Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Iligtas Mo ang Iyong Sarili at Yaong mga Nakikinig sa Iyo’

‘Iligtas Mo ang Iyong Sarili at Yaong mga Nakikinig sa Iyo’

‘Iligtas Mo ang Iyong Sarili at Yaong mga Nakikinig sa Iyo’

“Magbigay ka ng palagiang pansin sa iyong sarili at sa iyong turo. . . . Sa paggawa nito ay ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.”​—1 TIMOTEO 4:16.

1, 2. Ano ang nag-uudyok sa mga tunay na Kristiyano upang magpatuloy sa kanilang nagliligtas-buhay na gawain?

SA ISANG nabubukod na nayon sa gawing hilaga ng Thailand, sinubok ng isang mag-asawang Saksi ni Jehova ang kanilang bagong natutuhang wika sa mga miyembro ng isang tribo sa burol. Upang maibahagi ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mga taganayon, ang mag-asawa ay nag-aral kamakailan ng wikang Lahu.

2 “Mahirap ilarawan ang nadama naming kagalakan at kasiyahan, sa paggawa sa gitna ng mga kawili-wiling taong ito,” paliwanag ng asawang lalaki. “Talagang nadarama namin na kami’y kasangkot sa katuparan ng Apocalipsis 14:6, 7, na nagpapahayag ng masayang pabalita ‘sa bawat bansa at tribo at wika.’ Iilan na lamang ang natitirang mga larangan na hindi pa naaabot ng mabuting balita, at tiyak na ito’y isa sa mga ito. Hindi kami halos makaugaga sa dami ng aming pinagdarausan ng pag-aaral sa Bibliya.” Maliwanag, ang mag-asawang ito ay umaasang hindi lamang mga sarili nila ang kanilang maililigtas kundi pati ang mga nakikinig sa kanila. Bilang mga Kristiyano, hindi ba inaasahan nating lahat na ganiyan din ang ating gagawin?

“Magbigay Ka ng Palagiang Pansin sa Iyong Sarili”

3. Upang mailigtas ang iba, ano muna ang dapat nating gawin?

3 Pinayuhan ni apostol Pablo si Timoteo na, “Magbigay ka ng palagiang pansin sa iyong sarili at sa iyong turo,” at ito ay kapit sa lahat ng mga Kristiyano. (1 Timoteo 4:16) Sa katunayan, upang makatulong sa iba na magtamo ng kaligtasan, dapat muna nating bigyang-pansin ang ating mga sarili. Paano natin ito magagawa? Una sa lahat, dapat tayong maging alisto sa mga panahong ating kinabubuhayan. Si Jesus ay nagbigay ng isang kabuuang tanda upang malaman ng kaniyang mga tagasunod ang pagdating ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Subalit, sinabi rin ni Jesus na hindi natin eksaktong malalaman kung kailan darating ang kawakasan. (Mateo 24:3, 36) Paano tayo tutugon sa bagay na iyan?

4. (a) Anong saloobin ang dapat nating taglayin hinggil sa natitirang panahon sa sistemang ito? (b) Anong saloobin ang dapat nating iwasan?

4 Baka itanong ng bawat isa sa atin, ‘Ginagamit ko ba ang anumang natitirang panahon sa sistemang ito upang iligtas ang aking sarili at yaong mga nakikinig sa akin? O iniisip ko ba na, “Yamang hindi naman natin eksaktong nalalaman kung kailan darating ang kawakasan, hindi ko na ito pagkakaabalahan pa”?’ Mapanganib ang huling nabanggit na saloobin. Ito’y tuwirang taliwas sa payo ni Jesus: ‘Patunayan ninyo ang inyong mga sarili na handa, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.’ (Mateo 24:44) Tiyak na hindi ito ang panahon upang mawala ang ating pananabik sa paglilingkod kay Jehova o kaya’y bumaling sa sanlibutan para sa katiwasayan o kasiyahan.​—Lucas 21:34-36.

