Manampalataya sa Makahulang Salita ng Diyos!
Manampalataya sa Makahulang Salita ng Diyos!
“Taglay namin ang makahulang salita na ginawang higit na tiyak.”—2 PEDRO 1:19.
1, 2. Ano ang unang hula na naitala kailanman, at ano ang isa sa mga tanong na ibinangon nito?
SI Jehova ang Pinagmulan ng unang hula na naitala kailanman. Matapos magkasala sina Adan at Eva, sinabi ng Diyos sa serpiyente: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Genesis 3:1-7, 14, 15) Kinailangan munang lumipas ang maraming siglo bago lubusang naunawaan ang makahulang mga salitang iyon.
2 Ang unang hulang iyan ay naglaan ng tunay na pag-asa para sa makasalanang sangkatauhan. Nang maglaon ay ipinakilala ng Kasulatan si Satanas na Diyablo bilang “ang orihinal na serpiyente.” (Apocalipsis 12:9) Subalit sino kaya ang magiging ipinangakong Binhi ng Diyos?
Paghahanap sa Binhi
3. Paano nagsagawa si Abel ng pananampalataya sa unang hula?
3 Di-gaya ng kaniyang ama, ang makadiyos na si Abel ay nagsagawa ng pananampalataya sa unang hula. Lumilitaw na napagtanto ni Abel na kakailanganin ang pagbububo ng dugo upang maitakip sa kasalanan. Kaya naman pinakilos siya ng pananampalataya upang maghandog ng isang haing hayop na naging kaayaaya sa Diyos. (Genesis 4:2-4) Gayunman, nananatili pa ring isang hiwaga kung sino ang ipinangakong Binhi.
4. Anong pangako ang ibinigay ng Diyos kay Abraham, at ano ang ipinahiwatig nito hinggil sa ipinangakong Binhi?
4 Mga 2,000 taon pagkatapos ng kapanahunan ni Abel, ibinigay ni Jehova sa patriyarkang si Abraham ang makahulang pangakong ito: “Tiyak na pagpapalain kita at tiyak na pararamihin ko ang iyong binhi tulad ng mga bituin sa langit . . . At sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Genesis 22:17, 18) Ang mga salitang iyan ang nag-ugnay kay Abraham sa katuparan ng unang hula. Ipinahiwatig ng mga ito na ang Binhing sisira sa mga gawa ni Satanas ay lilitaw sa angkan ni Abraham. (1 Juan 3:8) “Dahilan sa pangako ng Diyos [si Abraham] ay hindi nag-urung-sulong sa kawalan ng pananampalataya” ni ang iba pang mga saksi ni Jehova bago ang panahong Kristiyano na “hindi nagkamit ng katuparan ng mga pangako.” (Roma 4:20, 21; Hebreo 11:39) Sa halip, napanatili nila ang kanilang pananampalataya sa makahulang salita ng Diyos.
5. Kanino natupad ang pangako ng Diyos hinggil sa Binhi, at bakit iyan ang sagot mo?
5 Ipinakilala ni apostol Pablo ang ipinangakong Binhi ng Diyos nang isulat niya: “Ang mga pangako ay sinalita kay Abraham at sa kaniyang binhi. Hindi sinasabi: ‘At sa mga binhi,’ gaya ng sa kalagayan ng maraming gayon, kundi gaya ng sa kalagayan ng isa: ‘At sa iyong binhi,’ na si Kristo.” (Galacia 3:16) Hindi lahat ng supling ni Abraham ay kasama sa Binhi na sa pamamagitan nito ay pagpapalain ng mga bansa ang kanilang sarili. Ang mga inapo ng kaniyang anak na si Ismael at ng kaniyang mga anak kay Ketura ay hindi ginamit upang pagpalain ang sangkatauhan. Ang Binhi ng pagpapala ay dumating sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Isaac at ng kaniyang apo na si Jacob. (Genesis 21:12; 25:23, 31-34; 27:18-29, 37; 28:14) Ipinakita ni Jacob na ang “mga bayan” ay magiging masunurin sa Shilo ng tribo ng Juda, subalit nang maglaon ay itinakda ang Binhi sa angkan lamang ni David. (Genesis 49:10; 2 Samuel 7:12-16) Inasahan ng mga Judio noong unang siglo na darating ang isang tao bilang ang Mesiyas, o Kristo. (Juan 7:41, 42) At ang hula ng Diyos hinggil sa Binhi ay natupad sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.
