Ang Buhay ng Isang Bulag
“Nang ipanganak ako, nasira ang paningin ko dahil sa matapang na eye drops. Nang magtin-edyer ako, tuluyan na akong nabulag at talagang nanlumo ako.”—Paqui, isang babae na bulag din ang asawa.
IBA-IBA ang sanhi ng pagkabulag o malubhang pinsala sa mata, kasama na rito ang aksidente at sakit. Maaaring maapektuhan nito ang mata, mga optic nerve, o utak. Ang mga taong nasira ang paningin o tuluyang nabulag ay kadalasan nang nanlulumo, natatakot, at hindi iyon matanggap. Pero natutuhan ng marami na harapin ang kanilang sitwasyon at maging masaya.
Karaniwan nang mata ang pangunahing ginagamit natin para makakuha ng impormasyon sa ating paligid. Kaya kapag nabulag ang isa, mas aasa siya sa iba pa niyang pandamdam—pandinig, pang-amoy, pandama, at panlasa.
Ayon sa magasing Scientific American, may kakayahan ang utak na “magbago dahil sa karanasan.” Sinabi pa ng artikulo: “Ipinakikita ng mga katibayan na kapag ang utak ay hindi nakatatanggap ng impormasyon mula sa isa sa ating mga pandamdam, kaya nitong makibagay para tulungan at palakasin ang ibang pandamdam.” Tingnan ang sumusunod.
Pandinig: Mula sa boses hanggang sa yabag, ang mga tunog ay nakalilikha ng larawan sa isipan. “Natatandaan ko at nakikilala ang mga tao dahil sa kanilang boses o paraan ng paglakad,” ang sabi ng bulag na si Fernando. Sinabi ni Juan na isa ring bulag, “Para sa isang bulag, nakikilala niya ang isang tao dahil sa boses nito.” At gaya rin natin, pinakikinggang mabuti ng mga bulag ang tono ng boses dahil nagpapahiwatig ito ng iba’t ibang emosyon.
Dahil sanay sa mga tunog ang pandinig ng isang bulag, marami siyang nalalaman tungkol sa paligid niya, gaya ng direksiyon ng trapiko, sukat ng isang kuwarto, at lokasyon ng partikular na mga harang.
Pang-amoy: Marami ring nakukuhang impormasyon dahil sa pang-amoy, pero hindi lang tungkol sa pinanggagalingan nito. Halimbawa, kapag ang bulag ay naglalakad sa isang partikular na daan, matutulungan siya ng kaniyang pang-amoy na makabuo ng mapa sa isipan, gaya ng lokasyon ng mga coffee shop, restawran,
palengke, at iba pa. Siyempre pa, nakadaragdag sa mapa ang pamilyar na mga tunog at detalyeng nasasalat ng bulag.Pandama: “Ang mga daliri ko ang nagsisilbing mga mata ko,” ang sabi ni Francisco. Mas marami pang magagawa ang gayong mga “mata” sa tulong ng isang tungkod. Sinabi ni Manasés, na ipinanganak na bulag at natutong gumamit ng tungkod mula pagkabata, “Sa tulong ng iba kong pandamdam, ng memorya ko, at ng mga bagay na nasasalat ng tungkod ko, alam na alam ko kung nasaan ako.”
Ang pandama ay nakatutulong din sa maraming bulag para makapagbasa ng literatura sa Braille. Sa ngayon, hindi na mahirap para sa isang bulag na makakuha ng impormasyon para sumulong ang kaniyang kaalaman at espirituwalidad. Maliban sa mga publikasyon sa Braille, nariyan din ang mga audio recording at mga computer program. Sa tulong ng mga ito, ang mga bulag ay makapagbabasa ng Bibliya at ng iba pang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. *
Ang gayong espirituwal na mga paglalaan ay talagang nagbibigay ng kaaliwan at pag-asa kay Paqui at sa kaniyang asawa, na binanggit sa simula. Tinutulungan din sila ng isang malaking espirituwal na pamilya, ang kongregasyong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang lugar. “Maligaya na ang buhay namin at hindi kami palaging umaasa sa iba,” ang sabi ni Paqui.
Talagang maraming hamon ang napapaharap sa mga bulag. Pero posible pa ring maging maligaya kapag naharap at napakibagayan ang mga hamong iyon!
^ par. 10 Ang mga Saksi ni Jehova ay naglalathala ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya sa Braille sa mahigit 25 wika.