Ipinaliwanag ang Aklat ng Daniel!
Ipinaliwanag ang Aklat ng Daniel!
SABIK na sabik ang mga kombensiyonista na makakuha ng kanilang kopya ng bagong labas na 320-pahinang aklat, Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel! Ano ang nadama nila tungkol sa aklat? Isaalang-alang ang sinabi ng ilan.
“Tulad ng ibang tin-edyer, nahihirapan akong pag-aralan nang may kasiyahan ang sinaunang kasaysayan. Kaya nang tanggapin ko ang aking personal na kopya ng bagong aklat, Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel! talagang hindi ako sabik na basahin iyon, pero sinubukan ko rin. Pambihira, maling-mali pala ang saloobin ko! Ito ang isa sa pinakamagagandang aklat na nabasa ko kailanman. Talagang sasabikin ka ng bawat pahina nito! Hindi ko na nadarama na ako’y nagbabasa ng isang pangyayari na naganap libu-libong taon na ang nakalipas. Sa kauna-unahang pagkakataon, ang pakiramdam ko’y mailalagay ko na ang sarili ko sa kinalalagyan ni Daniel. Talagang nailalarawan ko sa aking isipan kung ano ang pakiramdam ng mawalay sa iyong pamilya, dalhin sa isang banyagang lupain, at paulit-ulit na masubok ang iyong katapatan. Maraming salamat sa aklat na ito.”—Anya.
“Ang nakatulong sa akin nang higit ay ang di-mapag-aalinlanganang mensahe na si Jehova ang may lubusang kontrol sa mga bagay-bagay na nakaaapekto sa kaniyang bayan. Sa pamamagitan ng mga pangitain at panaginip ni Daniel at ng iba pa na kaniyang binigyang-kahulugan, maliwanag na hindi kailanman pahihintulutan ng ating Diyos na maganap ang anumang pangyayari nang hindi kasuwato ng kaniyang nilayon. Pinatitibay nito ang pag-asa na taglay natin sa makahulang pagsasalarawan na masusumpungan sa Bibliya may kinalaman sa bagong sanlibutan na kaniyang gagawin.”—Chester.
“Nagustuhan ko kung paano ninyo binigyang-buhay si Daniel. Pakiramdam ko’y mas nakilala ko siya dahil sa paraan ng inyong pagtatampok sa kaniyang mga alalahanin at mga ikinababahala. Higit kong nauunawaan kung bakit siya nasumpungan ni Jehova na totoong kanais-nais. Sa buong panahon ng lahat ng pagsubok at pag-uusig sa kaniya, hindi niya ikinabahala ang tungkol sa kaniyang sarili. Ang lubhang ikinabahala niya ay si Jehova at ang Kaniyang magandang pangalan. Salamat sa pagpapatingkad ninyo sa mga puntong ito.”—Joy.
“Ito ang aming pinakahihintay! Ngayon lamang naipakita kung gaano talaga kumakapit ang aklat ni Daniel sa bawat isa sa atin. Pagkatapos na mabasa ang malaking bahagi ng bagong aklat nang gabing matanggap ko ito, talagang huminto ako upang pasalamatan si Jehova sa panalangin.”—Mark.
“Ang hindi namin inaasahan ay ang magiging epekto nito sa aming mga anak. Ang mga edad nila ay lima at tatlong taóng gulang. . . . Bagaman ang mga kuwento tungkol kina Daniel, Hananias, Mishael, at Azarias ay dati na nilang paborito sa Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, ang paglalahad sa aklat na Hula ni Daniel ay nakaantig sa kanila sa paraang hindi namin inaasahan. Maging sa kanilang murang gulang, para bang nakikita nila ang kanilang sarili sa matutuwid na mga binatang ito. Sila’y tunay na kahanga-hangang mga huwaran para sa aming mga anak! Napakagandang kasangkapan ang ibinigay ninyo sa amin! Salamat, maraming salamat sa inyo!”—Bethel.
“Pakiramdam ko’y parang naroroon ako mismo kasama ng mga binatang Hebreo habang dinaranas nila ang mga pagsubok sa kanilang pananampalataya; at pinatibay ako nito na suriin mismo ang aking pananampalataya. Ang kahon para sa repaso na pinamagatang “Ano ang Iyong Naunawaan?” ay nagpapatagos sa puso ng nilalaman ng kabanata. Salamat muli para sa isa na namang obra maestra.”—Lydia.