Maligaya na Itinuturo sa Atin ni Jehova ang Kaniyang Daan
Maligaya na Itinuturo sa Atin ni Jehova ang Kaniyang Daan
“Kung tungkol sa tunay na Diyos, sakdal ang kaniyang daan; ang pananalita ni Jehova ay dalisay.”—2 SAMUEL 22:31.
1, 2. (a) Ano ang isang pangunahing pangangailangan ng lahat ng tao? (b) Kaninong halimbawa ang makabubuting tularan natin?
LAHAT ng tao ay may pangunahing pangangailangan ukol sa patnubay. Oo, kailangan natin ng tulong sa pagtahak natin sa landas ng buhay. Totoo, pinagkalooban tayo ni Jehova ng isang antas ng katalinuhan at isang budhi na tutulong sa atin na makilala ang tama at ang mali. Ngunit kailangang sanayin ang ating budhi upang ito ay maging isang maaasahang giya. (Hebreo 5:14) At kailangan ng ating isip ang wastong impormasyon—gayundin ang pagsasanay upang suriin ang impormasyong iyan—upang makagawa tayo ng mabubuting pasiya. (Kawikaan 2:1-5) Magkagayunman, dahil sa mga bagay sa buhay na di-tiyak, ang ating mga pasiya ay maaaring hindi magbunga ng gaya ng inaasahan. (Eclesiastes 9:11) Sa ganang sarili natin, wala tayong maaasahang paraan upang malaman kung ano ang mangyayari sa hinaharap.
2 Dahil dito at sa marami pang ibang kadahilanan, sumulat si propeta Jeremias: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniya. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Si Jesu-Kristo, ang pinakadakilang taong nabuhay kailanman, ay tumanggap ng patnubay. Sinabi niya: “Ang Anak ay hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa sarili niyang pagkukusa, kundi kung ano lamang ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat anumang mga bagay ang ginagawa ng Isang iyon, ang mga bagay na ito ang ginagawa rin ng Anak sa katulad na paraan.” (Juan 5:19) Isa ngang katalinuhan, kung gayon, na tularan si Jesus at umasa kay Jehova para sa tulong upang patnubayan ang ating mga hakbang! Umawit si Haring David: “Kung tungkol sa tunay na Diyos, sakdal ang kaniyang daan; ang pananalita ni Jehova ay dalisay. Siya ay isang kalasag sa lahat ng nanganganlong sa kaniya.” (2 Samuel 22:31) Kung sisikapin nating lumakad sa daan ni Jehova sa halip na sundin ang sarili nating karunungan, magkakaroon tayo ng sakdal na patnubay. Hahantong naman sa kapahamakan ang pagtanggi sa daan ng Diyos.
Itinuturo ni Jehova ang Daan
3. Paano inakay ni Jehova sina Adan at Eva, anupat binigyan sila ng anong pag-asa?
3 Tingnan ang kaso nina Adan at Eva. Bagaman wala silang kasalanan, kailangan nila ng patnubay. Hindi pinabayaan ni Jehova na si Adan na lamang ang magplano ng lahat ng bagay para sa kaniyang sarili sa magandang hardin ng Eden. Sa halip, binigyan siya ng Diyos ng gawain. Una, kailangang bigyan ni Adan ng pangalan ang mga hayop. Pagkatapos, binigyan ni Jehova sina Adan at Eva ng pangmatagalang mga tunguhin. Kanilang susupilin ang lupa, pupunuin ito ng kanilang mga supling, at aalagaan ang mga hayop sa lupa. (Genesis 1:28) Ito’y malaking trabaho, ngunit ang magiging resulta sa bandang huli ay isang pambuong-daigdig na paraiso na puno ng sakdal na lahi ng tao na namumuhay nang payapa kasama ng mga hayop. Tunay na isang napakagandang pag-asa! Isa pa, habang buong-katapatang lumalakad sina Adan at Eva sa daan ni Jehova, sila’y maaaring makipag-usap sa kaniya. (Ihambing ang Genesis 3:8.) Isa ngang kahanga-hangang pribilehiyo—ang magkaroon ng namamalaging personal na kaugnayan sa Maylalang!
