Tapat at Walang-Takot sa Harap ng Paniniil ng Nazi
Tapat at Walang-Takot sa Harap ng Paniniil ng Nazi
Noong Hunyo 17, 1946, si Reyna Wilhelmina ng Netherlands ay nagpadala ng isang mensahe ng pakikiramay sa isang pamilya ng mga Saksi ni Jehova sa Amsterdam. Ang layunin nito ay ipahayag ang kaniyang paghanga sa anak na lalaki ng pamilya, si Jacob van Bennekom, na pinatay ng mga Nazi noong Digmaang Pandaigdig II. Mga ilang taon na ang nakalipas, ang konsehong panlunsod sa Doetinchem, isang bayan sa gawing silangan ng Netherlands, ay nagpasiyang panganlan ang isang kalye para kay Bernard Polman, isa ring Saksi ni Jehova na pinatay noong panahon ng digmaan.
BAKIT nagalit ang mga Nazi kina Jacob, Bernard, at sa iba pang Saksi ni Jehova sa Netherlands noong Digmaang Pandaigdig II? At ano ang nagpangyari sa mga Saksing ito na manatiling tapat sa ilalim ng mga taon ng malupit na pag-uusig at sa wakas ay makamit ang paggalang at paghanga ng kanilang mga kababayan at ng reyna? Upang malaman, ating repasuhin ang ilang pangyayari na humantong sa tulad David-at-Goliat na paghaharap sa pagitan ng maliit na pangkat ng mga Saksi ni Jehova at ng higanteng pulitikal at militar na organisasyon ng Nazi.
Ipinagbawal—Subalit Mas Aktibo Higit Kailanman
Noong Mayo 10, 1940, biglang sinalakay ng hukbong Nazi ang Netherlands. Yamang inilantad ng literatura na ipinamahagi ng mga Saksi ni Jehova ang masasamang gawa ng Nazismo at itinaguyod ang Kaharian ng Diyos, agad na sinikap ng mga Nazi na pahintuin ang mga gawain ng mga Saksi. Wala pang tatlong linggo pagkatapos salakayin ang Netherlands, naglabas sila ng isang lihim na utos na nagbabawal sa mga Saksi ni Jehova. Noong Marso 10, 1941, iniulat ng pamahayagan sa publiko ang pagbabawal, anupat pinararatangan ang mga Saksi ng pagtataguyod ng isang kampanya “laban sa lahat ng estado at mga institusyon ng simbahan.” Bunga nito, tumindi ang paghahanap sa mga Saksi.
Kapansin-pansin, bagaman sinusubaybayan ng ubod-samang Gestapo, o sekreta, ang lahat ng relihiyon, isa lamang organisasyong Kristiyano ang matinding pinag-usig nito. “Ang pag-uusig hanggang kamatayan,” sabi ng mananalaysay na Olandes na si Dr. Louis de Jong, “ay sumalakay sa isa lamang relihiyosong grupo—sa mga Saksi ni Jehova.”—Het Koninkrijk der Nederlanden in de Tweede Wereldoorlog (Ang Kaharian ng Netherlands Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig).
Ang pulisyang Olandes ay nakipagtulungan sa Gestapo sa paghanap at pag-aresto sa mga Saksi. Karagdagan pa, isang naglalakbay na tagapangasiwa na natakot at naging apostata ang nagbigay sa mga Nazi ng impormasyon tungkol sa kaniyang dating mga kapananampalataya. Sa pagtatapos ng Abril 1941, 113 Saksi ang naaresto. Napahinto ba ng pagsalakay na ito ang gawaing pangangaral?
Ang sagot ay masusumpungan sa Meldungen aus den Niederlanden (Mga Ulat Mula sa Netherlands), isang lihim na dokumento na inihanda ng Sicherheitspolizei (Pulisyang Panseguridad) ng Alemanya noong Abril 1941. Ganito ang sabi ng ulat tungkol sa mga Saksi ni Jehova: “Ang ipinagbabawal na sektang ito ay nagpapatuloy sa masigasig na gawain sa buong lupain, na nagdaraos ng ilegal na mga pagpupulong at nagdidikit ng mga pulyetong may mga sawikaing gaya ng ‘Isang krimen ang pag-uusig sa mga Saksi ng Diyos’ at ‘Parurusahan ni Jehova ang mga mang-uusig sa pamamagitan ng walang-hanggang pagkapuksa.’ ” Pagkaraan ng dalawang linggo ay nag-ulat ang dokumento ring iyon na “sa kabila ng sumisidhi’t mahihigpit na mga hakbang na isinasagawa ng Pulisyang Panseguridad laban sa mga gawain ng mga Estudyante ng Bibliya, ang kanilang mga gawain ay patuloy na sumulong.” Oo, sa kabila ng panganib na maaresto, ang mga Saksi ay nagpatuloy sa kanilang gawain, na nagpapasakamay ng mahigit na 350,000 piraso ng literatura sa publiko noon lamang 1941!