5. Anong mga halimbawa ang ipinakita ng mga saksi ni Jehova bago ang panahong Kristiyano?

5 Ang isa pang paraan na maipakikita nating nagbibigay-pansin tayo sa ating mga sarili ay sa pamamagitan ng tapat na pagbabata bilang mga Kristiyano. Ang mga lingkod ng Diyos noon ay patuloy na nagbata, may inaasahan man silang kagyat na kaligtasan o wala. Matapos banggitin ang mga halimbawa ng mga saksi bago ang panahong Kristiyano na tulad nina Abel, Enoc, Noe, Abraham, at Sara, sinabi ni Pablo: “Hindi nila nakamtan ang katuparan ng mga pangako, ngunit nakita nila ang mga iyon mula sa malayo at malugod na tinanggap ang mga iyon at hayagang ipinahayag na sila ay mga estranghero at mga pansamantalang naninirahan sa lupain.” Hindi sila napadala sa anumang pagnanasa ukol sa isang maalwang buhay, ni sumuko man sila sa imoral na panggigipit na nakapalibot sa kanila, kundi sabik na sabik nilang inasam ang “katuparan ng mga pangako.”​—Hebreo 11:13; 12:1.

6. Paano nakaapekto sa paraan ng pamumuhay ng mga Kristiyano noong unang siglo ang kanilang pangmalas sa kaligtasan?

6 Itinuring din ng mga Kristiyano noong unang siglo na sila’y “mga dayuhan” sa sanlibutang ito. (1 Pedro 2:11) Kahit matapos na sila’y makaligtas sa pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E., ang tunay na mga Kristiyano ay hindi tumigil sa pangangaral ni bumalik man sa sekular na paraan ng pamumuhay. Batid nilang may naghihintay na isang dakilang kaligtasan para sa nananatiling tapat. Sa katunayan, noon pa mang 98 C.E., isinulat na ni apostol Juan: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”​—1 Juan 2:17, 28.

7. Paano nakapagpakita ng pagbabata ang mga Saksi ni Jehova sa modernong panahon?

7 Sa modernong panahon, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtiyaga rin sa gawaing Kristiyano, kahit na dumanas sila ng malulupit na pag-uusig. Nawalan ba ng kabuluhan ang kanilang pagbabata? Hinding-hindi, sapagkat tiniyak sa atin ni Jesus: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas,” iyon man ay ang wakas ng matandang sistema o ang wakas ng kasalukuyang buhay ng isa. Sa pagkabuhay-muli, aalalahanin at gagantimpalaan ni Jehova ang lahat ng kaniyang tapat na mga lingkod na namatay.​—Mateo 24:13; Hebreo 6:10.

8. Paano natin maipakikita na pinasasalamatan natin ang pagbabata ng mga Kristiyano noon?

8 Bukod diyan, natutuwa tayo na hindi lamang ang kanilang sariling kaligtasan ang ikinabahala ng mga tapat na Kristiyano noon. Tiyak na tayo na natuto tungkol sa Kaharian ng Diyos dahil sa kanilang mga pagsisikap ay nagpapasalamat na sila’y nagbata sa pagtupad sa atas na ibinigay ni Jesus: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Habang ang pagkakataon ay nananatiling bukás sa atin, maipakikita natin ang ating pasasalamat sa pamamagitan ng pangangaral sa iba na hindi pa nakaririnig sa mabuting balita. Gayunman, ang pangangaral ay unang hakbang lamang sa paggawa ng mga alagad.