4. Paano nagpakita sina Adan at Eva ng kawalan ng pagtitiwala at katapatan, at nagkaroon ng anong kapaha-pahamak na mga resulta?
4 Pinagbawalan ni Jehova ang unang mag-asawang tao na kumain mula sa punungkahoy ng kaalaman sa mabuti at masama na nasa Eden, at binigyan sila nito ng tuwirang pagkakataon na ipakita ang kanilang pagkamasunurin—ang kanilang hangaring lumakad sa daan ni Jehova. (Genesis 2:17) Subalit di-nagtagal, nasubok ang pagkamasunuring iyan. Nang dumating si Satanas taglay ang kaniyang mapanlinlang na pananalita, kailangang ipakita nina Adan at Eva ang katapatan kay Jehova at magtiwala sa Kaniyang mga pangako upang sila’y manatiling masunurin. Nakalulungkot, hindi sila nagtapat at nagtiwala. Nang alukan ni Satanas ng kalayaan si Eva at buong-kabulaanang pagbintangan si Jehova ng pagsisinungaling, ito ay naniwala at sumuway sa Diyos. Sumunod sa kaniya si Adan sa pagkakasala. (Genesis 3:1-6; 1 Timoteo 2:14) Napakalaki ng ibinungang kalugihan sa kanila. Ang paglakad sa daan ni Jehova ay nagbigay sana sa kanila ng nag-iibayong kagalakan habang pasulong na ginagawa nila ang kaniyang kalooban. Sa halip, ang kanilang buhay ay lipos ng kabiguan at kirot hanggang sa abutan sila ng kamatayan.—Genesis 3:16-19; 5:1-5.
5. Ano ang pangmatagalang layunin ni Jehova, at paano niya tinutulungan ang mga tapat na tao na makita ang katuparan nito?
5 Gayunpaman, hindi binago ni Jehova ang kaniyang layunin na balang araw, ang lupa ay magiging isang paraisong tahanan ng sakdal at walang-kasalanang mga tao. (Awit 37:11, 29) At hindi siya kailanman nabigong magbigay ng sakdal na patnubay sa mga lumalakad sa kaniyang daan at umaasa na makita ang katuparan ng pangakong iyan. Para sa atin na may mga tainga upang makarinig, nasa likod natin ang tinig ni Jehova, na nagsasabi: “Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.”—Isaias 30:21.
Ang Ilan ay Lumakad sa Daan ni Jehova
6. Sinong dalawang lalaki noong unang panahon ang lumakad sa daan ni Jehova, at ano ang mga naging resulta?
6 Ayon sa ulat ng Bibliya, kakaunti lamang sa mga supling nina Adan at Eva ang lumakad sa daan ni Jehova. Si Abel ang una sa mga ito. Bagaman maagang namatay, namatay siya na taglay ang pagsang-ayon ni Jehova at sa gayo’y tiyak ang pag-asa na makibahagi sa “pagkabuhay-muli . . . ng matuwid” sa takdang panahon ng Diyos. (Gawa 24:15) Makikita niya sa dakong huli ang katuparan ng dakilang layunin ni Jehova para sa lupa at sa sangkatauhan. (Hebreo 11:4) Ang isa pa na lumakad sa daan ni Jehova ay si Enoc, na ang hula tungkol sa panghuling wakas ng sistemang ito ng mga bagay ay iningatan sa aklat ng Judas. (Judas 14, 15) Hindi rin naman nabuhay nang matagal si Enoc. (Genesis 5:21-24) Gayunpaman, “nagkaroon siya ng patotoo na napalugdan niya nang mainam ang Diyos.” (Hebreo 11:5) Nang mamatay siya, tulad ni Abel ay taglay niya ang katiyakan ng pag-asa sa isang pagkabuhay-muli, at makakabilang siya sa mga makakakita ng katuparan ng mga layunin ni Jehova.