Lumitaw ang Mesiyas!
6. (a) Paano natin uunawain ang hula hinggil sa 70 sanlinggo? (b) Kailan at paano ‘tinapos [ni Jesus] ang kasalanan’?
6 Iniulat ng propetang si Daniel ang isang mahalagang Mesiyanikong hula. Nang unang taon ni Dario na Medo, napag-isip-isip niya na malapit nang magwakas ang 70-taóng pagkatiwangwang ng Jerusalem. (Jeremias 29:10; Daniel 9:1-4) Habang nananalangin si Daniel, dumating ang anghel na si Gabriel at isiniwalat na ‘may pitumpung sanlinggo na itinalaga upang tapusin ang kasalanan.’ Ang Mesiyas ay kikitlin sa kalagitnaan ng ika-70 sanlinggo. Ang “pitumpung sanlinggo ng mga taon” ay nagsimula noong 455 B.C.E. nang ang hari ng Persia na si Artajerjes I ay ‘magpalabas ng salita na muling itayo ang Jerusalem.’ (Daniel 9:20-27; Moffatt; Nehemias 2:1-8) Darating ang Mesiyas makalipas ang 7 sanlinggo at karagdagang 62 sanlinggo. Ang 483 taon na ito ay mula 455 B.C.E. hanggang 29 C.E., nang bautismuhan si Jesus at pahiran siya ng Diyos bilang ang Mesiyas, o Kristo. (Lucas 3:21, 22) ‘Tinapos [ni Jesus] ang kasalanan’ sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaniyang buhay bilang pantubos noong 33 C.E. (Marcos 10:45) Kay titibay na dahilan nga upang manampalataya sa makahulang salita ng Diyos! *
7. Sa paraang ginagamit ang Kasulatan, ipakita kung paano tinupad ni Jesus ang Mesiyanikong hula.
7 Pinangyayari ng pananampalataya sa makahulang salita ng Diyos na makilala natin ang Mesiyas. Sa maraming Mesiyanikong hula na nakaulat sa Hebreong Kasulatan, marami ang tuwirang ikinapit kay Jesus ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Bilang halimbawa: Si Jesus ay ipinanganak ng isang birhen sa Betlehem. (Isaias 7:14; Mikas 5:2; Mateo 1:18-23; Lucas 2:4-11) Siya’y tinawag mula sa Ehipto, at pinagpapatay ang mga sanggol pagkasilang sa kaniya. (Jeremias 31:15; Oseas 11:1; Mateo 2:13-18) Dinala ni Jesus ang ating mga sakit. (Isaias 53:4; Mateo 8:16, 17) Gaya ng inihula, pumasok siya sa Jerusalem na nakasakay sa bisiro ng isang asno. (Zacarias 9:9; Juan 12:12-15) Natupad ang mga salita ng salmista matapos ipako si Jesus nang pinaghati-hatian ng mga sundalo ang kaniyang damit at pinagpalabunutan ang kaniyang panloob na kasuutan. (Awit 22:18; Juan 19:23, 24) Ang bagay na hindi nabali ang mga buto ni Jesus at na siya’y inulos ay katuparan din ng hula. (Awit 34:20; Zacarias 12:10; Juan 19:33-37) Ang mga ito’y ilang halimbawa lamang ng Mesiyanikong mga hula na ikinapit kay Jesus ng kinasihan ng Diyos na mga manunulat ng Bibliya. *
Ibunyi ang Mesiyanikong Hari!