‘Magbigay-Pansin sa Iyong Turo’

9. Paano makatutulong sa atin ang positibong saloobin upang makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya?

9 Hindi lamang pangangaral ang kalakip sa ating atas kundi pati ang pagtuturo. Inatasan tayo ni Jesus na turuan ang mga tao na tuparin ang lahat ng mga bagay na kaniyang iniutos. Totoo na sa ilang teritoryo ay waring iilan lamang ang nagnanais na matuto tungkol kay Jehova. Subalit ang pagkakaroon ng negatibong pangmalas sa teritoryo ay makahahadlang sa ating mga pagsisikap na makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Si Yvette, isang payunir sa isang teritoryo na kung tawagin ng ilan ay walang-bunga, ay nakapansin na ang mga bumibisita sa lugar na iyon, na walang gayong negatibong saloobin, ay nakapagpasimula ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Nang gawin niyang mas positibo ang kaniyang pangmalas, si Yvette ay nakasumpong din ng mga taong nagnanais mag-aral ng Bibliya.

10. Ano ang ating pangunahing papel bilang mga guro sa Bibliya?

10 Baka nag-aatubili ang ilang Kristiyano na mag-alok ng pag-aaral sa Bibliya sa mga interesado dahil sa inaakala nilang hindi nila kayang magdaos ng isang pag-aaral. Totoo na iba-iba ang antas ng ating kakayahan. Subalit hindi naman kailangang maging sanay na sanay tayo upang magtagumpay bilang mga guro ng Salita ng Diyos. Ang dalisay na mensahe ng Bibliya ay makapangyarihan, at sinabi ni Jesus na nakikilala ng mga tulad-tupa ang tinig ng tunay na Pastol kapag narinig nila ito. Kung gayon, ang ating tungkulin ay maipaabot lamang nang maliwanag ang mensahe ng Mabuting Pastol, si Jesus, ayon sa abot ng ating makakaya.​—Juan 10:4, 14.

11. Paano ka magiging mas mabisa sa pagtulong sa isang estudyante ng Bibliya?

11 Paano mo mas mabisang maipaaabot ang mensahe ni Jesus? Una, maging pamilyar ka sa sinasabi ng Bibliya hinggil sa paksang tinatalakay. Dapat na maunawaan mo mismo ang isang paksa bago mo ito maituro sa iba. Gayundin, sikaping mapanatili ang isang kagalang-galang ngunit palakaibigang kapaligiran sa panahon ng pag-aaral. Mas natututo ang mga estudyante, kasali na ang mga bata, kapag sila’y panatag at ang guro ay nagpapakita sa kanila ng paggalang at kabaitan.​—Kawikaan 16:21.

12. Paano mo matitiyak na nauunawaan ng estudyante ang itinuturo mo sa kaniya?

12 Bilang isang guro, hindi mo nanaisin na basta magharap na lamang ng mga katotohanan para sauluhin ng estudyante. Tulungan mo siyang maunawaan ang kaniyang natututuhan. Ang edukasyon, karanasan sa buhay, at ang kabatiran sa Bibliya ng isang estudyante ay makaaapekto sa kaniyang pagkaunawa sa iyong sinasabi. Samakatuwid, maaaring itanong mo sa iyong sarili, ‘Nauunawaan kaya niya ang kahulugan ng mga kasulatang binanggit sa materyal na pinag-aaralan?’ Malalaman mo ang nasa kaniyang kalooban kung maghaharap ka ng mga tanong na hindi masasagot nang basta oo o hindi lamang kundi nangangailangan ng pagpapaliwanag. (Lucas 9:18-20) Sa kabilang dako naman, may mga estudyante na nag-aatubiling magtanong sa guro. Sa gayon, nagpapatuloy na lamang sila nang hindi naman lubusang nauunawaan ang itinuturo sa kanila. Himukin ang estudyante na magtanong at magsabi sa iyo kung hindi niya gaanong nauunawaan ang isang punto.​—Marcos 4:10; 9:32, 33.