7. Paano nagpakita si Noe at ang kaniyang pamilya ng katapatan at tiwala kay Jehova?
7 Habang lumulubog sa kabalakyutan ang sanlibutan bago ang Baha, ang pagkamasunurin kay Jehova ay naging higit at higit na isang pagsubok sa katapatan. Sa pagwawakas ng sanlibutang iyon, isang munting grupo lamang ang nasumpungang lumalakad sa daan ni Jehova. Si Noe at ang kaniyang pamilya ay nakinig sa Diyos at nagtiwala sa sinabi niya. Buong-katapatan nilang tinupad ang gawaing ibinigay sa kanila at tumanggi silang masilo ng masasamang gawain ng sanlibutan noong panahong iyon. (Genesis 6:5-7, 13-16; Hebreo 11:7; 2 Pedro 2:5) Makapagpapasalamat tayo sa kanilang matapat at may-tiwalang pagkamasunurin. Dahil doon, sila’y nakaligtas sa Baha at naging ating mga ninuno.—Genesis 6:22; 1 Pedro 3:20.
8. Para sa bansang Israel, ano ang nasasangkot sa paglakad sa daan ng Diyos?
8 Nang maglaon, nakipagtipan si Jehova sa mga inapo ng tapat na si Jacob, at sila’y naging kaniyang pantanging bansa. (Exodo 19:5, 6) Pinatnubayan ni Jehova ang kaniyang ipinakipagtipang bayan sa pamamagitan ng isang nasusulat na Batas, isang pagkasaserdote, at patuloy na patnubay ng mga propeta. Ngunit nakasalalay sa mga Israelita ang pagsunod sa patnubay na iyon. Ganito ang sabi ni Jehova sa mga Israelita sa pamamagitan ng kaniyang propeta: “Tingnan ninyo, inilalagay ko sa harap ninyo ngayon ang pagpapala at ang sumpa: ang pagpapala, kung susundin ninyo ang mga utos ni Jehova na inyong Diyos na iniuutos ko sa inyo ngayon; at ang sumpa, kung hindi ninyo susundin ang mga utos ni Jehova na inyong Diyos at lilihis kayo mula sa daan na iniuutos ko sa inyo ngayon, upang sumunod sa ibang mga diyos na hindi ninyo kilala.”—Deuteronomio 11:26-28.
Kung Bakit Iniwan ng Ilan ang Daan ni Jehova
9, 10. Dahil sa anong situwasyon kinailangan ng mga Israelita na magtiwala kay Jehova at maglinang ng katapatan sa kaniya?
9 Gaya nina Adan at Eva, kinailangang magtiwala ang mga Israelita kay Jehova at maging tapat sa kaniya upang sila’y manatiling masunurin. Ang Israel ay isang maliit na bansa na napalilibutan ng palaaway na mga karatig-bayan. Sa gawing timog-kanluran ay naroroon ang Ehipto at Etiopia. Sa gawing hilagang-silangan naman ang Sirya at Asirya. Malapit lamang ang Filistia, Ammon, Moab, at Edom. May mga pagkakataon na ang lahat ng ito’y napatunayang kaaway ng Israel. Bukod dito, silang lahat ay nagsasagawa ng huwad na relihiyon, na kakikitaan ng pagsamba sa mga idolong diyos, astrolohiya, at sa ilang pagkakataon ay lantarang ritwal sa sekso at malupit na paghahain ng mga bata. Umaasa ang mga karatig-bayan ng Israel sa kanilang mga diyos upang bigyan sila ng malalaking pamilya, saganang ani, at tagumpay sa pakikidigma.
10 Ang Israel lamang ang sumasamba sa iisang Diyos, si Jehova. Nangako siyang pagpapalain sila ng malalaking pamilya, saganang ani, at katiwasayan sa kabila ng kanilang mga kaaway, kung susundin nila ang kaniyang mga batas. (Deuteronomio 28:1-14) Nakalulungkot, hindi ito ginawa ng marami sa Israel. Sa mga talagang lumakad sa daan ni Jehova, marami sa kanila ang nagdusa dahil sa kanilang katapatan. Ang ilan ay pinahirapan, tinuya, binugbog, ibinilanggo, pinagbabato, at pinatay pa man din ng mga kapuwa Israelita. (Gawa 7:51, 52; Hebreo 11:35-38) Tiyak na naging isang malaking pagsubok iyon sa mga tapat! Subalit bakit marami ang lumihis sa daan ni Jehova? Dalawang halimbawa sa kasaysayan ng Israel ang tutulong sa atin na maunawaan ang kanilang maling kaisipan.