8. Sino ang Sinauna sa mga Araw, at paano natupad ang hulang nakaulat sa Daniel 7:9-14?
8 Sa unang taon ni Haring Belsasar ng Babilonya, pinagkalooban ni Jehova ang kaniyang propetang si Daniel ng isang panaginip at pambihirang mga pangitain. Unang nakita ng propeta ang apat na pagkalaki-laking hayop. Ang mga ito’y ipinakilala ng anghel ng Diyos bilang “apat na hari,” sa gayon ay nagpapahiwatig na ang mga ito’y sumasagisag sa sunud-sunod na kapangyarihang pandaigdig. (Daniel 7:1-8, 17) Pagkatapos ay nakita naman ni Daniel si Jehova, “ang Sinauna sa mga Araw,” na maluwalhating nakaluklok sa trono. Bilang hatol laban sa mga hayop, inalis niya sa kanila ang pamamahala at pinuksa ang ikaapat na hayop. Ang namamalaging pamamahala sa “mga bayan, mga liping pambansa at mga wika” ay ipinagkaloob sa “isang gaya ng anak ng tao.” (Daniel 7:9-14) Kay gandang hula may kaugnayan sa pagluklok sa trono ng “Anak ng tao,” si Jesu-Kristo, sa mga langit noong taóng 1914!—Mateo 16:13.
9, 10. (a) Sa ano tumutukoy ang iba’t ibang bahagi ng imahen sa panaginip? (b) Paano mo ipaliliwanag ang katuparan ng Daniel 2:44?
9 Batid ni Daniel na ang Diyos ay “nag-aalis ng mga hari at naglalagay ng mga hari.” (Daniel 2:21) Taglay ang pananampalataya kay Jehova, ang “Tagapagsiwalat ng mga lihim,” ibinunyag ng propeta ang kahulugan ng panaginip ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya hinggil sa isang pagkalaki-laking imahen. Ang iba’t ibang bahagi nito ay tumukoy sa pagbangon at pagbagsak ng mga kapangyarihang pandaigdig na gaya ng Babilonya, Medo-Persia, Gresya, at Roma. Ginamit din ng Diyos si Daniel upang ibalangkas ang mga pangyayari sa daigdig hanggang sa ating panahon at sa hinaharap.—Daniel 2:24-30.
10 “Sa mga araw ng mga haring iyon,” sabi sa hula, “magtatatag ang Diyos sa langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon nga ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” (Daniel 2:44) Nang “ang itinakdang panahon ng mga bansa” ay magwakas noong 1914, itinatag ng Diyos ang makalangit na Kaharian sa ilalim ni Kristo. (Lucas 21:24; Apocalipsis 12:1-5) Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, ang “bato” na siyang Mesiyanikong Kaharian ay natibag noon mula sa “bundok” ng pansansinukob na soberanya ng Diyos. Sa Armagedon, ang batong iyan ang tatama sa imahen at pupulbos dito. Bilang isang pamahalaang bundok na apektado “ang buong lupa,” ang Mesiyanikong Kaharian ay mananatili magpakailanman.—Daniel 2:35, 45; Apocalipsis 16:14, 16. *
11. Ang pagbabagong-anyo ni Jesus ay isang pahapyaw na pagtatanghal ng ano, at ano ang naging epekto ng pangitaing ito kay Pedro?
11 Taglay sa isipan ang kaniyang pamamahala sa Kaharian, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “May ilan sa mga nakatayo rito na hindi na makatitikim pa ng kamatayan hanggang sa makita muna nila ang Anak ng tao na dumarating sa kaniyang kaharian.” (Mateo 16:28) Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan sa isang matayog na bundok kung saan nagbagong-anyo siya sa harap nila. Habang natatakpan ng maningning na ulap ang mga apostol, nagpahayag ang Diyos: “Ito ang aking Anak, ang iniibig, na aking sinang-ayunan; makinig kayo sa kaniya.” (Mateo 17:1-9; Marcos 9:1-9) Kay gandang pahapyaw na pagtatanghal ng kaluwalhatian ni Kristo sa Kaharian! Hindi nga kataka-takang tukuyin ni Pedro ang nakasisilaw na pangitaing iyon at sabihin: “Dahil dito ay taglay namin ang makahulang salita na ginawang higit na tiyak.”—2 Pedro 1:16-19. *