13. Paano mo matutulungan ang estudyante na maging isang guro?

13 Ang isang mahalagang layunin ng pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya ay upang tulungan ang estudyante na maging isang guro. (Galacia 6:6) Sa layuning iyan, bilang repaso sa inyong pag-aaral, maaaring hilingan mo siyang ipaliwanag sa iyo ang isang punto sa simpleng pananalita, na para bang ipinaliliwanag niya ito sa isa na ngayon lamang nakarinig nito. Pagkatapos, kapag kuwalipikado na siyang makibahagi sa ministeryo, maaari mo na siyang anyayahan na sumama sa iyo sa larangan. Malamang na magiging komportable siyang gumawa na kasama mo, at matutulungan siya ng karanasang iyon na magkaroon ng kumpiyansa hanggang sa handa na siyang lumabas na mag-isa sa ministeryo.

Tulungan ang Estudyante na Maging Kaibigan ni Jehova

14. Ano ang iyong pangunahing tunguhin bilang isang guro, at ano ang tutulong upang magtagumpay sa pagtatamo nito?

14 Ang pangunahing tunguhin ng bawat Kristiyanong guro ay upang tulungan ang estudyante na matamo ang pakikipagkaibigan ni Jehova. Maisasakatuparan mo ito hindi lamang sa pamamagitan ng iyong mga sinasabi kundi sa pamamagitan din ng iyong halimbawa. Ang pagtuturo sa pamamagitan ng halimbawa ay may mabisang epekto sa puso ng mga estudyante. Talagang mas mabisa ang gawa kaysa sa salita, lalo na kung ito’y may kinalaman sa pagkikintal ng moral na mga katangian at pagpapasigla sa kasigasigan ng estudyante. Kung nakikita niya na ang iyong mga sinasabi at ginagawa ay nanggagaling sa isang mabuting kaugnayan kay Jehova, baka lalo siyang maudyukan na maglinang mismo ng gayon ding ugnayan.

15. (a) Bakit mahalaga para sa estudyante na magkaroon ng tamang motibo sa paglilingkod kay Jehova? (b) Paano mo matutulungan ang estudyante na patuloy na sumulong sa espirituwal?

15 Ninanais mong maglingkod ang estudyante kay Jehova hindi lamang dahil sa ayaw niyang mapuksa sa Armagedon kundi dahil sa iniibig niya siya. Kung tinutulungan mo siyang magkaroon ng gayong dalisay na motibo, ikaw ay nagtatayo sa pamamagitan ng mga materyales na di-tinatablan ng apoy na makapananaig sa mga pagsubok sa kaniyang pananampalataya. (1 Corinto 3:10-15) Ang maling motibo, gaya ng labis na kagustuhang maging katulad mo o ng sinumang tao, ay hindi magbibigay sa kaniya ng lakas upang labanan ang di-Kristiyanong mga impluwensiya ni ng lakas ng loob upang gawin ang tama. Tandaan, hindi ka niya magiging guro magpakailanman. Habang may pagkakataon ka, maaari mo siyang himuking mapalapit nang husto kay Jehova sa pamamagitan ng pagbabasa ng Salita ng Diyos araw-araw at pagsasaisip tungkol dito. Sa ganitong paraan ay patuloy na mapapatanim sa isip niya ang “parisan ng nakapagpapalusog na mga salita” mula sa Bibliya at sa salig-Bibliyang mga publikasyon kahit matagal nang tapos ang inyong pag-aaral.​—2 Timoteo 1:13.

16. Paano mo matutulungan ang estudyante na manalangin mula sa puso?

16 Matutulungan mo rin ang estudyante na lalong mapalapit kay Jehova sa pamamagitan ng pagtuturo sa kaniya na manalangin mula sa puso. Paano mo ito magagawa? Marahil ay maaaring akayin mo siya sa modelong panalangin ni Jesus, gayundin sa maraming buong-pusong panalangin na nakaulat sa Bibliya, gaya niyaong nasa mga awit. (Awit 17, 86, 143; Mateo 6:9, 10) Karagdagan pa, kapag naririnig ka ng iyong estudyante na nananalangin sa pagbubukas at pagsasara ng pag-aaral, madarama niya ang iyong damdamin kay Jehova. Samakatuwid, dapat na palaging nababakas sa iyong mga panalangin ang kataimtiman at katapatan, gayundin ang espirituwal at emosyonal na pagkatimbang.