Masamang Halimbawa ni Ahaz
11, 12. (a) Nang pagbantaan ng Sirya, ano ang tinanggihang gawin ni Ahaz? (b) Sa anong dalawang pinagmumulan umasa ng katiwasayan si Ahaz?
11 Naghari si Ahaz sa timugang kaharian ng Juda noong ikawalong siglo B.C.E. Hindi naging mapayapa ang kaniyang paghahari. Minsan, ang Sirya at ang hilagang kaharian ng Israel ay nagkaisa sa pakikidigma laban sa kaniya, at “ang kaniyang puso at ang puso ng kaniyang bayan ay nagsimulang manginig.” (Isaias 7:1, 2) Gayunman, nang mag-alok ng tulong si Jehova at anyayahan si Ahaz na ilagay siya sa pagsubok, mariing tumanggi si Ahaz! (Isaias 7:10-12) Bunga nito, ang Juda ay natalo sa digmaan at marami ang namatay.—2 Cronica 28:1-8.
12 Bagaman tumanggi si Ahaz na ilagay sa pagsubok si Jehova, hindi naman siya nagmataas sa paghingi ng tulong sa hari ng Asirya. Gayunman, ang Juda ay patuloy na nagdusa sa kamay ng mga karatig-bayan nito. Nang bumaling din ang Asirya laban kay Ahaz at “pinighati siya,” ang hari ay ‘nagsimulang maghain sa mga diyos ng Damasco na nananakit sa kaniya, at siya ay nagsabi: “Sapagkat ang mga diyos ng mga hari ng Sirya ay tumutulong sa kanila, sa kanila ako maghahain, upang tulungan nila ako.” ’—2 Cronica 28:20, 23.
13. Ano ang ipinakita ni Ahaz sa pagbaling sa mga diyos ng Sirya?
13 Sa isa pang pagkakataon, sinabihan ni Jehova ang Israel: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran. O kung ikaw sana ay magbibigay-pansin sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.” (Isaias 48:17, 18) Sa pagbaling sa mga diyos ng Sirya, ipinakita ni Ahaz kung gaano na siya kalayo mula sa ‘patnubay sa daan na dapat niyang lakaran.’ Siya’y lubusang nailigaw ng pag-iisip ng mga bansa, anupat umasa sa kanilang mga huwad na pinagmumulan ng katiwasayan sa halip na kay Jehova.
14. Bakit walang maidadahilan si Ahaz nang bumaling siya sa mga huwad na diyos?
14 Ang mga diyos ng mga bansa, pati na yaong sa Sirya, ay matagal nang napatunayang “mga walang-silbing diyos.” (Isaias 2:8) Bago nito, noong naghahari si Haring David, kitang-kita ang kahigitan ni Jehova sa mga diyos ng Sirya nang ang mga taga-Sirya ay maging mga lingkod ni David. (1 Cronica 18:5, 6) Si Jehova lamang, “ang Diyos ng mga diyos at ang Panginoon ng mga panginoon, ang Diyos na dakila, makapangyarihan at kakila-kilabot,” ang makapagbibigay ng tunay na katiwasayan. (Deuteronomio 10:17) Gayunman, si Ahaz ay tumalikod kay Jehova at bumaling sa mga diyos ng mga bansa para sa katiwasayan. Kapaha-pahamak ang naging resulta para sa Juda.—2 Cronica 28:24, 25.
