Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang enteric nervous system (ENS, kulay asul sa larawan) ay nasa digestive tract

Enteric Nervous System—“Pangalawang Utak” Ba ng Katawan Mo?

Enteric Nervous System—“Pangalawang Utak” Ba ng Katawan Mo?

ILAN ang utak mo? Kung sasabihin mong “isa,” tama ka. Pero may iba pang nervous system sa katawan mo. May isang network ng mga neuron na napakalawak, at tinawag ito ng ilang siyentipiko bilang “pangalawang utak.” Ito ang enteric nervous system (ENS) at matatagpuan ito, hindi sa iyong ulo, kundi sa tiyan mo.

Maraming proseso para matunaw ng katawan ang pagkain at gawin itong enerhiya. Kaya angkop lang na ibigay ng utak, wika nga, sa ENS ang kontrol sa halos lahat ng proseso sa pagtunaw ng pagkain.

Kahit mas simple kaysa sa utak, napakasalimuot pa rin ng ENS. Tinatayang ang ENS sa katawan ng tao ay binubuo ng 200 hanggang 600 milyong neuron. Nasa digestive system ang masalimuot na network ng mga neuron na ito. Naniniwala ang mga siyentipiko na kung ang trabaho ng ENS ay manggagaling sa utak, masyadong maraming nerve ang kakailanganin. Ayon sa aklat na The Second Brain, “mas ligtas at mas madali kung ang [digestive system] ang mag-aalaga sa sarili nito.”

“ISANG PABRIKA NG KEMIKAL”

Para matunaw ang pagkain, kailangan ng iba’t ibang kombinasyon ng kemikal na eksaktong-eksakto ang komposisyong napo-produce sa tamang panahon at naihahatid sa tamang lokasyon. Angkop ang pagkakalarawan ni Professor Gary Mawe sa digestive system bilang “isang pabrika ng kemikal.” Kahanga-hanga ang operasyon ng pabrikang ito. Halimbawa, may mga espesyal na selula sa intestinal wall na nakaka-detect ng mga kemikal, o nagsisilbing taste receptor, at natutukoy nito ang mga kemikal sa kinain mo. Nakatutulong ito para makapili ang ENS ng tamang digestive enzyme na tutunaw sa pagkain para ma-absorb ito ng katawan. Namo-monitor din ng ENS ang acidity at iba pang kemikal sa maliliit na piraso ng pagkain at naibabagay nito ang kinakailangang digestive enzyme.

Isipin na ang digestive tract ay isang pabrika na halos ENS ang nagpapatakbo. Pinadaraan ng iyong “pangalawang utak” ang pagkain sa digestive system. Nagagawa ito sa pamamagitan ng pagpapagalaw sa mga muscle sa gilid ng digestive tract. Binabago ng ENS ang lakas at dalas ng paggalaw ng mga muscle na ito depende sa pangangailangan para maging maganda ang takbo ng digestive tract gaya ng mga conveyor belt.

Tinitiyak din ng ENS ang kaligtasan mo. Maaaring may mga baktirya sa kinain mo na puwedeng makasamâ sa iyo. Hindi nga kataka-taka na ang mga 70 hanggang 80 porsiyento ng lymphocyte cell sa katawan—mahalagang bahagi ng iyong immune defense system—ay nasa iyong tiyan! Kaya kapag nakakain ka ng mapaminsalang organismo, pahihilabin nang husto ng ENS ang iyong tiyan para mailabas nito ang mga nakalalasong substansiya sa pamamagitan ng pagsusuka o pagtatae.

MAHUSAY NA KOMUNIKASYON

Kahit parang hindi dinidiktahan ng utak ang ENS, laging may komunikasyon ang dalawang nerve center na ito. Halimbawa, nakokontrol ng ENS ang mga hormone na nagsasabi sa utak kung dapat ka nang kumain at kung gaano karami ang kakainin mo. Ang mga nerve cell ng ENS ay nagbibigay ng signal sa utak kapag busog ka na at posibleng mag-trigger ito ng pagsusuka kapag sobra-sobra na ang nakain mo.

Bago mo pa mabasa ang artikulong ito, baka napapansin mo nang may nangyayaring komunikasyon sa pagitan ng iyong digestive tract at utak. Halimbawa, baka napapansin mong sumasaya ka kapag nakakakain ka ng matatabang pagkain. Ayon sa mga pagsasaliksik, nangyayari ito kapag nagpapadala ang ENS sa iyong utak ng mga ‘signal na nakapagpapasaya,’ kaya gumaganda ang pakiramdam mo. Posibleng ito ang dahilan kung bakit naghahanap ang mga tao ng tinatawag na comfort food kapag nai-stress sila. Pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang posibilidad na gamitin ang ENS sa panggagamot sa depresyon.

Ang isa pang halimbawa ng komunikasyon sa pagitan ng utak at ng iyong digestive system ay kapag parang pinipilipit ang tiyan mo. Posibleng nangyayari ito dahil inililihis ng ENS ang daloy ng dugo palayo sa iyong tiyan kapag tensiyonado o nai-stress ka. Maaari ka ring magsuka kapag nai-stress ka dahil dinidiktahan ng utak mo ang ENS na baguhin ang normal na paggalaw ng tiyan mo. Ayon sa mga eksperto, ang ugnayan ng utak at tiyan ay maaari ding basehan ng tinatawag na gut instinct, o kutob.

Kahit nagdudulot ng gayong pakiramdam ang ENS sa tiyan mo, hindi nito kayang mag-isip o magdesisyon para sa iyo. Sa ibang salita, hindi talaga utak ang ENS. Hindi ka nito matutulungang kumatha ng awit, magbalanse ng bank account, o gumawa ng assignment. Pero namamangha pa rin ang mga siyentipiko sa pagiging masalimuot ng ENS—at malamang na marami pang hindi nadidiskubre tungkol dito. Kaya bago ka kumain, isipin ang lahat ng mangyayaring proseso sa digestive system mo!