Siya’y Nakasumpong ng Layunin sa Buhay
Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Siya’y Nakasumpong ng Layunin sa Buhay
SINASABI ni Jesus na kilala niya ang kaniyang mga tupa. (Juan 10:14) Kung ang isang tao ay may mabuting puso at pag-ibig sa kapayapaan at katuwiran, siya ay mapapalapit sa mga tagasunod ni Jesus. Ang gayong tao ay makasusumpong ng isang layunin sa buhay, gaya ng nangyari sa isang babae sa Belgium. Ganito ang kaniyang kuwento:
“Nang kumatok sa aking pinto ang mga Saksi ni Jehova, ako ay labis na nanlulumo at nag-iisip na wakasan na ang aking buhay. Nagustuhan ko ang sinabi ng mga Saksi tungkol sa solusyon sa mga suliranin ng may sakit na sanlibutang ito ngunit hindi ko gusto ang idea na kasangkot dito ang Diyos. Huminto na ako ng pagsisimba walong taon na ang nakalipas, sapagkat namumuhi ako sa pagpapaimbabaw na nakita ko roon. Subalit, sa mga Saksi ay nakilala ko ang taginting ng katotohanan sa kanilang sinabi at natanto ko na, sa kabila ng lahat, mahirap na mabuhay na wala ang Diyos.
“Nakalulungkot naman, pagkaraan ng ilang pagdalaw, nahinto ang aking pakikipag-ugnayan sa mga Saksi. Ako’y nakadama ng matinding kalungkutan. Humitit ako ng dalawang kaha ng sigarilyo maghapon at inumpisahan ko na rin ang paggamit ng bawal na gamot. Sa kagustuhan kong makausap ang aking yumaong lolo, sinubukan kong bumaling sa espiritismo. Anong laki ng aking pangingilabot nang samantalang nag-iisa ako isang gabi ako’y nakaranas ng pag-atake ng mga demonyo bilang resulta! Tumagal ito ng mga buwan. Tuwing gabi, ako’y nangilabot sa kaisipan na ako’y nag-iisa.
“At nangyari, isang araw ako’y namasyal, umiba ng daan buhat sa karaniwang dinaraanan ko, at nakarating ako sa isang lugar na pinagtatayuan ng isang malaking gusali. Nagtaka ako nang makita ko roon ang isang lubhang karamihan ng tao. Nang lumapit ako, nakita ko na iyon ay mga Saksi ni Jehova na nagtatayo ng isang Kingdom Hall. Naalaala ko ang mga pagdalaw sa aking tahanan ng mga Saksi, at naisip ko na magiging napakaganda kung ang buong daigdig ay mamumuhay na gaya ng pamumuhay ng mga taong ito.
“Talagang ibig kong magbalik sa aking tahanan ang mga Saksi, kaya kinausap ko ang ilan sa mga nagtatrabaho sa hall. Ako’y nanalangin sa Diyos, at sampung araw ang nakalipas ang lalaking unang nakilala ko ay naroon na sa aking bahay. Iminungkahi niya na ipagpatuloy namin ang pag-aaral sa Bibliya, at may kagalakang sumang-ayon ako. Karaka-raka ay inanyayahan niya ako sa mga pulong sa Kingdom Hall. Tinanggap ko naman ang paanyaya. Kailanman ay hindi pa ako nakakita ng ganoon! Kaytagal na hinanap ko ang mga taong nag-iibigan sa isa’t isa at maliligaya. At sila’y narito sa wakas!
“Pagkatapos nito ay dumalo ako sa lahat ng pulong. Makalipas ang mga tatlong linggo, huminto ako sa masamang kinaugalian na paninigarilyo. Pinagtatapon ko ang aking mga aklat tungkol sa astrolohiya at ang aking mga plaka na may satanikong musika, at nadama ko na lumuluwag ang mahigpit na kapit sa akin ng mga demonyo. Iniayos ko ang aking buhay ayon sa mga pamantayan ni Jehova sa Bibliya, at makalipas ang tatlong buwan nagsimula akong mangaral ng mabuting balita. Makalipas ang anim na buwan ako ay nabautismuhan. Dalawang araw pagkatapos na ako’y mabautismuhan, nagsimula akong maglingkod bilang isang auxiliary pioneer.
“Pinasasalamatan ko si Jehova sa lahat ng mabubuting bagay na ginawa niya para sa akin. Sa wakas ang aking buhay ay nagkaroon ng layunin. Oo, ang pangalan ni Jehova ay isang matibay na moog at doon ako nakasumpong ng kanlungan at proteksiyon. (Kawikaan 18:10) Talagang nadarama ko ang gaya ng sa salmista nang kaniyang isulat ang Awit 84:10: ‘Ang isang araw sa iyong looban ay mabuti kaysa isang libo saanman! Aking minagaling na maging tagatanod-pinto sa bahay ng aking Diyos imbes na tumahan sa mga tolda ng kabalakyutan.’ ”
Ang maamong babaing ito ay nakasumpong ng layunin sa buhay. Makasusumpong din ang sinuman na humahanap kay Jehova taglay ang isang mabuting puso.