12. Bakit ngayon lalo na ang panahon upang ipakita ang ating pananampalataya sa makahulang salita ng Diyos?
12 Lumilitaw na hindi lamang ang mga hula sa Hebreong Kasulatan hinggil sa Mesiyas ang kabilang sa “makahulang salita” kundi pati ang pangungusap ni Jesus na siya’y darating “taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” (Mateo 24:30) Ang pagbabagong-anyo ay nagpatunay sa makahulang salita tungkol sa maluwalhating pagdating ni Kristo taglay ang kapangyarihan sa Kaharian. Hindi na magtatagal, ang pagkakasiwalat sa kaniya sa kaluwalhatian ay mangangahulugan ng pagkapuksa sa mga walang pananampalataya at mga pagpapala naman para sa mga nagsasagawa ng pananampalataya. (2 Tesalonica 1:6-10) Ang katuparan ng hula sa Bibliya ay nagpapatunay na ito na nga ang “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5, 16, 17; Mateo 24:3-14) Bilang Punong Tagapuksa ni Jehova, si Miguel, na siyang si Jesu-Kristo, ay nakahanda na upang wakasan ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay sa panahon ng “malaking kapighatian.” (Mateo 24:21; Daniel 12:1) Kung gayon ay tiyak na ito na ang panahon upang ipakita na tayo’y nananampalataya sa makahulang salita ng Diyos.
Panatilihin ang Pananampalataya sa Makahulang Salita ng Diyos
13. Ano ang makatutulong sa atin upang mapanatili ang ating pag-ibig sa Diyos at mapanatiling buháy ang ating pananampalataya sa kaniyang salita?
13 Tiyak na tayo’y tuwang-tuwa nang una nating matutuhan ang tungkol sa mga katuparan ng makahulang salita ng Diyos. Subalit mula ba noon ay humina na ang ating pananampalataya at nanlamig na ang ating pag-ibig? Sana’y huwag tayong makatulad ng mga Kristiyano sa Efeso na ‘iniwan ang pag-ibig na taglay nila noong una.’ (Apocalipsis 2:1-4) Gaano man katagal na tayong naglilingkod kay Jehova, maaari nating danasin ang gayong kalugihan kung hindi natin ‘patuloy na hahanapin muna ang kaharian ng Diyos at ang kaniyang katuwiran’ upang makapag-imbak ng kayamanan sa langit. (Mateo 6:19-21, 31-33) Ang masikap na pag-aaral ng Bibliya, regular na pakikibahagi sa Kristiyanong mga pulong, at masigasig na gawaing pangangaral ng Kaharian ay tutulong sa atin na mapanatili ang ating pag-ibig kay Jehova, sa kaniyang Anak, at sa Kasulatan. (Awit 119:105; Marcos 13:10; Hebreo 10:24, 25) Sa gayon, pananatilihin naman nitong buháy ang ating pananampalataya sa salita ng Diyos.—Awit 106:12.
14. Paano ginagantimpalaan ang pinahirang mga Kristiyano dahil sa kanilang pananampalataya sa makahulang salita ni Jehova?