Ano ang nagpangyari sa maliit subalit lumalagong pangkat na ito ng ilang daang Saksi na magkaroon ng lakas ng loob upang harapin ang kanilang nakatatakot na mga kaaway? Katulad ng tapat na propetang si Isaias noong una, ang mga Saksi ay natatakot sa Diyos, hindi sa tao. Bakit? Sapagkat isinapuso nila ang nagbibigay-katiyakang mga salita ni Jehova kay Isaias: “Ako—ako ang Isa na umaaliw sa inyo. Sino ka na matatakot ka sa taong mortal?”—Isaias 51:12.
Ang Kawalang-Takot ay Humihiling ng Paggalang
Sa pagtatapos ng 1941, ang bilang ng mga Saksi na naaresto ay umabot ng 241. Subalit, ang ilan ay sumuko dahil sa takot sa tao. Si Willy Lages, isang kilabot na miyembro ng sekretang Aleman, ay sinipi na nagsabing “90 porsiyento ng mga Saksi ni Jehova ay tumangging magsiwalat ng anumang bagay, samantalang napakaliit na porsiyento lamang sa ibang grupo ang may lakas ng loob na manatiling tahimik.” Pinatutunayan ng isang obserbasyon na
ginawa ng klerigong Olandes na si Johannes J. Buskes, na nabilanggo kasama ng ilan sa mga Saksi, ang pananalita ni Lages. Noong 1951, sumulat si Buskes:“Noon, nagkaroon ako ng malaking paggalang sa kanila dahil sa kanilang pagtitiwala at sa lakas ng kanilang pananampalataya. Hinding-hindi ko malilimutan ang binata—ang edad niya ay hindi na lalampas pa sa 19—na namahagi ng mga pamplet na humuhula sa pagbagsak ni Hitler at ng Third Reich. . . . Maaari sana siyang mapalaya sa loob ng anim na buwan kung mangangako siyang hindi na magpapatuloy sa gayong gawain. Ito ay mariin niyang tinanggihan, at siya’y hinatulan ng walang takdang sapilitang pagtatrabaho sa Alemanya. Alam na alam namin ang kahulugan nito. Kinaumagahan nang siya ay dalhin at kami’y nagpaalam sa kaniya, sinabi ko sa kaniya na aalalahanin namin siya at ipananalangin siya. Ang tanging sagot niya ay: ‘Huwag kayong mag-alala sa akin. Tiyak na darating ang Kaharian ng Diyos.’ Hindi mo malilimutan ang isang bagay na gaya niyan, kahit na taglay mo ang lahat ng posibleng pagtutol laban sa mga turo ng mga Saksi ni Jehova na ito.”
Sa kabila ng malupit na pagsalansang, patuloy na dumarami ang bilang ng mga Saksi. Bagaman may mga 300 bago ang ikalawang digmaang pandaigdig, ang bilang ay tumaas sa 1,379 noong 1943. Nakalulungkot, sa pagtatapos ng taon ding iyon, 54 sa mahigit na 350 Saksi na naaresto ang namatay sa iba’t ibang kampong piitan. Noong 1944, may 141 Saksi ni Jehova mula sa Netherlands ang nakakulong pa rin sa iba’t ibang kampong piitan.
Ang Huling Taon ng Pag-uusig ng Nazi
Pagkatapos ng D day, noong Hunyo 6, 1944, ang pag-uusig sa mga Saksi ay pumasok sa huling taon nito. Sa militar na paraan, ang mga Nazi at ang mga tumutulong sa kanila ay napapaharap sa pagkatalo. Maaaring isipin ng isa na sa kalagayang ito ay ihihinto na ng mga Nazi ang kanilang pagtugis sa inosenteng mga Kristiyano. Gayunman, noong taóng iyon, 48 pang mga Saksi ang inaresto, at 68 pa sa mga nakabilanggong Saksi ang namatay. Isa sa kanila si Jacob van Bennekom, na nabanggit kanina.