Ang mga Judio na Kasama ni Jeremias sa Ehipto
15. Sa anong paraan nagkasala ang mga Judio sa Ehipto noong panahon ni Jeremias?
15 Dahil sa labis na kataksilan ng kaniyang bayan, noong 607 B.C.E., pinahintulutan ni Jehova na wasakin ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem at ang templo nito. Ang malaking bahagi ng bansa ay ipinatapon sa Babilonya. Subalit ang ilan ay naiwan, at kabilang sa kanila si propeta Jeremias. Nang patayin nang pataksil si Gobernador Gedalias, ang grupong ito ay tumakas patungo sa Ehipto at isinama nila si Jeremias. (2 Hari 25:22-26; Jeremias 43:5-7) Doon, nagsimula silang maghain sa mga diyus-diyosan. Nakipagkatuwiranan si Jeremias sa di-tapat na mga Judio, ngunit matigas ang kanilang ulo. Tumanggi silang bumaling kay Jehova at iginiit na patuloy silang gagawa ng haing usok para sa “reyna ng langit.” Bakit? Dahil ito ang ginawa nila at ng kanilang mga ninuno ‘sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem, noong sila ay nabubusog sa tinapay at mariwasa, at hindi sila nakakita ng anumang kapahamakan.’ (Jeremias 44:16, 17) Ikinatuwiran din ng mga Judio: “Mula nang panahong maglubay kami sa paggawa ng haing usok para sa ‘reyna ng langit’ at sa pagbubuhos ng mga handog na inumin para sa kaniya ay kinulang na kami ng lahat ng bagay, at sa pamamagitan ng tabak at ng taggutom ay dumating kami sa aming katapusan.”—Jeremias 44:18.
16. Bakit talagang nagkamali ang mga Judio sa Ehipto sa kanilang pangangatuwiran?
16 Talagang tinandaan lamang nila ang gusto nilang tandaan! Ano ba ang katotohanan? Talaga ngang naghain ang mga Judio sa huwad na mga diyos sa lupain na ibinigay ni Jehova sa kanila. Kung minsan, gaya noong panahon ni Ahaz, nagdusa sila dahil sa ganiyang apostasya. Gayunman, si Jehova ay “mabagal sa pagkagalit” sa kaniyang ipinakipagtipang bayan. (Exodo 34:6; Awit 86:15) Isinugo niya ang kaniyang mga propeta upang himukin silang magsisi. Kung minsan, kapag tapat ang hari, pinagpapala siya ni Jehova, at nakikinabang ang bayan sa pagpapalang iyan, bagaman karamihan sa kanila ay di-tapat. (2 Cronica 20:29-33; 27:1-6) Maling-mali ang mga Judiong iyon na nasa Ehipto sa pag-aangkin na anumang kasaganaang tinamasa nila noon sa kanilang sariling lupain ay galing sa kanilang huwad na mga diyos!
17. Bakit nawalan ang Juda ng lupain at templo nito?
17 Bago ang 607 B.C.E., hinimok ni Jehova ang bayan ng Juda: “Sundin ninyo ang aking tinig, at ako ang magiging inyong Diyos, at kayo ang magiging aking bayan; at kayo ay lalakad sa lahat ng daan na iuutos ko sa inyo, upang mapabuti kayo.” (Jeremias 7:23) Ang mga Judio ay nawalan ng kanilang templo at ng kanilang lupain dahil lamang sa tumanggi silang lumakad ‘sa lahat ng daan na iniutos sa kanila ni Jehova.’ Tiyakin nating iwasan ang nakamamatay na pagkakamaling iyan.
Pinagpapala ni Jehova ang mga Lumalakad sa Kaniyang Daan
18. Ano ang dapat gawin niyaong lumalakad sa daan ni Jehova?
18 Sa ngayon, gaya noong nakaraan, kailangan sa paglakad sa daan ni Jehova ang pagkamatapat—ang pasiya na siya lamang ang paglilingkuran. Nangangailangan ito ng tiwala—lubusang pananampalataya na maaasahan at matutupad ang mga pangako ni Jehova. Ang paglakad sa daan ni Jehova ay humihiling ng pagkamasunurin—pagsunod sa kaniyang mga batas nang walang paglihis at pag-iingat ng kaniyang mataas na mga pamantayan. “Si Jehova ay matuwid; iniibig niya ang matutuwid na gawa.”—Awit 11:7.