14 Kung paanong natupad noon ang makahulang salita ng Diyos, gayundin, makapananampalataya tayo sa inihuhula nito para sa ating hinaharap. Halimbawa, natutupad na ngayon ang pagkanaririto ni Kristo taglay ang kaluwalhatian ng Kaharian, at ang pinahirang mga Kristiyano na naging tapat hanggang kamatayan ay nakaranas na ng katuparan ng makahulang pangako: “Sa kaniya na nananaig ay ipagkakaloob ko na kumain mula sa punungkahoy ng buhay, na nasa paraiso ng Diyos.” (Apocalipsis 2:7, 10; 1 Tesalonica 4:14-17) Ipinagkakaloob ni Jesus sa mga nagtagumpay na ito ang pribilehiyong “kumain mula sa punungkahoy ng buhay” sa makalangit na “paraiso ng Diyos.” Sa kanilang pagkabuhay-muli at sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, nakikibahagi sila sa imortalidad at kawalang-kasiraan na ipinagkakaloob ni Jehova, ang “Haring walang-hanggan, walang-kasiraan, di-nakikita, ang tanging Diyos.” (1 Timoteo 1:17; 1 Corinto 15:50-54; 2 Timoteo 1:10) Isa nga itong napakalaking gantimpala dahil sa kanilang walang-kamatayang pag-ibig sa Diyos at di-urung-sulong na pananampalataya sa makahulang salita!
15. Kanino inilatag ang pundasyon ng “bagong lupa,” at sino ang kanilang mga kasamahan?
15 Di-nagtagal pagkatapos na ang tapat na namatay na mga pinahiran ay buhaying-muli tungo sa makalangit na “paraiso ng Diyos,” ang nalabi ng espirituwal na Israel sa lupa ay pinalaya naman mula sa “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 14:8; Galacia 6:16) Sa kanila inilatag ang pundasyon ng “bagong lupa.” (Apocalipsis 21:1) Sa gayon ay iniluwal ang “isang lupain,” at ito’y itinayo bilang isang espirituwal na paraiso na ngayo’y palago nang palago sa buong lupa. (Isaias 66:8) Ang pulu-pulutong na tulad-tupang mga kasamahan ng espirituwal na Israel ay papasók na humuhugos dito ngayon, “sa huling bahagi ng mga araw.”—Isaias 2:2-4; Zacarias 8:23; Juan 10:16; Apocalipsis 7:9.
Inihula sa Makahulang Salita ng Diyos ang Kinabukasan ng Sangkatauhan
16. Ano ang mga inaasahan ng tapat na mga tagasuporta ng mga pinahiran?
16 Ano ang mga inaasahan ng tapat na mga tagasuporta ng mga pinahiran? Sila rin ay may pananampalataya sa makahulang salita ng Diyos, at ang kanilang pag-asa ay nakatuon sa pagpasok sa makalupang Paraiso. (Lucas 23:39-43) Doon ay iinom sila mula sa nagbibigay-buhay na “ilog ng tubig ng buhay” at makasusumpong ng ikagagaling mula sa “mga dahon ng mga punungkahoy” na nakatanim sa tabi nito. (Apocalipsis 22:1, 2) Kung taglay mo ang napakagandang pag-asang ito, sana’y ipagpatuloy mo ang pagpapakita ng matinding pag-ibig kay Jehova at pananampalataya sa kaniyang makahulang salita. Sana’y mapabilang ka sa mga magtatamasa ng walang-kahulilip na kagalakan ng walang-hanggang buhay sa lupang Paraiso.
17. Anong mga pagpapala ang kalakip sa buhay sa makalupang Paraiso?
17 Hindi kaya ng di-sakdal na mga tao na lubusang mailarawan ang magiging buhay sa nalalapit na makalupang Paraiso, subalit ang makahulang salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng kaunawaan hinggil sa mga pagpapalang nakalaan doon para sa masunuring sangkatauhan. Kapag ang Kaharian ng Diyos ay namamahala na nang walang sumasalansang at ang kaniyang kalooban ay ginaganap na sa lupa kung paano sa langit, walang mababangis na tao—wala, ni mga hayop man—ang “mananakit o maninira man.” (Isaias 11:9; Mateo 6:9, 10) Ang maaamo ay tatahan sa lupa, at “makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:11) Wala nang magugutom na karamihan, sapagkat “magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.” (Awit 72:16) Wala nang papatak na luha dahil sa kalungkutan. Wala nang sakit, at maging ang kamatayan ay mawawala na rin. (Isaias 33:24; Apocalipsis 21:4) Isipin na lamang—wala nang mga doktor, wala nang mga gamot, wala nang mga ospital o kaya’y mga institusyon para sa nasisiraan ng bait, wala nang mga punerarya. Kay gagandang pag-asa!
