Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Pisikal na Kagandahan

Pisikal na Kagandahan

Malaki ang maitutulong ng balanseng pananaw sa pisikal na kagandahan para maging masaya ang isa.

Bakit natin napahahalagahan ang kagandahan?

Hanggang sa ngayon, hindi pa maipaliwanag kung paano nalalaman ng utak ng tao kung ano ang maganda. Hindi rin ito ipinaliliwanag ng Bibliya, pero isinisiwalat nito kung bakit nagugustuhan natin ang magagandang bagay—dahil binigyan tayo ng Diyos ng mga katangiang katulad ng sa kaniya. (Genesis 1:27; Eclesiastes 3:11) Siya rin ang lumikha sa katawan ng tao, at ginawa niyang kahanga-hanga ang anyo at mga kakayahan nito. Tungkol dito, isang sinaunang manunulat ng awitin ang nagsabi: “Pupurihin kita [ang Diyos] sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin.”—Awit 139:14.

Nakalulungkot, sa ngayon, madalas na hindi balanse ang pananaw sa pisikal na kagandahan—iyan kasi ang usong-uso sa fashion industry at sa media. Ayon sa aklat na Body Image, maraming pag-aaral sa mga kultura sa Kanluran ang “nagpapakita na ang pananaw sa hitsura ang tanging pinakaimportanteng batayan ng tao sa tingin niya sa kaniyang sarili.” Hindi nakikita ng gayong makitid na pananaw ang isang bagay na di-hamak na mas mahalaga—ang puso ng tao.—1 Samuel 16:7.

Kasabay nito, masyado ring binibigyang-pansin ngayon ang sex appeal, lalo na sa mga babae. “Halos lahat ng pinag-aralang uri ng media,” ang sabi ng ulat ng 2007 American Psychological Association (APA), “ay kakikitaan ng sapat na ebidensiya ng pagtatampok ng sex appeal ng mga babae.” Mahigpit tayong hinihimok ng Bibliya na iwasang maimpluwensiyahan ng gayong kausuhan—para sa ating ikabubuti!—Colosas 3:5, 6.

“Ang inyong kagayakan ay huwag yaong panlabas . . . , kundi ang lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu, na malaki ang halaga sa paningin ng Diyos.”1 Pedro 3:3, 4.

Bakit isang katalinuhan na magkaroon ng balanseng pananaw?

Sinasabi ng ilan: “Kung maganda ka, ipangalandakan mo!” Sa mga kulturang ganito ang karaniwang iniisip ng mga tao, natututuhan ng mga kabataang babae at ng mga batang babae pa nga na ituring ang kanilang sarili “bilang tampulan ng pagnanasa ng iba . . . mga bagay na tinitingnan at kinikilatis base sa kanilang hitsura,” ayon sa ulat ng APA. Napakadelikado ng ganitong pananaw. Sa katunayan, naging malaking álalahanín ito sa lipunan at kalusugan na, ayon sa APA, maaaring magdulot ng “napakaraming emosyonal na problema.” Kasama rito ang pagkabalisa at “pagkamuhi pa nga sa sarili . . . , eating disorder, mababang tingin sa sarili, at depresyon o pagkamalungkutin.”

“Alisin mo ang kaligaligan mula sa iyong puso, at ilayo mo ang kapahamakan mula sa iyong laman; sapagkat ang kabataan at ang kasariwaan ng buhay ay walang kabuluhan.”Eclesiastes 11:10.

Anong saloobin ang nagpapakita ng katinuan ng pag-iisip?

Iniuugnay ng Bibliya ang “katinuan ng pag-iisip” sa kahinhinan. (1 Timoteo 2:9) Ang taong mahinhin ay hindi mababaw, na puro hitsura lang ang iniisip, kundi may balanse at tamang pananaw sa sarili. Iniisip din niya ang damdamin ng iba, kaya hinahangaan siya, nirerespeto at, higit sa lahat, nakakamit niya ang pagsang-ayon ng Diyos. (Mikas 6:8) Bukod diyan, ang taong mahinhin ay mas malamang na magkaroon ng tunay na mga kaibigan at makatagpo ng mapapangasawa na interesado sa isang masaya at panghabambuhay na pagsasama at hindi lang sa pisikal na ugnayan.

Kaya naman pinapayuhan tayo ng Bibliya na magpokus sa ating panloob na pagkatao—“ang lihim na pagkatao ng puso.” (1 Pedro 3:3, 4) Ang panloob na kagandahan ay hindi kumukupas. Sa katunayan, gaganda pa ito sa paglipas ng panahon! “Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran,” ang sabi ng Kawikaan 16:31. Kaya bata man o matanda, ang mga sumusunod sa payo ng Bibliya ay magkakamit ng tunay na kagandahan, pati na ng dignidad at pagkakontento.

“Ang halina ay maaaring magbulaan, at ang kariktan ay maaaring walang-kabuluhan; ngunit ang babaing may takot kay Jehova ang siyang nagkakamit ng papuri para sa kaniyang sarili.”Kawikaan 31:30.