Pagsisikap Upang Iligtas ang Iyong mga Anak

17. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na manatili sa landas tungo sa kaligtasan?

17 Mangyari pa, kabilang sa nais nating maligtas ay ang mga miyembro ng ating pamilya. Napakaraming anak ng mga Kristiyanong magulang ang taimtim at “matatag sa pananampalataya.” Gayunman, maaaring sa iba, ay hindi nag-ugat nang malalim sa kanilang mga puso ang katotohanan. (1 Pedro 5:9; Efeso 3:17; Colosas 2:7) Iniiwan ng marami sa mga kabataang ito ang landasing Kristiyano kapag sila’y malapit na o pumapasok na sa pagiging adulto. Kung ikaw ay isang magulang, ano ang magagawa mo upang hindi magkaganito? Una, maaari mong pagsikapang makalikha ng isang magandang pagsasamahan ng pamilya. Inilalatag ng isang magandang buhay pampamilya ang pundasyon para sa isang mainam na pangmalas sa awtoridad, pagpapahalaga sa mga tamang pamantayan, at masayang pakikipagsamahan sa iba. (Hebreo 12:9) Samakatuwid, ang matalik na buklod ng pamilya ay maaaring maging pinakapunlaan na doo’y maaaring sumibol ang pakikipagkaibigan ng isang bata kay Jehova. (Awit 22:10) Ang matatag na mga pamilya ay sama-samang gumagawa ng mga bagay-bagay bilang isang yunit​—kahit na isakripisyo pa ng mga magulang ang panahon na magagamit sana para makinabang nang personal. Sa ganitong paraan, natuturuan mo sa pamamagitan ng halimbawa ang iyong mga anak na gumawa ng tamang pagpapasiya sa buhay. Mga magulang, ang kailangang-kailangan ng inyong mga anak mula sa inyo ay, hindi materyal na mga pakinabang, kundi kayo​—ang inyong panahon, lakas, at pag-ibig. Ibinibigay ba ninyo sa inyong mga anak ang mga bagay na ito?

18. Dapat tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na masagot ang anong uri ng mga tanong?

18 Hindi dapat ipalagay kailanman ng Kristiyanong mga magulang na ang kanilang mga anak ay awtomatikong magiging mga Kristiyano rin. Si Daniel, isang elder at may limang anak, ay nagsabi: “Dapat magkaroon ng panahon ang mga magulang upang matulungang iwaksi ang mga pag-aalinlangan na tiyak na mapupulot ng kanilang mga anak sa paaralan at sa ibang lugar. Dapat na matiyaga nilang tulungan ang kanilang mga anak na masumpungan ang mga sagot sa mga tanong na: ‘Talaga bang nabubuhay na tayo sa panahon ng kawakasan? Talaga bang iisa lamang ang tunay na relihiyon? Bakit kaya hindi mabuting kasama ang isang kaeskuwela na mukha namang mabait? Palagi bang mali na makipagtalik bago magpakasal?’ ” Mga magulang, makaaasa kayo na pagpapalain ni Jehova ang inyong mga pagsisikap, sapagkat siya man ay interesado sa kapakanan ng inyong mga anak.

19. Bakit pinakamabuti na ang mga magulang mismo ang makipag-aral sa kanilang mga anak?

19 Baka nadarama ng ilang magulang na hindi nila kayang makipag-aral sa kanilang sariling mga anak. Subalit, hindi dapat na ganito ang iyong madama, sapagkat ikaw lamang at wala nang iba ang nasa kalagayan upang magturo sa iyong mga anak. (Efeso 6:4) Ang pakikipag-aral sa iyong mga anak ay magpapangyari sa iyo na malaman mismo ang nasa kanilang puso at isip. Ang kanila bang mga ipinahahayag ay taos-puso o wala sa puso? Talaga bang pinaniniwalaan nila ang kanilang natututuhan? Totoo ba si Jehova para sa kanila? Masusumpungan mo ang mga sagot sa mga ito at sa iba pang mahahalagang tanong tangi lamang kung ikaw mismo ang nakikipag-aral sa iyong mga anak.​—2 Timoteo 1:5.