18. (a) Anong katiyakan ang ibinigay kay Daniel? (b) Ano ang “kahihinatnan” ni Daniel?
18 Maging ang karaniwang libingan ng sangkatauhan ay mababakante na yamang ang kamatayan ay hahalinhan ng pagkabuhay-muli. Ang matuwid na lalaking si Job ay may gayong pag-asa. (Job 14:14, 15) Gayundin ang propetang si Daniel, yamang ibinigay sa kaniya ng anghel ni Jehova ang nakaaaliw na katiyakang ito: “At ikaw naman, yumaon ka patungo sa kawakasan; at magpapahinga ka, ngunit tatayo ka para sa iyong kahihinatnan sa kawakasan ng mga araw.” (Daniel 12:13) Si Daniel ay may-katapatang naglingkod sa Diyos hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay. Ngayon ay nagpapahinga siya sa kamatayan, ngunit siya’y “tatayo” sa “pagkabuhay-muli ng mga matuwid” sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo. (Lucas 14:14) Ano ang “kahihinatnan” ni Daniel? Buweno, sa katuparan nito sa Paraiso, ang hula ni Ezekiel ay nagpapahiwatig na ang buong bayan ni Jehova ay magkakaroon ng dako, anupat binaha-bahagi pa nga ang lupa sa isang makatuwiran at maayos na paraan. (Ezekiel 47:13–48:35) Kaya si Daniel ay magkakaroon ng dako sa Paraiso, ngunit ang kahihinatnan niya roon ay hindi lamang may kinalaman sa lupa. Lakip din doon ang kaniyang dako sa layunin ni Jehova.
19. Ano ang kinakailangan upang mabuhay sa makalupang Paraiso?
19 Kumusta ka naman at ang iyong kahihinatnan? Kung ikaw ay may pananampalataya sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, mas malamang na inaasam mo ang buhay sa makalupang Paraiso. Baka ginuguniguni mo pa nga na naroroon ka, anupat tinatamasa ang maraming pagpapala nito, pinangangalagaan ang lupa, at buong-kagalakang sinasalubong ang mga patay na binuhay-muli. Tutal, ang Paraiso ay talaga namang para sa sangkatauhan. Nilalang ng Diyos ang unang mag-asawa upang mabuhay sa gayong dako. (Genesis 2:7-9) At nais niya na ang masunuring sangkatauhan ay mabuhay magpakailanman sa Paraiso. Gagawi ka ba alinsunod sa Kasulatan upang mapabilang sa bilyun-bilyon na sa dakong huli ay mabubuhay sa lupang Paraiso? Maaari ngang naroroon ka kung taglay mo ang tunay na pag-ibig sa ating makalangit na Ama, si Jehova, at ang walang-maliw na pananampalataya sa makahulang salita ng Diyos.
[Mga talababa]
^ par. 6 Tingnan ang kabanata 11 ng Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel! at “Seventy Weeks” sa Insight on the Scriptures, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
^ par. 7 Tingnan ang “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang,” pahina 343-4, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
^ par. 11 Tingnan ang artikulong pinamagatang “Magbigay-Pansin sa Makahulang Salita ng Diyos,” na lumabas sa Ang Bantayan ng Abril 1, 2000.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang unang hula, at sino ang ipinangakong Binhi?
• Ano ang ilang Mesiyanikong hula na natupad kay Jesus?
• Paano matutupad ang Daniel 2:44, 45?
• Ang makahulang salita ng Diyos ay tumutukoy sa anong kinabukasan para sa masunuring sangkatauhan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 18]
Umaasa ka bang mabubuhay sa makalupang Paraiso?