Ang labingwalong-taóng-gulang na si Jacob ay kabilang sa 580 katao na nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova noong 1941. Karaka-raka pagkatapos niyan ay nagbitiw siya sa isang mahusay na trabaho sapagkat humihiling ito na ikompromiso niya ang kaniyang Kristiyanong neutralidad. Nagtrabaho siya bilang isang mensahero at nagsimulang maglingkod bilang isang buong-panahong ministro. Samantalang naghahatid ng literatura sa Bibliya, siya’y nahuli at naaresto. Noong Agosto 1944, ang 21-taóng-gulang na si Jacob ay sumulat sa kaniyang pamilya mula sa isang bilangguan sa lunsod ng Rotterdam:
“Ako po’y nasa napakabuting kalagayan
at puno ng kagalakan. . . . Ako’y apat na beses na ngayong tinanong. Ang unang dalawang beses ay lubhang matindi, at ako’y binugbog nang husto, subalit dahil sa lakas at di-sana-nararapat na kabaitan ng Panginoon, hanggang ngayon ay hindi ako nagsiwalat ng anumang bagay. . . . Nakapagpahayag na ako rito, anim na lahat, na may kabuuang 102 na nakinig. Ang ilan sa mga ito ay nagpakita ng mabuting interes at nangakong kapag napalaya na sila, ipagpapatuloy nila ito.”Noong Setyembre 14, 1944, si Jacob ay dinala sa isang kampong piitan sa Olandes na lunsod ng Amersfoort. Kahit na roon ay nagpatuloy siya sa pangangaral. Paano? Ganito ang naalaala ng isang kapuwa bilanggo: “Pinupulot ng mga bilanggo ang mga upos ng sigarilyo na itinapon ng mga bantay at ginagamit ang mga pahina ng isang Bibliya bilang papel ng sigarilyo. Kung minsan ay nagagawa ni Jacob na mabasa ang ilang salita mula sa isang pahina ng Bibliya na ipambibilot na ng sigarilyo. Karaka-raka, gagamitin niya ang mga salitang ito bilang saligan sa pangangaral sa amin. Di-nagtagal, binansagan namin si Jacob bilang ‘ang Taong Bibliya.’ ”
Noong Oktubre 1944, kabilang si Jacob sa isang malaking pangkat ng mga bilanggo na inutusang humukay ng mga pambitag ng tangke. Tumanggi si Jacob na gawin ang trabaho sapagkat hindi ipinahihintulot ng kaniyang budhi na sumuporta sa digmaan. Bagaman palaging pinagbabantaan ng mga bantay, hindi siya sumuko. Noong Oktubre 13 ay kinuha siya ng isang opisyal mula sa bartolina at ibinalik sa dako ng trabaho. Minsan pa, nanatiling matatag si Jacob. Sa wakas, si Jacob ay pinag-utusang humukay ng kaniyang sariling libingan at binaril.
Nagpatuloy ang Paghahanap sa mga Saksi
Ang malakas ang loob na paninindigan ni Jacob at ng iba pa ay nagpagalit sa mga Nazi at nagpasimula ng isa pang paghahanap sa mga Saksi. Ang isa sa kanilang mga puntirya ay ang 18-anyos na si Evert Kettelarij. Sa simula, nagagawa ni Evert na makatakas at magtago, subalit nang dakong huli siya ay naaresto at binugbog nang husto upang siya’y magbigay ng impormasyon tungkol sa iba pang Saksi. Tumanggi siya at siya’y ipinadala sa Alemanya upang sapilitang magtrabaho.
Nang buwan ding iyon, Oktubre 1944, pinaghahanap ng pulisya ang bayaw ni Evert, si Bernard Luimes. Nang matagpuan nila siya, siya ay kasama ng dalawa pang Saksi—sina Antonie Rehmeijer at
Albertus Bos. Si Albertus ay nakagugol na ng 14 na buwan sa isang kampong piitan. Gayunman, paglaya niya, masigasig niyang binalikan ang gawaing pangangaral. Una muna, ang tatlong lalaki ay walang-awang binugbog ng mga Nazi, at pagkatapos ay binaril hanggang sa mamatay. Pagkatapos lamang ng digmaan nasumpungan ang kanilang mga bangkay at saka na lamang nailibing. Pagkatapos na pagkatapos ng digmaan, iniulat ng ilang lokal na pahayagan ang pagpatay na ito. Ang isa sa mga pahayagan ay sumulat na ang tatlong Saksi ay patuloy na tumangging magsagawa ng anumang paglilingkod para sa mga Nazi na labag sa kautusan ng Diyos at idinagdag pa na “dahil dito, kailangan nilang pagbayaran ito ng kanilang buhay.”Samantala, noong Nobyembre 10, 1944, si Bernard Polman, na nabanggit kanina, ay inaresto at ipinadala upang magtrabaho sa isang proyekto ng militar. Siya lamang ang Saksi sa mga sapilitang manggagawa at ang tanging isa na tumangging gawin ang gawaing ito. Sinubok ng mga bantay ang iba’t ibang taktika upang siya’y magkompromiso. Hindi siya binigyan ng anumang pagkain. Siya rin ay may kalupitang hinampas ng mga pamalo, ng isang pala, at kulata ng riple. Bukod pa riyan, pinilit siyang lumakad sa malamig na tubig na hanggang tuhod ang lalim, at saka ikinulong sa isang basang silid sa ilalim ng lupa, kung saan ginugol niya ang gabi suot ang kaniyang basang mga damit. Gayunman, hindi sumuko si Bernard.
