakumbinsi natin na ito na nga ang mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay. Malalaman natin na ang marami sa mga hula ng Bibliya ay umaabot na sa kanilang kasukdulan sa ating panahon. a Ang babala ni Pablo na “sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” ay sapat nang pinatutunayan ng nakapangingilabot na mga pangyayari sa nagdaang siglo. (2 Timoteo 3:1-5; Marcos 13:3-37) Isang artikulo sa pahayagan kamakailan may kinalaman sa ika-20 siglo ang pinamagatang “Maaalaala Ito Bilang ang Panahon ng Barbarismo.” Sinabi ng artikulo: “Ang 1999 ang naging pinakamapamaslang na taon sa ikalawang kalahatian ng pinakamapamaslang na siglo.”

20. Ngayon na ang panahon para sa anong pagkilos?

20 Hindi ngayon ang panahon para mag-urong-sulong. Kitang-kita ang pagpapala ni Jehova sa pinakamalaking gawaing pagtuturo ng Bibliya na isinasagawa kailanman sa buong daigdig bilang patotoo sa mga bansa. (Mateo 24:14) Dibdibin mo ang katotohanan, at ibahagi ito sa iba. Ang iyong walang-hanggang kinabukasan ay nakasalalay sa iyong ginagawa ngayon. Ang pagmamakupad ay hindi magdudulot ng pagpapala ni Jehova. (Lucas 9:62) Sa halip, ito na ang panahon upang ‘maging matatag, di-natitinag, na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, sa pagkaalam na ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.’​—1 Corinto 15:58.

[Talababa]

a Tingnan Ang Bantayan, Enero 15, 2000, pahina 12-14. Nirerepaso sa parapo 13-18 ang anim na hanay ng matitinding katibayan na nagpapakita na nabubuhay na tayo sa mga huling araw sapol pa noong 1914.

Natatandaan Mo Ba?

• Paano natin maiwawaksi ang mga pag-aalinlangan?

• Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng tagapaglingkod ni Eliseo?

• Kailangan na lagi tayong magbantay laban sa anong mga tukso sa moral?

• Bakit dapat na maliwanag nating ipakilala ang ating sarili bilang mga Saksi ni Jehova?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 10]

Ang regular na pag-aaral ng Bibliya at pananalangin ay makatutulong sa atin na maiwaksi ang mga pag-aalinlangan

[Larawan sa pahina 11]

Nalutas ang pag-aalinlangan ng tagapaglingkod ni Eliseo sa pamamagitan ng isang pangitain

[Larawan sa pahina 12]

Ang matataas na pamantayan ni Jehova sa moral ay itinuturo sa atin sa mga Kingdom Hall gaya ng isang ito sa Benin