19. Aling mga diyos ang sinasamba ng marami sa ngayon, at ano ang mga resulta?
19 Umasa si Ahaz sa mga diyos ng Sirya para sa katiwasayan. Ang mga Israelita na nasa Ehipto ay umasa na ang “reyna ng langit,” isang diyosa na malaganap na sinasamba sa sinaunang Gitnang Silangan, ay magdudulot sa kanila ng materyal na kasaganaan. Sa ngayon, maraming diyos ang hindi literal na mga idolo. Nagbabala si Jesus laban sa paglilingkod sa “Kayamanan” sa halip na kay Jehova. (Mateo 6:24) Bumanggit si apostol Pablo tungkol sa “kaimbutan, na siyang idolatriya.” (Colosas 3:5) Bumanggit din siya tungkol sa mga taong “ang diyos nila ay ang kanilang tiyan.” (Filipos 3:19) Oo, kabilang ang salapi at materyal na mga bagay sa mga pangunahing diyos na sinasamba ngayon. Ang totoo, karamihan—pati na ang marami na may relihiyong kinauugnayan—‘ay naglalagak ng kanilang pag-asa sa walang-katiyakang kayamanan.’ (1 Timoteo 6:17) Marami ang nagpapagal sa paglilingkod sa mga diyos na ito, at ang ilan ay umaani ng gantimpala—namumuhay sa magagarang tahanan, nagtatamasa ng mamahaling mga bagay, at kumakain nang sagana. Gayunman, hindi lahat ay nagtatamasa ng gayong karangyaan. At maging yaong nagtatamasa nito ay hindi na nasisiyahan sa mga bagay na ito sa dakong huli. Ang mga ito’y walang-katiyakan, pansamantala, at hindi nakasasapat sa espirituwal na mga pangangailangan.—Mateo 5:3.
20. Anong pagiging timbang ang kailangan nating panatilihin?
20 Totoo, kailangan nating maging praktikal habang nabubuhay sa mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay. Kailangan tayong gumawa ng makatuwirang mga hakbang upang maglaan ng materyal sa ating pamilya. Ngunit kung mas pinahahalagahan natin ang isang mataas na antas ng pamumuhay, ang paghahanap ng salapi, o ang katulad na mga bagay sa halip na ang paglilingkod sa Diyos, nahulog na tayo sa isang uri ng idolatriya at hindi na tayo lumalakad sa daan ni Jehova. (1 Timoteo 6:9, 10) Subalit, paano kung nagkaroon tayo ng suliranin sa kalusugan, sa pananalapi, o sa iba pang bagay? Huwag nating tularan ang mga Judio sa Ehipto na isinisi sa paglilingkuran sa Diyos ang kanilang mga suliranin. Sa halip, ilagay natin si Jehova sa pagsubok, na hindi ginawa ni Ahaz. Buong-katapatang bumaling tayo sa Diyos na Jehova ukol sa patnubay. Buong-pagtitiwalang ikapit ang kaniyang patnubay, at manalangin ukol sa lakas at karunungan na harapin ang bawat situwasyon. Pagkatapos, buong-kumpiyansang hintayin ang pagpapala ni Jehova.
21. Anong mga pagpapala ang dumarating sa mga lumalakad sa daan ni Jehova?
21 Sa buong kasaysayan ng Israel, saganang pinagpala ni Jehova ang mga lumakad sa kaniyang daan. Umawit si Haring David: “O Jehova, patnubayan mo ako sa iyong katuwiran dahil sa aking mga kagalit.” (Awit 5:8) Sa kaniya, ibinigay ni Jehova ang militar na tagumpay laban sa karatig na mga bansa na noong dakong huli ay nagpahirap kay Ahaz. Sa ilalim ni Solomon, pinagpala ang Israel ng kapayapaan at kasaganaan na inasam ng mga Judio sa Ehipto noong dakong huli. Ang anak ni Ahaz na si Hezekias ay pinapagtagumpay pa man din ni Jehova laban sa makapangyarihang Asirya. (Isaias 59:1) Oo, hindi naging maikli ang kamay ni Jehova sa mga tapat sa kaniya, na hindi tumayo “sa daan ng mga makasalanan” kundi ang kaluguran ay nasa batas ng Diyos. (Awit 1:1, 2) Totoo pa rin ito. Subalit paano natin matitiyak ngayon na lumalakad tayo sa daan ni Jehova? Tatalakayin ito sa susunod na artikulo.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anong mga katangian ang mahalaga upang makalakad tayo sa daan ni Jehova?
◻ Bakit mali ang pag-iisip ni Ahaz?
◻ Ano ang mali sa pangangatuwiran ng mga Judio na nasa Ehipto?
◻ Paano natin mapatitibay ang ating pasiya na lumakad sa daan ni Jehova?
[Mga Tanong]
[Larawan sa pahina 13]
Umasa si Ahaz sa mga diyos ng Sirya sa halip na kay Jehova