Nang panahong iyon, ang dalawang kapatid na babae ni Bernard, na hindi mga Saksi ni Jehova, ay pinayagang dumalaw sa kaniya. Hinimok nila siya na baguhin ang kaniyang isip, subalit hindi iyan nagpabago sa kaniya sa anumang paraan. Nang tanungin nila si Bernard kung may magagawa ba sila para sa kaniya, iminungkahi niya na umuwi sila at mag-aral ng Bibliya. Pagkatapos ay pinayagan ng kaniyang mga mang-uusig na dalawin siya ng kaniyang asawang nagdadalang-tao, sa pag-asang masisira nito ang kaniyang paninindigan. Subalit ang kaniyang pagkanaroroon at ang malakas ang loob na mga pananalita ay nagpatibay lamang sa pasiya ni Bernard na manatiling tapat sa Diyos. Noong Nobyembre 17, 1944, si Bernard ay binaril ng lima sa mga nagpapahirap sa kaniya habang nakatingin ang iba pang sapilitang mga manggagawa. Kahit na pagkamatay ni Bernard, ang kaniyang katawan na tadtad ng mga bala, gayon na lamang ang galit ng nangangasiwang opisyal anupat binunot niya ang kaniyang baril at binaril si Bernard sa kaniyang dalawang mata.
Bagaman ang malupit na pagtratong ito ay nakasindak sa mga Saksi na nakaalam ng tungkol sa pagpatay, nanatili silang tapat at walang-takot at nagpatuloy sa kanilang gawaing Kristiyano. Isang maliit na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, na malapit sa lugar kung saan pinatay si Bernard, ay nag-ulat pagkatapos ng pagpatay: “Sa buwang ito, sa kabila ng masamang panahon at ng mga kahirapan na inilalagay ni Satanas sa aming landas, napasulong namin ang aming gawain. Ang dami ng oras na ginugol sa larangan ay tumaas mula sa 429 tungo sa 765. . . . Samantalang nangangaral, natagpuan ng isang kapatid na lalaki ang isang tao na nabigyan niya ng isang mabuting patotoo. Ang lalaki ay nagtanong kung ito’y katulad ng pananampalataya niyaong lalaking binaril. Nang marinig na ito nga, ang lalaki ay bumulalas: ‘Iyan ang lalaki, kay laking pananampalataya! Iyan ang tinatawag kong isang bayani sa pananampalataya!’ ”
Aalalahanin ni Jehova
Noong Mayo 1945 ay natalo ang mga Nazi at pinaalis mula sa Netherlands. Sa kabila ng malupit na pag-uusig noong panahon ng digmaan, ang bilang ng mga Saksi ni Jehova ay dumami mula sa ilang daan tungo sa mahigit 2,000. Nagsasalita tungkol sa mga Saksing ito noong panahon ng digmaan, ganito ang sabi ng mananalaysay na si Dr. de Jong: “Ang karamihan sa kanila ay tumangging ikaila ang kanilang pananampalataya sa kabila ng mga pagbabanta at labis na pagpapahirap.”
Kaya naman, may mabuting dahilan na naalaala ng ilang sekular na awtoridad ang mga Saksi ni Jehova dahil sa may lakas ng loob na paninindigan nila sa harap ng pamamahala ng Nazi. Gayunman, higit na mahalaga, ang napakahusay na rekord ng mga Saksing ito noong panahon ng digmaan ay aalalahanin ni Jehova at ni Jesus. (Hebreo 6:10) Sa dumarating na Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo, ang tapat at may lakas ng loob na mga Saksing ito na nagbuwis ng kanilang buhay sa paglilingkod sa Diyos ay ibabangon mula sa mga alaalang libingan, taglay ang pag-asa ng buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa!—Juan 5:28, 29.
[Larawan sa pahina 24]
Si Jacob van Bennekom
[Larawan sa pahina 26]
Isang ginupit na balita mula sa pahayagan hinggil sa utos na nagbabawal sa mga Saksi ni Jehova
[Mga larawan sa pahina 27]
Kanan: Bernard Luimes; ibaba: Albertus Bos (kaliwa) at Antonie Rehmeijer; ibaba: Tanggapan ng Samahan sa Heemstede