Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang pagsunod sa mga magulang mo ay parang pagbabayad ng utang sa bangko. Kung hindi ka papalya, mas pagkakatiwalaan ka

PARA SA MGA KABATAAN

10: Mapagkakatiwalaan

10: Mapagkakatiwalaan

ANG IBIG SABIHIN NITO

Nakukuha ng mga taong mapagkakatiwalaan ang tiwala ng kanilang mga magulang, kaibigan, at employer. Sumusunod sila sa mga alituntunin, tumutupad sa kanilang mga pangako, at laging nagsasabi ng totoo.

KUNG BAKIT ITO MAHALAGA

Kadalasan, ang kalayaang natatanggap mo ay depende sa laki ng pagtitiwalang natamo mo sa paglipas ng panahon.

“Ang pagiging mature at responsable ang pinakamagandang paraan para pagkatiwalaan ka ng mga magulang mo, nandiyan man sila o wala.”​—Sarahi.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Patuloy na patunayan kung ano nga kayo.”​—2 Corinto 13:5.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Kung gusto mong mas pagkatiwalaan ka o maibalik ang tiwalang naiwala mo, makatutulong ang sumusunod na hakbang.

Maging matapat. Kung lagi kang nagsisinungaling, madaling mawawala ang tiwala sa iyo ng iba. Pero kung tapat ka at walang inililihim—lalo na tungkol sa mga pagkakamali mo—pagkakatiwalaan ka ng iba.

“Madaling maging tapat kapag maganda ang sitwasyon. Pero kung tapat ka kahit sa isang bagay na makakasira sa reputasyon mo, mas pagtitiwalaan ka ng iba.”​—Caiman.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Gusto naming gumawi nang tapat sa lahat ng bagay.”​—Hebreo 13:18.

Maging maaasahan. Sa isang survey sa United States, 78 porsiyento ng mga kompanya ang nagsasabing ang pagiging maaasahan ay “isa sa tatlong pinakamahahalagang skill ng mga bagong aplikante.” Kung maaasahan ka na ngayon pa lang, malaki ang maitutulong nito kapag adulto ka na.

“Napapansin ng mga magulang ko kapag responsable ako at ginagawa ang mga gawain ko kahit hindi ako utusan. Kapag nagkukusa ako, mas pinagkakatiwalaan nila ako.”​—Sarah.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Nagtitiwala akong gagawin mo ang hiling ko, . . . dahil alam kong higit pa sa sinabi ko ang gagawin mo.”​—Filemon 21.

Maging matiisin. Di-gaya ng pisikal na paglaki na kitang-kita ng iba, kailangan ang panahon para makita ang emosyonal at mental na pagsulong.

“Hindi mo makukuha nang minsanan ang tiwala ng mga magulang mo at ng iba. Pero unti-unti mo itong matatamo kung patuloy kang magiging responsable.”​—Brandon.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Magpakita kayo ng . . . pagtitiis.”​—Colosas 3:12.