20. Paano magagawa ng mga magulang na maging kawili-wili at kapaki-pakinabang ang pampamilyang pag-aaral?

20 Paano mo mapananatili ang inyong programa ng pampamilyang pag-aaral minsang masimulan mo na ito? Si Joseph, isang elder at may anak na isang batang lalaki at isang batang babae, ay nagsabi: “Gaya ng lahat ng pag-aaral sa Bibliya, dapat na maging kawili-wili ang pampamilyang pag-aaral, isang bagay na kasasabikan ng bawat isa. Para magawa ito sa aming pamilya, hindi kami masyadong istrikto sa oras. Ang aming pag-aaral ay maaaring tumagal nang isang oras, ngunit kahit kung minsan ay may sampung minuto lamang kami, tuloy pa rin ang aming pag-aaral. Ang isang bagay kung bakit nagiging tampok ang aming pag-aaral sa loob ng sanlinggo para sa mga bata ay dahil sa isinasadula namin ang mga eksena mula sa Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. * Ang lalim ng pagkakaugat at pagkaunawa na nagiging bunga nito ay makapupong higit na mahalaga kaysa sa dami ng mga parapong natatalakay namin.”

21. Kailan pa maaaring turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak?

21 Mangyari pa, ang pagtuturo sa iyong mga anak ay hindi hanggang sa pormal na pag-aaral lamang. (Deuteronomio 6:5-7) Ang Saksi sa Thailand na binanggit kanina ay nagsabi: “Tandang-tanda ko pa kung paano ako isinasama ni Daddy noon sa pangangaral, sakay ng aming mga bisikleta, sa liblib na mga dako sa teritoryo ng aming kongregasyon. Talagang ang mainam na halimbawa at pagtuturo sa amin ng aming mga magulang sa anumang kalagayan ang nakatulong sa amin na magpasiyang pumasok sa buong-panahong ministeryo. At talagang tumimo ang mga leksiyon. Hanggang ngayon ay gumagawa pa rin ako sa liblib na mga dako ng larangan!”

22. Ano ang ibubunga ng iyong ‘pagbibigay-pansin sa iyong sarili at sa iyong turo’?

22 Hindi na magtatagal balang araw, sa tamang-tamang panahon, darating si Jesus upang isakatuparan ang hatol ng Diyos sa sistemang ito. Ang dakilang pangyayaring iyan ay magpapasalin-salin sa kasaysayan ng sansinukob, subalit ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay mananatili sa paglilingkod sa kaniya taglay ang pag-asam sa walang-hanggang kaligtasan. Umaasa ka bang mapapabilang sa kanila, kasama ng iyong mga anak at mga estudyante sa Bibliya? Kung gayon ay tandaan: “Magbigay ka ng palagiang pansin sa iyong sarili at sa iyong turo. Mamalagi ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.”​—1 Timoteo 4:16.

[Talababa]

^ par. 20 Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Ano ang dapat na maging saloobin natin, yamang hindi natin alam ang eksaktong panahon ng paghatol ng Diyos?

• Sa anong mga paraan tayo ‘makapagbibigay-pansin sa ating turo’?

• Paano mo matutulungan ang isang estudyante na maging kaibigan ni Jehova?

• Bakit mahalaga na maglaan ng panahon ang mga magulang upang turuan ang kanilang mga anak?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 15]

Napasisigla ang pagkatuto sa pamamagitan ng isang kagalang-galang ngunit palakaibigang kapaligiran

[Larawan sa pahina 18]

Nagiging kawili-wili ang pampamilyang pag-aaral kapag isinasadula ang mga kuwento sa Bibliya, gaya niyaong paghatol ni Solomon sa dalawang patutot